Eight

1858 Words
Patungo ang lahat sa basketball court. Kahit ako na gusto sanang sa likod na lang ng school tumambay ay napilitan. May sasabihin daw ang principal at ilang guro. Friday na, bukas ay pahinga. Malapit na ring mag-uwian pero dahil nga may meeting ay sumaglit muna kami rito. Pagpasok sa loob ay kanya-kanya na kaming pwesto. Katabi ko si Maya at Louise. Parang nagkasundo ang lahat na kung saan ang mga kaklase ay roon rin sila. Or sadyang ganito talaga ang set up. "Good afternoon, students." Si Principal Cross ang may hawak ng microphone. "Good afternoon, Principal Cross." Sabay-sabay na ani ng mga student. Parang mga hindi makabasag pinggan ang mga ito. Iginila ko ang tingin ko sa paligid. Na-spot-an ng mata ko ang lalaking nakausap ko sa Lumeray Park noong nakaraan. Nakaupo ito na akala mo boss at pinalilibutan ng mga tropa nito na tulad nito ay may angas na taglay rin. "S'ya si Payro." Bulong ni Louise. Tinignan ko ang itinuro nito. Ang tinutukoy nito ay ang lalaking paupo sa tabi ni Agassi. "Crush mo?" angat ang kilay na ani ko rito. Nahihiyang tumango ito. "Pustahan tayo, wala kang pag-asa d'yan." Nanulis ang nguso na tinignan ako nito."Saan nga pala ang Mommy mo?" tanong ko rito. "Ayon oh!" turo nito sa ginang na katabi ni Miss Laura. Nag-uusap ang dalawa at hindi naman nakikinig sa principal. Lahat nang dinadakdak ng principal ay tungkol sa rules and regulations ng school. Nabasa ko naman na ang ilan sa rules kaya malakas ang loob na hindi makinig dito. "Naiihi ako." Bulong ko kay Louise. "Ha? Malayo ang CR dito. Hindi pinapagamit ang pinakamalapit na CR dahil para lang sa players 'yon. May CR sa likod sa kabilang building. Samahan kita?" "Gano'n ba, sige pala ako na lang. Makinig kayong mabuti tapos balitaan n'yo na lang ako." Si Maya ay abala sa cellphone nito kaya naman hindi ko na ginulo. Nakalabas naman ako nang matiwasay. Kahit medyo siksikan ay mukhang allergic ang mga student na madikit sa balat nang may balat kaya naman todo iwas sila. Madali ko lang din narating ang gusali na tinutukoy ni Louise. Lumapit muna ako sa announcement board dahil nakapaskil doon ang kailangan kong malaman. Of course, ang location ng CR. Katulad lang din naman pala ng building namin kaya madali ko lang na nasundan. Papito-pito pa akong pumasok. Walang student dahil lahat ay nasa gymnasium. Umiihi pa lang ako nang marinig ko ang pagsara ng main door ng CR. Parang nagmamadali na hinila iyon saka ini-lock. Nasa loob ang lock n'ya, mukhang gumamit ng padlock ang kung sino man. "May tao po. Saglit lang!" dali-daling inayos ko ang sarili at lumabas ng cubicle. "Tao po! May tao po rito." Sinubukan kong pihitin ang doorknob pero sa labas nalaga naka-lock gamit ang padlock. Pilit ko ring hinihila pero hindi talaga mabuksan. Wala akong phone na pwedeng magamit. Wala akong ibang pwedeng matawagan. "Tao po!" muli kong kinalampag ang pinto."Nandito pa po ako." Hiyaw ko na sinabayan nang pagpalo sa pinto. What if hindi nila mapansin na may naiwan dito? Sabado bukas, paano ako? Nagsimulang makaramdam ng tension. Kinakabahan na muling kinalampag ko ang pinto. "Please, huwag naman kayong man-trip." Pakiusap ko. Pakiramdam ko kasi ay may tao pa sa labas."Buksan n'yo na kasi." Hiyaw ko. Parang mapapatiran pa ng ugat sa leeg sa lakas ng boses ko. "Ano ba? Mga isip bata." Inis nang ani ko nang makarinig nang pagtawa. Saka ang tunog ng takong tanda na naglalakad na...paalis? Iiwan na n'ya ako rito? "Hoy!" tili ko napapadyak pa sa sobrang frustration. "Buksan n'yo sabi, eh!" hiyaw ko. Naiinis at gusto nang maiyak dahil walang ibang magawa kung 'di kalampagin ang pinto. Hindi ko alam kung anong oras na. Wala talagang nagbukas ng pinto. Napahikbi na ako sa sobrang inis. Pero nagpatuloy pa rin ako sa ginagawa ko. Baka may romondang guard. Baka sakaling marinig nila ako. Pero ilang oras na. Sobrang tahimik na nga sa labas. Parang kanina narinig ko na ang ingay ng mga student na lumabas sa gymnasium. Pero kanina pa 'yon. "Please, open the door." Umiiyak na ani ko sa kung sino man. Baka nag-aalala na si Mama. Baka kagalitan na naman n'ya ako. "Please..." humihikbing ani ko. Napasalampak na lang sa floor tiles at isinubsob ang mukha sa palad habang umiiyak. Ilang minuto ang nakalipas, narinig ko ang ingay na waring pinupukpok ang kung ano sa pinto. Saka pinihit ang doorknob, tanda na bukas na iyon. Luhaan man ay agad akong tumayo. "What are you doing here?" takang ani ng lalaking nagbukas ng pinto. "A-gassi?" napahikbi pa ako sa sobrang relief. Lumabas ako ng banyo na nanginginig pa ang tuhod. Itinapon nito ang batong pinangpokpok sa padlock. Mabilis ako nitong hinawakan sa balikat at pinigil na kumilos. "Alam mo ba kung anong oras na? 10:30 na. Kanina ka pa d'yan?" Marahan akong tumango rito. "May nag-lock ng pinto." "Damn." Waring inis na ani ng lalaki. "Tara na, sa Monday na lang natin alamin ang totoong nangyari. Malapit na magsara ang main gate." Nagulat ako nang hawakan nito ang kamay ko. Lalo na ng iabot nito ang isang varsity jacket, nang hindi ko agad tanggapin ay bumitiw ito sa pagkakahawak sa kamay ko at ipinatong sa balikat ko. Saka muling hinawakan ang kamay ko. Ilan na lang ang bukas na ilaw. Tapos madilim na, lalo na sa hallway ng gusaling ito. Buti na lang ginamit nito ang flashlight ng phone nito. "Punasan mo ang mukha mo. Huminto kami saglit at iniabot nito ang panyo n'ya sa akin. Hindi na rin ako na hiyang tanggapin pa iyon. Pinunasan ko ang basang mukha nang dahil sa luha. Ayaw ko namang pag-isipan ng mga guard si Agassi nang masama kapag nakita ang ayos ko. Hindi kami dumeretso sa gate. Tinahak namin ang daan patungo sa parking lot. Narating namin ang isang mamahaling motor. Tahimik lang ako at hindi ito magawang tignan. "Isuot mo." Utos nito sa helmet na inaabot nito. Nang hindi na naman nakakilos nang mabilis ay ito na ang naglagay sa ulo ko. Pati ang pag-adjust at pag-lock para hindi matanggal ay ito na rin ang gumawa. "Isuot mo ang jacket." Lutang talaga ako. Hindi agad naproproseso ng utak ko ang sinasabi nito. Marahas itong napabuntonghininga saka ako sinuutan ng jacket nito. Binuhay nito ang makina ng motor n'ya. "Sakay na. Baka isara na ang gate." Pukaw nito sa lumilipad kong isipan. Saka lang ako kumilos. Nang makaupo ay kumapit ako sa balikat nito. Sunod-sunod ang kabog ng dibdib dahil sa pagkakalapit ng katawan naming dalawa. "Mabilis akong magpatakbo. Kapit dito." Sabay hawak sa kamay ko at inilipat nito sa bewang n'ya."Kapit sabi nang mahigpit." Hinawakan nito ang kamay ko at hinila paharap. Halos mangudngod ako sa likuran nito. Napayakap ako rito, saka nito sinimulang patakbuhin ang motor. Sumaludo lang ang mga guards nang dumaan kami sa gate palabas ng campus. "Saan ka nakatira?" tanong nito nang huminto kami saglit. Hindi nga pala nito alam ang lugar ko. "Sa sakayan mo na lang ako ihinto." Nahihiyang ani ko rito. "Saan ang sa inyo?" tanong nito. "D-ambong St." Halos pabulong na ani ko rito. Bumuntonghininga ang lalaki saka muling pinausad ang sasakyan. Mahigpit na ang kapit ko rito dahil mabilis itong magpatakbo. Ilang saglit pa ay narating namin ang kanto papasok sa amin. "Dito na lang." "Ihahatid kita sa inyo." Seryosong ani nito. Mariin na akong umiling saka inalis ang suot na helmet. "Hindi na. Umuwi ka na rin kasi gabi na." Bumaba ako at iniabot dito ang helmet. "Are you sure?" naninigurong tanong nito. "Oo, salamat sa 'yo. Lalakarin ko na lang papasok. Kaya ko na ang sarili ko." Parang wala pa itong tiwala sa sinabi ko. Pinagmasdan ako nito na waring pinag-aaralan kung may katotohanan ba sa mga salitang binitiwan ko. "Salamat, A-gassi." "Pumasok ka na sa kanto n'yo. Hihintayin kita, hangang sa hindi kita makita." Iniusog nito ang motor kung saan matatanaw ang papasok sa amin. Bumuntonghininga na tumango na lang din. "Ingat ka sa pag-uwi." Sumenyas lang ito na maglakad na ako at iyon nga ang ginawa ko. Ayaw kong lingunin ito, nang medyo makalayo na ay pasimpleng lumiko ako. Saka nagkubli sa pader na bakod at sinilip ang lalaki. Naroon pa rin ito. Ilang minuto ang nakalipas ay saka lang nito pinaandar ang sasakyan. Nang wala na ito ay saka lang ako nagpatuloy sa paglalakad. Pagdating ko sa bahay ay malakas na sampal ang isinalubong ni Mama sa akin. May ilang kalalakihan sa bahay. Narito rin si Nanay Joselyn, nanay ito ni Doris. Nasapo ko ang pisnging sinampal ni Mama sa labis na gulat. "Ano ka ba naman, Daisy." Agad akong niyakap ni Nanay Joselyn. "Saan ka naglanding bata ka? Anong oras na. Nakita mo 'yang mga 'yan? Humingi na ako nang tulong sa barangay. Anong oras na, Kalila? Sinasagad mo ba ang pasensya ko sa pagrerebelde mo? Naglalandi ka ba? Hoy, 16 ka pa lang. Anong gusto mong mangyari? Mag-asawa na? Sawa ka na bang mag-aral?" galit na galit na hiyaw nito. "Mag-usap muna kayo nang maayos ng nanay mo, Kali. Nandito naman na s'ya. Alis na kami," ani ng isang tanod at iniwan na kami. Tatlo na lang kaming naiwan, si Mama, ako at ang nanay ni Doris. "Daisy, kausapin mo muna ang anak mo kung ano ang nangyari. Hindi 'yong nanakit ka agad." Sermon ni Nanay Joselyn sa Mama ko. Pero galit si Mama. Siguro kahit ano pang paliwanag ko ay hindi rin naman nito pakikinggan. "Kumalma ka muna. Halika, kumain ka muna." Hinila na ako ni Nanay Joselyn patungo sa kusina. Pinaupo at sinimulang pagsilbihan. Hindi ako umiyak. Parang naubos na kanina nang makulong ako sa banyo. Tulala lang akong nakahawak sa pisngi ko. Naglapag ang nanay ng kaibigan ko ng baso at nilagyan n'ya 'yon ng tubig. Nagpasalamat ako rito. "Anak, ano ba ang nangyari? Si Doris kanina pa gustong sumama sa mga tanod para hanapin ka. Nagpunta kami ng Mama mo sa school hindi na kami pinapasok kasi wala na raw student." Ang hinahon ng boses nito. "Naku! Tiyak magsisinungaling 'yan. Dapat pala hindi ko na pinalipat ng school, eh 'di sana palaging kasama ni Doris mo. May magpipigil sa kanya kong maglandi." "Daisy!" mariing saway ni Nanay Joselyn."Hindi tamang sabihan mo ang anak mo ng ganyan." "Mali ba ako, Kalila? Kanino 'yang suot mo? Apolinario? Kanino ito!" dinutdot nito iyon. "Pwede ho ba pakingan n'yo ako?" seryosong tanong ko sa ina. "Mag-usap kayo kapag kalmado na. Kapag mainit ang ulo ay hindi kayo magkakaunawaan. Ikaw Daisy, tama na. Nasaktan mo na ang anak mo nang hindi nagtatanong kung ayos lang ba s'ya, at kung ano ang nangyari. Mag-usap kayo bukas. Kumain ka na muna, Kali. Saka magpahinga. Gabi na, dapat nagpapahinga na kayong dalawa." Hinila na nito si Mama. Kagatlabing napayukyok ako sa mesa. Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong pwesto. Hindi na rin ako kumain. Nang makakuha ng lakas ay pumanhik na rin ako sa silid. Masyadong nakakapagod ang araw na ito. Kung sino man 'yong nag-lock ng pinto. Kakarmahin din 'yon. Hindi lang katawan ko ang napagod sa araw na ito, pati emotion ko. Pagod na pagod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD