Marahas na inilapag ni Alice ang isang pirasong papel sa ibabaw ng mesa kung saan kumakain si Lindsay ng meryenda.
Napabuntong-hininga siya at walang ganang sumandal sa inuupuan.
"Anong ibig sabihin niyan, Say?" seryosong tanong ni Alice. Walang ngiti na mababanaag dito.
Napadako ang tingin niya sa papel. Iyon ang papel na nagpapatunay na tanggap na siya sa restaurant na pinag-apply-an niya noong nakaraang linggo.
Napakagat-labi siya at umiwas ng tingin mula kay Alice.
"'Di ba napag-usapan na natin 'to, Say? Hindi ka pa pwedeng magtrabaho!"
"Alice, okay na ako. Kaya ko na ang sarili ko. Gusto ko nang magtrabaho. Kahit pa sabihin mo sa akin na hindi alintana sa'yo ang pagkagastusan ako, hindi ko pa rin matatanggap iyon nang gano'n lang. Gusto ko ring magtrabaho para sa sarili ko. Paano ako gagaling nang tuluyan kung hindi ako aalis mula sa comfort zone ko?" pagpapaliwanag niya. Hinawakan niya ang dalawang kamay ni Alice at pinilit na ngumiti sa harap nito. "Sige na, please? Isa pa, magsisimula na ako mamaya. Kailangan ko talaga 'to, Alice. May mga gusto akong bilhin na ayaw kong hingiin sa'yo. Alam mo naman siguro kung ano ang pakiramdam, 'di ba? Please?" pagpupumilit pa niya.
Marahas na napabuga ng hangin si Alice at sinipat ng nakapapasong tingin ang kaibigan. "Ipinagpaalam mo na ba 'to kay Doc Olga?" Tinutukoy nito ay ang psychologist ni Lindsay.
Napatango naman si Lindsay. "Oo. Bago ako nag-apply ay nagpaalam na ako sa kanya. Sabi naman niya na okay naman." Hinarap niya ang kaibigan. "'Wag ka nang mag-alala. Hindi ko kakalimutan ang gamot ko. Palagi rin akong magsasabi sa'yo ng lahat ng gagawin ko. Promise!" Nanumpa pa siya.
Nang makita niyang napabuntong-hininga si Alice at napapikit ay alam niyang tanda na iyon ng pagsuko nito. "Fine! Lagi mong tatandaan ang mga bilin ko at ni Doc, naiintindihan mo?"
"Yes! I love you, best!" Hinalikan niya si Alice sa may pisngi.
Gumayak na si Lindsay papunta sa Retrorant, ang restaurant kung saan siya natanggap bilang isang waitress. Mga apat na kanto ang layo nito mula sa Jacinto. Mas convenient sa kanya na malapit sa school ang kanyang trabaho para diretso na siyang papasok pagkatapos ng duty niya.
Isang fine dining restaurant ang Retrorant. Dahil sa pangalan nito ay dinadagsa ito ng mga middle-class at mga mayayaman.
Hindi naman naging mahirap kay Lindsay ang trabaho. Mabilis siyang natututo dahil approachable naman ang mga kasamahan niya na nagtuturo sa kanya. Paminsan-minsan naman ay nangangapa siya dahil hindi siya sanay na palaging napapansin ng kahit na sino. Kahit ang simpleng pagtawag sa kanya ng manager o ng mga kasamahan niya ay hindi pa siya gaanong nasasanay. Mabuti na lang at naging patient ang mga ito sa kanya.
Nilihim niya ang kanyang kondisyon. Ayaw niya na may makaalam nito. Natatakot siya na baka kutyain siya o kaawaan ng mga ito.
Sa loob ng dalawang linggo ay napagtagumpayan niya ang trabaho. Masasabi niyang nasasanay na siya.
Masaya siyang pumasok sa school. Maya-maya ay may napansin siyang umupo sa kanyang tabi.
Napakunot-noo siya at tiningnan kung sino iyon. Doon siya natigilan nang mapansin ang pagtitig ni Rex sa kanya.
Ngumiti ito sa kanya at saka itinuon ang pansin sa mga gamit nito.
"Balita ko nagtatrabaho ka na. Alam na ba ni Alice?" bigla ay tanong nito.
Napatango siya. "Alam naman niya. Ikaw? Kumusta ka na?"
"Okay lang. Actually, sa Retrorant din ako nagtatrabaho. Last month pa..."
Nanlaki ang mga mata niya. "Talaga? Hindi kita nakikita doon."
"Ah, kasi panggabi ang schedule ko."
"Ah, gano'n ba?"
Katahimikan.
Nagpatuloy lang si Lindsay sa pagsusulat. Hindi na rin kasi niya alam kung ano pa ang kanyang sasabihin. Awkward pa rin siya kapag nagdidikit sila ni Rex. Hindi niya maintindihan pero hindi na niya maibalik ang dating sigla ng pagkakaibigan nila. Siguro ay dahil sa pag-amin nito sa kanya.
"Wala ka bang gagawin mamaya?" bigla ay tanong ni Rex.
"W-wala naman. Bakit?"
"Yayain sana kita sa arcade..."
Napakagat-labi siya at napaisip saglit. Matapos niyon ay tumangi siya. "Sige. Matagal-tagal na rin akong hindi naglalaro doon."
"Sige. Sabay na tayong lumabas mamaya."
Naging magaan ang pakiramdam ni Lindsay pagkatapos niyon. Kahit papaano ay nanunumbalik ang dati nilang samahan ni Rex. Nami-miss naman niya ito. Simula kasi nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ay lagi na lang siyang nag-iisa sa school. Wala naman kasing lumalapit sa kanya na ibang kaklase or schoolmate. Sanay na siya sa mga mapanghusgang tingin ng kapwa niya estudyante. Sanay na siya sa bulungan ng mga ito.
Sa hindi malamang dahilan ay tila humupa rin ang lantarang pang-aasar sa kanya ng ilan niyang mga kaklase. Ang iba ay iwas na iwas pa sa kanya.
Naalala pa niya nang pumasok siya sa CR at narinig ang usapan ng kanyang schoolmates.
"Ano bang mayro'n sa plain girl na 'yun? Bakit hindi natin siya pwedeng lapitan? Gold ba siya?!"
"Sumunod ka na lang kung ayaw mong ma-suspend tulad ni Pennie. Hindi ko alam kung anong kapit niya sa ating new President, pero for sure ginamitan niya 'yan ng kalandian niya! Remember 'yung issue niya kay Rex Salvador?"
"Ah, 'yung may humalik sa kanya?"
"Naiirita talaga ako sa Soliman na 'yun! Ano bang mayro'n siya? Ang pangit naman niya. May malaki pang peklat sa may baba niya. Eww!"
Tawanan nang tawanan ang mga ito habang nasa loob ng cubicle si Lindsay at umiiyak. Maingat siya na hindi makalikha ng ingay.
Simula nang umalis siya sa condo ni Alex ay kaagad siyang naghanap ng paraan na makapagtrabaho. Gusto niyang ituon ang atensyon sa ibang bagay kaysa ang magmukmok sa kung paano siya ni-reject ng binata.
It was her first heartache. Hindi pa man sila pumapasok sa isang opisyal na relasyon ay agad na itong natapos. Worst, she became so insecure of herself. She realized that no matter how much she loved, she will never be enough for anyone. Dahil sa kondisyon at hitsura niya ay tila kay hirap pumasok sa isang relasyon.
*****
Gaya ng napag-usapan ay hinintay si Lindsay ni Rex sa labas ng school. Sabay silang nagtungo sa arcade at naglaro.
Kinalimutan muna niya ang lahat ng dinadamdam niya. Kailangan din niyang mag-unwind para hindi niya gaanong maalala si Alex.
Kahit anong gawin niya ay hindi ito mawala-wala sa kanyang isipan. Pinipilit niyang sinisiksik sa isipan na hindi na dapat siya umasa pa ay hindi nakikinig ang kanyang puso.
Nakatatak sa kanyang puso ang mga ngiti at boses nito. Tila mas matimbang pa sa kanya ang mga magagandang alaala nila ni Alex kaysa ang mga sinabi nito sa kanyang masasakit.
Pagkatapos nilang maglaro ay niyaya na siya ni Rex na kumain. Marami silang napag-usapan lalo na tungkol sa trabaho. May mga itinuro si Rex sa kanya at talagang nag-joy down siya sa kanyang Note App sa cellphone.
Abala siya sa pagtipa sa cellphone niya nang mapansin niya ang pagtingin ni Rex sa kanya.
"B-bakit?"
"Bawal ka pa rin ba mag-internet?" tanong nito.
Napatango siya. "Oo, e. Kapag mas umayos na ang kalagayan ko, papayagan na ako ni Doc."
"Lindsay... galit ka pa rin ba sa akin?"
Hindi siya sumagot. Hindi niya alam kung paano tutugunin ang kaibigan.
"Hindi ko alam kung ilang beses pa akong magso-sorry sa'yo, pero handa akong maghintay. Ayoko na masira ang pagkakaibigan natin, Lindsay. Nami-miss na kita..." Nakita niya ang naluluhang mga mata nito.
"Hayaan mo, hindi ko naman ipipilit sa'yo ang sarili ko. Ayaw ko lang talaga na masira ang samahan natin. Nami-miss ko na ang dating bonding natin. Alam ko na may boyfriend ka na kaya hindi na ako magpupumilit pa. But please... let me be your best friend once again..."
Napangiti siya rito at napatango. "Miss na rin kita, Rex. Sorry kung natagalan bago ulit tayo nakapag-bonding. Sa ngayon, gusto ko talagang mag-focus sa pagtrabaho. Gusto ko na kasing maging independent..."
"Independent?"
"Oo. Kapag tuluyan na akong magaling at kapag may sapat na akong ipon, gusto ko nang humiwalay sa poder ni Alice. Gusto ko nang mabuhay na para sa sarili ko. Marami na kayong naitulong sa akin ni Alice. Gusto ko na mabuhay kayo nang hindi ako masyadong iniintindi. Ayaw ko na mahirapan kayo sa akin," paliwanag niya.
"Say, wala naman sa amin 'yun ni Alice. Alam mo naman na bukal iyon sa loob namin..."
Napailing si Lindsay. "Alam ko na mahal ninyo ako at magkapatid ang turingan. Pero sa awa pa rin naman nag-ugat ang lahat, 'di ba? I will stop letting others pity me. Gusto ko na ako naman ang mag-aasikaso sa sarili ko. Selfish na ba ako kung iyon ang hihilingin ko?" Napatawa siya. "Ayoko na kaawaan ninyo ako, Rex. Gusto ko na pagdating ng panahon ay maging proud kayo sa akin. At masasabi ninyong, 'Ah... magaling na si Lindsay. Hindi na natin siya kailangang alagaan.' Gusto ko na ganoon ang sabihin ninyo sa akin. Gusto ko na maging proud kayo sa akin..."
Bigla siyang kinabig ng yakap ni Rex. "I'm already proud of you, Lindsay. Proud na proud ako sa'yo. Kung 'yan ang desisyon mo, I support you. Ikaw pa ba? Kaya mo 'yan! For sure, proud din si Alice sa'yo."
Napangiti siya at niyakap pabalik si Rex. "Thank you, Rex. Sana maintindihan din ako ni Alice. Nagtatampo kasi siya sa akin."
He giggled at that. "Hayaan mo lang 'yun. Natural lang na magtampo siya. Nasanay na kasi siya na laging nakaagapay sa'yo. Hindi siya sanay na hindi ka niya inaasikaso. Minsan nga naiisip ko na siya ang nanay mo, e!"
Nagtawanan sila nang dahil doon. Pagkaraan ay humiwalay siya kay Rex at nagkatinginan sila.
"Rex, salamat..."
"Lagi lang akong nandito sa tabi mo, Say. Alam mo 'yan..."
Pagkatapos ng kanilang bonding ay hinatid siya ni Rex sa bahay nila Alice. As usual ay siya na naman mag-isa sa bahay dahil may duty ang kanyang kaibigan ngayong gabi. Minabuti na lang niyang maglaba ng school uniform niya at ilang mga damit pang-alis.
Magsasampay pa lang siya ng kanyang nga damit sa loob ng CR ay may narinig na siyang nag-doorbell sa pinto.
Binitiwan niya ang kanyang basa na damit at dali-daling pumunta sa harap ng pinto.
"Sino 'yan?" tanong niya pa bago binuksan ang pinto.
Nahigit niya ang kanyang hininga nang mapagsino ang tao na nasa kanyang harapan.
Hingal na hingal ito at pawisan. Nakasuot ito ng simpleng gray T-shirt at black pants. Nakatunghay ito sa kanya. Naamoy niya ang matapang na amoy ng alak mula rito.
Napakunot ang kanyang noo. Mukha itong nakainom.
"A-anong ginagawa mo rito?" tanong niya. She made sure she didn't sound so nervous.
"Baby girl, I miss you..."