Nine

2001 Words
Parang walang nangyari. Kinabukasan paggising ko ay magiliw na naghahanda ng almusal si Mama. Bago ako pumasok dito sa kusina ay natanaw ko pa ang mga uniform kong nalabhan na at nakasampay na rin sa labas. Umaawit ito ngayon habang nagsasandok. Pakendeng-kendeng pa ito na waring sa tamang parte ng higaan nagising kaya maganda ang araw nito. Nanatili akong pinapanood ito. Hindi ko itatangi, may sama ako ng loob sa ginawa nitong pananampal sa akin sa harap ng ibang tao. Hindi muna nakinig sa dahilan, pero kung pakakaisipin ko baka sa bugso lang nito ng damdamin iyon at nanay lang ito na labis na nag-alala sa akin. Pero kung nag-alala ito, bakit hindi nito pinuntahan si Mayor? Tiyak na kapag nalaman ni Mayor na hindi pa ako umuuwi ay tiyak na ipahahanap ako no'n. "Gising ka na pala..." energetic talaga ito, madalas ganito ito kapag nanalo sa sugal, o may lakad ito at ilang araw na hindi uuwi."Good morning sa maganda kong anak, upo ka na at paghahainan kita ng masarap na almusal. Alam kong paborito mo itong tocina tapos garlic fried rice kaya naman ito ang inihanda ko. Upo ka na, nak!" udyok nito nang ilapag na nito ang bandehado sabay hila ng upuan. Tahimik akong naupo roon. Nahihiwagaan ako sa Mama ko ngayon. Kung ano man ang kailangan nito ngayon ay tiyak na sasakit na naman ang ulo ko. Walang nag-o-open ng topic tungkol sa nangyari kagabi. Tiyak ko rin namang hindi ko pa rin masasabi dahil nga masama ang loob ko rito. "Sandali, ipagtitimpla kita ng gatas." Dali-daling tumalikod ito at kumuha ng tasa para ipagtimpla nga ako. Pero hindi nakaligtas sa akin ang lagayan namin ng groceries. Medyo marami na ang bawas doon na sa tanda ko ay ilan pa lang ang nabawas lalo na sa de lata. Pero ngayon, parang halos malimas na eh. "Ito na ang gatas mo. Ay, may hotdog pa pala akong iniluto." Bago ito naupo sa katapat na pwesto ay kinuha muna nito iyon. Bigla akong nakaramdam ng gutom. Pero 'di pa rin ito kinikibo sapagkat hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin dito. Napansin siguro nito iyon kaya napabuntonghininga. "Sige na, kain ka na." Hindi ko pinansin ang iniabot nitong kutsara. Ibinaba na lang nito iyon sa bakanteng plato saka ko lang kinuha. Tahimik na sinalinan ng sinangag ang plato ko at nilagyan na rin ng ulam. "Kali, gusto mo bang sa bahay na muna ni Mayor matulog mamaya hangang bukas?" sabi ko na nga ba, eh. Kapag may lakad ito ay nagiging iba ang katauhan nito. Nagiging mabait at maasikaso. "Dito lang po ako." Tugon ko rito na hindi man lang ito tinatapunan nang tingin. "Aalis kasi ako mamaya, sa lunes na ang balik ko." Nangangati ang dila ko na magtanong pero hindi ko namang maibuka ang bibig. Dala ng sama ng loob dito. "Sasama ako sa kumare ko na taga-Limbang St. may raket kaming pupuntahan. Malaking tulong dito sa bahay ang kikitain ko." "Okay." Tipid na sagot ko rito. Nagsisinungaling na naman ito, wala itong kumare na taga-Limbang. Si Nanay Joselyn lang ang kumare nito dahil inaanak nito ang bunso nila Doris. "Ayaw mo ba talaga muna sa bahay nila Mayor? At least doon may kasama ka." "Ayaw ko." Bumuntonghininga ito sa naging sagot ko rito. "Mag-usap tayo pag-uwi ko. Huwag ka munang maggagala, pero kung ipatawag ka ni Mayor ay pumunta ka. Nagbilin na rin ako kay Joselyn na tignan-tigna ka rito. Pero huwag mong patutulugin dito si Doris, ha." Tango lang ulit. Hindi ito kumain, pagkatapos nitong magsalita ay tumayo na ito. Nagpatuloy ako sa pagkain. Nang sumigaw itong aalis na ay hindi rin nag-abalang tignan ito. Mabagal lang ang kilos habang kumakain. Parang hirap pa ngang ilunok iyon. May natira pang ulam. Inilagay ko muna iyon sa ref at sinimulang hugasan ang pinagkainan. "Kali..." katapat ng lababo namin ay lababo rin nila Doris. Kumaway-kaway ito na tulad ko ay naghuhugas din ng pinggan. "Nandyan ang Mama mo?" tanong ni Doris sa akin. Umiling ako rito. "Umalis. Ilang araw na naman daw bago umuwi." "Ah, si Nanay hindi pinayagan ni Tatay." "Saan ba ang punta nila?" tanong ko sa kaibigan na bahagyang lumingon pa sa pintuan nila. Baka ayaw siguro nitong marinig ng Nanay nito ang sasabihin n'ya sa akin. "Pupunta raw sila sa Catalindang. May pa-stag party raw." "Stag party?" "Hindi ko alam kung anong party 'yon. Pero narinig ko si Nanay, ang sabi n'ya pyesta raw 'yon sa Catalindang. Raraket daw silang magtinda. Kaso nga hindi pumayag si Tatay." "Gano'n ba?" bahagya akong natigilan. Stag party? Pyesto? Mayroon bang ganoong pyesta? Hindi kasi ako pamilyar sa salitang iyon, eh. "Punta ako d'yan sa inyo mamaya." Tumango lang ako sa sinabi ni Doris. Natapos akong maghugas na iniisip pa rin ang sinabi nito. Nang matapos ay tiniyak ko munang napunasan na ang mga dapat punasan. Saka ako nagtungo sa kwarto para kumuha ng bihisan. Maliligo muna ako, mamayang gabi ko na lang gagawin ang ibang assignment ko na ipapasa sa lunes. Pagkatapos maligo at magbihis ay tinignan ko muna ang mga uniform ko. Tiyak mamaya lang ay mausok na naman sa paligid dahil sa mga kapatid na nagsusunog ng basura nila. Tuyo na 'yon, siguro'y maagang naglaba si Mama dahil nga may lakad ito. Inakas ko na ang lahat, pati na ang mga underwear naming nakasampay. Baka kasi matulad iyon sa mga underwear nila Doris at ng kapatid n'yang babae na nakalimutan iakas tapos kinabukasan ay wala na sa sampayan. "Kali!" saktong labas ko ng pinto ay naroon na sa gate si Doris. Isinara ko muna ang pinto. Ang susi naman no'n ay nasa ilalim ng paso kaya tiwala akong makapapasok pa rin kahit i-lock. Saka ako lumabas ng gate. "Tatambay sana ako rito, may lakad ka?" takang tanong nito sa akin. "Tambay tayo sa park." Yaya ko rito. "Ha? Baka pagalitan ako ni Nanay kapag malayo ang pupuntahan ko, eh." "Okay, alis na ako," sabi ko rito. "Hala s'ya! Wala man lang pamimilit 'no? Sama mo, ha! Sama ako, minsan lang naman pagalitan eh. Tara!" kumapit pa ito sa braso ko habang naglalakad na kami. "Naku! Mana talaga sa mga nanay. Baka lalandi na naman." Dinig namin na ani ng isang ginang sa umpukan. Nanay 'yon ni Aileen. "Huwag kang lilingon. Huwag mo na lang pansinin." Mahinang ani ni Doris na ngayon ay napapabilis na ang lakad at bahagya na akong hinihila."Lakad lang nang lakad." "Tsk, kainis talaga. Akala mo naman ang lilinis nila." Nakasimangot na ani ko nang makalayo kami nito. "Yaan mo na lang." Tinapik pa nito ang balikat ko. Saka lang ako kumalma nang makaliko na kami sa kanto namin. Nang makarating naman sa Lumeray Park ay agad kaming humanap ng pwesto. "Doon tayo, oh!" turo nito sa bench kung saan hindi gaanong pwinepwestuhan dahil medyo malayo sa palaruan. Pagdating namin doon ay naupo kami. "May dala kang pera d'yan?" tanong nito sa akin. "Wala naman akong pera." "Biglaan naman kasi, eh 'di sana nagdala ako." "May pera ka?" nakaangat ang kilay na tanong ko rito. "Meron, may tira akong 15 pesos kahapon." "Naol." Sagot ko rito. "Kumusta ka nga pala? Sabi ni Nanay sinampal ka raw ng Mama mo." "Tsismosa rin talaga ang nanay mo." Kumibot-kibot ang ilong na ani ko rito. Napabungisngis ito na sumandal sa upuan. "Sinabi mo pa, pati nga 'yong pagbato ni Aling Dorety kay Aileen ng panty n'yang pinagduguan ay kwinento pa n'ya." "Ha?" "Nainis daw si Aling Dorety kasi nilalabhan n'ya 'yong panty ni Aileen, tapos ayaw matanggal ng regla. Tapos nag-iinarte raw si Aileen. Nainis si Aling Dorety, binato n'ya." May mga kaibigan talaga tayo na kahit ipinasa lang sa kanila ang kwento kapag sila na ang nagsalay-salaysay ay buhay na buhay. Akala mo talaga na witness n'ya ang pangyayari. "Nai-imagine ko ang itsura ni Aileen." Natawa na rin ako. Pero sa totoo lang, mas natawa ako sa paraan nito nang pagkwento kaysa sa mismong kwento. "Umiyak nga raw ang gaga." Tawang-tawa na ani nito."Mabalik tayo, anyare sa 'yo?" "Wala." "Anong wala? So, deserve ang sampal, gano'n ba 'yon?" "Hindi, ah." "Eh 'di kwento mo na." Nanatiling tikom ang bibig ko. Parang ito na lang ang kusang sumuko nang hindi ako sumagot at nagkwento. "Saglit lang." Biglang tayo nito. "Saan ka pupunta?" "Wait ka lang d'yan," aniya. Sinundan ko ito nang tingin. Lumapit ito sa isang lalaki at nakipag-hand shake. Nang titigan kong mabuti ay nakilala ko agad. Tropa sa LFHS. Gumawi pa ang tingin ng dalawa sa pwesto ko. Tapos may sinasabi si Doris na seryosong-seryoso pa ang expression ng mukha. Pagkatapos dumukot sa bulsa si Christian, nag-abot ng pera kay Doris. Parang masama ang kutob ko. Saka lang ito bumalik nang umalis na si Christmas pagkatapos nitong mag-abot ng pera kay Doris. "May pangmerienda na tayo." Ngising-ngisi ang gaga. Ipinakita pa ang 40 pesos na hawak nito. "May ipinatago ka sa kanya?" nakaangat ang kilay na tanong ko rito. "Wala! Sinabi ko na hindi ka na naman pinakain ni Tita Daisy, tapos sinabi ko na pinalayas ka na naman n'ya." "P*nyeta kang babae ka!" malutong ang salitang lumabas sa bibig ko sa sinabi nito."Pero tara, magmerienda na tayo." Biglang ngisi ko at tayo na rin. Natawa si Doris sa ginawa ko saka ako pahila na hinawakan sa kamay at lumapit sa turo-turo. "Oh, hindi mo kasama 'yong boyfriend mo?" takang ani ni Manong. Nagkatinginan kami ni Doris, tapos tingin ulit kay Manong, tapos sa isa't isa ulit. "Boyfriend?" ani ni Doris. "Oo, noong nakaraan may kasama s'yang pogi. Ang bait nga ni Pogi kasi hindi na kinuha 'yong sukli ng 500." "Ano? Aba'y magkano lang naman 'yong binili n'ya sa 'yo, ah." Gulat na ani ko. Nakalimutan na katabi ko si Doris at may pagkamosang din. "So, inaamin mo na may kasama kang lalaki rito noong nakaraan? No'ng sinundo ba kita? Boyfriend mo 'yon?" "Mamaya na tayo mag-usap. Kuya naman, dapat sinuklian mo pa rin. May tama sa utak 'yon. Ibalik n'yo sa akin kahit 200 na lang." "Aba'y tip na n'ya sa akin 'yon." "Sinabi ba n'ya? Naku! Baka nakalimutan lang n'yang kunin." "Sana pala hindi ko na sinabi. Huwag mo nang bawiin, isipin mo na lang tip sa akin ng boyfriend mo 'yon. Hala sige, pumili na kayo at hindi ko na kayo sisingilin." Wala nang pangalawang salita pa. Sabay kaming kumuha ng malaking baso saka nagsimulang lagyan ng kikiam, kwek-kwek at fishball Ang baso. Saka suka at sauce. Naiiling tuloy si Manong habang pinanonood kami. "Kaya n'yo bang ubusin 'yan?" tagilid ang ngiti na tanong nito. "Kulang pa ito, kuha ka pang baso. Kuya, lagyan mo ng hotdog ito." Tagumpay ang ngiti na tumalikod kami ni Doris bitbit ang tatlong baso na mula sa turo-turo. Kung kaharap ko lang si Agassi ay baka nabatukan ko 'yon. Yayamanin talaga, nagsasayang ng pera. Ilang lingo ko ng budget 'yong 500 na 'yon. Tapos ipangti-tip lang nito. Naupo ako sa bench sa gitna ko inilagay ang dalawang basong hawak ko. Si Doris naman ay tumayo at nagsabing bibili ng inumin. Pagbalik nito ay may dalawang plastic na itong dala may lamang soft drinks. "Pinabarya ko na rin, tag-10 tayo." Tinanggap ko iyon saka kami nagsimulang kumain. "So, kwento na. Sino 'yong boyfriend mo na kasama mo rito noong nag-walkout ka sa inyo?" "Schoolmate lang, tumakas sa mga bodyguard tapos napadpad dito. Hindi ko 'yon boyfriend." "Gwapo?" kinikilig na tanong nito. "Tao." Tugon ko naman dito na bahagyang napangisi. Oo, gwapo si Agassi. Pasok sa banga 'yon kung maging model 'yon. "Tsk, ipakilala mo kaya ako? Baka sakaling matipuhan ako ng schoolmate mo na 'yon." "Hindi ka papasa sa taste no'n." "Gwapo nga?" "Tao kasi." "Anong tingin mo sa akin? Hindi tao? Salbahe!" natawa ako sa ginawa nitong pag-irap. "Tae!" nalukot ang mukha nito sa sinabi ko. "Dugyot." Wala kaming dalang pera. Pero nakuha pa naming magmerienda at may tag-10 pa kami ni Doris wala pa mang isang oras sa Lumeray Park. Scammer? Masama 'yong ginawa? Wala eh, tamang diskarte lang talaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD