Chapter 3 - Living With Him

1843 Words
“AYUSIN mo iyang mga gamit mo. Pero huwag mong itatabi sa mga damit ko. Ayokong dumidikit ang anumang gamit mo sa mga gamit ko,” seryosong pahayag ni Chris pagpasok pa lang ni Dani sa master bedroom. “Saan dito iyong closet?” mahinahong tanong ni Dani nang lapitan niya ang kanyang mga maleta na nasa isang tabi. Hindi sumagot si Chris. Bagkus, itinuro nito ang pintuan na nasa tapat lang ng kama. Itinulak naman ni Dani ang kanyang mga maleta papunta roon. Muntik pa siyang matumba dahil nakasuot pa siya ng kanyang trahe de boda. Ni hindi man lang siya tinulungan o tinapunan man lang ng tingin ni Chris. Nakaupo lang ito sa gilid ng kama at nag-aalis ng sapatos nito. Pagpasok ni Dani ay tumambad sa kanya ang pintuan patungo ng banyo at sa tabi nito ang walk-in closet. Para siyang pumasok sa department store sa dami ng mga damit na naroon. Kahit yata tatlong buwan na araw-araw magbihis si Chris ay hindi ito mag-uulit ng anumang damit. Samantalang ang mga gamit na dala niya at kahit isama pa ang mga naiwan niya sa bahay nila ay hindi pa mangangalahati sa mga gamit ng asawa niya. Napapailing na lang siya habang nag-aalis ng kanyang suot na trahe. Pagkatapos niyang magbihis ay sinimulan na niyang ayusin ang kanyang mga damit. Pinili niya ang pinasulok na puwesto para paglagyan ng kanyang mga gamit. Siniguro niyang wala ni isa man niyang gamit ang nakatabi sa gamit ni Chris. Paglabas niya ng closet ay narinig niya ang lagaslas ng tubig mula sa banyo. Hihintayin muna niyang matapos ito bago siya maligo kahit pa nangangati na ang kanyang mukha. Hindi kasi siya sanay na nagmi-make up. Bumalik na lang siya sa closet at doon nag-alis ng make up niya gamit ang baby oil. Nang matapos siya ay wala na sa banyo si Chris. Nagmamadali siyang pumasok at naligo. Nakabihis na siya ng pantulog nang bumalik siya sa tulugan nila. “Ayokong katabi kang matulog. Diyan ka sa sofa o sa sahig. Mamili ka na lang basta huwag kang tatabi sa akin.” Nanlaki ang mga mata ni Dani. “May reklamo ka?” nakakunot ang noong tanong ni Chris. Napailing si Dani. Tahimik siyang lumapit sa sofa. Buong buhay niya ay prinsesa kung ituring siya ng mga magulang niya lalo na ang papa niya. Pero sa isang iglap, nagmukha siyang walang kuwenta sa harapan ni Chris. Mabuti na lang at hindi ang ate niya ang napangasawa nito. Malamang mag-iiyak ang ate niya kung hindi man magdadabog. Pero siya, hindi niya gagawin iyon. Baka lalong magalit sa kanya si Chris. Hindi niya ito bibigyan ng dahilan para mag-away sila. Mukha lang palang harmless ang asawa niya pero may itinatago pala itong sungay. Gusto sana niyang sa sahig na lang siya matulog para mas maluwang dahil carpeted naman ang sahig. Pero hindi niya alam kung saan kukuha ng extra beddings. Ayaw naman niyang lumabas para hanapin ang mga maid sa bahay. Mag-aalas-diyes na kasi ng gabi. Baka nagpapahinga na ang mga ito. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa armrest saka siya tumagilid. “Patayin mo iyang ilaw. Hindi ako makatulog kapag maliwanag,” narinig niyang sabi ni Chris. Napilitang bumangon si Dani at pinatay ang ilaw. Hindi siya agad kumilos sa kinatatayuan niya. Nang masanay na ang mga mata niya sa dilim ay saka pa lang siya kumilos at bumalik sa kinhigaan niya. Nang makabalik na siya ay pinilit niyang makatulog pero nangangawit lang ang leeg niya sa armrest kaya ibinaba na lang niya ang kanyang ulo doon na mismo sa upuan. Ilang minuto pa ang lumipas bago niya naramdaman na bumibigat ang kanyang mga mata. Nang magising si Dani ay maliwanag na. Nakalilis na ang kurtina na tumatakip sa mga sliding window. Wala na rin si Chris sa kama. Agad siyang bumangon at dumiretso sa banyo. Naligo muna siya at nagbihis bago siya lumabas ng kuwarto. Naabutan niya si Chris na kumakain na sa dining room. “Good morning!” bati ni Dani bago siya umupo. “Excuse me, ano naman ang maganda sa umaga? At puwede ba lumayo ka nga sa akin. Huwag kang uupo diyan. Doon ka sad ulo.” Itinuro ni Chris ang kabilang dulo ng mesa. Pang-walong tao ang hapag-kainan kaya may kalakihan din ito. Napilitan siyang tumayo at lumipat ng upuan. Sinundan naman siya ng maid at ibinaba nito sa harapan niya ang kanyang plato at kubyertos. Tahimik na kumakain si Chris kaya hindi na rin siya umimik. Pero patingin-tingin siya rito. Ang guwapo nga ng asawa niya pero ang sama naman ng ugali. Baka sa susunod ay hindi na nito gustong makasabay siyang kumain. Wala namang problema iyon sa kanya dahil kaya naman niyang kumain na mag-isa kahit pa awkward tingnan. Naunang natapos si Chris. Nagpunas ito ng bibig saka ito tumayo. “Next time, huwag ka nang sumabay na kumain. Sinisira mo ang araw ko,” sabi ni Chris bago siya nito tinalikuran. Napamaang si Dani. Ni hindi man lang siya nakaimik sa sinabi nito. Iniisip pa lang niya iyon kanina pero ngayon magkakatotoo na. Kagabi lang ay ayaw siya nitong katabi sa kama. Ngayon ayaw na rin nitong kasabay siyang kumain. Baka naman mamayang gabi o kaya bukas ay paalisin na rin siya sa master bedroom. Kapag nangyari iyon ay lalabas na bisita na lang siya sa bahay na ito, pinapakain at pinatutulog ng libre. Baka sasabihan na rin siyang kailangan na niyang tumulong sa mga gawaing bahay. Okay lang iyon sa kanya. Hindi naman siguro siya gagawing katulong ni Chris dahil may mga maid naman sila. Hindi man siya sanay na magtrabaho sa bahay, willing naman siyang matuto dahil may asawa na siya. Kaya pagkatapos niyang kumain ay dinala na niya ang pinagkainan nila ni Chris sa kusina. Nagulat pa ang mga maid nang makita siya. “Naku, ma’am! Kami na po iyan,” bulalas ng maid na sumalubong sa kanya. Kinuha nito ang kanyang dala-dala. “Oo nga, ma’am. Kami na po ang bahala sa mga gawaing bahay. Kayang-kaya na po namin iyon,” segunda ng isa pa. Napangiti si Dani. “Salamat sa inyo. Gusto ko lang namang tumulong. Nakakahiya kasi kay Chris.” Nagkatinginan ang tatlong maid na kasama niya sa kusina. Pagkatapos ay ngumiti ang pinakamatanda sa kanila. “Ma’am, hindi ninyo kailangang tumulong sa amin. Asawa kayo ng amo namin kaya dapat lang na kami ang magtrabaho para sa inyo. Pinapasweldo naman kami nang maayos ni Sir Chris,” paliwanag nito. Hindi na nakipag-argumento pa si Dani. Nagpasalamat na lang siya sa mga ito. Pagkatapos ay bumalik na siya sa master bedroom. May nadatnan siya roon na nag-aayos ng kama. “Good morning po, ma’am,” masayang bati nito sa kanya. “Good morning din po.” “Ako po si Yaya Aurea,” pagpapakilala nito. “Ako po si Danielle Lierinna. Kayo po ba ang nag-alaga kay Chris?” Tumango ang matanda. “Natutuwa akong nakapag-asawa na rin siya. Trenta na kasi siya pero hindi pa nagkaka-nobya kaya nag-aalala na rin ako. Mabuti na lang at naisipan na rin niyang mag-asawa.” Napakurap ng ilang beses si Dani. “Hindi pa po nagka-girlfriend si Chris?” Umiling ang matanda. “Hindi pa po, ma’am. Hindi kayo naniniwala?” Napakagat-labi si Dani. “Ang hirap po kasi na paniwalaan. Napakaguwapo ni Chris kaya siguradong pinagkakaguluhan siya ng babae. Paano’ng nangyari na hindi pa siya nagkaroon ng girlfriend?” “Alam kong mahirap paniwalaan pero iyon ang totoo. May isang babae kasi na gustong-gusto ni Chris. Katunayan nga ay pinangakuan niya ito ng kasal noong bata pa lang sila. Kaya lang hindi na niya nahanap hanggang ngayon. Kung hindi lang siya pinilit ng mga magulang niya ay hindi sana siya magpapakasal. Kaya kung anuman ang pagkakamaling magawa niya sa inyo, sana mapatawad n’yo siya.” Napa-buntunghininga si Dani. Hindi niya alam ang tungkol sa parteng iyon ng pagkatao ni Chris. Malamang galit na galit nga ito sa kanya at siguro pati sa ate niya. “Hayaan po ninyo, yaya, iintindihin ko na lang si Chris. Pareho naman kaming napasubo sa kasal na ito. Siguro alam din ninyo na ang ate ko dapat ang pakakasalan niya. Pero tumakas po kasi si ate kaya ako na ang umako sa iniwan niyang responsibilidad,” paglilinaw ni Dani. “Alam ko po ang bagay na iyan, ma’am. Kaya pinapaalalahanan ko rin si Chris na huwag niyang ibunton ang galit niya sa iyo. Lawakan mo na lang ang pang-unawa mo sa kanya, ma’am.” “Gagawin ko po iyon, yaya.” Akala ni Dani ay madali lang gawin iyon pero nagkamali siya. “ANONG ginagawa mo sa loob? Bakit ang tagal mong lumabas?” matalim ang mga matang tanong ni Chris nang lumabas sa banyo si Dani. “Naligo ako at nagbihis,” tugon ni Dani. “Kanina ka pa ba? Pasensiya na, ha?” Sinimangutan siya ni Chris. “Sa susunod, huwag ka ng gagamit ng banyo kung babagal-bagal ka. Maghanap ka ng ibang banyo! Huwag sa banyo ko!” Napatakip pa si Dani ng kanyang tainga nang bigla na lang isara ni Chris ang pinto ng banyo. Wala na siyang ginawang tama sa lalaking ito. Lahat na lang ng kilos niya ay mali at pangit sa paningin nito. Isang linggo pa lang silang magkasama pero ang dami na nitong sinisita sa kanya. Ayos lang sana iyon kung sinadya niya pero hindi naman. Masyado lang yatang istrikto si Chris. Mas matindi pa sa paghihigpit ng papa niya sa kanyang Ate Kara. Parang ipinaglihi sa sama ng loob ang asawa niya. Hindi kompleto ang araw nito nang hindi siya nito sinisita o kaya pinagagalitan. Daig pa niya ang tinedyer na pasaway kung tratuhin siya nito. Pero binalewala na lang ni Dani iyon. Masungit lang siguro ang asawa niya. Pero baka lalambot din ang kalooban nito kapag nagtagal. Pagkatapos magsuklay ni Dani ay inayos niya ang kanyang suot na damit. Pagkatapos ay nauna na siyang bumaba patungo sa dining room. Naabutan siya ni Chris na tumutulong sa paghahain ng hapunan nila. “Dapat lang na tumulong ka rito dahil hindi ka naman bisita para magpaalaga lang sa mga tao rito. Maraming ginagawa ang mga maid dito kaya dapat matuto kang tumulong at makisama lalo na at hindi ikaw ang nagpapasweldo sa kanila,” wika ni Chris bago ito umupo. Aray ko! Wala man lang preno sa pagsasalita si Chris. Hindi nga yata asawa ang turing nito sa kanya. Hindi rin naman siya itinuturing na bisita. So, ano siya sa bahay na ito? Hindi rin naman siya ang amo dahil hindi siya ang nagbibigay ng sweldo. Hindi rin naman siya mayordoma dahil hindi siya sumusweldo. Ah, baka sampid lang siya, sabit sa buhay ng asawa niya. Kaya siguro galit na galit ito sa kanya dahil wala nga naman siyang maitulong. Haisst! Tama bang pumayag siyang maging kapalit ng ate niya? Parang gusto na niyang pagsisihan ang ginawa niyang pagtulong sa kanyang kapatid. Wala naman yata siyang mapapala sa relasyong ito. Iyong mukha at bulsa lang yata nito ang maganda. Tsk…tsk!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD