KINABUKASAN ay maagang gumising si Richard kagaya ng nakasanayan niya. Alas kwatro pa lamang ay handa na ang isip at katawan niya para sa maghapong pagtatrabaho sa opisina. Trabaho na lamang ang buhay niya magmula nang siya ay mabalo. Wala na siyang pakialam sa ibang bagay, lalo na kay Mandy.
Alas sais ay nakahanda na siya upang pumasok sa trabaho. Sinalubong siya ng amang si Theodore bago pa siya makalabas ng mansyon.
"Minsan, ihatid mo naman si Mandy sa eskwelahan," wika ng matanda.
Kaagad na nag-iba ang awra sa mukha ni Richard. "Wala na akong oras para diyan, Papá. At saka, para saan pa? Kaya nga tayo kumuha ng yaya niya para mayroong maghatid at magsundo sa kanya sa eskwelahan, at para may mag-asikaso sa lahat ng pangangailangan niya," tugon niya.
Tumango si Theodore. "Sa bagay," anito.
Napabuntong hininga si Richard. Dala siguro ng katandaan ng kanyang ama ay nakakalimutan nito na halos araw-araw pareparehas ang sinasabi nito sa kanya, at pareparehas din ang tugon niya.
Ang hindi niya rin alam ay sinasadya lamang iyon ni Theodore dahil umaasa ito na isang araw ay magbabago ang ihip ng hangin at mapapa-oo siya. Kung sana ay madadala lamang siya sa kakulitan nito.
"Family day raw sa isang araw," wika pa ni Theodore. "Baka pwedeng ikaw naman ang um-attend para sa kanya? Mahihina na ang tuhod ko para sa mga palaro nila. Pinagkakamalan din kaming magkasintahan ni Minda dahil sa tuwing family day ay kami ang magkasama at gumaganap na magulang ni Mandy." Humalakhak ito.
"Papá, sa tinagal-tagal ng panahon na kayo ang nagpupunta sa mga mahahalagang okasyon sa eskwelahan ni Mandy, imposibleng palagi na lang kayong pagkakamalan ni Minda na magkasintahan. Niloloko ka lang ng mga magulang ng ibang bata," wika ni Richard. Muli siyang nagbuntong hininga. "Papá, I'm busy. Hindi ko na kailangang ipaliwanag pa sa inyo. But if I need to remind you, I am the president and CEO of Anderson Chain of Hotels. Alam ninyo kung gaano ka-demanding ang trabaho ko."
"Nariyan naman na si Leo. Pwede namang siya na muna ang gumanap sa trabaho mo kahit pansamantala lang," tugon ni Theodore.
Natawa si Richard. "Ano ang alam ni Leo sa pagpapatakbo ng kompanya?" aniya. "Wala siyang ibang alam kundi ang maglakwatsa."
"Bakit hindi mo bigyan ng pagkakataon si Leo? Interesado naman siya. Nakikita ko iyon. Minsan ay nagtatanong siya. Sayang din naman ang pinag-aralan niya. Hayaan mo siyang tulungan ka at nang gumaan naman ang trabaho mo."
"Papá, do I sound like I am complaining about my job?" Napangiti siya. "Kaya ko. Hindi ko kayang ipagkatiwala ang kompanya sa iba lalo na kung wala itong karanasan."
"Paano nga magkakaroon ng karanasan ang kapatid mo, kung hindi mo bibigyan ng trabaho? Isang araw, kakailanganin mo ring bigyan ng papel si Leo. Dalawa lang kayong magkapatid. Hindi ka rin pabata nang pabata. Si Leo tatanda na rin lang sa anino mo."
"Kaya ko, Papá," tugon ni Richard. "Hayaan na ninyo si Leo na i-enjoy ang buhay niya lalo na at single siya at walang balak mag-asawa. Naibibigay ko naman ang lahat ng mga gusto niya at pangangailangan. Saan pa siya? Nakukuha niya ang mga bagay na gusto niya nang hindi pinagpapawisan. Dapat nga siyang magpasalamat sa akin. Iyon naman ang gusto niya."
"Alam mong hindi pwedeng ganoon habangbuhay, Richard," wika ni Theodore.
"Alam ko, Papá. Pero huwag nating isipin ang bukas. Ang mahalaga, ang ngayon."
Napatango na lang ang matanda. Kahit kailan ay hindi pa siya nanalo sa kanilang argumento.
"Okay," ani Theodore. Bigla itong natawa. "Siya nga pala. Naalala ko kagabi, ang sabi ko eighty na ako. Malapit na naman pala ang kaarawan ko. Sana naman pagbigyan mo na ako kung may hilingin man ako. Kahit ngayon lang, huwag mo sana akong tanggihan."
Isa na namang buntong hininga ang pinakawalan ni Richard. "Ano na naman, Papá?" aniya. Kailangan talagang habaan niya ang pasensya sa kanyang ama. Mas ikinalma niya ang boses. "Ano ang gusto ninyo?"
Mataman siyang pinagmasdan ng ama nang derekta sa mga mata. "Alam mo naman ang gusto ko, anak. Maging ama ka sa apo ko."
Pinaikot ni Richard ang mga mata. "Here we go again, Papá," bulalas niya.
"Ang sabi sa akin ni Mandy, gusto niyang maranasan ang mag-camping. Matagal-tagal na rin na hindi ko iyon nararanasan. Samahan mo kami," wika ni Theodore.
"Alam na ninyo ang sasabihin ko, Papá," tugon ni Richard.
"Isang araw lang, anak. Ibalato mo na sa akin. Sa dami ng pera natin, hindi naman kawalan ang isang araw sa iyo. Kapag pinagbigyan mo ang hiling ko, hindi lang ako ang liligaya. Mas liligaya ang apo ko. Gusto ko lang maging masaya sa aking kaarawan. At ang magpapasaya sa akin ay ang kasiyahan ni Mandy. At ang kasiyahan ni Mandy ay makasama ka kahit na saglit lamang na maramdaman niyang mayroon siyang ama."
Nagbuntong hininga na naman si Richard. "Pag-iisipan ko, Papá," tugon niya.
"Huwag mo nang pag-isipan. Sabihin mong oo. Ni minsan ay wala akong hiningi sa iyo sa mga nagdaang kaarawan ko. Ngayon lang ako hihiling," saad ni Theodore.
"Hindi pa nga ho kayo humiling kahit kailan ng kahit na ano sa kaarawan ninyo, pero araw-araw naman kayong humihiling na magpakaama ako kay Mandy."
"Iyon na nga ang ikinalulungkot ko, Richard. Hindi naman iyon dapat hinihiling pa. Dapat kusa mo iyong ibinibigay sa anak mo."
Bumagsak ang mga balikat ni Richard. "Araw-araw na lang ba tayong ganito, Papá? Hindi ba kayo mapapagod? Kasi ako napapagod na."
"Hindi ako kailanman mapapagod sa apo ko. Kawawa naman siya kung pati ako, susuko."
"Tapusin na natin ang pag-uusap na ito, Papá. Mali-late na ako sa trabaho," wika ni Richard. "Puno ang schedule ko ngayong araw." Mabilis siyang tumalikod at lalabas na sana ng mansyon nang marinig ang mga yabag at boses ni Mandy.
"Good morning, Lolo! Good morning, Daddy!" masiglang bati ng bata habang bumababa ng hagdan. Malapad ang ngiti nito.
Napalingon si Theodore sa apo. "O, bakit ang aga mong magising? At bakit ganyan ang suot mo?"
Nakasuot ang bata ng jogging pants, sneakers, at jacket.
"Lolo, mag-jogging tayo," tugon ni Mandy. "Napansin ko kasi na mahina na ang tuhod mo. Kulang ka po yata sa exercise."
Natawa ang matanda. "Bata ka talaga. Ikaw na nga ang nagsabi na mahina na ang tuhod ko. Sa tingin mo, paano pa ako makakatakbo?"
"Lakad na lang po tayo, Lolo, kung hindi na ninyo kayang tumakbo. Gusto ko, healthy kayo kasi gusto ko pa kayong makasama nang matagal." Yumakap si Mandy sa kanyang lolo nang mahigpit.
"Hay, napakabamalambing at napakabait mong bata talaga," wika ni Theodore at hinagkan ang noo ng apo. "Ang swerte swerte ko naman sa iyo."
"Swerte rin po si Daddy sa akin, 'di ba?" nakangiting wika ni Mandy. "Kasi kapag tumanda na siya, aalagaan ko rin siya katulad ng pag-aalaga ko sa inyo."
"Oo naman," tugon ni Theodore na may alanganing ngiti. "I'm sure he knows that." Tumingin siya kay Richard.
"Aalis na ako, Papá," malamig na wika ni Richard na hindi pinansin ang winika ng ama.
"Bye, Daddy! Ingat ka sa work," malambing na wika ni Mandy sa ama. Lumapit siya rito at yayakap sana, ngunit nagmamadaling umiwas si Richard at lumabas na ng tuluyan sa mansyon.
Bumagsak na lamang ang mga sulok ng labi ni Mandy at kaagad na nangilid ang mga luha.
Nalungkot si Theodore para sa apo, ngunit dali-dali niya itong inalo. "Oh, halika na. Bihis ka na, eh. Ano ba ang sabi mo kanina, magja-jogging tayo? Tara na!"
Napatingin si Mandy sa abuelo. "Akala ko ba hindi na ninyo kaya kasi mahina na ang tuhod ninyo?"
"Pipilitin natin," wika ni Theodore. Kinabig niya ang apo at mahigpit itong niyakap. Nadudurog ang puso niya para dito. Ngunit hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na isang araw matututunan ding mahalin ni Richard ang anak nito.