“Apple.”
“Po?” Tiningnan ni Apple ang tumawag sa kanya. Lumapit siya dito habang nagpuupunas ng kamay. “Bakit po, Sir?”
Napabuga ito ng hangin dahil nagpo-po na naman ito. “I need you to come with me.”
“Saan po?” nagtataka niyang tanong.
“Can you just drop the po? Hindi pa ako gano’n katanda para i-po mo.”
“Eh, sa amo kita, eh. Kaya kailangan kong mag-po. Baka anong isipin ng ibang makakarinig kapag hindi kita ginalang.” Napakamot na lang siya sa ulo.
“Amo mo nga ako, pero baka nakakalimutan mo na boyfriend mo din ako.” Mabilis niyang tinakpan ang bibig nito at napatingin sa paligid. Kinakabahan siya dahil baka may makarinig sa sinabi ng binata. "What just the heck?" Tinanggal nito ang kamay niya na nakatakip sa bibig nito.
“Huwag ka kasing maingay at baka may makarinig sa sinabi mo at baka kung anong isipin nila.” Nakahinga siya nang maluwag ng walang tao malapit sa kinaroroonan nila.
“Malalaman din naman nila ang totoo balang araw, lalo na kapag nandito na si mommy.” Napa-cross arm ito. “Mas mabuti nga na malaman na nila agad para mas mapaniwala natin si mommy na matagal na tayo.”
Napangiwi siya. “Alam mo, hindi talaga sila maniniwala kapag nalaman nila na sa isang iglap,” Pinitik niya ang kanyang mga daliri. “ay naging tayo, lalo na’t alam nila na hindi naman tayo nagpapansinan noon.”
“Pag-usapan na natin ‘yan mamaya. Right now, magbihis ka na at aalis na tayo.”
“Saan ba tayo pupunta? May trabaho pa ako.”
Sinamaan siya nito nang tingin. “Sino ba amo dito?”
Napatawa siya ng alinlangan habang nakakamot sa pisngi. “Ikaw."
"So?"
"Ito na, magbibihis na. Nagmamadali ka, Sir?” Napailing-iling na lang ito.
Pumasok siya sa kwarto saka nagbihis. Nang matapos ay nakita niya ang isa sa mga kasama niya na kakapasok lang sa kwarto.
“Aalis ka?” tanong ni Yna.
“Oo, eh. Isasama ako ni Sir Aiden sa grocery store,” pagsisinungaling niya. “Sige na. Aalis na ako, baka nagmamadali si Sir, pagalitan pa ako kapag natagalan ako.” Para siyang si Flash na mabilis lumabas sa kwarto.
Mahirap na at baka ma-question pa siya at kung saan umabot ang tanong nito. Hindi pa naman niya alam kung anong isasagot. Nang makarating sa parking lot ay nakita niya si Aiden na naghihintay katabi ng kotse nito. Napatingin ito sa kanya at bago pa siya nito pagbuksan ng pinto ay mabilis niya itong binuksan saka pumasok at siya na din mismo ang nagsara.
Nagulat si Aiden sa ginawa niya. Hindi man lang kasi niya hinintay na pagbuksan siya ng pinto nito. Napailing na lang ito saka pumasok sa sasakyan.
“Ang bilis mo naman atang magbihis.”
Napangiwi siya. “Mabilis na ba ‘yon?”
“Kung sa mga ibang babae, oo.” Napailing-iling ito. “Sila pala iyon at hindi ikaw.”
Napangiti siya dahil kahit papaano ay kilala na siya nito. Sila ‘yon at hindi siya.
“Wala naman kasi akong dapat ikatagal. Ano ba dapat isusuot ko? Magga-gown pa ba ako?” natatawa niyang sabi. “Hindi naman ako nagme-make up. Hindi naman kasi ako maarte.”
“Your beautiful in your own way, Apple,” nakangiti nitong sabi habang diretso ang tingin sa daan.
“Ene be, Sir. Baka kiligin ako niyan.” Hinampas niya ang balikat nito para ikagulat ng binata.
“Hilig mo talaga ang manghampas, no?”
Tumawa siya. “Pasensya na, Sir.” Muli itong napailing. “Saan nga po pala tayo pupunta, Sir.”
“Sa isang shop.” Napakunot-noo siya sa sinabi nito. “Ipapa-repair kita.” Nanlaki ang mga mata nito na ikinatawa naman nito.
“Anong akala mo sa akin, Sir, sasakyan? Para ipa-repair mo? Saka maayos pa naman ang turnilyo ko sa ulo, mahigpit pa naman.”
Natawa ito. “Sorry, sorry. I’m just kidding.” Ngumuso siya bilang pagtatampo. “What I mean is, kailangan nating bumili ng mga damit, sapatos, at mga kakailanganin mo.”
“Ha? Sa pagkakaaalam ko, Sir, may mga damit pa naman ako. Hindi pa naman ‘yon punit-punit at kapag sinuot ko naman, nagmumukha pa naman akong tao at hindi taong grasa.”
“I know, pero ano na lang ang iisipin sa akin ng mga tao o ni mommy kapag nakita ka sa mga suot mo. Baka sabihin nila na sarili kong girlfriend ay hindi ko binibilhan. Baka masabi pa niyang pinabayaan kita at hindi kita inaalagaan.”
“Ases!” Sinindot niya ang tagiliran nito. “Dapat na ba akong kiligin, Sir?”
Bahagya siyang natawa nang makita itong napailing-iling. Kapag kasama talaga siya nito ay palagi na lang itong napapailing. Alam niya at dahil ‘yon sa kabaliwan niya.
“Silly.”
“Biro lang, Sir.” Tumawa siya. “Pero Sir, wala akong pera pambili.”
Tumingin ito sa kanya. “Anong silbi ko bilang boyfriend mo?” Tumigil ang sasakyan dahil naka-red ang traffic light.
“Ah!” Humawak siya sa puso niya. “Sa tingin ko mahal na kita, Sir.”
“Crazy.” Napapailing itong tumingin sa daan dahil nag-green light na. “You can’t. Rule number one: You can’t fall in love with me.”
Napangiwi siya. “Dapat nakalagay din sa kontrata, Sir, na bawal ka ma-in love sa akin.” Tumawa siya. “Joke! Alam ko kaya ‘yon, Sir. Tss! Feeling niyo naman magkakagusto ako sa inyo.”
“Bakit? Hindi ba?”
“Hmmm...” Napaisip naman siya. “Sabihin na natin sa One Hundred percent, siguro mga nasa one percent lang ang chance na magkakagusto ako sa ‘yo.” Pinakita niya ang isang daliri niya.
“One percent?” hindi makapaniwala nitong tanong.
Hindi niya inaasahan na may isang babae na one percent lang ang chance na magkakagusto sa kanya. Hindi naman sa nagmamayabang siya pero may mukha naman siya na nakaka-in love, lalo na ang pagiging good boy niya.
“Am I not enough handsome in your eyes?”
“Hmmm, kung sa mukha lang naman ang pagbabasihan ay gwapong-gwapo ka talaga, Sir. Gwapo naman si Noah, pero mas lamang ka sa kanya. Pero mas gwapo pa rin si Levi, syempre.” Bigla siyang kinilig ng maalala ang gwapong mukha ni Levi.
“And who’s Levi?”
“Hindi mo siya kilala, Sir?” Umiling ito bilang sagot. “Aish! Ang pangit mo talagang ka-bonding, Sir.” Napa-poker face ito dahil pakiramdam nito ay ang pangit niya talagang ka-bonding. “Siya lang naman ‘yong character sa Attack On Titan.”
“Attack on... Wait, what?” Tiningnan siya nito nang masama. “That’s an anime character.” Tumawa naman siya. “You are such a crazy person.”
Matagal siya bago natapos sa pagtawa dahil natutuwa siya sa reaksyon ni Aiden. Napapailing na lang ang binata sa kabaliwan niya saka napangiti na din kalaunan.
“Anyway, Sir, kung mukha talaga niyo ang pagbabasihan ay gwapo talaga kayo at pwede akong ma-in love, pero ayaw ko.”
“And why is that?”
“Madami akong magiging karibal at kaaway no. Baka mamaya dumugin pa ako ng mga die hard fan mo.”
“There’s no such thing as that.”
“Owws? Sa gwapo mong ‘yan?” Tiningnan niya ang mukha nito saka umiling-iling habang nakahawak sa baba niya. “Imposible na wala kang die hard fan.”
Bumaba na siya nang makarating na sila sa parking lot ng isang mall. Kung hindi siya nagkakamali ay ang nagmamay-ari ng mall na ito ay si Wyatt Rodriguez. Nalaman niya ‘yon mula kay Yna at sa binabasa nitong magazine kung saan si Wyatt Rodriquez ang nasa front page, ang isa sa mga kaibigan ni Aiden na sa pagkakaalam niya ay playboy.
Actually, alam niyang playboy ang mga kaibigan nito. Sa pagkakaalam niya din ay limang magkakaibigan ang mga ito. Si Ice na nag-iisang babae sa grupo nila na ngayon ay may pamilya na, si Zaver na parang nagbago na, si Wyatt, Dylan, at Aiden. Kilala lang naman niya ang lima dahil sikat ang mga ito bilang mga business partners. Nakita niya din ang lima na nasa font page ng magazine. Pero ni minsan ay hindi pa niya nakakausap ang mga ito kahit pa madalas ito sa bahay ng binata, lalo na si Wyatt at Dylan.
Pumasok sila sa isang elevator mula sa parking lot papunta sa loob ng mall.
“Hindi mo talaga ako hahayaan na pagbuksan ka ng pinto, ano?” tanong ni Aiden nang umaakyat na ang elevator.
“Hindi niyo naman kailangan na maging gentleman sa isang katulong, Sir."
Napabuntong-hininga ito. “Pwede bang alisin mo muna sa isip mo na isa kang katulong? Sa ngayon ay isipin mo na boyfriend mo ako at girlfriend kita. Isipin mo na lang na katulong ka pagtapos na ang kontrata natin.”
“Sige, Sir.”
“And stop calling me, Sir. Call me Aiden from now on.”
Tiningnan siya nito nang hindi siya sumagot. Napakamot siya sa pisngi. “Sige, pero pwede bang Sir pa rin ang itawag ko sa ‘yo kapag nasa bahay tayo?”
“Why? Malalaman at malalaman din naman nila ang relasyon natin.”
“Speaking of relasyon. Ano nga pala ang sasabihin natin sa mga tao? Sigurado akong magtataka sila na sa isang iglap ay naging tayo agad, lalo na’t alam nila na hindi naman tayo nag-uusap noon.”
“That will be a problem.” Napasapo ito sa noo. "Bakit kasi hindi mo ako kinakausap noon, eh.”
“So, kasalanan ko pa?”pagtataray niya habang nakaturo sa sarili.
“I’m not blaming you.” Lumabas na sila sa elevator nang bumukas na ito. Nakasunod lang siya sa binata. “Ganito na lang, sasabihin na lang natin sa kanila na matagal na tayo, hindi lang tayo nagpapansinan dahil nahihiya ka at natatakot ka na malaman nila. Lalo na’t iniisip mo kung anong sasabihin nila.”
Napatango-tango naman siya. “Pwede. Pwede na nilang paniwalaan ‘yon. Ilang buwan naman ang sasabihin ko sa kanila kung kailan naging tayo?”
“Sabihin mo na isang taon na tayo.”
“Isang taon?”
Tumango ito. “Mas maganada kung mas matagal para hindi na ako kulitin ni mommy.”
“T-teka, kung isang taon na tayo. Hindi ba magdududa ang mommy mo kung bakit hindi mo ako pinakilala sa kanya noon?”
“I’ll just tell her that you are not ready yet at ngayon mo lang napagdesisyonan na magpakilala dahil nalaman mong ipapakasal niya ako sa iba. Sasabihin ko din sa kanya na mahal na mahal mo ako at hindi mo kaya na mawala ako sa buhay mo kaya ipaglalaban mo ako," nakangisi nitong sabi dahilan para mapangiwi siya.
"Parang over naman ata ‘yan, Sir. Kinikilabutan ako.” Tumaas ang mga palahibo niya at niyakap ang sarili na para bang giniginaw siya.
“Same here.” Ginulo nito ang buhok niya saka hinawakan ang kamay niya at hinila siya sa kung saan.