Chapter 2 -Arrange Marriage

2334 Words
SIXTEEN YEARS AGO Naalimpungatan si Chris nang makarinig nang parang may nabasag na gamit. Inaantok pa siya at gusto pa niyang matulog kaya binalewala niya ang narinig. Muli niyang ipinikit ang mga mata. Ngunit ilang minuto lang ang lumipas ay muli na naman siyang nakarinig ng kakaibang ingay. Parang may nagbabasag talaga ng gamit. Nagmulat siya at pinakiramdaman ang paligid. Nang makarinig siya ng sigaw ay tuluyan na siyang bumangon. Bumaba siya ng kama. Hindi na siya nagbukas ng ilaw dahil kahit paano ay naaaninag niya ang paligid mula sa liwanag na nagmumula sa night lamp. Tinungo niya ang pinto at binuksan iyon. Walang ilaw sa hallway kaya pilit niyang kinakapa sa dingding kung nasaan ang switch. Ngunit bago pa niya mahanap ito, nakarinig siya ng sunod-sunod na kalabog sa baba. Bumilis ang t***k ng puso niya. Pinilit niyang hagilapin ang switch ng ilaw sa hallway. Eksaktong makapa niya ito nang makarinig siya nang mabibilis na hakbang mula sa hagdan. Nang lumiwanag ang paligid ay tumambad sa kanya ang dalawang kalalakihan na nakasuot ng itim mula ulo hanggang paa. Hindi niya sila makilala dahil nakasuot sila ng bonnet. Nang makita siya ng mga ito ay bigla na lang silang tumakbo patungo sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya. Tumakbo siya pabalik ng kanyang kuwarto at ini-lock ito. Nagbukas siya ng ilaw saka umupo sa kanyang kama. “Sino kaya ang mga taong iyon? Bakit sila nandito sa bahay ni lola? Ano’ng ginagawa nila rito?Baka magnanakaw sila,” pabulong niyang saad. Nagulantang na lang si Chris nang makarinig nang malakas na pagkalabog sa pinto. Pilit na binubuksan nang kung sinuman ang pinto ng kuwarto niya. Biglang napatayo si Chris. Saan kaya siya puwedeng magtago? Naisip niyang pumasok sa ilalim ng kama niya. Ngunit naalala niyang madali lang siyang mahahanap doon. Hindi rin puwede sa closet dahil baka maghalughog sila. Napatingin siya sa may bintana. Agad siyang tinungo ang sliding door at binuksan iyon. Nakarating siya sa veranda. May fire exit dito sabi ng lola niya. Habang hinahanap niya ang fire exit ay hindi sinasadyang napatingin siya sa baba. Halos panawan siya ng ulirat nang mapansin niya ang ilang tauhan ng farm na nakahandusay sa damuhan. Lahat sila ay duguan. Nang makarinig siya ng tinig ay nagmamadaling bumaba siya sa bakal na hagdan. Tamang-tama na nakababa siya sa damuhan nang makarinig siya ng putok ng baril. Nag-angat siya ng tingin at bumaling sa kanyang pinanggalingang ikalawang palapag ng bahay. Nakita niya ang isang lalaki na nakatutok ang baril sa kanya. Kumaripas siya ng takbo. Pupunta sana siya ng gate nang mapansin niyang may isang lalaki roon na may hawak na gallon at ibinubuhos ang laman nito sa paligid ng gate. Napilitan siyang tumakbo papunta sa likuran ng bahay. Wala siyang ibang mapuntahan maliban na lang kung akyatin niya ang lagpas taong pader. Pero hindi niya kaya iyon. Ngunit nang makarinig siya ng mga yabag na palapit sa kinaroroonan niya ay mabilis niyang nilinga ang paligid. May puno ng santol na malapit sa isang panig ng bakod na pader. Tumakbo siya papunta roon at pilit na inakyat ang puno. Nang nasa tuktok na siya ay napansin niyang nagliliwanag ang bahay. Napamura siya nang makitang nagsisimula na palang umapoy ang bahay ng lola niya. Napaiyak na lang siya nang maisip na wala siyang magagawa para mailigtas ang mga tao sa bahay na pinanggalingan niya kasama na ang lola niya. Hindi niya kayang panoorin ang nasusunog na bahay kaya lakas-loob siyang tumalon patungo sa kabilang compound . Bumagsak siya sa madamong bahagi ngunit paika-ika pa rin siya habang naglalakad palayo sa pinanggalingan. Hindi niya alam kung sakop pa iyon ng lote ng mga ninuno niya. Ngunit kailangan niyang makalayo. Lakad-takbo ang ginawa niya sa pagitan ng mga puno at matataas na halaman. Tanging ang liwanag ng buwan ang tanglaw niya. Ngunit bigla siyang napasigaw nang tumama ang kanyang ulo sa isang matigas na bagay. Bumagsak siyang nakatihaya. Napahawak siya sa kanyang noo at nakapa niya na may basa rito. Hindi na niya kayang bumangon kaya napatingala na lang siya sa madilim na langit. “Lord, tulungan po ninyo ako,” usal niya bago tuluyang nagdilim ang kanyang paningin. Nagising si Chris nang maramdaman ang marahang pagyugyog sa kanya. “Hoy, gising! Buhay ka pa ba, kuya?” Sa nanlalabong paningin ay naaninag ni Chris ang isang batang babae. “Dito ka lang, kuya. Tatawagin ko si lolo para tulungan ka.” Napangiti si Chris habang tinatanaw ang batang tumatakbo palayo sa kanya. Nang maramdaman niya ang kirot sa ulo niya ay muling siyang napapikit. Nang muli siyang magising ay nasa ospital na siya. May dalawang matanda na nagbabantay sa kanya. In-interview siya ng mga ito. Tinanong kung sino siya at kung ano ang nangyari. Napilitan siyang magkuwento sa kanyang sinapit. “Ikinalulungkot namin ang nangyari. Kapitbahay namin ang lola mo. Pero walang nakaligtas sa naganap na sunog. Mabuti na lang at natagpuan ka ng apo namin. Ipapaalam namin sa mga magulang mo ang nangyari sa iyo,” wika ng matandang lalaki na nagpakilalang si Lolo Amado. Kasama nito ang asawang si Lola Magda. Nang araw rin na iyon ay dumating ang mga magulang ni Chris. Ilang araw pa siyang naglagi sa ospital bago siya nakalabas. Nong paalis na siya sa San Clemente ay dinalaw muna niya ang dalawang matandang kapitbahay na kaibigan pala ng lolo niya. Nadatnan niyang naglalaro ang batang babae na tumulong sa kanya. Sigurado siyang iyon ang batang nakita niya sa gubat kahit pa hindi na niya nakita noong nasa ospital siya. Bawal daw kasi itong pumunta sa ospital dahil limang taong gulang lang ito. Ngayon ay nakaharap na niya ang bata. Hindi ito mukhang limang taon. Mas malaki ang bata sa edad nito. Dark brown ang mahaba nitong buhok. May dimple sa magkabilang pisngi ang bata. Maputi rin ito na parang kakulay ng gatas. Matangos ang maliit nitong ilong. Medyo singkit din ang mga mata nito. Baka may lahing Chinese ang pamilya nila. “Ay! Kuya, nandito ka pala!” masayang bati ng bata nang makita siya nito. Nagmamadaling lumapit ito sa kanya. Lumuhod naman siya para magpantay ang mukha nila. “Hi! Ako si Christian. Ikaw, ano ang pangalan mo?” “Ellie!” masayang sagot ng bata. Hinawakan niya ang kaliwa nitong kamay. “Maraming salamat sa tulong mo, Ellie. Kung hindi dahil sa iyo, baka patay na ako ngayon,” nakangiting saad ni Chris. Ngumiti lang si Ellie saka siya nito niyakap. Eksakto namang nadatnan sila ng mga lolo at lola nito sa ganoong posisyon. “Mabuti naman at nagkakilala na kayo ng apo ko. Madalas ka niyang itanong sa amin,” bungad ni Lolo Amado. Pinakawalan niya si Ellie saka hinarap ang mga matatanda. “Maraming salamat po sa inyo. Utang ko po sa inyo ang buhay ko.” “Walang anuman iyo, iho. Tungkulin namin ang tumulong lalo na sa nangangailangan,” wika ni Lola Magda. Hindi pa rin mapanatag si Chris. Malaking pabor ang ginawa sa kanya ng mga matanda lalo na si Ellie. Parang hindi kayang dalhin ng dibdib niya na basta na lang umalis kahit may pagkakautang pa sa pamilyang ito. “Ano po ang puwede kong gawin para makabayad sa inyong kabutihan?” Nagkatinginan ang matandang mag-asawa. “Hindi kami nagpapabayad sa aming ginawa, iho,” tugon ni Lolo Amado. Napailing si Chris saka siya napatingin kay Ellie. Isang desisyon ang pumaosk sa isip niya. “Kung papayag po kayo, pakakasalan ko si Ellie kapag naging dalaga na siya.” Tumawa si Lolo Amado. “Ilang taon ka na ba, iho at ganyan ka magsalita?” usisa naman ni Lola Magda. “Fourteen na po ako, lola.” Napailing-iling si Lola Magda. “Bahala ka pero hindi mo naman kailangang gawin iyon,” wika nito. “Tama ang asawa ko, iho. Huwag mo nang isipin ang sinasabi mong utang sa amin.” “Pero Lolo Amado ̶ˮ “Sige, kung mapilit ka talaga, bigyan mo kami ng pagkakakilanlan sa iyo ni Ellie. Kapag lumaki na siya at gusto niyang magpakasal sa iyo, hahanapin ka na lang niya.” Napatingin si Chris sa kanyang sarili. Mabilis niyang hinubad ang suot niyang kuwintas. “Bigay po ito ng lola ko. Iiwan ko po kay Ellie para ipakita na lang niya sa akin balang araw kapag nagpasya siyang hanapin ako.” Isinuot ni Chris ang kuwintas kay Ellie. “Thank you, kuya,” matamis ang ngiting wika ni Ellie. Nakangiting ginulo ni Chris ang buhok ng bata. "Sa iyo na rin itong bracelet ko." Ipinakita ni Ellie ang pulseras na suot nito. Gawa ito sa beads at may pendant na silver na letrang D. “I CAN’T marry her, whoever she is, papa,” saad ni Chris. Nagkasalubong ang mga kilay ng papa ni Chris sa sinabi niya. “Why not, iho?” usisa ng mama niya. "Si Ellie ba ang dahilan?" Hindi alam ni Chris kung paano sasagutin ang tanong ng kanyang ina. Hindi niya ipinaalam sa mga magulang niya ang pangako niya noon kay Ellie. Sigurado kasi siya na hindi papayag ang mga magulang niya. Lahat kasi ng mga kasalan na nagaganap sa pamilya nila ay galing sa arrange marriage. Hindi naniniwala ang mga kamag-anak niya mula pa sa kanyang ninuno na ang kasal ay galing sa pagmamahalan ng dalawang nilalang. Puwede naman daw ma-develop ang pagmamahal na iyon kapag nagsasama na ang mag-asawa. Mabuti nga at umabot pa siya ng thirty bago magparamdam ang mga magulang niya tungkol sa pag-aasawa niya. Ang iba niyang mga pinsan nasa twenties pa lang ay inirereto na ng mga magulang nila sa ibang tao. Samantalang siya hinayaan lang ng mga magulang niya. Pero ngayon mukhang hindi na siya makakaiwas pa. “Kalimutan mo na lang si Ellie, iho. Malabo nang magkita pa kayo. Baka matanda ka na kung sakaling magkita kayo.” Ang papa naman niya ang nagsalita. “Hindi lang naman si Ellie ang iniisip ko. Baka hindi rin namin gusto ang isa't isa ng babaeng tinutukoy ninyo, papa.” Dahil ayaw aminin ni Chris ang totoo, ibang dahilan na lang ang sinabi niya, iyong mas malapit sa katotohanan. “That’s nonsense, iho! I’m sure, magugustuhan ninyo ang isa’t isa. Galing sa de-buena familia ang mapapangasawa mo. Besides, guwapo ang kaibigan ko at maganda naman ang napangasawa niya kaya siguradong magaganda rin ang kanilang mga anak.” Napailing si Chris. “Hindi lang naman ganda ng mukha at ng family background ang pinagbabasehan sa pagpapakasal, papa. Kailangan magustuhan din namin ang isa’t isa,” katuwiran niya. “Kung ang tinutukoy mo ay ang pagmamahal, matutuhan ninyo iyon kapag magkasama na kayo sa araw-araw, iho. Hindi imposible iyon dahil ganoon din ang nangyari sa amin ng mama mo at ng iba ko pang mga kapatid at pinsan. Pati na ang lolo at lola mo ay ganoon din ang kapalaran nila.” Napakamot ng kanyang batok si Chris. Mukhang hindi siya mananalo sa katuwiran ng papa niya. Pero paano ba niya matatakasan ang kasal na tinutukoy ng papa niya? “Tama ang papa mo, anak. Kilalanin mo muna ang sinasabi niyang babae bago ka tumanggi. Hindi mo pa nga nakikilala, tumatanggi ka na,” sabad ng mama niya. Napabuntunghininga si Chris. May punto naman ang mama niya. Kaya lang ayaw niyang subukan. Paano kung magustuhan niya iyong babaeng inirereto sa kanya? Paano na si Ellie? Paano pa niya mababayaran ang utang niya rito? “I’M KARA MIA. You are?” “Christian Angelo,” tugon ni Chris saka nakipagkamay sa dalaga. Napilitang siyang pumayag na makipagkita sa babaeng tinutukoy ng papa niya kaya ngayon ay nasa Majesty Restaurant sila at nag-uusap habang nagdi-dinner. “Nice name,” wika nito pagkatapos niyang pakawalan ang kamay nito. Magkatapat silang nakaupo sa dulo ng six-seater na mesa. Busy na nag-uusap ang mga magulang nila kaya wala silang nagawa kung hindi kausapin ang isa’t isa. “Ikaw rin naman,” saad niya. Napabuga ng hangin ang dalaga. “Puwede ba tayong mag-usap?” medyo pabulong na saad ni Kara. Bahagyang natawa si Chris. “Nag-uusap na tayo.” Nilingon muna ni Kara ang mga magulang nila bago ito muling tumingin sa kanya. “I mean, iyong tayong dalawa lang. May importante kasi akong sasabihin sa iyo.” Tumaas ang isang sulok ng labi ni Chris sa sinabi nito. “Okay.” “Thanks.” Binalingan ni Chris ang mga magulang nila. “Please excuse us. Lalabas lang muna kami ni Kara. May pag-uusapan lang kami,” wika ni Chris. “Sure.” “Go ahead. Maiwan muna kami rito.” “Take your time.” Napangiti si Chris sa magkakasunod nilang pagpayag. Tumayo siya at inalalayan si Kara. Pagdating nila sa parking area ay pinasakay niya ito sa kanyang SUV. “Saan mo gustong pumunta?” tanong ni Chris nang umaandar na ang kanyang sasakyan. “Just drive. Dito na lang tayo mag-usap.” Napatango si Chris. “Ano’ng pag-uusapan natin?” tanong niya. “I just want you to know that I don’t want to get married to you. Sina papa at mama lang ang may gusto na magpakasal ako sa iyo.” Napangisi si Chris. Pareho pala sila ng gustong mangyari ni Kara. “So, ano ang gusto mong gawin ko?” “Umatras ka sa kasal. Sabihin mong ayaw mong magpakasal sa akin.” Napailing si Chris. “Ginawa ko na iyan. Pero ayaw pumayag ng parents ko. So, ituloy na lang natin ang kasal tapos maghiwalay tayo after one year.” Marahas na umiling si Kara. “Ayoko talagang magpakasal.” Napatiim-bagang si Chris. Gusto niyang sabihin dito na ayaw din niya sa kasal. Pero hindi papayag ang mga magulang niya lalo na ang kanyang ama na tumanggi siya, maliban na lang kung lumayas siya ng bahay nila. Pero saan naman siya pupunta kapag ginawa niya iyon? Nag-resign na siya sa trabaho niya. May pupuntahan pa ba siya? Ayaw din naman niyang itakwil siya ng mga magulang niya kaya kahit labag sa kanyang kalooban ay kailangan niyang pakasalan si Kara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD