Seven

1916 Words
"Kap, ano ka ba? Ayos lang sa akin iyon. Nagbibiro lang naman si Kali kanina." Mukhang nahimasmasan na ito sa kalasingan nito. Tiyak na magkaka-black eye ito. Kanina nang sapakin ko ito ay saktong romonda ang mga tanod. Ang bagsak ko tuloy ay rito sa barangay hall. Binitbit din ng mga ito si Mang Toryo na ngayon ay denedepensahan din ako. "Ineng, kababae mong tao bakit ka naman kasi nanapak?" tanong ni Kap sa akin. Pero hindi ko ibinuka ang bibig ko para magsalita. "Magsalita ka, Kali." Bulong ni Doris na takot na takot kanina pa. "Kap, pauwiin mo na kami. Wala namang problema sa akin, bati na kami ni Kali." Naglahad pa ito ng kamay na waring inaasahan talaga nito na tatanggapin ko iyon. Tiyak na ipinatawag na si Mama. Ewan ko lang kung nasa bahay s'ya. Pero ilang minuto ang lumipas ay sumulpot si Mama na parang hindi pa nagawang magsuklay. "Anong nangyari?" humahangos na tanong nito. Agad itong lumapit sa akin at sinipat ako."May masakit ba sa 'yo? Sabihin mo sa akin." "Mrs. Daisy, si Kali po ang nanakit." Singit ni Kap. Takang pinagmasdan ni Mama ang itsura ko. "Totoo ba?" sabay gala nang tingin nito. "Toryo?" "Sabi ko naman, Daisy, ay ayos lang. Nagbibiruan lang kami nitong anak mo kanina. Akala nila Kap nag-aaway kami." "Totoo ba, Kalila Farrah?" seryosong tanong ni Mama. Kulang na lang ay magdikit ang kilay nitong de lapis. "Magsalita ka, ineng, para matapos na tayo rito." Ngunit nanatiling tikom ang bibig ko. "Daisy, nagbibiruan lang talaga kami. Kap, pauwiin mo na 'yong bata." Pinagmasdan muna akong maigi ni Kap. Saka ito bumuntonghininga. "KALILA FARRAH!" tawag ni Mama sa akin bago ako pumasok ng pinto ng bahay. Magulo na naman ang sala namin. Parang dinaanan ng delubyo ang loob. Seryosong tinignan ko ang ina. Tiyak na nakita nito ang expression ng mukha ko. "Kailan ka pa natutong manakit ng kapwa mo?" "Magpapahinga muna po ako." "Hindi! Mag-uusap tayo." Sigaw nito. Tiyak na dinig din iyon ng mga kapitbahay namin. Tiyak na kami na naman ang headline. Humugot ako nang malalim na hininga. Kapag galit ako may times na nasasabi ko 'yong mga tumatakbo sa isipan ko, pero pagkatapos ay pagsisisihan ko na naman. Ayaw kong makapagsalita ng hindi maganda kay Mama. Kaya naman humakbang ako palapit dito, tuloy-tuloy iyon hangang sa lagpasan ko na ito. Tinatawag ako nito. Para na nga s'yang mapapatiran ng ugat sa leeg pero nagpatuloy lang ako hangang makalayo sa bahay namin. Lumagpas na rin ako sa Dambong St. Lakad lang nang lakad ang ginawa ko. Hangang sa narating ko ang parke na ngayon ay wala ng gaanong tao. Sa tantya ko ay alas-6 na pero dahil hindi pa ako kumakalma ay nagpasya na lang muna akong manatili rito. Naupo ako sa bench saka inilabas ang libro. Hindi ko man lang nagawang magpalit ng uniform at iwan ang bag ko. Gusto ko sanang samahan ako ni Doris, kaso wala naman akong cellphone para matawagan ito. "Can I seat here?" natigilan ako sa akmang pagbuklat ng libro. Saka dahan-dahang tinignan ang lalaking nagsalita. Una kong nakita ang slacks nitong kakulay ng skirt ko. Sunod ay ang logo ng LHS. Nang dumako ang tingin ko sa mukha ng lalaki ay bahagyang umawang ang labi ko. Kahit naka-cap ito at salamin ay nakilala ko agad ito. Si Agassi. "S-ige," hinila ko pausog ang bag ko at hinintay itong makaupo. Saka kunwari ay abala sa libro kong hawak. "Baliktad," marahang nakagat ang labi saka inikot ang libro nang maayos. "You're from Luwalhati High?" "Yes." Tipid na sagot ko rito. "What are you doing here?" "Tambay lang." "Waiting for someone?" Sinulyapan ko ito,"tambay nga lang." Hindi na ito nagsalita. Nagpatuloy na lang ako sa pakikipagtitigan sa libro ko. Hindi ko naman nauunawaan iyon dahil pakiramdam ko ay nate-tense ako. Nang mag-ring ang phone nito ay bahagya ko itong sinulyapan. Sinagot nito ang tawag, ni-loud speaker at ipinatong sa hita nito. "Sir Agassi, nasaan na po kayo? Malalagot na naman kami sa Mommy mo n'yan, eh." Bahagya akong nailing. A typical rich kid. May bodyguard tapos tinatakasan, bakit kaya? "Sir, sabihin mo na ang location mo." "Later." Tipid na sagot ng lalaki. "Hindi naman pwedeng later, Sir. Alam mo naman si Mommy mo." "I'm with someone." Salubong ang kilay na tinignan ko ito. "May date po kayo? Alam n'yo naman ang rule ng Mommy n'yo d'yan. Kung makikipagkita kayo ay dapat kasama pa rin kami." Hindi sumagot si Agassi. "Sir Agassi?" Nakakaawa naman. "Lumeray Park, malapit sa playground." Singit ko na dahil parang maiiyak na sa stress ang kausap ng lalaki. Hindi ko inisip ang possible reaction nito. Mabilis nitong tinapos ang tawag, parang galit pang tinanggal nito ang salamin. Seryoso ang tingin nito sa akin. "Pinagaan ko lang ang buhay ng bodyguard mo. Mukhang kawawa naman, eh." Kinagat nito ang lower lip na waring kinakalma ang sarili. Saka muling isinuot ang sunglasses nito at itinapon ang tingin nang deretso. "Where is your bodyguard para quits tayo?" ani nito na parang iniisip pang gumanti. Itinuro ko rito ang guard ng park na romoronda. "Are you sure?" takang ani nito. "Oo." Sinusupil ang ngiti na ani ko. Saktong may dumaang tindero ng turo-turo. Tulak-tulak nito ang paninda. Mabilis kong dinukot ang barya sa bulso ko. Binilang ko iyon, pero nang ma-realize na alanganin ay ibinalik ko na lang sa bulsa ko. "You want?" tanong nito. "H-indi." Nag-iwas ako nang tingin at ibinalik sa libro ang focus. Tumayo ang lalaki at basta na lang umalis. Nahihiya namang sundan pa ito nang tingin kaya naman hindi talaga ako nagtaas ng ulo. Kunwari'y busy sa libro. Ilang minuto na rin akong nagpapanggap na nagbabasa nang bigla na lang may nag-aabot ng nakabasong fishball, kwek-kwek at kikiam. "A-gassi?" gulat na ani ko rito. "You know me?" ani nito na naupo na sa pwesto nito kanina. "Sikat ka sa school." Tinanggap ko na rin ang ibinigay nito at nagpasalamat. "What is your name?" tanong nito sa akin. Hindi ako kumibo. Pero hinawakan nito ang ID ko at binasa nang malakas ang pangalan ko. "Kalila Farrah Monoban." Binawi ko iyon dito. "Anong ginagawa ng isang LHS student sa ganitong lugar? Hindi ako naniniwalang tambay lang." Hindi ko sinagot ang tanong nito. Hindi ko pwedeng kalimutan na bully ang lalaking ito. Nagsimula akong kumain ng libre nito. Napatingin ako sa hawak n'ya. Punong-puno rin iyon katulad ng basong hawak ko. Kumakain pala ang rich kid na ito ng ganitong pagkain. Tahimik kaming kumain. "Gusto mo pa?" alok nito sa basong malapit na rin namang maubos. Samantalang 'yong sa akin ay ubos na. Umiling ako rito. Nakakahiya naman, 'di ba? Kinuha nito ang pinagkainan ko at tumayo. Itinapon nito iyon sa basurahan. Saka muling bumalik sa tabi ko. "Umuwi ka na, papadilim na." Sinulyapan ko ito. Saka umiling. "Dito muna ako. Salamat sa libre." "Walang pwedeng makaalam na nagpunta ako sa ganitong lugar." Wala naman akong pakialam kaya tumango lang ako rito. Saktong dumating ang mga bodyguard nito. Kakamot-kamot sa ulong lumapit ang mga ito. "Sir Agassi, uwi na ho tayo. Kanina pa tumatawag ang Mommy n'yo." Tumayo na ito at tumingin sa akin. "Umuwi ka na." Ngunit matigas ang naging iling ko. "Tara na ho, Sir!" Sumunod na ito sa bodyguards n'ya. Nang mawala sa paningin ko ang mga ito ay nagpakawala ako nang buntonghininga. Ayaw ko pang umuwi. Ayaw kong masaktan si Mama sa mga salitang pwede kong mabitiwan dito. "Sabi ko na nga ba nandito ka, eh." Tinig iyon ni Doris. "Paano mong nalaman? Anong ginagawa mo rito?" gulat na ani ko rito. "Nagpunta si Tita Daisy sa bahay. Nagtanong kung nagpunta ka raw roon. Nag-aalala na s'ya sa 'yo. Tara na uwi na tayo." "Dito muna ako." "Kali, ngayon ka pa ba naman magpapaapekto sa mga sabi-sabi? Nag-aalala na ang Mama mo. Halika na!" "Nag-aalala s'ya? Pero hindi pa rin s'ya nagbabago." "Galit ka ngayon pero hahayaan mo bang maapektuhan 'yong pagsasama n'yo ng Mama mo dahil lang sa mga tulad nila Aling Minda at Mang Toryo?" "Galit ako kasi nasasaktan ako para sa Mama ko. Galit ako dahil ayaw kong ginaganoon s'ya ng mga taong 'yan." Hindi ko na napigil ang mahikbi sa sobrang inis. Umupo ito sa tabi ko at kinabig ako payakap dito. "'Wag ka nang umiyak. Sige na, sasamahan muna kita rito." Pampalubag-loob na ani ni Doris. "Ayos lang naman kung palagi kaming kapos, ayos lang 'yon sa akin. Madiskarte naman ako, pero 'yong paulit-ulit na lang n'yang tine-take for granted 'yong mga sacrifices ko para sa kanya, kapag paulit-ulit na ay nakakasawa na. Gusto ko ring i-enjoy ang buhay, pero paano? Kung kailangan ako na lang palagi ang nag-a-adjust?" "Tahan na, baka mahirapan kang huminga eh." Worried na ani nito. Isa pa 'yon, kapag sobrang sama ng loob ko ay talagang hirap akong huminga. Isa rin sa inaalala ni Doris iyon, dahil sa ilang ulit na pagco-collapse ko ay s'ya ang saksi. Walang idea si Mama roon dahil kung wala sa sugalan, ay hindi ko alam kung saan s'ya naroon. "Napapagod din ako. Mahal na mahal ko s'ya, Doris. Mahal ko si Mama at ayaw kong ginaganoon s'ya ng ibang tao. Wala silang karapatan, pero sa ginagawa ni Mama parang hinahayaan n'yang gano'n na lang ang gawin nila sa kanya." "Naiintindihan kita. Tahan na," kinalkal nito ang bag ko. Kinuha roon ang inuminan ko na may laman pa."Inumin mo ito, inhale exhale ka." Utos nito sa akin and that's what I did. Ako lang din naman ang mas mahihirapan kong hayaan kong ibuhos ko ang emosyon ko. "Punasan mo ang mukha mo." Inabutan ako nito ng panyo pero hindi ko iyon kinuha. Kaya ito na ang nagpunas ng panyo ko. "Okay ka na?" mahinahong tanong nito. Marahan akong tumango."Kausapin mo ang Mama mo para magkalinawan kayo. Kayo na lang ang mayroon kayong dalawa. Huwag ninyong hayaang pati iyon ay mawala. Okay?" marahan akong tumango rito. Sinimulan nitong ayusin ang gamit ko saka ito tumayo at hinawakan na ang kamay ko. "Uwi na tayo. May assignment pa akong dapat gawin. Hindi pa rin ako nakapagpalit ng napkin. Tignan mo nga kung may tagos." Napabungisngis ako sa tinuran nito. "Wala, pero sige uwi na tayo para makapagpalit ka." Magkahawak kamay kami nitong lumabas ng park. Parang iyon lang ang hudyat na hinihintay ni Manong guard at mabilis na n'yang isira ang gate. Naglakad lang din kami pauwi. Nang marating namin ang tapat ng bahay ko ay nagpasalamat na ako rito. "Sige na, pumasok ka na." Udyok ni Doris sa akin. Tumango naman ako rito bago pumasok sa gate."'Yong bag mo pala." Kinuha ko iyon at muling nagpasalamat saka kumaway. "Ingat." "Makaingat naman 'to, kapitbahay lang naman ako." Dinig kong ani nito na ikinabungisngis ko. Saka ko ini-lock ang gate. Tahimik sa loob ng bahay ng pumasok ako. Magulo ang sala kagaya kanina, wala rin si Mama roon. Pumanhik ako ng silid. Hindi ko rin ito napansin sa kwarto nitong nakabukas ang pinto. Pagkatapos kong magpalit ay bumaba ako para hugasan ang baunan at malagyan na rin ng tubig ang baunan para ilagay sa ref. Wala pang naisaing kaya nagsaing na muna ako at nagluto ng ginisang sardinas. Sinabawan ko iyon ng kaunti, saka kumuha pa ako ng malunggay sa gilid ng bahay para lagyan iyon. Natapos akong magluto, kumain na rin ako pero wala pa rin si Mama. Kaya naman nang makapaghugas ay pumanhik na ako sa aking silid. Hanggang sa igupo na ng pagod at antok ay walang ina na umuwi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD