Napatingin sa entrance ng bahay si Apple nang makarinig ng mga tawa. Pagtingin niya doon ay nakita niya sina Wyatt at Dylan na nagtatawanan habang nagtutulakan. Napapailing na lang siya dahil hindi magtatagal ay aabot sa asaran ang dalawa. Alam niya ‘yon dahil palagi na lang niyang nakikita ang dalawa na nag-aasaran sa tuwing pumupunta ang mga ito sa bahay ni Aiden.
Nagpatuloy lang siya sa ginagawa at hindi na pinansin ang mga ito. Malayo siya sa mga ito kaya hindi siya nakikita. Napatigil siya sa ginagawa nang lumapit sa kanya si Manang Pesing. Siya ang mayordoma sa bahay ng mga Thompson. Halos ito na din ang nagpalaki sa binata at kasama nito kapag may business trip ang mga magulang ni Aiden.
“Bakit po, Manang?” tanong niya nang huminto ito sa harap niya.
“Ikaw na muna ang magbigay ng meryenda kina Wyatt at Dylan. Wala kasi sina Yna, inutusan kong mamalengke.”
“Okay po, Manang.” Ngumiti siya dito saka nagpaalam.
Pumunta siya sa kusina saka kinuha mula sa ref ang pitsel na may lamang juice saka nagsalin sa dalawang baso at kumuha na din siya ng dalawang slice ng cake. Inilagay niya ito sa magkaibang platito. Inilgay niya ang mga ito sa isang tray at naglagay na din ng table napkin. Binitbit niya ito saka tumungo sa sala kung saan ang dalawa ay nag-uusap.
“Tigilan mo nga ako,” rinig niyang asik ni Wyatt. “Sinabi ko na sa ‘yo na hindi ko gusto ang amazonang ‘yon. Ewww! Mas lalaki pa kung makaasta kaysa sa akin. Kung makaporma, akala mo lalaki talaga.”
“Eww daw pero deep inside, dumudugdug na ang puso niya,” panunukso ni Dylan habang sinisindot ang tagiliran ng binata.
“What the heck! Anong dugdug ang pinagsasabi mo diyan. Suntok gusto mo?” Pinakita ng binata ang kamao nito. Tumawa lang si Dylan sa banta ng kaibigan. “Ang badoy mo, ah!”
Hindi niya maiwasan na matawa sa dalawa at mapatingin kay Dylan. Parang nakikita niya ang sarili dito. Naalala niya tuloy ang reaksyon noon ni Aiden nang sinabi niya din ang dugdug, sinabihan din siya nitong badoy. Napapailing na lang siya. Isa sa mga gusto niya kay Dylan ay ang pagiging simple at masayahin nito. Humahanga nga siya sa ugali nito, na kahit mayaman ay hindi nahihiya na maging badoy sa harap ng mga kaibigan. Isa iyon sa napapansin niya habang nakatingin sa mga ito noon.
“Excuse me.” Napatigil naman ang dalawa saka napatingin sa kanya. “Ilalagay ko lang po itong mga meryenda niyo.”
“Ah! Yes, please,” sagot ni Dylan. Inilapag na niya ang dalawang juice at cake nito sa mesa.
Tumuwid siya nang tayo ng matapos siya. “Kapag may kailangan pa po kayo tawagin niyo na lang ako.” Aalis na sana siya ng tawagin siya ni Dylan. “Bakit po? May kailangan pa po ba kayo?”
“Wala naman. Gusto ko lang itanong kung bago ka lang ba dito? Ngayon lang kasi kita nakita dito.”
Napatitig siya dito saka napatingin kay Wyatt na palipat-lipat nang tingin sa kanila ni Dylan habang umiinom ng juice.
Muli siyang tumingin kay Dylan saka ngumiti. “Matagal na po ako dito. Hmm, dalawang taon na din po akong nagtatrabaho dito.”
“Dalawang taon? Really?” Tumango naman siya. “Eh, bakit parang ngayon lang kita nakita dito?”
Napakamot siya sa pisngi saka napatawa ng alinlangan. “Hindi po kasi ako masyadong nakikisalamuha sa mga tao. Tahimik lang po ako.”
“Imposible. Kahit hindi ka masyadong nakikisalamuha, mapapansin ka pa rin namin, lalo na kung ganyan ka kaganda.” Napakamot siya sa ulo at napaiwas nang tingin dito.
Hindi siya sanay na sinasabihan ng maganda lalo na’t hindi naman talaga siya maganda. Parang gusto niyang tumawa dahil para sa kanya ay isa iyong malaking biro.
“Baka tinatago siya ni Aiden kasi alam niyang hihiritan mo ang katulong niya,” biro ni Wyatt dahilan para tapunan siya ng binata ng unan na nasa sofa.
“Gago! Tumahimik ka nga. Hindi ako katulad mo na pati aso, papatulan.”
“Gago ka! Baka ikaw ‘yon.” Napalipat-lipat siya nang tingin sa dalawa. Nagsisimula na naman ang inisan ng mga ito. Tumingin si Wyatt sa kanya. “Huwag kang maniwala sa kanya, Miss, babaero ‘yan.”
Niyakap niya ang tray na hawak. “Di ba pareho naman po kayong babaero?” Natigilan ang dalawa at napatitig sa kanya. Napakamot siya sa pisngi at hindi makatingin sa mga ito. “Sa pagkakaalam ko kasi ang babae para sa inyo ay parang damit lang kung palitan niyo, mabilis.” Nagtataka siyang napatingin sa dalawa nang makita niyang nagpipigil ng tawa ang mga ito. “Bakit po? May nasabi ba akong nakakatawa?”
“Grabe ka. Maliban kay Ice at Madison ay hindi pa ako nakakakilala ng babaeng kasing prangka mo,” natatawang sabi ni Wyatt.
“Yeah.” Kay Dylan naman siya napatingin at sumang-ayon ito sa sinabi ng kaibigan. “Kaunti na lang kayong mga babaeng ganyan. Yong iba kasi masyadong nahuhulog sa magaganda naming mukha, na kahit alam nila na masasaktan sila ay mahuhulog pa rin sila sa bitag.” Napailing-iling ito.
“Ikaw, Miss? Hindi ka ba nahuhulog sa mga gwapo naming mukha.” Napalipat-lipat siya nang tingin sa dalawa.
“Hmm, kung pagbabasihana ng mukha, gwapo naman talaga kayo.” Tumango-tango ang dalawa bilang pagsang-ayon habang nakahawak sa mga baba nito. “Pero ayaw ko sa mga babaero.” Bumagsak ang balikat ng mga ito. “Isa pa po, hindi magandang mukha ang hanap ko sa isang lalaki, kung hindi magandang kalooban.” Turo niya sa bandang puso niya saka ngumiti.
“Eh, magandang katawan ayaw mo ba?” Napasinghap siya nang bigla-bigla ay ang lapit na ng mukha ni Wyatt sa kanya. Ang bilis nitong tumayo at lumapit sa kanya, hindi niya agad nakita ‘yon. Pakiramdam niya ay kaharap niya si Flash.
Ngumiti siya dito. “Hindi din po, eh.”
“What?”
“Stay away from her, Wyatt.” Sabay silang napatingin kay Aiden na pababa ng hagdan. Mukhang may lakad ang tatlo dahil nakabihis ito.
“Are you jealous?” panunukso nito.
“Of course, I am.” Nasamid si Dylan sa iniinom nitong juice dahil sa sinagot ng binata. Lumapit ito sa kanya saka hinawakan siya sa bewang na ikinagulat niya. “Because she’s my girlfriend.” Nasamid naman sa sariling laway si Wyatt sa sinabi nito. Nanlaki ang mga mata niya saka tinulak agad ang binata. “What?”
“Baliw ka ba?” mahina niyang sigaw dito saka napatingin-tingin sa paligid. “Baka may makakita sa atin.”
“Eh, ano naman ngayon? Napag-usapan na natin ‘to, ‘di ba?” Napasapo na lang siya sa noo.
“Sige na. Sige na. Pero huwag ka lang masyadong madikit at humawak sa akin.” Niyakap niya ang sarili. “Kinikilabutan ako. Brrr!”
“What the?” Napatingin ito sa mga kaibigan na nakatunganga pa rin sa kanila. “Bakit parang nakakita kayo ng multo diyan?”
“G-girlfriend mo siya?” tanong ni Wyatt habang nakaturo sa kanya.
“That’s what I’ve said, right?”
Tumingin naman ito sa kanya. “Boyfriend mo siya?” tanong nito habang kay Aiden naman nakaturo.
Ngumiti siya pero naging ngiwi din. “Oo.”
Napakurap-kurap ito. Gano’n ba talaga kagulat kapag nalaman mo na ang isang mayaman na kaibigan mo ay nagka-girlfriend ng katulong? Napailing-iling na lang siya. Kung ito ang naging reaksyon ng mga kaibigan nito, ano pa kaya ang sa mommy nito? Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon ng mommy ni Aiden sa kanya lalo pa’t ni minsan ay hindi pa niya ito nakita. Hindi niya alam kung ano ang ugali nito. Bigla tuloy siyang kinabahan.
“Why? Is there’s something wrong with that?”
Umiling-iling ito. “Wala naman, pero sabi mo kasi hindi ka magkaka-girlfriend kung hindi seryoso. Ayaw mong makipaglaro sa relasyon, ‘di ba? Gusto mo ‘yong seryosong relasyon.”
Napatingin naman siya sa binata. So, totoo nga na hindi ito kagaya ng mga kaibigan nito na babaero. Kaya pala sa tagal na pagtatrabaho niya sa bahay nito ay ni minsan ay wala pa siyang nakitang babae na dinala nito sa bahay.
“It’s not what you think, okay?” Napabuga ito ng hangin. “Siya si Apple, ang sinabi ko sa inyo.” Mas lalo siyang napakunot sa sinabi nito. Ibig sabihin kinukwento siya nito sa mga kaibigan nito? Pero bakit? “Siya ‘yong babaeng gusto kong magpanggap na girlfriend ko.”
“Owww...” Sabay na napatango ang dalawa. “Akala ko ba hindi siya pumayag?”
“Well,” Nagkibit-balikat ito. “Sabihin na lang natin na we’re on the same both.” Ngumiti na lang siya nang tumingin ang dalawa sa kanya. Bumaling sa kanya nang tingin si Aiden. “Aalis na muna kami.”
“Saan kayo pupunta?” Nagulat siya sa naging tanong niya.
Hindi niya alam kung saan nanggaling ‘yon, basta bigla na lang ‘yon lumabas sa bibig niya. Kahit gusto man niyang bawiin ang sinabi ay huli na ang lahat, narinig na ito ng binata. Gusto niya tuloy sampalin ang bibig dahil minsan talaga hindi ito makapagpigil. Baka ano na lang ang masabi ng binata dahil sa naging tanong niya.
Nakita niya din ang pagkagulat sa gwapong mukha ng binata pero kalaunan ay ngumiti din ito. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ako magpapagabi masyado.” Inipit nito sa tenga niya ang ilang hibla ng buhok niya. “Don’t miss me too much.”
Napangiwi siya. Parang tumaas ang mga balahibo niya sa batok hindi dahil sa kilig kung hindi dahil sa kilabot. “Huwag masyadong assuming, Sir.”
Tumawa ito. “Pupuntahan lang namin si Zaver, mukhang masyado na kasing subsob sa trabaho. Aayain lang namin uminom at mag-relax ng kaunti.”
“Nang may kasamang babae?” Natigilan ito dahilan para matawa siya. “Biro lang. Sige na.” Tumango-tango siya.
Inakbayan ni Wyatt si Aiden. “Huwag kang mag-alala, Apple. Hindi naman ito babaero kaya makakahinga ka ng maluwag. At saka, iuuwi namin ng buo dito ang mahal mo.”
Mas lalo siyang napangiwi. “Kahit huwag niyo ng iuwi.”
Tumawa ang dalawa habang napapailing naman si Aiden. “Sige na. Aalis na kami.”
“Sige. Mag-iingat kayo.” Inihatid niya ito sa may pinto saka kumaway nang makaalis na ang mga ito.
Napangiti siya nang mapagtanto niya na masaya naman pa lang kausap ang mga kaibigan nito.