Simula
Sa isang kakaibang mundo na tinawag na kaharian ng Archaea ay naninirahan ang maharlikang pamilya. Pinamumunuan ito ng Hari ng Archaea na si Haring Cerasus at ang pinakamamahal nyang reyna na si Reyna Artemis. Biniyayaan naman sila ng malusog na sanggol na pinangalan nilang Savanna, ang kanilang nag iisang prinsesa.
Nasa sinapupunan pa lamang ang prinsesa ay nakatalaga na siyang ikasal kay Prinsipe Cleandro na anak ng tanyag na Hari ng Armenya na si Haring Abderus at ang ina nito na si Reyna Gisela. Ang kasalang iyon ay bahagi na ng kanilang nakasanayang tradisyon sapagkat sila ang unang prinsesa at prinsipe ng kanilang mga sariling angkan.
Ngunit hindi ito labis na sinasang ayunan ni Prinsesa Savanna sapagkat wala siyang nararamdamang pag ibig para kay Prinsipe Cleandro. Tanging pagtakas lamang ang sagot upang hindi maituloy ang kasalang iyon.
Mula sa kanilang kaharian ay binaybay nya ang bundok ng Matilda gamit ang puti nyang kabayo, dahil narinig niya mula sa kanilang mga taga silbi ang balitang mayroon daw doong lagusan papunta sa ibang mundo. Ang mundo ng mga normal na tao. Alam nyang hindi madaling makapunta duon ngunit gagawin nya ang lahat upang makatakas lamang sa kanyang nalalapit na araw ng kasal.
"Mahal na Prinsesa Savanna. Nasisiyahan akong narating mo ang lugar na ito." Bati sa kanya ng magandang diwata na taga bantay ng mahiwagang balon.
"Nais kong dalhin mo ako sa kabilang mundo." Hiling niya sa diwatang si Welsha.
"Ngunit Prinsesa, nalalapit na ang iyong kasal. Maaring may mangyaring hindi maganda kapag nilisan ninyo ang kaharian." Pagbabanta ng diwata.
"Ngunit hindi ko matitiis na pakasalan ang prinsipeng iyon, wala akong nararamdamang pag ibig para sa kaniya." Hinawakan niya ang dalawang kamay ng diwata at nagmakaawa sa kahilingan nito.
"Suutin mo ang kwintas na ito, ito ang tanging magpoprotekta sayo sa kabilang mundo. Kapag umilaw ang kwintas na ito, ay mayroong hindi magandang nangyayari sa kaharian. Huwag mo sana itong iwawala, dahil ito rin ang magsisilbing susi pabalik dito." Mahinahon na paliwanag ng diwata. Inaalalayan na sya nitong maupo sa gilid ng balon.
"Ligtas ba ako dito?" Tanging tango lang ang naisagot sa kanya ng diwata at itinulak nya na ang Prinsesa.
"Ahhhhh!!!!"
"Paalam mahal na Prinsesa!" Kaway ng diwata kay Savanna habang unti unti itong nilalamon ng malalim na balon.