Kalansing ng dalawang espada ang tanging maririnig sa malawak na hardin ng Kaharian ng Archaea. Muling nag eensayo ang Prinsesang si Savanna kasama si Prinsipe Cleandro, ang nakatakdang ikasal sa kanya. Ang prinsipe ang lagi nyang nais na makapareha dahil sa angking kalampahan nito, hinihiling pa nga ni Savanna na tamaan ito sa katawan para dumanak ang dugo nito at hindi na matuloy pa ang kasal nila.
"Aray!" Sa isang sinasadyang pagkakataon, nadaplisan niya ng matalas na espada ang braso ni Cleandro. Hindi na nya mabilang kung ilang beses nya ng nasugatan ang prinsipe, ngunit hindi naman sya matanggihan nitong mag ensayo dahil tanging ito lamang ang pagkakataon na nakakasama nya ang prinsesa.
Ngumisi ang prinsesang lumapit kay Cleandro saka nito hinampas ang sugat na nagdurugo na. Napangiwi naman ang prinsipe sa dobleng sakit na dinulot ng hampas sa kanya ni Savanna.
"Malayo yan sa bituka!" Hindi na nakapagreklamo ang prinsipe nang iwan sya ni Savanna. Kilalang matapang na prinsesa si Savanna ng kanilang bayan at kaharian. Ngunit sa kabila ng pagiging matapang nito ay pinagkalooban rin sya ng mabuting puso. Madalas syang nagpupunta sa bayan upang makihalubilo sa mga kabataang naroon at maghandog ng masasarap na pagkain mula sa kanilang kaharian. Itinatakas nya ang mga pagkaing iyon at ibinabahagi sa mga mahihirap na mamamayan.
"Prinsesa Savanna!" Tawag sa kaniya ni Cleandro na ngayon ay hawak hawak ang nagdurugo nitong braso. Nagmamakaawa syang tulungan ng prinsesa ngunit tila wala itong pakialam sa nararamdaman ng prinsipe. Hindi nya ito pinansin at diretsyo lang na naglakad.
"Magandang araw, Prinsesa Savanna." Yumuko ang mga kawal na nadaanan nya bilang pag galang sa kanya, gayun din ang mga kawal na kasama ng prinsipe. Tuluyan na syang pumasok sa loob ng kaharian at madaling tinungo ang kanyang kwarto upang hindi na masundan pa ni Cleandro. Diretsyo nyang inihiga ang kanyang likod sa kanyang malaking kama. Ni hindi man lang sya pinag pawisan sa ensayo nila ng prinsipe.
Papikit pa lamang siya nang makarinig sya ng sunod sunod na katok mula sa malaking pinto ng kanyang kwarto. Bumungad sa kanya ang kanyang ina.
"Mahal na reyna." Pagbati nya dito
"Ano na naman ang ginawa mo kay Prinsipe Cleandro? Hayun sya at ginagamot ng ating mga taga silbi." Halata ang pag aalala sa boses ni Reyna Artemis. Madalas rin sya nitong sinasaway sa tuwing nasusugatan nya sa ensayo ang prinsipe. Wala naman syang magawa dahil ito ang ikinakasaya niya, ang makitang nasasaktan ang prinsipe upang balang araw ay hindi na sya nainisin na pakasalan nito.
"Ina, hanggang kailan nyo ba ako ipagpipilitan kay Prinsipe Cleandro?" Naiinis syang umupo sa sulok ng kanyang kama. Labag sa loob nya ang inihahandang kasal para sa kanilang dalawa ng prinsipe. Kahit kailan ay wala itong nararamdaman para kay Cleandro, kung may maramdaman siya para dito ay inis lamang lalo na kapag naglalapit silang dalawa. Nais nitong sampalin ang mukha ng prinsipe ng walang dahilan o di kaya nama'y ipatapon nya sa malayong lugar.
"Savanna, matagal ng tradisyon ang pagpapakasal ng dalawang anak ng pamilyang maharlika. Makatatanggi ka lamang kapag may kapatid kang sasalo sa kasalan na iyon." Paliwanag sa kanya ng reyna. Nalulungkot siya dahil wala man lang siyang kalayaang mamili ng lalaking iibigin niya. Bukod sa pagiging lampa ng prinsipe, ang isa pa sa kinaaayawan niya rito ay ang pagiging arogante nito. Tanging pag hinga nalang ng malalim ang nagawa niya.
"Mag handa ka na para sa hapunan natin kasama ang maharlikang pamilya ni Prinsipe Cleandro." Hinalikan sya ng kanyang inang reyna sa noo bago nito nilisan ang kanyang silid. Ito ang hapunan bilang pamamanhikan ng maharlikang pamilya mula sa kaharian ng Armenya. Inilublob nya ang kanyang sarili sa kanyang paliguan na naglalaman ng gatas ng kalabaw at mga talulot ng rosas. Ito ang sikreto niya kung bakit makinis at malambot ang kanyang balat.
Kaya naman hindi sya makapapayag na ikasal sa isang hambog na prinsipeng iyon, hindi nya sasayangin ang magandang kutis nya para pakisamahan ang Cleandro na iyon. Pakiramdam niya ay magiging miserable lamang ang buhay nya kapag tuluyan nyang naging asawa ang prinsipe.
"Magandang gabi Prinsesa Savanna." Pagbati sa kanya ni Haring Abderus ang ama ni Prinsipe Cleandro at hinalikan ang likod ng kanyang palad. Matipid syang ngumiti at mabilis na umupo sa harap ng hapag nang maramdaman nyang ganun din ang gagawin ng prinsipe. Kung hindi lang malinis ang konsensya niya ay baka nasaksak niya noong pag eensayo nila ang mayabang na prinsipeng kaharap nya ngayon. Wala naman itong ginagawa pero tila inis na inis sya at nais nyang ibuhos ang mainit na sabaw rito.
"Kamusta ka, Prinsesa Savanna?" Sa kabila ng mahinhin na boses ni Reyna Gisela ay may pagkamatapobre ito na sa palagay nya, ay iyon ang namana sa kanya ni Prinsipe Cleandro. Parati nitong ipinagmamayabang ang kanyang magagarang kasuotan. Ipinapahiya rin nya ang mga kawal at ang mga taga silbi nya sa harap ng maraming tao.
"Mabuti naman Reyna Gisela." Tipid na sagot ni Savanna. Nais nya ng matapos ang hapunan na iyon dahil baka hindi nya mapigilan ang sarili na itaob nalang ang mesa sa harap ng mga ito.
"Muli na namang nasugatan ang aking prinsipe, hihihi. Pero alam ko namang hindi mo yun ulit sinasadya." Alam nyang may kahulugan ang sinasabing iyon ng Reyna. Kitang kita ni Savanna ang pag ikot ng mga mata nito na halata ang pagka inis sa prinsesa. Inismiran nya lamang ito at mas lalo pang inasar sa pamamagitan ng pagtitig nya sa reyna.
"Inang reyna, ayos lang ako. Parte lang ito ng ensayo namin." Tila nahalata naman ni Cleandro ang tensyon sa pagitan ng dalawa kaya naman isiningit nya na ang sarili nya. Nagamot na ang sugat ng prinsipe ngunit iniinda pa rin nya ang paminsan minsang pagkirot nito. Lingid sa kaalaman ng lahat, bago ang ensayo nilang dalawa ni Savanna ay pinapatalas pa ng husto ng prinsesa ang kanyang espada, upang hindi lang daplis ang makuha ni Cleandro. Sinisigurado nya na malalim ang idudulot ng sugat nito upang iparamdam na hindi sya ordinaryong prinsesa lamang.
"Savanna, pagsikat ng araw bukas, ay susunduin ka ni Prinsipe Cleandro upang bisitahin ang bayan. Mabuti ng makasalamuha ninyo ang mga taong pamumunuan nyo pagdating ng hinaharap na panahon." Paalala ng kanyang ama na si Haring Cerasus. Labag man sa kalooban ng prinsesa ay tumango na lamang ito sa sinabi ng kanyang amang hari at ipinagpatuloy ang pagkain.
"Makabubuti iyon sayo Prinsesa Savanna, upang mas mahasa pa at mapabuti ang iyong pag uugali." Kumento ni Reyna Gisela. Natigilan sya sa pagkain ng panghimagas nang marinig iyon, kaunti nalang ay mahahagisan nya na ng plato ang reynang ito. Hindi pa man sila ikinakasal ng anak nito ay tila nakikialam na ito sa mga pwede nyang maging desisyon sa buhay.
"Sa tingin ko ay mas makabubuti rin iyon sayo, baka nais mong sumama?" Napasinghap ang lahat ng nasa hapag kainan nang sabihin iyon ni Savanna. Kung sa pagaspangan lamang ng ugali ay baka matalo nya si Reyna Gisela.
"Savanna!!" Saway sa kanya ng kanyang mahal na ama at ina. Nakita nya ang pang asar na ngiti ng reyna, pakiramdam nya ay nanalo na siya kaagad sa isang digmaan. Inirapan nya ang reyna at padabog na tumayo.
"Tapos na akong maghapunan." Yumuko sya bilang pag galang at mabilis na nilisan ang hapag kainan.
"Prinsesa Savanna!" Mabilis ding tumayo si Cleandro para masundan ang prinsesa. Pero hindi na nya nakita pa kung saan ito dumaan.
Pagkarinig ni Savanna sa boses ng prinsipe ay karipas itong tumakbo papasok ng kusina, kung saan ay nagulat na lamang ang mga kusinerong naroon.
"Magandang gabi Prinsesa Savanna." Nginitian nya lamang ang mga ito at hindi ipinahalatang may humahabol sa kanya. Malas lang ni Cleandro dahil alam na alam ni Savanna ang pasikot sikot sa kanilang kaharian. Mula sa kusina ay may lagusan ito papunta sa likurang bahagi ng kanilang kaharian.
"Ang pagkakaalam ko ay nasa bundok ng Matilda ang lagusan papuntang ibang mundo." Naulinigan nya ang mga nagkukumpulang mga taga silbi na nag uusap usap habang nag iigib ng tubig sa balon.
"Ano ba kayo! Usap usapan lamang iyon ng mga ninuno natin!" Kumento ng isa sa kanila. Alam nyang masama ang makinig sa usapan ng iba ngunit nanatili sya sa kinatatayuan nya at patuloy syang nakinig.
"Pero ang sabi nila, delikado daw sa kabilang mundo. Marami doon ang masasamang loob at mahirap ng makabalik rito kapag naroon ka na." Sabat pa ng isang taga silbi. Tila nagkaroon sya ng agam agam nang marinig ang kwentuhang iyon. Dahil kung sakaling totoo man ang istorya tungkol sa lagusan, marahil ay ito na ang pagkakataon nyang makatakas sa malagim na kasalang magaganap.
"Prinsesa Savanna!" Nagulantang ang mga taga silbi ng marinig ang boses ni Cleandro na bigla na lamang lumitaw kung saan man. Nasundan na pala sya nito at wala na syang magawa kung hindi harapin ang prinsipe. Ang mga taga silbing nag uusap usap, ay tila nagbalik ang mga loob sa pag iigib sa balon.
"Bakit mo ako sinusundan?" Galit na tanong nito. Heto na naman kasi ang inis na nararamdaman niya kapag kaharap nya ang prinsipeng ito. Makita nya lang ang pagmumukha ni Cleandro ay kumukulo na ang dugo nya.
"Nais ko lang humingi ng tawad sa mga nasabi ng aking ina." Yumuko ito ngunit hindi iyon pinansin ng prinsesa. Bagkus ay nilagpasan nya lamang ito at tinungo ang kwadra ng mga kabayo upang makaiwas na rin kay Cleandro.
"Hindi ka ba napapagod na sundan ako?" Ramdam nya ang pagsunod sa kanya ng prinsipe kaya kahit hindi nya na ito lingunin ay alam na alam nyang si Cleandro iyon.
"Nais ko lang naman na lubusang makilala ang mapapangasawa ko." Nagtaasan ang mga balahibo nya sa katawan ng marinig iyon. Nais nyang masuka sa isiping gusto syang asawahin ni Cleandro. Hindi nya ito pinansin at nagdire-diretsyo lamang sa paglalakad. Sabihin na nya ang nais nyang sabihin, dahil sisiguraduhin ni Savanna na hindi matutuloy ang pinagpaplanuhang kasal. Hinding hindi.