14

2052 Words
"Uuwi ka na?" nakangising tanong ni Payro nang madaanan ako nitong naglalakad patungo sa exit ng eskwelahan. Naririnig ko ang bulungan ng mga estudyante na nakakakita sa amin ni Payro. "Oo, layo ka na iba na ang tingin ng mga fans mo." Labas na labas sa ilong na ani ko at nailing. Bata pa naman ako, pero siguro sadyang nag-mature nang maaga dahil sa sitwasyon sa buhay. Kaya diring-diri na at hindi maka-relate sa mga kaek-ekan ng mga rich kid ng Luwalhati High. "Hayaan mo sila. Be happy nga dahil kinakausap ka ng poging tulad ko." Muntik pa akong matisod dahil sa maliit na batong nakausli, nagulat din kasi ako sa lakas ng hangin na dala ni Payro. Napakahambog din ng isang ito. Totoo namang gwapo ito, pero kailangan ba talagang magbuhat ng sariling bangko? "Walang nakaka-happy kung bukas ay pagtsitsismisan ako ng mga schoolmate natin. Sige na!" lumiko na ako para lumabas sa maliit na gate. Hindi na kailangan pang i-scan ang bag, wala rin naman akong dedekwatin sa paaralang ito. Chalk? Eraser? Nang makalabas ako sa gate ay naghihintay si Payro. Malawak ang ngisi ng lalaki habang nakatingin sa akin. "Ano bang kailangan mo sa akin?" tanong ko rito. Hindi ibig sabihin na minsan na namin itong nakasama ni Doris ay kaibigan ko na ito, dahil pakiramdam ko sa eskwelahan na ito ay wala naman akong pwedeng pagkatiwalaan. "Angkas ka na, ako na ang maghahatid sa 'yo pauwi." Nakangising ani nito. "Hindi na. Kaya ko ang sarili ko, pero salamat." Humakbang na ako palayo rito. "In-add kita sa Fezlook at Fayslife, accept mo agad ako ha." Isinigaw pa talaga nito. Bakit biglang feeling close ang lalaki? Narating ko ang sakayan na hindi na lumingon pa sa lalaki. Feeling ko kasi kapag lumingon ako ay makikita ko kung paano ako husgahan ng mga ka-schoolmate ko eh. Agad na akong sumakay sa jeep. Hindi ko nakita sa terminal si Doris, baka nakauwi na ito or baka nasa school pa. Pagbaba ko sa kanto namin ay mabilis na akong naglakad papasok sa Dambong St. Malayo pa lang, tanaw ko na ang umpukan...hindi na sa tindahan na katapat ng bahay namin kung 'di sa mismong harap na ng bahay nakapwesto ang mga Marites na walang magawa sa buhay kung 'di pag-usapan ang buhay ng ibang tao. Bukas ang gate namin, at nakita ko roon si Mama na namamangka. Panay ang pakita nito ng cellphone sa mga ginang na halatang ingit sa kung ano man ang ipinapakita ng nanay ko. "Ma..." pukaw ko sa atensyon ng ina ko. "Nandito na pala ang maganda at matalino kong anak." Magiliw na ani ni Mama sa akin, tiyak may gusto na naman itong pasaringan. Baka iyong nanay ni Aileen na nakasilip sa tindahan nito. "Ibang klase ka na talaga, Mars. Biruin mo 'yon kayang-kaya mo nang magpaaral sa pangmayamang eskwelahan. Tapos may internet na rin kayo, malaki ba talaga ang kinita mo sa stag party ba 'yon?" "Oo naman, Mars." Mayabang na ani ni Mama. "Pasok muna po ako." Ayaw kong marinig kung ano pa man ang ipagyayabang ni Mama na wala sa lugar. Tinatawag ako nito pero nilampasan ko na sila. Narinig ko pang nagpaalam ang Mama ko sa mga ito at sumunod sa akin. "Kali!" naiinis na tawag nito sa akin. Magulo na naman ang sala, hindi ko talaga mawari kung bakit sa tuwing uuwi ako ay inaabutan kong ganito ang lugar na ito. Pinagdadampot ko ang mga unan na nasa lapag, nang tignan ko si Mama ay mabilis itong nag-iwas nang tingin. "Bakit ba palagi na lang magulo rito, Ma?" tanong ko rito. Tiyak na hindi naman ito nagpapapasok ng mga bata rito. Dahil inis na inis ito sa mga bata, malabong bata ang may gawa. "Wala, anak. Nagugutom ka ba? Gusto mo bang maghain ako nang makakain?" tanong nito saka dumeretso na sa kusina. Binitiwan ko ang unan sa upuan at sumunod dito. "Ma!" tawag ko rito. Nang lumingon ito sa akin ay matamis ang ngiti nito. "Ano 'yon?" "Iyong tungkol sa pagpunta mo kay Papa." Seryosong ani ko rito. "Ah, 'yon ba? Anak, sorry na! Kasi naman nabalitaan kong magkakaroon na si Aileen ng service papasok at pauwi galing school. Gusto ko syempre ikaw rin. Deserve mo kaya ang may magandang service." "Ma! Dahil lang doon kailangan mo pa talagang puntahan si Mayor? Seryoso ka d'yan? Hindi mo ba naisip kung ano 'yong mga possibilities na ikapahamak natin nila Mayor 'yang bara-bara mong action?" inis na tanong ko rito. "Huwag mo akong kagalitan." Biglang pagtataray nito. Saka nito dinampot ang pitchel na akala mo naman ay uhaw na uhaw at tinungo iyon. Hindi na nga ito gumamit ng baso eh. "Ma, ang point ko lang, hindi pwedeng lahat na lang ng mayroon ang iba ay hangarin mo rin na magkaroon ka. Paano na lang kung may nakarinig ng mga pinagsasabi mo sa munisipyo kanina? Paano na lang?" nakukunsuming tanong ko sa aking ina. "Tsk. Wala, Kalila! Tantanan mo ako sa mga ganyang salita, alam ko ang ginagawa ko." Inis na nitong ani sa akin saka nilayasan na ako. Nang lumabas ito ng kusina ay saktong dumungaw sa pinto namin ang kapitbahay. "Mars, pa-connect!" akala mo kung sinong mabait. Ito namang si Mama ay agad na sinabi ang password ng internet namin. Kaya nagpasya akong pumanhik na sa silid. Hinarap ko ang laptop ko. Tiyak na kapag nawalan ng internet connection ang mga huklubang nasa tapat ng bahay ay tiyak na magsisilayas sila. Ilang minuto nga lang ay narinig ko na ang mga reklamo ng mga tao sa harap ng bahay. Nang sumilip ako sa bintana ay tarantang pinauupo ni Mama ang mga ito pero umalis na sila at nagtungo sa tapat ng tindahan nila Aileen. Halatang inis na inis ang mga ito. Nakita kong pumasok na si Mama sa bahay. Mabilis kong itinabi ang laptop saka nagsimulang magbihis. "Anak? Anong nangyari? Bakit nawalan sila ng internet tapos ako mayroon?" takang ani ni Mama. "Ma, may oras lang talaga para maka-connect sila. Family lang makaka-connect ng matagal." Pagsisinungaling ko. Kasi kapag sinabi kong tinanggalan ko ng access ang mga ginang ay tiyak na kagagalitan ako ni Mama. "Gano'n ba? Sasabihin ko na lang pala sa kanila." May sasabihin pa sana ako pero nakatalikod na agad ito. Pagkatapos kong magbihis ay sinimulan ko na agad asikasuhin ang mga assignment ko, habang nakadapa sa higaan ay hindi ko alam kung bakit sumagi sa isip kong i-search kung ano ang ibig sabihin ng pyestang pinuntahan nila mama. Stag party raw, mabilis kong itinipa iyon sa laptop ko. Agad namang lumabas ang resulta. Ilang ulit kong chineck kung tama ba ang spelling. Tama naman, sadyang iyong meaning na ibinigay ay hindi matanggap ng kalooban ko. "M-a, bakit kailangan mong magsinungaling? Bakit kailangan mong gawin pa ito?" napahikbing ani ko. Disappointed ako. Gano'n ba kahirap para sa Mama ko na iwan ang dati nitong trabaho at magbago? Hindi naman nagkukulang si Mayor, kung ikukumpara nga sa mga kapitbahay namin at sa mga ginang na kinaiingitan n'ya ay mas maayos kung tutuusin ang buhay namin. Pero hindi kasi makuhang makontento ni Mama, ang dami nitong gusto para sa sarili to the point na handa nitong balik-balikan ang dating trabaho. Natapilok lang ba talaga s'ya kaya s'ya iika-ika no'n? Pinunasan ko ang luha ko saka pilit na lang na tinapos ang assignment. Patapos na ako ng may na-receive akong mensahe. "Hi!" mensahe na galing kay Patrick Gaponolesoredodad. Ang haba naman ng apelyedo nitong taong ito. Hindi ko pinansin ang message pero in-stalk ko iyon. Hindi ko naman kasi kilala. Nang makita ko nang maayos ang profile picture ay napasimangot ako. Iyong lalaking bopols na may opportunity na para ireklamo ang mga bully pero binura pa ang video na kinunan ko. Mabilis kong binura ang message nito saka nag-browse muna. Nagawi sa list ng friend request ang atensyon ko. Nangunguna ang pangalan ni Payro roon. Totoo ngang nag-friend request ito. Pero dahil wala naman akong planong makipagkaibigan sa kanya ay binura ko na lang din iyon. Kahit pilit kong dini-distract ang atensyon ko bumabalik pa rin sa isipan ko ang pagsisinungaling ni Mama. Pyesta? O, baka pinagpyestahan sila roon. Bakit ba hindi man lang nito magawang talikuran ang trabaho nitong iyon? Kinabukasan ay mas maaga akong nagising kaysa rito. Alas-4 pa lang ay naghanda na ako, pupunta muna ako kay Mayor at hihintayin na lang doon ang oras nang pagpasok. Tinawagan ko si Ate Claire para magpasundo sa gate ng Lorenzo Subdivision. Dahil kung lalakarin ko lang iyon ay sayang ang oras ko. Umalis ako ng bahay na tulog pa si Mama. Sumakay lang din ako ng tricycle at nagpahatid, hindi sa mismong entrance ng subdivision pero dalawang Kanto mula roon. Saka ko na lang nilakad iyon. Tamang-tama naman na naroon na si Kuya Sanjo at naghihintay sa akin. Agad ako nitong pinagbuksan ng pinto at saka ako sumakay roon. Tahimik lang naman si Kuya na hindi nagtanong kung bakit sobrang aga ko. 5:30 am pa lang, tiyak na gising na si Mama. Papasok sa gate ng mansion ni Papa nang mag-ring ang phone ko. Tumatawag si Mama. Labag man sa loob ko ay sinagot ko pa rin ang tawag nito. "Ma?" ani ko rito. "Ang aga mong umalis. Sana sinabi mo sa akin para nakapaghanda ako ng pagkain mo. Ano ka ba namang bata ka? Nandyan ka na ba sa school? Bakit sobrang aga?" "May kailangan po kasi akong gawin, opo, nandito na po ako sa school." Lumarawan sa mukha ni Kuya Sanjo ang pagtataka. Pero hindi ito nagkumento. Bumaba ito ng sasakyan at pinagbuksan ako ng pinto. Hindi naman agad ako bumaba dahil kausap ko pa si Mama. "Gano'n ba, okay! Ingat ka d'yan, galingan mo ha. Tapos daan ka kay Mayor mamaya. Sabihin mo sa kanya bigyan ka naman n'ya ng allowance." Bumuntonghininga ako. "Bye." Tipid na ani ko rito. Nang tignan ko ang driver ni Papa ay bahagya ko lang s'yang nginitian. Nang makababa ako ng sasakyan ay agad kong inayos ang skirt ko na bahagyang nalukot. Nasa pinto na si Ate Claire na malawak ang ngiti sa akin. "Ganda, ang aga mo. Pero tamang-tama 'yan dahil nagbre-breakfast na ang Papa mo. Tara, sabayan mo s'yang kumain. Maaga kasi ang schedule n'ya ngayon sa munisipyo." Inakbayan pa ako nito saka kami nagtungo sa dining room. Agad na inihinto ni Mayor ang pagkain n'ya para lang tumayo at salubungin ako ng yakap. "Kumusta ang prinsesa ko? Wait, umiyak ka ba?" ibang klase, napansin agad nito ang pamumugto ng mata ko. Ngumiti ako rito para pagtakpan iyon. "Hindi po. Sadyang inaantok lang po ako, maaga po akong gumising para maabutan ka rito." "Tamang-tama, tara at saluhan mo akong kumain." Excited na ani nito. Hindi na rin nito kailangan mag-utos sa mga kasambahay para asikasuhin ako dahil nakita pa lang nila akong papasok ng dining room ay agad na silang naghanda upang mag-set up ng plato sa pwestong inuupuan ko sa tuwing kumakain ako rito sa bahay ni Mayor. Nang makaupo ako nang maayos ay inilapag ko ang bag sa katabing upuan. "Kumusta sa school? Nakapag-adjust ka na ba?" tanong nito sa akin. "Ayos naman po, nasasanay na rin naman po." Pero 'yong bullying sa school na iyon, malabong kasanayan ko. "Nabangit ba sa 'yo ni Laura na ilang buwan s'yang mawawala." Takang napatingin ako sa ama. Mabilis akong umiling dito. "Kailangan n'yang umuwi sa probinsya nila. Wala munang titingin-tingin sa 'yo roon, kung may problema ka ay tawagan mo agad si Ate Claire mo." Unfortunately, si Ate Claire talaga ang dapat tawagan. Baka nga naman kasi magkaproblema oras na malaman ang tungkol sa identity ko. Ngumiti ako rito at tumango. "Titiyakin ko pong walang magiging problema." Nagsimula kaming kumain nito. "Bakit ka nga pala nagawi rito? May kailangan ka ba sa school?" tanong nito sa akin. "Wala po, gusto ko lang po kayong makasabay kumain." Napangiti ang ama ko sa sinabi ko rito. Sa totoo lang, hindi ko kasi gustong makita si Mama. Baka magkasagutan na naman kami once na komprontahin ko s'ya. Tiyak na lalabas na naman na ako na naman ang mali kaya naman mas mabuti na 'yon iwasan ko muna ito. Hindi rin naman ako pwedeng magpunta ng school dahil tiyak na sarado pa iyon sa mga oras na ito. Kaya rito kay Mayor ako nagpasyang magtungo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD