"Malapit na pala ang Saint Anna Academy Ball!" bungad agad sa akin ni Rita nang mapadaan ako sa harap ng bahay nila.
Eksaheradong sumimangot lang ako sa kanya habang siya'y ngiting-ngiting umakbay sa 'kin. Papunta ako ngayon sa bahay ng Ninang Sabel ko para ihatid ang sulat galing sa ibang bansa pero nagkamali ang kartero na ibinigay sa amin.
"Oo," tipid na sagot ko sa sinabi niya.
"Ang sabi ni Charmagne `yong dati nating kaklase na nag-aaral pa rin do'n, imbitado raw ang lahat kahit tagalabas!" nagdidiwang na wika niya.
Maya-maya ay ngiting-ngiti na may kung anong pinaplano.
"Pupunta ka ba?" usisa ko.
"Aba siyempre! Dapat nando'n ang ‘star of the night’ para naman hindi maging boring!" Humalakhak pa siya. "Ikaw ba pupunta?" tanong niya sa 'kin.
Marahan akong umiling.
"Bakit? Dahil ba pinoproblema mo ang susuotin?"
Umiling muli ako na hindi siya tinatapunan ng tingin.
Naalala ko tuloy ang nangyari kanina sa school. Hindi ako makapaniwala sa alok sa 'kin ni Ulrich. Muntik pa akong mawalan ng ulirat kung hindi lang talaga ako nakagawa ng paraan para maibsan ang sobrang pagkagulat.
Bakas naman sa mukha ni Ulrich na sinsero siya sa pag-aalok sa 'kin. Kung nagbibiro man siya tungkol do'n, marahil hindi naman siya makikipaglapit sa pinsan niya para tulungang hanapin ako. Hindi ko maitatangging hanggang langit ang sayang nararamdaman ko at walang makahihigit sa pakiramdam na 'to.
"Marami akong gagawin sa araw na 'yon kaya't baka hindi rin ako makadadalo," dahilan ko. Sa totoo lang nahihiya ako kay Ulrich kung makikita niya akong parang basahan sa event na iyon.
"Ano?! Ako dadalo ‘tapos ikaw hindi? Bakit hindi ba makapaghihintay ‘yang gagawin mo para unahin mo kaysa sa once in a lifetime lang na experience bilang isang dalaga?" ani Rita habang hindi maipinta ang mukha sa narinig. "Paano naman si Papa Ulrich kung gano'n?"
"Hindi naman siya mamamatay kung hindi ako pupunta at saka napakaraming babae ro'n, isa pa mas maganda kung hindi na lang ako dumalo para wala ring maging gulo."
Tila hindi nagustuhan ni Rita ang sinabi ko ayon sa pagkakakunot ng noo niya. "Ang ganda pa naman ng love team n‘yo. At saka siguro naman hindi niya gagawin 'yon, kahit sa maiksing panahon nakasama natin siya parang sinserong tao naman ang apo ni Mayor Alfredo."
Hindi ko nagawang ikaila ang bagay na iyon dahil totoo namang naging mabuti ang binata sa mga kaibigan ko kahit malaki ang pagkakaiba namin sa estado sa buhay. Alam niya kung paano rumespeto ng kapwa. "Sa totoo lang Rita, nahihiya talaga ako."
"Eh ‘di inamin mong nahihiya ka lang! Hindi na uso ngayon ang hiya!" sermon niya.
Inaamin kong nahihiya akong magpunta dahil hindi naman ako bagay sa mga sosyal na kasiyahan. Magiging masaya pa si Ulrich kung walang umaaligid sa kanyang tulad ko. Batid kong sa una lang ang lahat ng ipinapakita ni Ulrich. Magbabago rin ang mga `yon.
"Wala rin naman akong susuotin." Akmang tatalikuran ko na siya upang tumuloy na sa pupuntahan ko.
Basta niya na lang hinablot ang kamay ko at iginaya papasok ng bahay nila. "Hahanapan kita ng damit. Sa dami ng sinalihan kong beauty contest naipon na lang ang mga gown na ginamit ko."
Binuksan niya ang isang malaking kahon, bumungad agad ang iba't ibang magagandang bestida. Matagal ko ng alam ang tungkol sa pagsali ni Rita sa mga patimpalak sa bayan. Ang pagkakaalam ko pa nga ay madalas pa siyang nananalo.
Aaminin ko maganda talaga si Rita ngunit pagkatapos manganak ay tila malaki ang pinagbago niya. Nagbago ang pananamit niya at hindi na palaging nag-aayos hindi tulad dati, gayonman marami pa ring mga lalaki ang nagkakandarapa sa kanya. Walang duda sa bagay na 'yon, madali kasi siyang makagaanan ng loob.
Hindi kataka-taka kung nahulog man ang loob ni Berth sa kaibigan kong ito. Kung tutuusin ay napakasuwerte na ni Berth dahil walang sino mang babae ang maaaring ikumpara kay Rita sa kung paano siya magmahal. "Ito," biglang wika ni Rita. Iniharap niya sa akin ang isang sky blue silk dress. "Ayan bagay na bagay sa 'yo!" aniya.
"Baka kamo magmukhang basahan 'yan sa 'kin," katwiran ko..
"Ito naman napaka-nega mo talaga kahit kailan. Kapag sinabi ko sa 'yo kung sakali mang nakatapos ako ng highschool at magtuloy sa kolehiyo fashion designing ang gusto kong kunin na kurso!"
Tiningnan kong maigi ang tila cocktail dress. Sa totoo lang napakaganda niyon. Pero baka kapag sinuot ko maging basahan ang itsura sa akin.
"Ano ka ba naman, oo? Hindi ka magmumukhang basahan kung susuotin mo 'to, alam mo bang binili pa 'to ni Nanay sa kilalang designer sa Manila!" galit na usal sa akin ni Rita habang pilit sinusukat kung kakasya ba `yon kapag sinuot ko.
Sa pagkakataong 'yon, wala na akong alam na salita para sabihin sa kaibigan ko.
"Salamat Rita," nahihiyang wika ko. Kahit minsan hindi siya nagsawang tulungan at gisingin ang mahinang loob ko sa ilang bagay.
"Mukhang fit 'to sa 'yo. Isukat mo nga muna." Nagmamadaling itinulak niya ako sa loob ng isang bakanteng kwarto.
"Kaya lang baka madumihan ko," nag-aalalang sabi ko.
"Naku! Okay lang 'yon para naman ma-experience ng bestidang 'yan marumihan." Humalakhak siya na halos madinig na sa labas ng kabahayan.
Muntik pa akong madapa kung hindi lang agad ako nakahawak sa pader nang malakas na itinulak ako ni Rita.
Iniangatan kong hindi marumihan o magusot man lang ang bestida. Malambot 'yon sa balat at hindi nakakairita. Mabuti na lang may malaking salamin sa kwartong iyon at maaaring makita ang kabuuan ng katawan. Nanlaki ang mga mata kong muntik hindi makilala ang sarili na makikita sa salamin.
Tiningnan kong maigi ang sarili ko. Bumagay ang sky blue na kulay ng dress sa balat ko. Backless ang naturang dress ngunit hindi pahuhuli sa isang desenyong tahing kamay na bulaklak sa bahaging palda.
Kitang-kita rin ang hulma ng katawan ko. Maliit lang ang waistline kaya makikitang may kurba mula beywang ko hanggang sa mga binti ko.
Kiming ngumiti ako ng tipid sa sarili kong repleksyon. Umikot-ikot ako upang makita ang iba't ibang anggulo. Pakiramdam ko parang lumulutang ako sa alapaap habang pinagmamasdan ang sarili ko.
"Buhay ka pa riyan, Frexa?!" sigaw ni Rita.
"Oo. Sandali lang lalabas na ‘ko!" wika ko. Hindi maalis-alis ang ngiti sa mga labi ko nang lumabas ako ng kwarto at agad humarap kay Rita.
Rinig na rinig ko ang pagsinghap niya at nakitang napatakip siya ng bibig. Bakas ang matinding gulat sa mukha niya. "OMG, ikaw ba ‘yan Pene?!" hindi makapaniwalang wika niya. Dati niyang kinamumuhian ang palayaw ko gayong napakabaduy daw niyon, pero dahil wala na siyang ibang masabi nabanggit niya ang pangalang 'yon.
Ngumiti ako ng tipid at tumango. "Ang galing talaga ng instinct ko sa dress na ‘yan. Bagay na bagay sa 'yo friend!" aniya. Siniyasat niya ang kabuuan ko at ilang beses pinagkatitigan. "Kung sumali ka marahil sa mga beauty contest ng bayan natin Frexa baka ikaw siguro ang nanalo!"
"Binibiro mo na naman ako."
"Bes, totoo nga! Ikaw pa lang ata ang nakita kong nagtataglay ng ganyang beauty." Nakangiti siya habang nakatingin sa 'kin.
Natutuwa aking marinig ang bawat komento niya. At saka malaking kalokohan naman siguro kung gano'n ako sinasabi niya. Para sa akin pangkaraniwan pa rin ang itsura ko, pero sa pagkakataong ito mas nagmukha akong tao.
"Sandali. Diyan ka lang ah!" biglang usal niya at nagmamadaling umalis.
Nagtaas ako ng isang kilay sa kakaibang ikinikilos niya. Pero sa ikalawang pagkakataon muli kong pinagmasdan ang sarili at humanga sa malaking pagbabago sa akin.
Agad din namang lumabas si Rita, may hawak na siyang camera. "Dapat may souvenir ako," anang niya habang inaayos ang gagamiting camera. Hawak ang camera nakailang ilang beses na ata siya sa pag-click. "‘Ayan maibenta nga sa mga binata d'yan sa labas. Paniguradong bebenta 'to."
Humagalpak siya ng tawa hanggang sa nagmamadaling umalis. Samantalang naiwan ako at agad nagpalit ng damit. Bigla kong naalala ang bilin ng aking ina na dalhin ang liham sa bahay ni Tiya Sabel.
***
Ilang beses akong kumatok sa mismong harap ng gate pero walang lumalabas. Napaisip ako baka umalis si Tiya Sabel. Luminga-linga ako sa paligid nagbabakasakaling pauwi na siya. Sa hindi kalayuan maraming malalaking bahay ang makikita.
Nakalulula ang lugar kung saan nakatira ang Tiya Sabel ko, ang naalala ko madalas niya akong padalhan ng mga imported na tsokolate at mga ilang damit noong panahon na nagtatrabaho pa siya sa Dubai. Isang linggo na ang nakalilipas ng makabalik siya ng bansa para magbakasyon.
Gusto ko ring magpasalamat kay Tiya Sabel ng personal sa mga ibinibigay niya sa akin at pag-aalaga niya noong bata pa ako.
Lumipas ang mahigit kalahating oras pero wala pa ring lumalabas sa malaking bahay.
Kaya't napagpasyahan kong sandaling aliwin ang sarili ko sa pamamasyal. Sa hindi kalayuan ay may makikitang maliit na playground ngunit wala pang mga bata naglalaro dahil mainit at medyo maaga pa marahil mga nasa siesta pa ang mga ito.
Lihim akong nagpapasalamat sapagkat ayoko rin namang may umabala sa 'kin. Umupo ako sa isang pangdalawahang duyan.
Kung may makakikita sa 'kin iisiping isip bata ako. Biglang natawa ako sa kung ano na lang na pumapasok sa isip ko.
Nakita ko sa hindi kalayuan ang dalawang bulto ng tao. Isang babae't lalaki na mukhang hindi nalalayo ang edad sa akin.
"I told you already, I don't like you anymore!" the woman suddenly yelled.
Hindi ko inaasahan ang biglang pagtaas ng boses ng babae na rinig na rinig hanggang sa pwesto ko. Nang akmang ibabaling ko sa ibang direksyon ang atensyon ko, sunod-sunod pa ang sigaw, masasakit na salita ang binitawan ng babae.
Maya-maya lang nakaramdam ako ng panibagong presensya sa tabi ko. May naupo sa isang bakanteng swing sa tabi ko. Nahagip ng paningin ko ang suot ng taong iyon na jacket na kahawig ng suot ng lalaki kanina na sinisigawan ng kasintahan nitong babae.
"What a small world?" Nahimigan ko agad kung sino ang lalaking katabi sa boses nito. Marahas na nilingon ko siya sa tabi at bumungad agad sa akin ang nakaharap na si Joseph. "What are you doing here?" He asked lazily.
"Ako ang nauna rito," sagot ko na totoo naman. Ayokong tumingin sa kanya dahil naiilang ako matapos makita at marinig ang nangyari sa kanila ng kasintahan. Nakipaghiwalay na sa kanya ang nobya matapos siguro ang hindi nila pagkaka-unawaan.
"I live nearby."
Hindi ko pa rin siya nagawang tingnan. Ang tanong ngayon na gumugulo sa isip ko ay kung bakit ba niya ako kinakausap samantalang marami naman siyang kaibigan na pwedeng kausapin at hingian ng lakas ng loob pagkatapos ng isang heartbreak.
Saka ko naalala ang dahilan, marahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakikipag-ayos kay Ulrich o hindi pa okay ang dalawa.
"Okay na ba kayo ni Ulrich?" tanong ko.
Narinig kong tumawa siya ng pagak. "Why are you asking?"
Halatang nagmamatigas siya na ayaw aminin ang totoo. "Sa tingin ko hindi pa."
Sa katunayan, may grupo si Joseph sa school na notorius na bilang matinik sa kalokohan.
"Pero sino ba naman matutuwa na maglagay sa desk ko ng hindi maganda?" Pinukol ko siya ng masamang tingin. Akala ba niya nakakalimutan ko na ang ginawa nila.
Bigla siyang tumawa ng malakas. "So, aren't you used by it?"
Lalong kumunot ang noo ko sa huling tinuran niya. Tila sukdulan na ang kasamaan niya. "Ikaw sanay na. Matagal ko na kayong hinahayaan sa mga ginagawa n‘yo pero sa huling pagkakataon masyado na kayong sumobra."
Humagalpak siya ng tawa. "That's the reason, because you don't do anything."
Inismiran ko siya. Sagad ata hanggang buto ang kayabangan at pagka-bully niya. Kung papatulan ko man siya ay siguradong kawawa lang ako dahil noong nagpaulan yata ng konsensya ang Maykapal sumilong ang buong grupo nila.
"Joseph, ‘wag mong hintayin na masuntok kita."
Nagkapagtataka bigla siyang tumahimik sa tabi ko. "Nah, you wouldn't do that."
Ngumisi ako. "Sa tingin ko nga rin. Pero mukhang may gumawa na ng paraan para ipaalala sa ‘yong hindi ka palaging tama."
Matamang tiningnan niya ako sa mga mata. Tinutukoy ko ang pakikipaghiwalay ng nobya niya sa kanya, siguro ay nasagad na niya ito sa lahat ng kapritsyohan niya sa buhay.
"The world doesn't revolve only for you. What comes around goes around."
"You, little piece of..." Agad naputol ang sasabihin niya ng mapagtanto marahil na wala namang magbabago kahit magalit siya sa akin.
"Learn from it. Hinayaan ko kayo na gawin ang mga gusto n‘yo recently and I think that's enough. Kasi hinihintay ko na ma-realize ninyo na hindi naman masaya na paglaruan ang buhay ng iba. But I was wrong, letting you do your thing without telling what you need to know did not help you at all." Nasira ang pagkakaibigan nila ng dahil lang sa isang hindi pagkakaunawaan. Hindi ko alam ang buong detalye pero maganda na rin na banggitin at linawin ko na ang mga ibang bagay.
Pumalatak siya. "I really hate it when you're right."
"Ayusin mo na ang ugnayan mo kay Ulrich. Kung talagang magkaibigan kayo kahit paano ibababa mo ng kahit kaunti ang mataas mong pride."
"Let him be. I don't need him anymore."
"Paano ang mga dati ninyong pinagsamahan?"
"Alam mo kung sino ang dapat sisihin sa bagay na ‘yan."
Binalingan ko siya. Malayo ang tanaw niya at walang ibang makikitang emosyon sa mukha. Hindi ko tuloy mawari kung nalulungkot siya dahil hindi pa rin silang okay na magkaibigan.
"Ikaw?" sarkastikong sagot ko, tinutukoy na siya ang sinisisi sa nangyari.
Sa pagkakataong ‘yon hinarap na niya ako na gulat ang mababanaag sa mukha. Umangat ang sulok ng mga labi ko dahil kahit papaano nakita kong ikinakaila lang niya sa sarili siya rin ang may kasalanan sa nangyari. Sa katunayan, hindi hahantong ang lahat sa ganito kung hindi sumobra ang pang-iinis niya.
"You, little devil–"
"Hep," biglang awat ko. "Excuse me, I have a name and it's Frexa. The little devil here is you," wika ko.
Muling pumalatak siya. "Magsama kayo ng siraulong ‘yon, tutal bagay naman kayong dalawa. Magulo mag-isip at higit sa lahat pabago-bago ng gusto."
"Ano?"
"Pareho kayong may sariling trip sa buhay. I remembered one time, pumila ka sa cafeteria ‘tapos may bigla kang naalala maya-maya iiling-iling ka at bumalik uli ng pila."
Nagtatakang tiningnan ko siya sinisiguro kung totoo ang sinasabi niya. "Ano'ng kinalaman niyon?"
Nagulat ako sa inis na reaksyon ng mukha niya ng pukulan ako ng masamang tingin. "Sa tuwing ready na ang grupo na pag-trip-an ka bigla na lang siyang magba-backout maya-maya kapag dumating ka na magugulat na lang akong nauuna pa siya sa buong grupo, binabantayan ka na."
Napamaang ako sa narinig. Ibig bang sabihin niyon ay pinoprotektahan lang ako ni Ulrich sa kanila?
Pero agad din akong natigilan. Hindi man ang grupo ni Joseph ang nanggugulo sa akin kung hindi si Ulrich naman, wala ring pinagbago.
Lihim na umasa pa naman ang puso ko noong mga sandaling iyon. Dagling iwinaksi ko rin ang emosyong muling bumabangon sa puso ko.
"Tulad ng sinabi ko sa ‘yo kanina, makipagbati ka na kay Ulrich tutal ay magkababata rin kayo. ‘Wag mong hayaan na minsan lang nagkalamat pagkakaibigan n‘yo ay tuluyan ng hindi kayo magpapansinan."
Hindi siya umimik.
Balak ko na sanang iwan siya. Saka ako may napagtanto. "Hindi alam ni Ulrich paano humingi ng sorry, kasi iniisip niyang may sama ka pa rin ng loob sa kanya."
Halatang nagulat siya sa sinabi ko, animo'y alam na alam ko ang bagay na iyon. Dahil minsan kong narinig siya na binanggit niyang minsan na silang nag-away at hindi humingi ng paumanhin si Ulrich. Noong mga oras na iyon, gulat na gulat na binulalas niya na hindi marunong humingi ng sorry si Ulrich sa tuwing alam nitong nakakasakit ng tao lalo na kung malapit dito.
"How did you know that?" he asked suddenly.
"Instinct?" Taas ang isang kilay ay binawi ko sa kanya ang braso na hinawan niya kanina. Sa kauna-unahang pagkakataon nagawa kong pangitiin si Joseph.
"Sa liit mong 'yan?" Tumayo na rin siya tulad ko at maya-maya ay naglakad. Narinig kong tumawa siya habang ikinakaway ang kanang kamay. "Thank you."
Sinundan ko lang ng tingin si Joseph nang dukutin niya sa bulsa ang isang cell phone. Maaliwalas ang itsura niya ng sagutin iyon at minsa'y tumatawa pa.
***