Kabanata 2

1795 Words
Nagising mula sa pagkakahimbing na tulog si Prinsesa Savanna, nang buksan ng kanyang sariling taga silbi ang kurtina na tumatabing sa malaki nyang bintana. Tumama sa kanyang mukha ang sinag ng araw kaya nagawa nyang itakip ang kanyang kamay sa sariling mata. Panibagong araw na naman na makakasama nya ang hambog na prinsipe. "Magandang umaga mahal na prinsesa." Pagbati ni Carmelita kay Savanna. Simula bata pa lamang si Savanna, ay si Carmelita na ang tagapag alaga sa prinsesa. Kaya itinuring na rin nya itong ikalawang ina. "Bumangon na po kayo dyan, parating na po si Prinsipe Cleandro." Marinig pa lamang nya ang pangalang iyon ay nasisira na kaagad ang araw niya. Inalalayan syang bumangon ni Carmelita at tinungo na ang kanyang paliguan. Maaga pa lamang ay inilalagay na ni Carmelita ang paboritong gatas ng kalabaw sa paliguan ni Savanna. "Nalulugod akong malaman ang balitang nalalapit na ang inyong kasal sa prinsipe." Masayang masaya ang matanda sa balitang iyon, ngunit kabaligtaran iyon ng nararamdaman ni Savanna. Ano bang masaya sa pagpapakasal? "Inang Carmelita, kung ako man po ang tatanungin, hindi ko nanaising ikasal sa prinsipeng iyon." Tila mas gugustuhin nya pang tumandang walang asawa kaysa naman makasama si Cleandro nang pang habambuhay. "Inang, totoo po ba ang kwento tungkol sa bundok ng Matilda?" Tila natigilan ang kanyang taga silbi sa pagsabon ng likod ng prinsesa nang marinig ang tanong na iyon. "Prinsesa Savanna, saan naman po ninyo nalaman ang tungkol sa bundok ng Matilda?" Pag aalalang tanong nito. "Narinig ko lamang iyon, Inang." Nilingon nya ang matanda. "Ano nga bang meron dun, Inang?" Kumikislap ang mga mata nitong nais na marinig ang kwento tungkol sa bundok ngunit iniwasan lamang sya ng tingin ni Carmelita. Kinuha nito ang gugo at inilagay sa basang buhok ng prinsesa. "Sagrado ang kwento tungkol sa bundok ng Matilda, Prinsesa. Matagal ng nilimot ng taong bayan ang kwento tungkol sa tinutukoy mong bundok. Ayaw na nilang balikan ang masalimuot na naranasan nila noon, maging ako ay ayoko ng maalala iyon." Naningkit ang mga mata ni Savanna sa narinig mula kay Carmelita, tila naguguluhan sya. Nais nyang marinig ang buong kwento tungkol sa bundok Matilda. "Pero Inang Carmelita." Hinawakan nito ang kamay ng matanda na abala sa pag gugugo sa kanyang buhok. "Nais ko lang pong malaman ang tungkol doon." Hindi na nakatanggi ang matanda nang ilahad nito ang kwento. "Lubhang mapanganib ang bundok na iyon Prinsesa. Sa panahon natin ngayon ay wala ng naglalakas loob na akyatin ang bundok ng Matilda. Noong bata pa lamang ako ay, marami ang umaakyat doon ngunit wala pang isang oras ay bumabalik rin kaagad sila." Tahimik na nakinig ang prinsesa habang binabanlawan na ni Carmelita ang kanyang buhok. "Ang noong pinakamamahal naming prinsesa ay umakyat doon sa bundok at maraming taon muna ang lumipas bago sya muling nakabalik rito sa kaharian. Walang nakakaalam kung nasaan ang prinsesa, dahil walang anumang bakas ng kanyang pagkatao ang nasa bundok na iyon. Naisakatuparan nya ang pagtakas sa kanyang nakatalagang kasal, ngunit sa tagal ng panahon na sya ay nawawala, sinakop ng maharlikang pamilya ang kanilang kaharian. At nagkaroon ng matinding digmaan." Natigilan ang matanda sa pagkwento, bakas sa kanyang mukha ang lungkot at pighati. "Sa gitna ng kaguluhan ay nagbalik ang prinsesa kasama ang hindi pamilyar na lalaki. Ngunit, huli na ang lahat. Maraming tao na ang nag sakripisyo ng kani kanilang mga buhay, at hindi na rin nya naabutang buhay ang Hari at Reyna." Matapos maligo ng prinsesa ay tinulungan na syang magbihis ni Carmelita. "Sa tindi ng kanyang galit pati na rin ang sakit na nararamdaman, ay ang prinsesa mismo ang nakipaglaban sa prinsipeng dapat ay pakakasalan nya. Hindi sya nagdalawang isip na patayin ito, at bawiin ang kahariang sinakop ng maharlikang pamilya. At ipinaliwanag nya sa kanyang nasasakupan na ang taong kasama niya, ay nang galing sa kabilang mundo at ito ang tunay nyang iniirog." Sinusuklay na ni Carmelita ang mahabang buhok ni Savanna. "Paulit ulit syang humingi ng tawad sa taong bayan dahil sya ang sinisisi sa digmaang naganap ngunit hindi nya nakuha ang simpatya ng mga tao. Ang hiling ng mga taong bayan ay pinakasalan nya nalang sana ang prinsipe upang hindi na umabot sa isang trahedya ang lahat. Ngunit isang araw ay nawala muli ang prinsesa kasama ang lalaking iniibig nito at hindi na kailanman nakita pang muli. Ang bali-balita ay nagbalik sila sa bundok at doon na namuhay ng masaya." Tila nalungkot naman ang Prinsesa sa kwentong iyon. Sa kabila ng pakikipag laban ng prinsesa para maibalik ang kanilang bayan at kaharian ay tinalikuran pa rin sya ng kanyang nasasakupan at hindi na muling pinatawad pa. "Nakakalungkot na kwento." Kumento ni Savanna nang matapos nyang marining ang masalimuot na istorya ng dating prinsesa. Katulad din niya ang sitwasyon nito, pilit na ikinakasal sa taong hindi naman nya ginugusto. Kung sya nga lang ang masusunod ay tatanggalin nya ang tradisyong ito upang malayang makatagpo ng tunay na pag ibig ang mga susunod na prinsesa. Tila hindi nya yata kakayaning lisanin ang kanilang kaharian kung ganoon lamang din ang mangyayari. Ngunit mas lalo yatang hindi nya kakayaning mapangasawa ang prinsipeng kinamumuhian nya. "Malalim yata ang iyong iniisip mahal kong prinsesa." Lulan ng magandang karwahe ay kasama na nya ngayon si Prinsipe Cleandro upang magtungo sa bayan. "Ano ba ang iyong pakialam?" Pagsusungit nya kay Cleandro. Iniisip ng prinsesa kung paano nya lilisanin ang kaharian upang mailayo ang sarili sa prinsipe. "Marahil ay nasasabik ka na sa ating nalalapit na kasal." Ipinatong ni Cleandro ang kanyang kamay sa kamay ng prinsesa na ikinagulat naman ni Savanna. Inikot ito ni Savanna hanggang sa mabalian ng buto ang prinsipe. Hindi nya ito binitiwan upang bigyan ng leksyon si Cleandro. "A-Aray Prinsesa!" "Wala kang karapatang hawakan ako! Sa susunod na muling gawin mo iyon ay hindi lang ito ang matitikman mo!" Galit na wika ng prinsesa at pabagsak na binitawan ang kamay ni Cleandro. Pinagpagan niya ang kanyang mga kamay, na tipong diring diri sa pagkakahawak sa kanya ng prinsipe. Naiiyak na hinilot ni Cleandro ang kamay nitong namimilipit sa sakit. "Prinsesa, sino ang lalaking iyon?" Tanong ng isang bata sa kanya na tinuturuan niyang magbasa. Tinuturo nya si Cleandro na abalang nagbubuhat ng mga kahoy. Diring diri sya sa mukha nitong pawis na pawis. "Sya ang bago naming taga silbi." Nginitian nya ang batang lalaki na nakaupo sa kanyang hita habang hawak ang isang libro. Isa rin ito sa kinagigiliwan nya, ang mapalapit sa mga bata sa bayan. Madalas syang nakikipag laro sa mga ito kapag naiinip sya sa kanilang kaharian, ito ang tunay na nagpapasaya sa kanya. "Pero, totoo bang ikakasal ka na?" Malungkot na tanong ng bata. "Nais ko sanang ako ang pakasalan mo." Nagagalak naman na niyakap nya ang batang iyon. Kung maari lamang na tanggihan nya ang kasalan na iyon, ngunit ang mga magulang nila ni Cleandro ang nagdesisyon ng lahat. Hindi nya alam kung anong dahilan. Dahil ba sa kayamanan? Sa pag ibig? Hindi nya alam.  "Huwag kang mag alala, dahil pag laki mo ay matatagpuan mo rin ang tunay mong pag ibig." Nagpatuloy na muli sya sa pagtuturo sa bata at isa isa nang nagdatingan ang ibang mga anak ng taong bayan upang makasalamuha niya. Nakipag laro sya sa mga ito, sinaluhang kumain, at binigyan ng sariling mga libro upang mapag aralan nila sa kani-kanilang bahay. Mula sa munting kubo na kinauupuan nya ay tanaw nya ang mga taong nasasakupan ng Kaharian ng Archaea, tanaw nya rin mula roon si Cleandro na tila pinagtatawanan ng mga bata dahil nadapa ito sa pakikipag habulan sa kanila. "Lampa talaga!" Bulong nito sa sarili. Nagtataka tuloy si Savanna kung bakit dito pa sya ipakakasal gayung hindi nga nito kayang ipaglaban ang sarili niya paano pa kaya kapag nagkaroon muli ng digmaan, marahil ay patay na ang prinsipeng ito kahit hindi pa man ito lumalaban. Dahan dahan syang tumayo upang lisanin ang lugar. Itinuro ni Carmelita na limang kilometro mula sa bayang iyon ang bundok ng Matilda, at ito na nga ang tamang pagkakataon upang maisakatuparan nya ang sariling mga plano. Sa likurang bahagi sya ng kubo dumaan upang hindi sya makita ng mga kawal na pinayagan nyang magpahinga para maisagawa ang pagtakas. Malapit na ring lumubog ang araw kaya naman lakad takbo ang ginawa niya upang makatakas sa bayan. "Ama, Ina, patawarin nyo sana ako." Paulit ulit nyang sambit sa kanyang utak habang mabilis na binabaybay ang maputik na bukid. Hindi na nya alintana pa ang duming kumapit sa kanyang kasuotan. Inihandog pa naman iyon sa kanya ng kanyang inang reyna noong kaarawan niya. Madilim na ang paligid nang marating nya ang paanan ng bundok ng Matilda. "Ito na kaya ang bundok na tinutukoy ni Inang Carmelita?" Palinga linga nyang inilibot ang kanyang paningin sa paligid. Napakalayo na ng narating nya, tanaw nya mula sa malayo ang mataas na kaharian ng Archaea. Nalulungkot man syang titigan iyon, ngunit ito na lamang ang tanging paraan upang mailayo nya ang kanyang sarili. "Ama, Ina, babalik ako pangako." Naluluha nyang sambit bago nya tinalikuran ang kaharian. *** "Prinsesa Savanna!!" Nagpaikot ikot sa kapaligiran ang mga kawal pati na rin si Cleandro upang hanapin ang nawawalang prinsesa. Hindi na nya nakita ito magmula kaninang nakikipag laro sya sa mga kabataan. "Mga wala kayong silbi! Bakit ninyo hinayaang mawala ang prinsesa!" Galit na sigaw niya sa kanyang mga kawal. "Patawarin mo kami Prinsipe Cleandro, ngunit hinayaan kami ng prinsesa na magpahinga." Nakayuko lamang ang mga kawal sa kanyang harapan habang bakas sa kanyang mukha ang pag aalala. Paano na nito maisasakatuparan ang kanyang pagnanasa sa prinsesa kung ito ay nawawala? Matagal na nitong nais maangkin ang prinsesa ngunit sadyang napakalakas ni Savanna, ni hindi nga nya ito mahawakan kahit dulo man lang ng daliri nito. "Mga inutil!" Galit nyang pinaghahampas ang mga ito at inutusang hanaping muli ang prinsesa. Nakarating naman ang balita sa maharlikang pamilya ni Savanna pati na rin sa kanyang Amang Hari at Inang Reyna. Humahangos na nilapitan sya ni Reyna Artemis na bakas ang takot at pag aalala. "Anong nangyari? Nasaan ang Prinsesa ko!!" Inilibot nito ang paningin sa madilim na paligid. Naiiyak syang napayakap sa kanyang mahal na asawa. "Nagpapahinga lamang siya sa munting kubo na iyon, pero bigla na lamang syang nawala nang pupuntahan ko na sya." Paliwanag ni Cleandro na takot sa takot sa titig ng kanyang amang hari. "Isa kang inutil!" Binatukan sya ng kanyang sariling ama. Galit na galit ito na tila papatayin na sya. Kasal lamang ang nais ni Haring Abderus upang muling mapalapit kay Reyna Artemis na kanyang iniirog noon, ngunit hindi sya ginusto kailanman ng reyna. Patuloy na naghanap ang mga tauhan ng dalawang maharlikang pamilya at hindi sila sumuko na makita si Savanna. Ngunit maaabutan pa kaya nila si Savanna na nagsisimula ng lakbayin ang bundok ng Matilda? 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD