15 - Worry

1935 Words
TINAPIK siya ni Gobernador Gael sa kaniyang balikat nang sila na lamang at ang apat na bodyguards nito ang naroon sa sitting room. Pinagdikdik niya ang kaniyang manipis na labi upang pawiin ang pamamasa ng kaniyang mata. Gusto niyang mainis sa sarili dahil hindi naman siya dating ganito, pero dahil kay Eric ay nakadarama siya ng kahinaang-loob. "Nalulungkot ako para kay Eric," malumanay na sabi ni Gobernador Gael habang maingat siyang hinahaplos sa kaniyang likod. "At sana ipagpaumanhin mo kung nakikisimpatya sa kaniya ang kalooban ko. Ayaw kong ikubli o ipagkaila sa iyo ang totoo sa loob ko na nadarama ko ang kaniyang nararamdaman. Hindi ko sinasabing baliin mo ang ating pinag-usapan ngunit, Emery, gusto ko lamang malaman mo't maintindihan, totoong masakit ang maiwan..." mababakas sa mukha ito ang tunay na nasa sa loob. Hindi siya nagsalita, kaya naman sandaling natahimik ang pagitan nila. "Mabuti nakauwi ka ng mas maaga," kapagkuwan ay sabi niya imbes na magbigay ng komento sa mga sinabi nito. Marahan itong tumango. "Ang sabi ko sa doktor, mabuti na rin naman ang pakiramdam ko kaya pauwiin na niya ako ng maaga. Inaalala ko kayong dalawa ni Gray, alam kong sutil at pilyo ang aking anak kaya naman nag-aalala ako na baka kung ano'ng maisipan niya at pagtripan ka, tapos ay patulan mo siya. Gulo ang kasunod niyon, hindi ba?" napapangiting wika nito. Wala sa loob na pasinghap siyang napangiti ng manipis. Ano ba'ng tingin nito sa kanila ni Gray, mga bata? Kagaya rin ito ng kaniyang ama, kahit sa ganitong edad niya ay itinuturing pa rin siyang parang batang paslit. "Sumunod ka na sa komedor para sa almusal," kapagkuwan ay turan nito. Inalis ang palad sa likod niya at lumakad palabas sa sitting room. Napasunod siya ng tingin dito habang napapaisip sa mga unang sinabi nito. *** INILAPAT ni Gray ang dahon ng pintuan sa kaniyang silid nang siya'y makapasok doon. Nang i-angat niya ang kaniyang tingin ay bahagya siyang natigilan nang makita si Dra Kayleigh na kalalabas lang buhat sa bathroom. Suot na nito ang sariling kasuotan at mukhang handa na sa pag-alis. "Aalis na ako," sabi nito sa medyo namalat pang tono kaya napatikhim pa. "Salamat sa. . .alamo na." Tumango siya bago iniiwas ang tingin dito kasabay ang pagbuntong-hininga. Napakunot ang noo nito at hinagod siya ng nag-aanalisang tingin. "Okay ka lang ba?" tanong nito sa kaniya na sinabayan ng paghakbang palapit. Umiling siya bago muling tumingin dito. "Medyo, nai-stress lang ako sa step-mom ko," wika niya na ikinakunot mismo ng kaniyang noo. Bakit ba ang daldal niya? Huminto ito sa paghakbang na wari'y napaisip. "Kay Emerald?" tila paniniyak pa nito. Hindi siya tumugon. Ito naman ang napabuntong-hininga. "Sa totoo lang, pamilyar talaga sa akin ang iyong madrasta at kakatwang habang nasa bathroom ako ay saka ko biglang naalala na, nakita ko na siya dati." Napakunot ang noo niya. Sinasabi ba nito na kilala nito ang kaniyang madrasta? "Naging patient ni Martin ang parents niya at—" naputol ito sa pagsasalita nang marinig nila ang mga katok sa pintuan kasunod ang pagbukas niyon. "Gray," tawag sa kaniya ng ama na kaagad natigilan nang mapadako kay Dra. Kayleigh ang mga mata. Talento talaga marahil ng kaniyang ama ang magkunwari pagdating sa mga ganitong sitwasyon. Gumuhit ito ng ngiti sa labi para kay doktora na noon ay kaagad namang ngumiti para sa kaniyang ama. "Good morning," tila nahihiyang bati pa ng doktora sa ama niya. "Good morning, hija," ganting bati ng kaniyang ama bago dinala ang paningin sa kaniya. "Halina kayo sa komedor," tapos ay pag-aaya nito sa kanila. "Ah, sandali. Nakalimutan ko pala sa bathroom 'yong ponytail ko," pagpapaalam ng doktora at kaagad na pumihit pabalik doon. "Who's that girl?" tanong kaagad ng ama niya habang nakaarko ang mga kilay. Hindi siya sumagot. "Mag-uusap tayo mamaya tungkol dito," wika nito, pigil ang inis sa tono. "Mag-almusal ka na't asikasuhin ang sarili mo, pupunta tayo sa provincial hall mamaya," tapos ay pabatla nito sa kaniya. "Hindi ako sasama, kailangan kong ihatid sa lungsod si Doktora," tanggi niya sa ama. "Kailangan mong sumama—" "Daddy," putol niya rito. "hindi na ako batang kailangan mong diktahan sa mga dapat kong gawin." Kapwa sila natigilan matapos ang sinabi niyang iyan. Ilang taon na ba siya? Ah, secret na muna basta hindi pa siya nabibilang sa mga senior citizens. Ito ang unang pagkakataon na ginanito niya ang kaniyang ama at masasabi niyang hindi pala magaan sa pakiramdam ang umasta ng ganito sa harapan ng magulang. Sa edad niyang iyan ay naging masunurin siyang anak dito, bagay na hindi naman niya pinagsisihan lalo pa at sa kabila ng lahat ay hindi naman nito sinaklawan lahat ng mga pagdi-desisyon niya sa buhay. Malalim ang naging pagbuntong-hininga nito at pasimpleng napatingin sa direksiyon ng bathroom nang marinig ang pagkabig ni Dra. Kayleigh sa dahon ng pintuan matapos lumabas buhat doon. "Sana bukas ay may oras ka para kausapin ako kaugnay sa mahalagang bagay," mahinahong sabi nito. "Lumuwas ka kung iyan ang nais mo, ngunit isama mo si Emery." Sabay talikod sa kaniya, 'ni hindi man lang hinintay ang pagsang-ayon niya. 'Sure,' sa isip niya. Wala naman siyang planong magmatigas lalo pa't magandang pagkakataon iyan para kaniyang kuwestiyunin ang madrasta niya tungkol sa mga nasaksihan at nadinig niya kanina. *** KAPWA walang imik sila Emerald at Gray habang magkatabing nakaupo sa unahan ng sasakyan. Kanina habang nagbibiyahe sila paluwas sa lungsod upang ihatid si Dra. Kyaleigh ay halos walang magsalita sa kanila. Tapos ngayong sila na lang ni Gray sa loob ng sasakyan pabalik sa Quezon ay tuluyan ng nilukuban ng nakabibinging katahimikan ang kanilang pagitan. Ayaw sana niyang sumama rito dahil pagkatapos ng nangyari sa labas ng pintuan ng silid nito ay nakadarama siya ng labis na pagkailang ngunit, nakiusap sa kaniya si Gob. Kung tutuusin ay maaari naman siyang tumanggi sapagkat wala naman iyon sa kanilang kasunduan subalit, may bahagi ng kaniyang pagkatao ang para bang nasisiyahan kapag malapit lamang sa kaniya ang presensiya ni Gray, at ang pakiramdam na iyan ay hindi nagsimula sa kapilyuhang ipinakita nito sa kaniya. Tumakbo pa ng malayo ang sasakyan nito bago walang imik na inihinto sa gilid ng kalsada. Tumanaw siya sa labas ng kotse upang alamin kung nasaan na ba sila. Nakalampas na sila noon sa nakahihilong zigzag road sa Antipolo Rizal at ngayon ay heto malapit na pala sila sa boundary ng Siniluan, Laguna. Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito kaya naman hindi niya napigil ang sariling ito'y tingnan. Nakita niyang nakatulala ito sa labas ng windscreen at mukhang malalim ang iniisip. "Gusto mo bang ako na lang ang mag-drive?" malumanay niyang tanong sa binata. Gusto niyang isipin na napapagod na itong magmaneho kaya ito ganito. Hindi ito nagsalita pero tumingin sa kaniya, matiim ang titig nito kaya naman hindi niya napigil ang mapalunok ng lihim. Pagkuwa'y kumilos ito at inalis ang seatbelt nito bago bumaba sa kotse. Napabuga siya ng hangin at napapailing habang tinatanaw ang pagligid nito sa unahan ng sasakyan. Kumilos na rin siya at inalis ang kaniyang seatbelt. Akmang bubuksan na niya ang pintuan ngunit naunahan siya ni Gray na buksan iyon. 'Wow! Gentleman,' sa loob-loob niya. Kumilos siya at bumaba ngunit agad na natigilan nang bigla ay may i-abot ito sa kaniya. Napatitig siya roon. "Ano'ng gagawin ko r'yan?" tanong niya sabay tingin sa mukha nito. "Pakibilihan ako ng tropicano," utos nito. Napakunot-noo siya. "Tropicano?" "Oo, basta bilihan mo na ako!" yamot na utos nito saka hinawakan ang kamay niya at inilagay roon ang wallet nito na siyang iniaabot nito sa kaniya. Kumilos ito at sumakay sa kotse tapos ay naupo na sa inupuan niya bago inilapat ang ulo sa head rest at ipinikit ang mga mata. Napapikit siya sa inis dito habang pinipiga ang wallet nito sa kamay niya. Nang imulat niya ang mga mata ay pinukol niya ito ng masamang tingin ngunit agad ding naging kalmado ang titig niya rito. Mataman niya itong hinagod ng tingin sa kabuuan ng mukha nito habang nakapikit ang mga mata nitong may malalantik na pilik-mata. Kamukhang-kamukha ito ng ama nito, halos walang pinagkaiba maging ang pungos ng mukha. "Huwag mo 'kong titigan," wika nito na nagpakurap at nagpalunok sa kaniya. Malakas pala ang pakiramdam nito, nahuli siya nitong nakatitig dito kahit pa nga nakapikit naman ang mga mata. "Lumakad ka na kase nauuhaw na ako, baka hindi ako makapagpigil at katas mo ang inumin ko," pilyong turan pa nito habang nananatiling nakapikit ang mga mata. Napaangat ang mga kilay niya dahil sa huling sinabi nito, hindi na lang siya nagsalita upang patulan pa ito. Tiningnan niya ang wallet nito na kaniyang hawak bago tumingin sa kabilang kalsada kung saan naroon ang convenience store. Isinuksok niya sa kaniyang bulsa ang wallet nito tapos ay nagmadali siyang tumawid sa kalsada at pumasok sa store. Sa hilira agad ng mga drinks siya pumunta para hanapin ang tropicano na sinasabi nito. "Buwisit na lalaking iyon, ginawa pa talaga akong utusan!" inis na gumod niya sa sarili habang hinahanap ang drinks sa display fridges na naroon. Napatitig siya sa hanay ng mga tropicana roon. Napabuntong-hininga siya at napapikit sa inis kay Gray. 'Ang corny ng joke niya,' sa loob-loob niya. Nasa ganiyang ayos siya nang makaulinig ng tila ingay ng nabasag na salamin at ingay ng mga nagsisisigawang tao sa labas ng store. Awtomatiko siyang napahakbang at nilampasan ang mga display racks doon upang makatanaw sa labas ng glass wall. Kaagad na tumambol ang kaniyang dibdib nang makita ang mga taong nagkakagulo sa labas ngunit, tila tinamaan siya ng malakas na kulog nang makita ang ayos ng sasakyan ni Gray sa kinaroroonan niyon. Basag ang car window sa side kung saan niya iniwanang nakaupo ang binata kanina. Pakiwari niya ay nanlaki ang kaniyang ulo at agad na napatakbo palabas sa store. "Gray!!!" napaluhang sigaw niya sa nanginginig na boses habang patakbong tumatawid sa kalsada palapit sa kotse nito. Parang sasabog siya habang papalapit doon lalo na nang makita ang basyo ng bala ng baril ilang hakbang lamang ang layo buhat sa sasakyan ng binata. Mukhang naka-silencer ang nagpaputok ng baril dahil hindi niya iyon narinig. "Gray!?" tawag niya ulit dito nang makalapit sa kotse sabay dungaw sa loob niyon. Wala ito sa loob ng sasakyan ngunit nanikip ang dibdib niya nang makita ang sariwang dugong nakakakalat doon. Nakita niyang nakabukas ang pintuan ng kotse ni Gray sa driver seat. 'Ano'ng nangyari, nasaan siya!?' tanong niya sa isip. Luminga siya sa paligid habang hinuhulaan kung nasaan ito. Parang pinipigilan sa pagtibok ang kaniyang puso dahil sa abot-langit na pag-aalala para sa binata. "Gray!!!" tila hinihingal na sigaw niya sa pangalan nito. Lumakad siya patungo sa direksiyong walang katiyakan kung doon ba ito matatagpuan. Nakita niya ang dalawang lalaki na nakuha pang mag-usyuso sa gilid ng kalsada 'di kalayuan sa kinaroroonan ng kotse ni Gray. Kaagad siyang lumapit sa mga ito. "Kuya, nakita n'yo ba ang lalaking sakay ng kotseng iyon?" napaiyak na tanong niya sa isa sa mga ito, mas nanginig pa nga ang boses. "Doon po tumakbo," tugon ng tinanong niya sabay turo sa ibang direksiyon. Tumingin siya roon bago muling tiningnan ang kausap. "Kuya please, paki-dial naman po ng 117 para sa tulong salamat," nagmamadaling sabi niya bago patakbong tinugpa ang direksiyong itinuro ng mga ito. "Miss, huwag ka ng sumunod delikado!" narinig niyang sigaw ng isang ale roon sa tindahan ng prutasan sa gilid ng kalsada. "Tumawag na kami ng pulis." Hindi. Hindi niya kayang maghintay sa responde ng mga pulis, kaya naman nagpatuloy siya sa pagtakbo habang isinisigaw ang pangalan ng binata. "Gray!" paulit-ulit, pakiwari niya ay mawawala siya sa katinuan dahil sa masidhing pag-aalala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD