SIMULA
THIRD POV
Nararamdaman ni Reina ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang balat, pero hindi iyon sapat para pahupain ang init na bumabalot sa kanya. Para siyang nasa isang panaginip—isang kakaibang mundo kung saan ang lahat ay pamilyar ngunit hindi niya mawari kung bakit.
Nakatayo siya sa gitna ng isang malawak na silid, mahina ang ilaw, at may aninong papalapit sa kanya. Matangkad ang lalaki, matikas ang tindig, ngunit hindi iyon ang unang pumukaw sa kanya. Kundi ang mapangahas na titig nito—parang hinuhubaran siya ng tingin.
"Ano’ng ginagawa mo rito?" tanong niya, pero hindi niya matandaan kung paano niya nagawang magsalita.
Ngumisi ang lalaki—isang nakakalokong ngiti na nagpadagdag sa kaba niya. "Ikaw ang tumawag sa akin, hindi ba?"
"Hindi—" Umiling siya, ngunit bago pa niya maituloy ang sasabihin, napalunok siya nang biglang lumapit ang lalaki, halos dumampi na ang labi nito sa kanya.
"Ang arte mo naman," bulong nito, puno ng panunukso. "E halata namang gusto mo rin."
Nanlaki ang mga mata ni Reina. Bastos ito. Walang modo. Walang respeto. Lahat ng ayaw niya sa isang lalaki—pero bakit parang hindi niya kayang kumilos?
"Layuan mo ako!" sigaw niya, ngunit sa halip na sumunod, mas lalo pang lumapit ang lalaki, hinahamon siya.
At bago pa siya makapagsalita ulit, nagising siya sa sarili niyang sigaw, hinihingal at may pawis sa noo.
Napaatras siya sa kama, hawak ang dibdib na mabilis ang pintig. Ano ‘yon?
Isang panaginip. Isang napaka-wild na panaginip... tungkol sa isang lalaking hindi niya gusto. O gusto niya nga ba?
Reina's POV
Napatingin ako sa sarili ko sa harap ng salamin habang nagsusuklay. Makinis pa rin naman ang balat ko, wala pang eyebags kahit halos wala akong tulog dahil sa panaginip kong hindi ko maintindihan.
Napailing ako. Ano bang klaseng panaginip ‘yon? Isang lalaking bastos, mayabang, at walang modo? Hindi ko talaga maintindihan kung bakit siya pa ang lumitaw sa utak ko!
Hindi siya ang tipo ko. Kahit kailan, hindi ako magkakagusto sa lalaking walang respeto.
Gusto ko ng isang lalaking magalang, ‘yung marunong gumalang sa babae at hindi basta-basta nambabastos.
Gusto ko ng masipag, ‘yung may pangarap sa buhay at hindi lang puro pa-cute o paangas.
Gusto ko ng marespeto, ‘yung hindi lang maginoo sa panlabas kundi sa kilos at salita rin.
Ngayon pa lang, naiinis na ako sa lalaking napanaginipan ko! Sinong matinong babae ang magkakagusto sa isang lalaking ang yabang at bastos? Hindi ako tanga!
Napabuntong-hininga ako at iniwasan ang sariling tingin sa salamin. Sinuot ko ang blazer ko at inayos ang buhok ko. Mas mabuting isipin ko na lang ang trabaho ko. Hindi ko hahayaang masira ang araw ko dahil lang sa isang panaginip na wala namang kwenta.
Kaya naman, tumayo ako nang diretso, naglagay ng kaunting lipstick, at ngumiti sa sarili ko sa salamin. Game face on, Reina.
Oras na para harapin ang totoong mundo—at hindi ang isang panaginip na hindi dapat bigyang pansin.
"Huwag mong kalimutang isara nang maayos ang gate kapag umalis ka, Reina!" sigaw ng tiyahin kong si Tita Sonia mula sa kusina.
Napabuntong-hininga ako habang hinahawi ang buhok sa aking balikat. "Opo, Tita!" sagot ko bago sumilip sa salamin at sinuri ang sarili. Maayos na ang suot kong blouse at slacks, at nakaipit na rin ang buhok ko sa isang malinis na ponytail.
Nakikitira ako sa malaking bahay ng tiyahin ko dito sa Maynila. Kung tutuusin, mas gusto ko sanang magrenta ng sariling lugar, pero kung uupa ako, mas malaki ang magagastos ko—at hindi ko ‘yon kayang isakripisyo. Mas importante ang maipadalang pera sa probinsiya para sa mga magulang ko at sa kapatid kong nag-aaral pa.
Kaya kahit na minsan, parang nakakapanlumo ang tono ng tiyahin ko na para bang isang abala ako sa bahay niya, pinapalagpas ko na lang. Ang totoo, hindi rin naman ako pabigat. Tumutulong naman ako sa mga gawaing bahay para wala siyang masabi. Kaya kahit na pagod ako galing sa trabaho, minsan naglalaba ako ng sariling damit ko, naglilinis ng kwarto, o kaya nagluluto kapag wala siyang ganang gumalaw.
Napatingin ako sa relo ko—huli na!
"Bahala na!" Bulong ko sa sarili bago dali-daling kinuha ang bag ko at nagmamadaling lumabas ng bahay.
Habang naglalakad papunta sa sakayan, naisip ko ulit ang panaginip ko kagabi. Isang lalaking bastos, mayabang, at walang modo. Diyos ko, ‘wag naman sanang ‘yun ang itakda mong lalaki para sa akin!
Napapailing akong sumakay sa jeep. Hindi ko alam kung bakit naapektuhan ako ng panaginip na ‘yon, pero ang alam ko lang, wala akong oras para sa lalaki ngayon—lalo na sa isang lalaking hindi pasok sa standards ko.
Pagkarating ko sa opisina, dumiretso ako sa lobby habang inaayos ang kwelyo ng suot kong blouse. Medyo hinihingal pa ako mula sa pagmamadali kanina.
Pero biglang natigil ang hakbang ko nang may marinig akong mahihinang ungol mula sa isang sulok ng hallway.
Napakunot-noo ako. Ano ‘yon?
Mabigat ang pakiramdam ko habang palapit ako sa likod ng isang malaking haligi. At nang masilip ko kung sino ang nandoon, nanlaki ang mga mata ko.
Si Lisa?!
Ang pinsan kong si Lisa, nakasandal sa pader, at ang boyfriend niya—hindi lang basta nakayakap sa kanya, kundi halos gumapang na ang kamay sa buong katawan niya! Kitang-kita ko kung paano lamasin ng lalaki ang dibdib niya, habang si Lisa naman ay parang wala nang pakialam kung may makakita sa kanila.
Halos malaglag ang panga ko sa nakita. Kaya pala ang aga-aga niyang pumasok! Hindi para magtrabaho, kundi para gumawa ng kalokohan!
Napaatras ako nang marahan, pilit nilulunok ang inis ko. Alam kong hindi ko dapat ito pinapakialaman—buhay niya ‘yan, katawan niya ‘yan. Pero Diyos ko, sa mismong opisina? Wala ba silang takot na may makakita sa kanila?
Lumunok ako at mabilis na tumalikod, piniling lumayo bago pa nila ako mahalata. Pero habang naglalakad ako papunta sa workstation ko, hindi ko mapigilang mapailing.
Kung alam lang ni Tita ang ginagawa ng anak niya sa oras ng trabaho…
Pagkaupo ko sa desk ko, malalim akong napabuntong-hininga. Pilit kong inaalis sa isip ko ang nakita kong kalandian ni Lisa at ng boyfriend niya, pero hindi ko maiwasang mairita. Sa opisina pa talaga? Wala na bang ibang lugar?
Wala pang isang minuto akong nakaupo nang biglang lumapit si Maya, ang kaopisina kong mahilig mang-asar. Nakapamewang ito habang iniinspeksyon ang suot ko mula ulo hanggang paa.
"Ano ba naman ‘yan, Reina?" Umirap siya. "Nasa opisina ka, hindi sa kumbento!"
Napakunot-noo ako. "Ano na naman problema mo sa suot ko?"
"Tingnan mo ‘yan!" Inilahad niya ang kamay niya, parang presenter sa isang TV shopping show. "Blouse na hanggang leeg, slacks na ang haba-haba… Diyos ko, parang ayaw mong huminga ng balat mo!"
Napairap ako. "Ano bang gusto mong suotin ko? Bikini?"
"Kung pwede lang!" Tumawa si Maya bago lumapit pa lalo para bumulong, "Darating na raw ang bago nating boss."
Napataas ang kilay ko. "Eh ano naman?"
"Aba, malaki ‘to, Reina. Ang sabi ng HR, ayaw niya raw sa mga empleyadong sobrang conservative kung manamit."
Napanganga ako. "Anong klaseng boss ‘yon? Ano gusto niya, lahat kami naka-mini skirt at crop top?"
"Malay ko!" Napatawa si Maya. "Basta ang sabi, ayaw niya raw sa masyadong balot. Mas gusto niya yung…" Napatingin siya sa sarili niyang fitted dress na humuhugis sa kanyang katawan. "Yung classy pero sexy."
Ano ‘to, modeling agency?
Umiling ako. "Bahala siya. Hindi ako magpapalit ng style ng pananamit para lang i-please ang boss."
Natawa si Maya. "Sige, pero kapag nasungitan ka niya sa first meeting niyo, huwag kang magreklamo ha!"
Hindi ko alam kung anong klaseng boss ang naghihintay sa amin, pero isa lang ang sigurado ako—hindi ako magpapabago ng sarili ko para lang sa kanya.
Tahimik akong nagta-type sa computer nang biglang may narinig akong malanding tawa mula sa may entrance ng opisina. Pamilyar ang tawang ‘yon—sobrang pamilyar.
Napahinto ako sa ginagawa ko at dahan-dahang lumingon. Si Lisa.
Kakarating lang niya sa opisina, pero ako, ilang oras nang nagtatrabaho rito. Ang kapal talaga!
Pero mas lalo akong napatigil nang mapansin ko ang suot niya—gusot ang blouse, at parang hindi maayos ang pagkakabutones. Kulang na lang ay may nakasulat sa noo niya na, “Ginapang Ako”.
Napasinghap ako. Oh my God.
Bigla kong naalala ang eksenang nakita ko kanina sa hallway—yung mainit na halikan nila ng boyfriend niya, kung saan halos lamutakin na siya ng lalaki. Hindi kaya… nag-s*x sila rito mismo sa opisina?!
Napapikit ako saglit, pilit nilulunok ang kabastusan ng iniisip ko. Pero paano ko ba hindi iisipin kung ganyan ang ayos ni Lisa? Halata namang may nangyari.
Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis. Diyos ko, kung nalaman ‘to ni Tita Sonia, baka himatayin siya sa sama ng loob!
Maya-maya pa, napansin kong lumapit si Lisa sa table ko, may nakakalokong ngiti sa labi. "Oh, Reina. Ang aga-aga mo na naman? Hindi ka ba napapagod sa kakatrabaho?"
Napangisi ako at saka sinulyapan ang gusot niyang damit. "Mas okay nang mapagod sa trabaho kesa sa ibang bagay."
Nakita kong saglit na nanlaki ang mata niya bago siya mabilis na nag-irap. "Ewan ko sa’yo." Saka siya umalis palayo, halatang defensive.
Napailing ako. Bahala siya. Hindi ako chismosa, pero kung siya mismo ang nagbibigay ng ebidensya, kasalanan ko pa ba kung mag-isip ako ng kung anu-ano?