Nagising ako sa malakas na pagaspas ng hangin sa may labasan. Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa kama nang makapang wala sa tabi ko si Seb. "Seb?" Isinuot ko ang roba sa katawan saka lumabas ng silid upang hanapin ang asawa. Hindi ko makita ang asawa sa buong kabahayan kaya naisip kong lumabas. Bubuksan ko pa lang sana ang pinto nang marinig ko ang malakas na sigaw ni Seb. Hindi ko na binuksan ang pinto at nakuntento na lamang ako sa pagdukwang sa may bintana. "Huwag kang lumabas, Baby! Delikado! Masyadong malakas ang hangin." "Delikado pala, bakit ka nariyan?" pasigaw ko ring tanong sa kaniya. "Aayusin ko lang itong sasakyan at papasok na rin ako riyan sa loob," tugon naman niya sa akin. Pinagmasdan ko siyang maigi at nakita kong basang-basa na siya ng tubig ulan. Nag-aalala ako

