"Frexa dumating ba kahapon ang mga bagong order na gulay baguio sa pwesto?" bungad agad sa akin ni Nanay habang kasalukuyang inaayos niya ang buhok ng nakatatanda kong kapatid.
Tumango ako. "Opo," magalang na sagot ko.
Itinali ko lang basta ang buhok ko. Medyo tinanghali na kasi ako ng gising dahil alasdiyes na ako nakauwi kagabi.
"Frixie, kumusta nga pala ang school mo?" napalingon ako kay Nanay nang tanungin niya si Frixie, nasa kolehiyo na ito, habang ako'y nasa huling taon na sa high school.
Sa labas ito ng bayan nag-aaral, sa isang kilalang state university ito pinag-aral ni Nanay matapos hindi ito makapasok sa Saint Anna Academy. Mayroon akong nakababatang kapatid na si Anie ngunit hinatid na ito ni Tatay sa paaralan, kanina pa marahil nang natutulog pa ako. Malungkot na binalikan ko ang harapan ng salamin at sandaling sinayaran ang buhok ko ng suklay.
Lumapit din ako agad kay Nanay upang magmano, at magpaalam. "Sige po 'Nay, alis na po ako," paalam ko.
"Frixie baka tanghaliin ka. Sige na umalis ka na rin," anito sa nakatatanda kong kapatid at hindi man lamang ako tinapunan ng pansin. Nakaramdam ako nang sandaling kirot sa dibdib ngunit agad ding naglaho nang magsimula akong maglakad palabas ng bahay. Tirik na ang araw at paniguradong late na ako sa unang subject sa school.
Halos patakbo na ang lakad ko. Medyo lubak din kasi ang daan. Swerteng marami pa akong naabutan na nakaparadang tricycle sa terminal.
"Tinanghali ka ata Frexa?" bungad ni Berth isang tricycle driver.
"Napasarap ho ang tulog Mang Berth eh," natatawang sabi ko at agad sumakay ng tricycle niya.
"Bilib na talaga ako sa kasipagan mo Frexa. Sa umaga't hapon sa school ka, pagkatapos ng klase mo deretso ka na sa palengke para magtinda!" nakangiting puri niya at agad pinaandar ang tricycle.
Ngumiti na lang ako ng tipid. Mabuti na lang at mabilis ang tricycle ni Mang Berth kaya't naabutan ko pang marami pang estudyanteng pumapasok sa secured na gate ng Saint Anna Academy.
"Salamat ho."
"Mag-iingat ka Frexa!"
Mabilis akong pumasok ng gate, Nakahinga ako ng maluwag na may mga kaklase rin akong kasabayan na kararating lang din.
Natigilan ako sa mismong hallway dahil humarang lang basta ang hudyo.
"Good mor-"
"Pwede ba Ulrich male-late na ako kaya umalis ka na sa daraanan ko," putol ko. Pinukol ko siya ng matalim na tingin.
Mali! Maling-mali ang ginawa ko. Napamaang ako nang maalala ang nangyari ng nagdaang araw sa classroom!
Bwisit talaga! Hinawi ko siya sa daan, at tuloy-tuloy na naglakad Ayokong masira ulit ang nagsisimulang magandang araw ko ng dahil sa kanya.
"Hi," napadako ang mata ko sa nakangiting mukha ni Sam. Napakaaliwalas ng mukha niya tulad ng bukang liwayway ng araw.
"Hi," nakangiting bati ko sa kanya.
"Mukhang tinanghali ka ah?" puna ni Sam habang nakasabay sa paglalakad ko.
"Nasobrahan sa tulog," wika ko.
"Pagod sa trabaho." Alam na halos lahat ng mga kaklase ko na isa lamang akong hamak na tindera sa palengke, pero lingid sa kaalaman ng nakararami hindi naman ako nilalait dahil do'n.
Sa katunayan, parang pangkaraniwan pa rin ako sa ibang mga estudyante at saka sina Ulrich lang naman ang namumukod tanging hayok sa pambu-bully sa 'kin.
Sabay kaming pumasok ng classroom, siguro hindi iyon inaasahan ng mga kaklase namin kaya't napadako ang atensyon ng mga ito sa 'min. Nagtungo agad ako sa upuan ko saktong pumasok naman si Sir Migs habang tila hindi mapuknat ang pagkakangiti.
"Good morning class. Sorry, I'm late. Na-traffic ako sa dinaanan kong kalsada." Hindi pa rin maialis ang pagkakangiti niya kahit nakaupo na sa harap.
Ilang sandali lang ay pumasok naman ang grupo ni JJ at kasabay ng mga ito si Ulrich. Nagtatakang napatingin ako kay Ulrich dahil tila badtrip ito habang nakatingin sa 'kin, mukhang hindi naman talaga sa akin kundi sa likod ko ito nakatingin. Buti na lang at hindi talaga sa 'kin kundi ibabato ko 'tong baon kong extra notebook.
Dumaan ito sa may gilid ko at hindi man lang ako tinatapunan ng tingin. Pakialam ko ba kung pansinin niya ako o hindi.
Pero sumama ang mukha ko nang sina JJ naman ang dumaan sa gilid ko, mga nakangisi ang mga ito habang nakatingin sa 'kin. Kung sa mga ito ko na lang ihampas ang hawak kong notebook. Inihanda ko na 'yon kung sakali mang mapupuno ako sa kanila.
"Okay lets proceed to our topic for today," simula ni Sir Migs.
Pero bakit kaya gano'n hindi ko maiwasang lingunin si Ulrich sa likod.
Nakayukyok ang ulo nito sa mesa at marahil ugali naman niyang matulog sa oras ng klase. Nasa tabi naman niya ang tatlong ugok na kasama, sina JJ na kasalukuyang nagtatawanan. Ibang klase talaga, nagtataka lang talaga ako kung paano nasali si Ulrich sa mga 'yon, samantalang wala namang ginawa ang mga ito kung hindi kabulastugan.
Nanlaki ang mga mata ko at mabilis ibinaling sa harap ang atensyon ko nang mapansing iniangat ni Ulrich ang ulo, siguradong pinagtatawanan niya ako. Nagtama ang mga mata namin sa maiksing sandaling 'yon. Papatayin ko siya kung sakali mang pagtawanan niya ko!
Itinuon ko na lamang ang atensyon sa buong klase.
Napahinto ako sa paglalakad nang masalubong ko si Ulrich kasama si Grace, nakapulupot ang kamay ng babae sa braso ng lalaki. Sinamaan ko lang sila ng tingin at nagpatuloy na sa paglalakad. Kilala't alamat na si Ulrich bilang babaero kaya naman hindi na ako nagugulat kung makikitang may bago na naman siyang ka-MU.
"Frexaline!" muntik pa akong mapatili nang may biglang humawak sa braso ko.
Sasampalin ko sana siya kung hindi lang niya agad nahawakan ang kamay ko.
"Ulrich?" Ilang mura muna ang sinabi ko sa kanya bago sapong hawak ang dibdib ko sa kaba. "Bwisit ka! Muntik na akong atakihin sa puso ng dahil sa 'yo. Teka hindi ba't kasama mo si Gra-"
Kumunot ang noo ko nang makitang ngumiti siya. "Ang buong akala ko hindi mo na naman ako nakita," aniya.
"Anong akala mo sa 'kin bulag?" Nagtaas ako ng isang kilay. Pero hindi na ako nagsalita, at basta na lang siyang tinalikuran. Ramdam ko kasi na pagtitripan niya lang ako.
"Hey! Butte-" Napalingon ako sa kanya nang tila huminto siya sa kung ano mang sasabihin niya. "Please do me a favor... can you avoid Sam..." walang kahit anong emosyon ang mababanaag sa asul niyang mga mata. Pero tila may nais ipahiwatig ang mga 'yon na hindi ko mawari.
Ano raw sabi niya, layuan ko si Sam?
"Ano bang pinagsasasabi mo?" pagtataka ko at napahinto na sa paglalakad. Napansin kong pinagtitinginan na kami ng ibang mga estudyante sa hallway.
"He is the greatest man in disguise..." Natutop ako sa sinabi niya at hindi ko mapigilan ang sarili kong kamuhian siya lalo.
Tinalikuran ko na lang siya at nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad. Kung ano man ang nangyari sa pagitan nilang magpinsan, labas na ako roon. Ayokong makisali at buryuhin ang sarili kong mamagitan sa kanila. Marami na akong iniisip, pwede ba tigilan na niya ako.
"I'm serious!"
"Layuan mo nga sabi ako!" sigaw ko nakasunod lamang siya sa 'kin. Tumigil muli ako sa paglalakad, hinarap ko siya. "Kung may dapat akong layuan ikaw 'yon at hindi si Sam."
Iniwan ko siyang tulala habang nagpatuloy naman ako nagtungo sa canteen. Hindi ko alam pero nakararamdam ako ng pagsisisi sa sinabi ko. Pero tama naman siguro 'yon.
Maaaring mawala ang scholarship ko kapag nagpatuloy sa pambubully ang grupo nina Ulrich. Huling taon ko na 'to sa high school kaya sana matapos ko 'to ng matiwasay. Kung magsisisi man ako sa mga sinabi ko, marahil balang araw ay matatanggap ko rin na nakasakit ako ng damdamin ng kapwa ko. Pero, naisip ko, si Ulrich lang naman 'yon, parang pakiramdam ko wala naman akong dapat pagsisihan.
Muntik pang matapon ang hawak kong tray kung hindi ko lang agad itong nailagay sa mesa. Punong-puno kasi ngayon ang cafeteria, bahagyang hindi rin ako makakilos maigi dahil nagkakasanggian na rin ang ilang kapwa nagmamadaling bumili ng pagkain. Luminga-linga ako sa paligid naghahanap ng iba pang libreng mesa kung saan ako mapayapang makakakain. Ngunit bigo ako. Talagang okyupado na ang buong lugar ng mga estudyante, kaya naisipan kong pumunta na lamang sa school garden. Sigurado akong bihira lamang magtungo roon ang ilang estudyante upang kumain, dahil mga konserbatibo ang mga ito.
Wala akong nakakasalubong na tao habang patungo sa garden. Mabuti na lang talaga naisipan kong doon na lang kumain. Prenteng naupo ako sa damuhan dahil kakaiba ang kapayapaang dala ng kalikasan sa kalooban ko.
Mapayapa ang kulay ng kalangitan, walang kahit anong namumuong ulap. Paniguradong hindi uulan maghapon. Hindi rin mainit kung sumimoy ang ihip ng hangin at dumampi sa balat ko. Maluwag ang buong lugar kung saa'y wala kahit sinong.
"Frexaline..." agad akong napalingon sa likod. Nagbago na ang isip ko tungkol sa kapayaan ng lugar. Dumilim agad ang anyo ng mukha ko kasabay ang eksaheradong pagsimangot. May dala itong tray ng pagkain at biglang umupo sa tabi ko.
Akmang aalis na ako ng pigilan niya ako. "Respect your food. Ubusin mo muna 'yan bago ka umalis." Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin ni Tatay tungkol sa paggalang sa pagkain.
"Bakit ka ba nandito?" malamig kong tanong sa kanya.
"This is actually my sanctuary and you were actually a trespasser." Aba talagang ihahambalos ko ang hawak na tray sa kanya!
"May pangalan mo ba ang lugar na 'to?"
"No."
"Pwes, hindi 'to sa 'yo, pag-aari ito ng school." Kauna-unahang pagkakataon kumain ako rito sa school garden, tapos sasabihan ako niyang kanya ang lugar at ako itong trespasser.
"Siguro, ako lang ang nagsabi na akin 'tong lugar na 'to." Napatitig ako sa kanya, subalit nakatangin lang siya sa malayo na para bang may nakikita roon. "Pasensya na sa sinabi ko kanina," biglang hinging paumanhin niya.
Napamaang ako. Humihingi ba siya ng sorry sa sinabi niya tungkol sa layuan ko si Sam? Aba himala!
Kauna-unahang pagkakataon naroon ang sinseridad sa himig ng boses niya.
"Talaga namang lalayuan ko siya, maging ikaw."
Napaigtad ako nang bumaling siya sa 'kin.
"W-why?" nauutal niyang tanong. Parang hindi si Ulrich ang nasa harap ko ngayon.
"Kailangan pa bang itanong 'yan, seryoso ka?" sarkastikong tanong ko.
Nagkibit-balikat siya. "Maybe because-"
"Huwag mo ng ituloy. Please lang," putol ko. Narinig ko ang malutong na halakhak niya. Ihambalos ko kaya sa kanya 'tong hawak kong tray at nang mabungi ang mokong na 'to.
Mukha kasi siyang anghel na nagbabalat-kayong tao kapag tumatawa, hindi lang 'yon napakaaliwalas ng mukha niyang tila walang mababanaag na poblema. Siguro ganito lang talaga ang mga mayayaman.
Namayani ang ilang sandaling katahimikan sa pagitan namin, kaunti lang naman ang pagkaing binili ko kaya mabilis din akong natapos kumain. Eksaktong tatayo na ako may isang paru-parong kulay puti na dumaan sa 'kin at nakita kong dumapo sa kamay ni Ulrich.
Kung gaano nagmukhang anghel si Ulrich habang nakadapo ang paru-paro parang gusto ko namang sambahin siya.
Naloloka na ata ako. Sapo ang sentido at mabilis akong umalis sa lugar, hindi kaya nagdedeliryo lang ako?
"Butterfly..." napalingon muli ako sa pinanggalingan ko kanina. Ulrich?
***