Chapter 17 - She's Gone

1902 Words
HINDI NA malaman ni Chris kung paano pa niya hahanapin ang asawa niya. Gulong-gulo ang utak niya kung saan siya magsisimulang maghanap. Naalala niyang may aksidenteng naganap noong gabing pinaalis niya si Dani kaya iyong pinakamalapit na ospital ang kanyang pinuntahan. “Gabi na, ah. Bakit ka pa aalis?” pigil ni Yaya Aurea sa kanya. Kasalukuyan siyang nagbibihis bago siya lumabas ng bahay. Kaninang umaga pa ang suot niyang damit. Pinagpawisan na siya kanina lalo na nang ma-realize ang malaking pagkakamaling nagawa niya sa kanyang mag-ina. “Hindi ako puwedeng magsayang ng oras, yaya. Kailangan kong mahanap si Dani kaagad. Ibabalik ko siya rito sa bahay kapag nahanap ko siya,” paliwanang niya. “Mahahanap mo pa kaya siya? Isang buwan na siyang nakaalis. Hindi mo man lang kasi inalam kung nasa poder ba talaga siya ng mga magulang niya.” Parang may malaking kamay na pumiga sa puso ni Chris nang marinig ang sinabi ng yaya niya. “Kapag wala akong nakuhang impormasyon sa ospital, pupunta ako sa bahay nila. Haharapin ko na ang mga magulang niya. Kung kinakailangan kong humingi ng tulong kina papa at mama, gagawin ko maibalik si Dani dito sa bahay,” pangako niya. “Eh, ang tanong, papayag ba siyang sumama sa iyo?” Marahas na nilingon ni Chris si Yaya Aurea. “Bakit mo naman nasabi iyan, yaya?” Hindi siya makapaniwalang hanggang ngayon ay hindi siya kinakampihan ng yaya niya kapag si Dani ang pinag-uusapan. “Hindi ba’t sinaktan mo iyong tao? Tinutukan mo siya ng baril para lang mapaalis mo siya kasi hindi ka naniniwalang anak mo iyong nasa tiyan niya. Hindi lang iyon, marami ka pang kasalanan sa kanya. Pinaalis mo siya ng kuwarto mo, ayaw mo siyang makasabay na kumain, at ipinakilala mo pa siya sa ibang tao na maid at yaya mo. Ayaw mo rin siyang ipagamot noong nagkasakit siya saka marami pang beses mo siyang ioinahiya. Kapag inipon lahat iyon ni Dani, wala na siyang dahilan para makipagbalikan pa sa iyo.” Napatiim-bagang si Chris sa litanya ng kanyang yaya. May katuwiran ito. Pero hindi puwedeng, tuluyang mawala sa kanya si Dani lalo na at buntis ito sa anak nila. Kung tama rin ang hinala niya, baka ito rin si Ellie na matagal na niyang hinahanap. Nagbubulagan kasi siya at nagtatangahan kaya hindi niya nakita ang mga magagandang bagay na mayroon si Dani. Ang tangi lang niyang pinagtuunan ng pansin ay ang pagkakamali nito kaya ngayon nagsisisi siya sa kanyang nagawang kasalanan dito. “Yaya, huwag mo naman akong i-discourage. Gumagawa na nga ako ng paraan upang mahanap si Dani. Kung hindi niya ako kayang patawarin ngayon, nakahanda akong maghintay gaano man katagal basta makasama ko lang siya.” Totoo iyon sa loob niya. Ngayon lang niya na-realize na napakalaki ng kasalanan niya sa kanyang asawa. Kung nakinig lang sana siya sa mga pangaral ng yaya niya, baka hindi nangyari sa kanila ito ni Dani. Pinandilatan siya ni Yaya Aurea. “Laging nasa huli talaga ang pagsisisi, ano? Kung hindi pa nakaalis si Dani, hindi mo malalaman kung ano ang halaga niya sa buhay mo,” pangongonsensiya ng matanda sa kanya. “Oo na, yaya. Inaamin ko na ako ang may kasalanan sa lahat. Kaya tigilan na rin ninyo ako sa pangongonsensiya ninyo. Magbabagong-buhay na talaga ako.” Napabuntunghininga si Yaya Aurea. “O, sige na. Umalis ka na. Baka sakaling may maganda ngang mangyari sa lakad mo,” wika nito. “Salamat po, yaya.” Niyakap pa niya ang matanda bago siya lumabas ng kuwarto niya. Halos paliparin ni Chris ang kanyang SUV para lang makarating sa Great Healer Medical Center. Bago lang ang ospital na iyon. Wala pa itong tatlong taon. Hindi niya kilala kung sino ang may-ari ng ospital. Pero natitiyak niyang maganda rin ang pasilidad at serbisyo rito kagaya ng Mt. Carmel Medical City na pagmamay-ari ng pamilya ni Kentt. Sa information siya agad dumiretso pagdating niya roon. “Miss, I’m Mr. Christian Angelo Galvez. Can I ask some questions?” magalang niyang tanong sa nurse na naroon. Matamis namang ngumiti ang nurse sa kanya. “Ano po iyon, sir?” “May poasyente ba kayo na dinala rito last month? Babae siya at buntis. Nasangkot siya sa isang car accident kaya dinala dito sa ospital. Ang pangalan niya ay Danielle Lierinna Devilla-Galvez,” kinakabahang tanong niya. “Pakisulat po ang buo niyang pangalan dito, sir.” Binigyan siya ng papael at ballpen ng nurse. Mabilis naman niyang isinulat ang pangalan ng asawa niya. “Ano pong date iyon, sir?” muling tanong ng nurse. Napakurap si Chris. Hindi na niya maalala ang eksaktong araw nang paalisin niya si Dani. “Hindi ako sure kung anong araw iyon. Pero first week last month nangyari iyong aksidente.” Tumangi lang ang nurse. Itinutok nito ang tingin sa desk top na nasa harapan nito. Biglang may naalala si Chris kaya inilabas niya ang kanyang cellphone. Nakalkal siya sa kanyang gallery. Nang makakita siya ng picture nila ni Dani ay ipinakita niya ito sa nurse. “Miss, ito ang picture ng asawa ko. Baka natatandaan mo siya?” Tinitigan naman ng nurse ang picture. “Hindi pamilyar ang mukha niya sa akin, sir. Pero i-check ko po sa database namin iyong pangalan na binanggit ninyo,” sagot nito. “Okay.” Ilang minuto pa ang lumipas bago muling nag-angat ng tingin ang nurse. “Sir, may pasyente nga po kaming na-confine dito na ang pangalan ay iyong sinabi ninyo. Pero sorry po kasi wala na siya,” malungkot na saad ng nurse. “Ano’ng wala na siya? Na-discharge na siya? Sinong kasama niya noong lumabas siya?” Napakagat-labi ang nurse. “Sir, matagal na pong na-discharge si ma’am. Pero ikinalulungkot ko po na hindi siya naka-survive pati na rin ang bata sa tiyan niya.” “A-Ano’ng s-sinasabi mo?” “Sorry, sir. Namatay po si ma’am habang inooperahan.” Parang nabingi si Chris sa kanyang narinig. Nangatog ang mga tuhod niya. Kung hindi lang siya nakakapit sa counter ng information desk ay baka bumagsak siya sa sahig. “Sabihin mong nagbibiro ka lang!” halos pasigaw niyang sabi sa nurse. Marahas na umiling ang nurse. “Hindi po, sir. Nandito po sa records ang sinasabi ko.” Napatakip ng kanyang bibig si Chris para mapigilan ang sariling sumigaw at magwala. Nanghihinang napakapit siya nang mahigpit sa counter. “Kung totoo ang sinasabi mo, n-nasaan ang…b-bangkay niya?” Muling binalingan ng nurse ang computer sa harapan nito. Hindi pa rin siya makapaniwala sa kanyang narinig. Hangga’t hindi niya nakikita ang bangkay ng asawa niya ay hindi siya maniniwalang patay na nga ito. “Sir, iyong matandang mag-asawa na nagdala sa kanya rito ay siya ring nagbayad ng hospital bill ma’am. Sila rin po ang kumuha ng bangkay niya para maipalibing. Ilang araw na po kasi iyong bangkay ni ma’am sa morgue pero walang nagpupunta rito na kamag-anak niya. Kayo pa lang po ang naghanap sa kanya ngayon.” Pakiwari ni Chris ang umikot ang kanyang paligid. Hindi niya namalayan kung ano ang nangyari dahil biglang dumilim ang paningin niya. Nang magkamalay si Chris ay nasa kama na siya. Nanaginip lang ba siya o totoong nangyari ang lahat? Napatingin siya sa suot niyang damit. Nakasuot siya ng ternong pajama niya. Nang mapatingin siya sa wall clock ay alas-singko na ng madaling araw. Nalilitong bumangon siya. Nasa tapat na siya ng pintuan nang bigla itong bumukas. “Ay! Gising ka na pala! Akala ko natutulog ka pa,” bati ni Yaya Aurea sa kanya. May dala itong tray na ang laman ay mukhang pagkain. “Yaya, nasaan po si Dani?” nag-aalangang tanong niya. Hinarap siya ng matanda pagkatapos nitong ibaba sa side table ang dala nitong tray. “Si Dani? Bakit mo siya sa akin hinahanap? Akala ko ba kaya ka nagpunta sa ospital ay para hanapin siya. Mabuti nga at naisip kong sundan ka namin ni Pekto. Naabutan ka naming pinagkakaguluhan ng mga nurse at doktor sa emergency room. Nang masiguro ng doktor na okay ka naman ay pumayag na siyang maiuwi ka rin namin kagabi.” Nanlulumong napaupo sa gilid ng kama si Chris. Hindi pala siya nananaginip. Totoo pala ang lahat nang nangyari at narinig niya kagabi. Ilang beses siyang naihilamos ang kanyang mga palad sa mukha niya. Sana hindi na lang siya nagising kung wala na pala siyang dapat pang balikan sa buhay niya. Wala na ang anak nila ni dani. Wala na rin pati ang asawa niya. Wala na rin si ellie na hinihintay niyang lumaki para matupad niya ang kanyang pangako. Ano pa ang gagawin niya ngayon sa buhay niya? “Uy! Ano’ng nangyari sa lakad mo? May balita ka kay Dani?” Marahas siyang umiling. “Wala na siya, yaya. Wala na ang mag-ina ko. Patay na sila,” wika niya kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha. Tumayo siya at pinagsusuntok ang dingding habang sumisigaw siya nang malakas. “Tama na, iho! Tama na!” awat ni Yaya Aurea. Ngunit kahit anong awat sa kanya ng yaya niya ay hindi siya tumigil. Patuloy siya sa pagsuntok sa matigas na pader. Hindi niya maramdaman ang sakit sa mga kamao niya. Mas masakit pa rin ang sugat sa puso niya. Tumigil lang siya nang maramdaman niyang may humila sa kanya. Si Mang Pekto pala iyon. Napansin din niyang nagkumpulan ang mga maid sa kuwarto niya. Naghi-histerikal naman ang yaya niya nang makita nitong tumutulo na ang dugo mula sa mga kamao niya. Nagmamadaling pinunasan ng matanda ang mga dugong tumulo pagkatapos ay ginamot siya nito. “Dadalhin ka namin sa ospital ni Pekto para mabigyan ka nila ng tamang gamot. Baka may kailangan na ring tahini dito sa sugat mo. O kaya may nabali ka ng buto,” ani Yaya Aurea habang binebendahan nito ang kamao niya. “Huwag na po, yaya. Okay lang kahit hindi na ako gumaling para mas mabilis akong mamatay. Gusto ko nang makasama ang mag-ina ko,” walang gana niyang sabi. “Ano ba naman iyan, Chris? Huwag kang magsalita ng ganyan! Kailangan ka pa ng mga magulang mo at ng kompanya ninyo. Bakit gusto mo nang mamatay?” Napangiti siya nang mapait. “Ano namang silbi ng buhay ko ngayon? Wala na ang mag-ina ko. At kung si Ellie at Dani ay iisang tao, wala na rin akong dapat pang hintayin o hanapin.” “Paano kung hindi naman si Dani ang Ellie na hinahanap mo?” ganting tanong ng yaya niya. Napaismid si Chris. “Kung hindi siya si Ellie, paano napunta sa kanya ang kuwintas na iniwan ko noon sa batang nagligtas sa akin?” Hindi makasagot ang yaya niya. Malungkot lang itong napatingin sa kanya. “Pero kahit wala na ang asawa mo, kailangan mong ipagpatuloy ang iyong buhay. Malay mo may ibang babae na inilaan ang Diyos para sa iyo. Baka dumating lang si Dani sa buhay mo para maturuan ka ng leksiyon sa tamang pagtrato sa mga babae. Kung hindi pa siya nawala, hindi mo maiisip kung paano pahalagahan ang mga tao sa iyong paligid.” Hindi umimik si Chris. Tama ang yaya niya. May malaking bagay na itinuro sa kanya si Dani dahil sa pag-alis nito. Kung hindi pa ito umalis baka hanggang ngayon sinasaktan pa rin niya ang babaeng dapat pala niyang pinahalagahan noon pa. Kung makapagbiro nga naman ang tadhana. Masakit sa dibdib at isip ang biro nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD