ISANG masigabong palakpakan ang pumailanlang sa malaking kwarto na kinaroroonan ni Richard. Kasama niya ang ilan pang malalaking pangalan sa larangan ng negosyo. Tinawag ang kanyang pangalan para sa isang karangalang igagawad sa kanya bilang pinakamatagumpay na negosyante sa bansa. Kamakailan lang din ay natampok siya sa pinakakilalang global media company magazine. Sa edad na limampu’t isa, masasabi niyang kanya nang naabot ang rurok ng tagumpay na buong buhay niyang pinagsumikapan, ngunit hindi siya makaramdam ng saya at pagkakontento. Pakiramdam niya ay palaging mayroong kulang. Kung buhay pa sana si Aliyah ay may mapag-aalayan siya ng tagumpay.
Pagdating niya sa kanilang bahay ay tahimik at madilim. Bahagya siyang nagulat nang biglang magbukas ang mga ilaw at bumulaga sa kanya si Mandy na may dalang cake. Abot sa magkabilang tainga ang ngiti nito. Lumapit ito sa kanya.
“Congrats, Daddy! I am so proud of you,” wika ni Mandy. Inihilig nito ang ulo kay Richard. Hindi nito magawang yakapin ang ama dahil sa hawak na cake. Hindi rin magawang itaboy ni Richard ang anak dahil sa dami ng matang nakatingin sa kanila. Walang ibang may alam sa kung paano niya tratuhin si Mandy. Ang alam ng iba ay isa siyang ulirang ama.
Nag-imbita ng maraming bisita si Theodore upang ipagdiwang ang natanggap na parangal ng anak na si Richard. Isa pa ay alam niya kung gaano kagusto ng apong si Mandy ang mga ganitong pagtitipon kung saan maraming mga tao itong nakakahalubilo.
Napatingin si Theodore sa main entrance ng mansyon nang pumasok doon ang bunsong anak na si Leo. Anak niya si Leo sa kanyang pangalawang asawa na pumanaw na rin dahil naman sa isang aksidente.
“Sorry, Papá, I’m late,” wika ni Leo. Yumakap ito kay Theodore at nagtapikan sila ng balikat. Kasunod ay hinarap na nito ang nag-iisa at nakatatandang kapatid na si Richard. “Kuya, congratulations!” anito.
“Thank you, but you’re late,” seryosong tugon ni Richard.
“Better late than never. Ang swerte mo pa nga dahil umuwi pa talaga ako from Europe para sa surprise party na ito. Imagine how special you are to me.”
“Alam kong hindi mo naman ako matitiis.” Sa wakas ay ngumiti na si Richard. Nagyakap silang magkapatid. Kahit magkaiba ang kanilang ina ay malapit sila sa isa’t isa. Si Mandy ay may malapit na relasyon din sa uncle Leo nito. Sa totoo lang ay mas umaakto pang ama si Leo kay Mandy kaysa kanya. He’s guilty, but he doesn’t want to entertain the feeling.
“How’s my beautiful niece?” nakangiting wika ni Leo sabay baling kay Mandy.
“Nasaan ang pasalubong ko, Uncle?” kumikislap ang mga matang usisa ni Mandy.
“It’s in the car. I’ll give it to you later, okay?”
Tumango si Mandy at yumakap sa tiyuhin.
Ipinagpatuloy na nila ang pagdiriwang. Halos hatinggabi na rin nang matapos iyon.
“I’m sleepy already, Lolo,” wika ni Mandy kay Theodore pagkatapos ng isang hikab. Panay ang pagkusot nito sa mga mata.
“Hay, ang apo ko talaga,” wika ni Theodore sabay yakap kay Mandy. “Dapat ay hindi ka nakikipagsabayan sa mga matatanda. Kanina ka pa dapat natulog.”
“Wala namann ho akong pasok bukas, Lolo, eh. At saka, ngayon lang naman ako matutulog nang late.”
“O, sige na. Sige na,” ani Theodore. Umakyat ka na at pumasok sa kwarto mo. Matulog ka na.”
Muling yumakap si Mandy sa lolo nito. Pagkatapos ay nagbaling naman ito sa ama. “Goodnight, Daddy. I love you!” Hindi man lang ito nilingon ni Richard. Gayunpaman ay ngumiti pa rin ito at umakyat na upang magpahinga.
Nagpasya si Theodore na samahan muna ang anak. Mukhang malalim ang iniisip nito.
“Congratulations again, son,” wika niya kay Richard. “I am very proud of you. Alam kong ano man ang mangyari sa akin ay nasa mabuting kamay ang kompanya.”
“You have nothing to worry about, Papá,” tugon ni Richard.
“I know. But you know what I am worried about?”
Napatingin si Richard sa ama. Nakaguhit ang malalalim na mga linya sa kanyang noo.
“I’m worried about Mandy,” dugtong ni Theodore. “I am not getting any younger. I am already eighty. I am at the terminal phase of my life, while Mandy is just about to start hers. Paano siya kapag wala na ako?”
Matagal na iniwasan ni Theodore na mapag-usapan ang bagay na iyon sapagkat alam niyang ayaw ni Richard na pina-uusapan ang relasyon nila ni Mandy. Ngunit kailan pa niya muling bubuksan ang tungkol sa bagay na iyon?
“Mandy will be fine, Papá. Money is the answer to everything. As long as we have money, she will be okay.”
“Hindi, anak,” mariing pagtutol ni Theodore. “Hindi pera ang sagot sa lahat lalo na para kay Mandy. She needs her father. She needs you. She needs you more than anything else in the world.”
Hindi umimik si Richard.
“Hanggang kailan mo ba sisisihin ang bata sa pagkawala ni Aliyah? Alam mong wala siyang kasalanan. Bata lang siya. She never asked to be born. It was Aliyah who wanted to have her. If you really love your wife, you should also love Mandy, dahil bunga siya ng pagmamahalan ninyong dalawa. Huwag mo siyang pagpagdusahin habangbuhay sa isang bagay na hindi niya naman kasalanan. Mahal na mahal ka ng anak mo. Bulag ka kung hindi mo iyon nakikita.”
Nanatiling walang imik si Richard habang nakatingin sa malayo at patuloy na kumukunsumo ng alak.
“Katulad ng sinabi ko, matanda na ako. Kaunti na lang ang panahon na nalalabi para sa akin dito sa mundo. Bago ako mawala, gusto kong masiguro na magiging okay ang apo ko. Kung hindi ay baka hindi matahimik ang kaluluwa ko kapag ako ay namatay.”
“Papá, I need you to stop talking about death. Okay? Mabubuhay ka pa nang matagal,” wika ni Richard.
“Hindi natin hawak ang mga buhay natin, Richard. Hindi natin alam kung kailan tayo mawawala. Dapat bawat araw isipin natin na iyon na ang huling araw natin sa mundo. Huwag nating gawin ang isang bagay na alam nating ating pagsisisihan kapag tayo ay pumanaw na.”
“Kapag namatay na ang tao, patay na ito. There’s no way that a dead person can still have the chance to regret his decisions when he was still alive. If the afterlife is real, where is Aliyah? She should be here now because she knows how much I need her.”
Napabuntong hininga si Theodore. “But what if she’s here, Richard? Siguradong malungkot siya dahil nakikita niyang hindi mo magawang mahalin si Mandy. Isinakripisyo niya ang kanyang buhay para kay Mandy.”
Napalunok si Richard. Hindi siya tumugon. Narinig niya ang malakas na pagbuntong hininga ng ama pati na ang mga yabag nito na unti-unting naglalaho sa hangin.