“SAAN KA pupunta?” Napalingon si Chris sa likuran niya. Nakatayo si Yaya Aurea sa may pintuan ng kuwarto niya.
“Pupuntahan ko po iyong mag-asawang sinasabi ng nurse na nakausap ko sa ospital. Sila raw ang nagpalibing sa asawa ko,” tugon niya.
“Huh? Pasasamahan kita kay Pekto.”
“Huwag na, yaya. Kaya ko na ito. Hindi na ako hihimatayin.”
Umiling ang yaya niya. “Hindi mo pa kayang mag-drive. Hindi pa gaanong magaling ang sugat mo.”
Dalawang linggo pa lang kasi ang lumipas mula noong pagsusuntukin niya iyong pader sa kuwarto niya. Magmula noon ay hatid-sundo siya ni Mang Pekto dahil pinagbawalan siyang magmaneho ng doktor niya. Muntik na raw kasing may mabali sa mga buto sa kamay niya. Sinemento nga ito at kahapon lang inalis.
“Mag-iingat naman po ako. Saka babalik din ako agad pagkatapos ko silang kausapin,” pagpupumilit ni Chris.
“Hindi pa rin ako papayag. Mas mabuti na iyong nag-iingat tayo. Baka lumala pa iyang sugat mo kung pipilitin mong magmaneho. Tatawagin ko na si Pekto at hihintayin ka na lang niya sa labas.”
Tinalikuran na siya ni Yaya Aurea bago pa man siya makapag-protesta. Wala nang nagawa pa si Chris kung hindi sumunod na lang sa gusto ng yaya niya.
Nagpahatid siya sa isang exclusive subdivision na tanging mga kilalang tao lang ang nakatira roon. Tiningnan niyang mabuti ang papel kung saan nakasulat ang pangalan ng mag-asawa. May numero pa sila roon bukod sa kanilang address.
Tinawagan niya iyong numero kahapon. Iyong PA ng matndang lalaki ang nakausap niya at sinabihan siyang hihintayin siya ng mag-asawa sa bahay nila kinabukasan.
Tama naman ang nakasulat na address. Minsan na siyang nakapasok sa subdivision na ito. Iyon ay noong may okasyon sa pamilya ni Phoenix. Inimbitahan siya nito kasama ang iba pa nilang kaibigan kaya siya nakarating dito.
Huminto ang sasakyan niya sa tapat ng isang mataas na bahay. Lagpas tao na ang gate nito ngunit mas mataas pa rin ang bahay na nakikita niya sa loob. Nakipag-usap muna ang driver niya sa mga guwardiya bago nila binuksan ang gate. Mula sa gate ay mahaba pa ang driveway na dadaanan nila bago sila makarating sa mismong bahay. Pero mukhang hindi bahay ang pupuntahan niya. Mas mukhang mansyon ito. Halos kasinlaki rin ng bahay ng mga magulang niya.
“Good morning, sir!” bati ng mga maid na sumalubong sa kanila pagbaba nila ng sasakyan.
“Good morning! Gusto ko sanang makausap si Mr. Januario Bautista,” sabi niya sa maid.
“Ano po ang pangalan ninyo, sir?”
“Christian Angelo Galvez,” sagot ni Chris.
“Sige po, sir. Pasok na po kayo.” Iminuwestra ng maid ang pintuan. Nauna naman ang kasama nito na nagbukas sa pinto.
Pagpasok niya sa loob ay sinalubong siya ng malamig na hangin. Napansin niyang centralized pala ang aircon sa buong bahay. Hindi katulad sa bahay ng mga magulang niya na binubuksan lang ang aircon pagdating ng tanghali. Samantalang itong bahay na nadatnan nila ay bukas na ang mga aircon gayong alas-nueve pa lang ng umaga.
“Sir, halina po kayo. Hinihintay po kayo ni Don Januario sa opisina niya,” wika ng maid na nadatnan niya sa loob ng bahay.
Sinundan naman niya ito. Huminto sila sa tapat ng nakasaradong pinto. Kumatok ang maid pagkatapos ay pinihit nito ang pinto.
“Pumasok na po kayo sa loob, sir,” saad ng maid.
Tinanguan niya ito at nagpasalamat siya bago pumasok sa loob.
Nadatnan niya sa loob ang dalawang matanda na parehong nakaupo sa sofa. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa nineties na ang dalawa. Puti na ang lahat ng buhok nila at kulubot na rin ang mga mukha.
“Good morning, sir, ma’am,” bati niya nang makalapit siya sa mga ito.
“Good morning, iho!” bati rin ng matandang babae samantalang ang kasama nitong lalaki ay tinanguan lang siya.
“Mr. Galvez, maupo ka rito,” sabi ng matandang lalaki.
“Thank you, sir.” Umupo siya sa katapat nilang sofa.
“Ako si Don Januario Bautista. Siya naman ang asawa ko si Doña Beatriz,” pagpapakilala ng matandang lalaki.
“Ako po si Christian Angelo Galvez.” Inilahad niya ang kanyang kamay na tinanggap naman ng mag-asawa.
“Ano ang kailangan mo at naparito ka?” Biglang sumeryoso si Don Januario na kanina lang ay nakangiti pa sa kanya.
“Tungkol po sa asawa ko ang ipinunta ko rito,” magalang niyang sagot.
Nagkatinginan ang mag-asawa. “Sino'ng asawa ang tinutukoy mo?”
“Si Danielle Lierinna Devilla po. Ang sabi sa akin sa Great Healer Medical Center, kayo raw po ang nagdala sa asawa ko sa ospital. Kayo rin ang nagbayad ng bill niya at naglabas sa..b-bangkay niya.” Halos hindi masabi ni Chris ang buling salitang binitiwan niya.
Napa-buntunghininga si Don Januario. “Gusto ko lang malaman mo na hindi kami ang nakabangga sa asawa mo. Natagpuan lang namin siya sa gilid ng kalsada at nagmagandang-loob kaming dalhin siya sa pinakamalapit na ospital. Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi nailigtas ang bata sa tiyan niya. Patay na ang bata nang makarating kami sa ospital. Samantalang ang asawa mo naman ay pumanaw ilang oras matapos siyang maoperahan. Ikinalulungkot namin ang nangyari. Ang sabi ng doktor ay masyadong maramig dugo ang nawala sa kanya at natamaan din ang ilang internal organs niya. Maaring hindi ka maniwal sa kuwento ko. Pero iniwan niya sa amin ang kanyang suot na singsing at hiniling niyang sana ay maibalik namin sa iyo ito.”
Hindi nakaimik si Chris sa kanyang narinig lalo na nang may ilapag si Doña Beatriz sa center table sa mismong harapan niya.
Kusang pumatak ang mga luha niya nang damputin niya ang pamilyar na singsing. Naka-engrave sa loob ng singsing ang buong pangalan niya kaya hindi iyon basta mapapakinabangan ng iba.
Ibinulsa niya ang singsing sa suot niyang polo. “Nasaan na po ang katawan ng asawa ko? Kinuha raw po ninyo iyon sa morgue.”
Naging malamlam ang mukha ng mag-asawa. “Hindi sana namin kukunin ang bangkay niya. Hahayaan na lang sana namin sa morgue. Pero nalaman namin na walang nagpupunta sa ospital na kamag-anak niya sa nakalipas na isang linggo kaya nagpasya na kaming ilabas siya para maipalibing nang maayos kasama na ang batang nasa tiyan niya. “
“Bakit gano’n? Hindi ba niya nasabi kung sino ang mga magulang niya? Hindi ba niya nabanggit ang pangalan ko sa inyo? Hindi ninyo lang ba sinubukang ipaalam sa amin ang nangyari sa kanya?” himutok ni Chris.
“Wala siyang binanggit tungkol sa iyo o sa mga magulang niya. Basta ang sabi lang niya dalhin namin sa Santillan Jewels ang singsing dahil alam ng shop kung sino ang bumili at nagbigay ng singsing niya. Ipinaalam din namin sa mga pulis ang nangyari sa kanya sa pagbabakasakaling mahanap nila kayo dahil walang pagkakakilanlan sa kanya maliban sa pangalan na sinabi niya. Ni hindi nga niya nabanggit ang apelyido niya. Pero mukhang wala namang nangyari. Ngayon pa lang may naghanap sa kanya at ikaw lang iyon.”
Walang masabi si Chris sa kanyang narinig. Hanggang sa huling sandali ni Dani ay hindi nito gusto na malaman niya ang nagyari sa kanyang asawa. Kahit ang sarili nitong magulang ay ayaw nitong ipaalam ang sinapit na disgrasya. Ano ba ang nasa isip ng asawa niya noong oras na iyon?
Pagkatapos ng pag-uusap nila ay sinamahan siya ng mag-asawa sa memorial park kung saan nakalibing ang mag-ina niya.
“Mas makakabubuti na hayaan mo nang nakalibing riyan ang mag-ina mo. Huwag mo na silang gambalahin pa. Dalawin mo na lang sila rito lagi. Hindi mo na rin makikita ang bangkay niya dahil ipina-cremate namin siya ayon sa kanyang kahilingan,” paliwanag ni Don Januario nang dalhin siya ng mag-asawa sa libingan ni Dani at ng anak nila.
Nang makaalis ang mag-asawa ay nagpaiwan pa si Chris. Dire-diretsong umaagos ang mga luha niya habang nakatunghay sa lapida ng mag-ina niya.
“I’m sorry, baby. Sorry sa inyo ng mommy mo. Alam kong kasalanan ko ang lahat ng ito, Dani. Sana mapatawad mo ako. Kung maibabalik ko lang ang panahon ay babaguhin ko ang lahat ng naging desisyon ko.Sana hinintay mo man lang ako para napagbayaran ko sana ang mga kasalanan ko sa iyo,” umiiyak niyang sabi sa puntod ng kanyang mag-ina.
Nang magsimulang pumatak ang ulan ay lalong lumakas ang pag-iyak ni Chris. Napasigaw pa siya kasunod ng malakas na kulog at kidlat. Pinarurusahan na yata siya ng langit dahil sa mga kasalanang nagawa niya sa kanyang asawa at anak.