Hindi iyon ang unang pagkakataon na nahalikan niya si Nica.
Matagal na niyang tinatago ang alaala na iyon, parang isang lihim na ayaw niyang galawin dahil baka maglaho kapag binalikan.
Ngunit malinaw pa rin sa kanya ang gabing iyon, bawat detalye ay parang nakaukit sa kanyang isipan.
Matapos ang debut party ni Nica noon, pagod na pagod silang pareho. Maingay, magulo, at puno ng tao ang buong magdamag. Kaya nang alukin siyang doon na matulog, hindi na siya tumanggi. Sa silid ni Nica, sa isang kama na amoy pabango at kaunting pagod, agad siyang nakatulog.
Nagising siya sa kalagitnaan ng madaling araw.
Tahimik ang paligid. Tanging mahinang paghinga ni Nica ang kanyang naririnig. Paglingon niya, nakita niya itong mahimbing na natutulog sa tabi niya. Malapit. Sobrang lapit na halos magdikit ang kanilang mga balikat.
Hindi niya alam kung bakit ganoon ang naramdaman niya noon.
Akala niya nananaginip lang siya.
At dahil sa pag-aakalang iyon, naglakas-loob siya.
Marahan niyang inilapit ang kanyang mukha at dahan-dahang idinampi ang kanyang labi sa labi ni Nica. Isang maikling halik, halos hindi mahahalata, puno ng kaba at pananabik.
Ngunit nang maramdaman niya ang init at katotohanan ng sandaling iyon, napagtanto niyang gising siya.
Hindi iyon panaginip.
At mula noon, itinago na niya iyon sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang sarili.
Isang lihim na kailanman ay hindi dapat mabunyag.
Ngayon, muli siyang binigyan ng pagkakataon.
Muli niyang nasilayan ang mukha ni Nica, payapa, walang kamalay-malay. At muli, hinayaan niyang manaig ang damdaming matagal na niyang kinikimkim.
Isang panakaw na halik.
Isang sandaling siya lang ang may alam.
Sapat na sana iyon.
Ngunit bago pa niya tuluyang ilayo ang sarili, biglang gumalaw si Nica. Dahan-dahang umangat ang kamay nito at humawak sa batok niya, hinila siya palapit. Mas lalong nagdikit ang kanilang mga labi, tila ba may hinahabol itong panaginip na hindi niya maunawaan.
Napatigil si Rhav.
Hindi niya alam kung lalayo ba siya o mananatili.
Saglit siyang natigilan sa pagitan ng tama at gusto.
Ngunit sa huli, pinili niyang huwag kumawala.
Hindi na siya nagpanggap.
Hinayaan niyang lamunin siya ng sandaling iyon, kahit alam niyang siya lamang ang may buong kamalayan. Kahit alam niyang bukas, wala ni isa sa mga ito ang maaalala ni Nica.
Ito ang gusto niya.
Ito ang matagal na niyang tinatago.
Kaya hinayaan niya ang sarili na maramdaman ito, kahit sa paraang lihim at hindi patas.
Maya-maya, narinig niya ang mahinang hilik ni Nica. Unti-unting lumuwag ang hawak nito hanggang sa tuluyang bumagsak ang kamay sa tabi.
Mahimbing na muli itong natulog.
Dahan-dahang inilayo ni Rhav ang sarili. Huminga siya nang malalim, para bang ngayon lang niya naalalang huminga.
Natakot siya sa sarili niyang kayang gawin.
Kaya agad siyang tumayo at nagpunta sa banyo. Naghilamos siya, paulit-ulit, na para bang kayang burahin ng malamig na tubig ang init na nararamdaman niya.
Nang makalma siya, bumalik siya sa sala.
Tahimik pa rin ang gabi.
Marahan niyang ipinagpatuloy ang pagtanggal ng makeup sa mukha ni Nica. Inayos niya ang pagkakahiga nito, inusog ng kaunti upang masigurong hindi ito mahuhulog.
Maingat. Maalalay. Parang isang bagay na mahalaga at hindi pwedeng masaktan.
Pagkatapos, tumayo siya at nagpunta sa kusina. Naghanda siya ng soup, inayos ang mga kailangan para bukas. Alam niyang tanghali na naman magigising si Nica, at siya naman ay kailangang maagang pumasok sa trabaho.
Nang matapos ang lahat, bumalik siya sa sala.
Saglit niyang pinagmasdan si Nica.
Tahimik.
Maganda.
Payapa.
“Goodnight, princess… sweet dreams,” mahina niyang bulong.
Nagbigay pa siya ng isang munting flying kiss bago tuluyang pumasok sa kanyang silid, dala ang lihim na muli na namang nadagdagan ng isang alaala.
***
TANGHALI na nang magising si Nica.
Bigla siyang napabangon mula sa pagkakahiga, dahilan upang umikot ang kanyang paningin. Napahawak siya sa kanyang sentido at napapikit sandali, hinihintay na humupa ang hilo. Dahan-dahan siyang huminga bago iminulat muli ang mga mata.
Napatingin siya sa center table.
May isang maliit na papel na nakaipit doon.
Kinuha niya ito at binasa.
Initin mo na lang ang soup na ginawa ko. Sa susunod, huwag ka na uminom. See you. – Rhav
Kusang sumilay ang ngiti sa kanyang labi.
Kahit kailan, hindi nagbabago si Rhav. Maalaga, maalalahanin, at laging nauuna sa pag-aalaga sa kanya.
Tumayo siya at kinuha ang baso ng tubig na inihanda rin nito. Uminom siya nang dahan-dahan, pinapawi ang natitirang bigat sa kanyang katawan, bago ibinalik ang baso sa mesa.
Magaan ang pakiramdam niya.
Tahimik, maaliwalas, at parang may kung anong saya na hindi niya maipaliwanag.
Wala siyang pasok ngayon.
At sa isip niya, may isang simpleng plano na agad nabuo.
Susunduin niya si Rhav mamaya.
Bawi man lang sa pag-aalaga nito kagabi.
Pagkatapos maligo at mag-ayos, nagsimula siyang maglinis ng unit. Habang umiinit ang mushroom soup sa kusina, hawak niya ang mop at marahang nililinis ang sahig ng salas.
Umaalingawngaw sa buong unit ang malamyos na boses ni Moira, kinakanta ang Tagpuan.
Hindi niya maiwasang sumabay.
Paunti-unti, napapalakas ang kanyang boses, kasabay ng pag-indak ng kanyang katawan habang nagmo-mop.
Ito ang paborito nilang kanta ni Rhav.
Isang kantang kapag pinapatugtog, pareho silang nawawala sa sarili, parang lasing sa himig at alaala.
Ngunit naputol ang kanyang pag-awit nang marinig ang doorbell.
Napakunot ang kanyang noo.
Wala naman siyang inaasahang bisita.
Ibinaba niya ang mop at tinungo ang pinto, habang patuloy na umaagos ang musika sa likuran niya.
Pagbukas niya ng pinto, bumungad sa kanya ang isang bouquet ng pulang rosas.
Nakaharang iyon sa mukha ng taong may hawak.
“I told you, hindi kita susukuan, R—”
Naputol ang sasabihin nito.
Dahan-dahang ibinaba ang bulaklak.
At doon nila nakita ang isa’t isa.
“Nica?” gulat na tanong ni Dexter.
“And you are?” taas-kilay na sagot niya.
“Hi. Sorry. I’m Dexter. Classmate ninyo dati. Tropa ni Jap.”
Sandali siyang nag-isip bago tumango. “Ah… oo. Naalala ko na.”
Sumulyap siya sa hawak nitong bulaklak.
“At sigurado ako, hindi para sa akin iyan,” dagdag niya, may bahagyang ngiti. “Manliligaw ka ni Rhav?”
Napakamot si Dexter sa ulo, tila nahihiya ngunit hindi maitatago ang saya.
“I guess hindi siya pumayag,” patuloy ni Nica.
Marahan itong tumango. “Pero hindi ko siya susukuan.”
Pinagmasdan siya ni Nica, saka bahagyang ngumiti. “Come in.”
Bahagya niyang binuksan pa ang pinto.
“Pasensya na sa kalat. Naglilinis ako.”
“No problem,” sagot ni Dexter habang pumapasok.
Ngunit bago pa man ito tuluyang makapasok, huminto si Nica at tumingin sa kanya nang diretso.
“By the way, magaling ako sa self-defense.”
Napangiti si Dexter. “Nakakatawa ka pala.”
“Hindi ako nagbibiro.”
Tuluyan na itong pumasok.
Napatingin si Dexter sa paligid. Nakapaskil sa dingding ang mga litrato nilang dalawa. Mga ngiti, alaala, at mga sandaling magkasama sila mula pa noon.
Napahinto siya sa isang frame.
Ang kanilang class picture noong high school.
Dahan-dahan niya itong kinuha.
“May kopya pala kayo nito,” mahina niyang sabi.
“Yes,” sagot ni Nica mula sa kusina. “Pinilit talaga ni Rhav na kunin iyan.”
Tumunog ang oven.
“Feel at home. Babalikan kita.”
Iniwan niya si Dexter sa salas.
Ibinaba nito ang bulaklak sa side table at naupo. Napansin niya ang maliit na note sa mesa.
Kinuha niya ito.
Binasa.
At sa sandaling iyon, may kakaibang pakiramdam na sumagi sa kanya.
Hindi niya maipaliwanag.
Parang may kulang.
Parang may hindi tama.
Mabilis niyang ibinalik ang note nang marinig ang yapak ni Nica.
Bumalik ito na may dalang orange juice at cookies.
“Pasensya na, ito lang meron kami.”
“Okay lang. I love cookies.”
Ngumiti si Nica at inilapag ang mga iyon sa mesa.
Kinuha niya ang note at ang baso.
“Hanggang ngayon, magkasama pa rin kayo,” puna ni Dexter.
“Yes,” simpleng sagot niya. “Ganun talaga kapag sobrang close.”
“May boyfriend ka na ba?”
Napahinto siya.
Napatingin nang diretso kay Dexter.
“Medyo personal naman ang tanong mo,” malamig niyang sagot. “Hindi naman tayo close.”
Agad itong napayuko. “Sorry.”
Inubos niya ang laman ng baso at tumayo.
“Babalik na lang ako. Salamat sa pag-welcome.”
Inihatid siya ni Nica hanggang pinto.
Pagkasara nito, malakas niyang isinara ang pinto.
Halos sumabog ang inis sa kanyang mukha.
“Napaka-presko naman!” bulong niya, saka sinipa ang pinto.
Napatingin siya sa bouquet.
“Tss. Kala mo talaga,” irap niya bago tumalikod at pumasok sa kanyang silid.
***
Sa opisina, nakatutok si Rhav sa kanyang monitor.
Ngunit hindi siya makapag-focus.
Paulit-ulit na bumabalik sa kanyang isipan ang halik nila ni Nica.
Ang init.
Ang lambot.
Ang sandaling hindi niya dapat hinayaan.
“Ang lalim ng iniisip mo ah,” puna ni Jinky.
Napalingon siya.
Inilapag nito ang isang tasa ng kape sa kanyang mesa.
“Salamat.”
“Lalaki?” diretsong tanong nito.
“Anong lalaki?” kunot-noo niyang sagot.
Natawa si Jinky. “Sigurado akong lalaki.”
“Baliw ka.”
Ngunit naramdaman niya ang init sa kanyang pisngi.
Napahawak siya rito.
At lalong sumagi sa isip niya ang alaala kagabi.
“Mainit lang dito,” mabilis niyang depensa.
“Talaga?” tukso pa ni Jinky.
Ngunit hindi na siya sumagot.
Sa halip, pilit niyang ibinalik ang atensyon sa trabaho.
Hanggang sa may sumigaw mula sa pinto.
“Surprise!”
Napatalon siya sa gulat.
Halos maibuga niya ang iniinom na kape.
“Nica!”
Lumapit ito, may mapanuksong ngiti sa mga mata.
“May inililihim ka sa akin,” sabi nito.
Biglang bumilis ang t***k ng puso niya.
“Lihim?” halos pabulong niyang sagot.
“Oo.”
Napatingin siya kay Jinky na halatang nakikinig.
“Nica… sa bahay na lang natin pag-usapan—”
“No need,” putol nito. “Alam ko na.”
Napalunok si Rhav.
“Bakit hindi mo sinabi na may manliligaw ka?” dagdag ni Nica. “Dumating si Dexter kanina. May dalang bulaklak.”
Napakunot ang noo ni Rhav.
“Iyon ang tinutukoy mo?”
“Oo. May iba pa ba?”
Mabilis siyang umiwas ng tingin. “Wala.”
Huminga siya nang maluwag.
Hindi pala iyon ang tinutukoy nito.
“Mabuti at ni-reject mo siya,” sabi ni Nica. “Hindi ko gusto ang aura niya.”
Ngumiti si Rhav, bahagyang gumaan ang pakiramdam.
“Maiba tayo. Bakit ka nandito?”
“Ako ang driver mo ngayon.”
“Driver lang? Walang libre?”
“Anong gusto mo?”
“KFC.”
Sabay silang natawa.
Ngunit naputol ang kanilang tawanan nang may kumatok.
Lahat sila ay napalingon.
Sa pintuan, nakatayo ang isang lalaki.
Si JC Xiao.
May ngiting kayang magpatigil ng oras.
Tahimik ang paligid sa loob ng opisina.
Napatingin si Rhav kay Nica.
At sa sandaling iyon, nakita niya kung paano ito napatitig kay JC.
May kung anong kumirot sa kanyang dibdib.
Parang isang babala.
Isang bagay na hindi pa nangyayari, ngunit unti-unti nang nabubuo.
Sa gilid, halos hindi na mapakali si Jinky sa kilig.
Ngunit si Rhav, tahimik lang.
Pinagmamasdan.
At sa kanyang isipan, isang tanong ang unti-unting sumulpot.
Siya na ba ang taong kayang baguhin ang mundo ni Nica?