Nagbago ang isip ni Rhav at dali-dali niyang sinundan si Nica sa labas. Ngunit nakita niyang nakapasok na ito sa elevator. Wala na siyang nagawa kundi sumakay sa kabilang elevator, umaasang maaabutan pa niya ito. Mabuti na lamang at naabutan niya si Nica bago pa ito tuluyang makapasok sa sasakyan.
Bahagyang nagtaka si Nica nang makita siya, ngunit agad din itong ngumiti.
“Bye, see you later!”
“Bye,” maikling tugon niya.
“Mag-iingat po kayo sa pagda-drive,” bilin niya sa driver na pamilyar na rin sa kanya bilang personal driver ni Mr. Xiao.
Mula sa loob ng sasakyan, masiglang kumaway si Nica habang unti-unting lumalayo. Nanatiling nakataas ang kamay ni Rhav hanggang sa tuluyang mawala iyon sa kanyang paningin. Nang maglaho na ang sasakyan, marahan niyang ibinaba ang kanyang kamay.
Sa gilid lamang ng condominium ay may maliit na grocery store, kaya naisipan niyang dumaan muna upang bumili ng makakain. Sinalubong siya ng malamig na hangin pagpasok niya. Simple ang ayos ng tindahan, parang isang mini convenience store na tahimik at maaliwalas. Kumuha siya ng basket at nagsimulang mag-ikot. Isa-isa niyang pinulot ang mga nais niyang bilhin. Junk foods, softdrinks, ice cream, biscuits, at tinapay. Napangiti siya habang inilalagay ang mga iyon sa basket. Mukhang magiging maayos ang gabi niya habang nanonood ng Netflix.
“Hi, Miss!”
Napalingon si Rhav sa pinanggalingan ng boses. Isang matangkad na lalaki ang nakatayo roon. Moreno ang balat, matangos ang ilong, makakapal ang kilay, at may kumpiyansang tindig.
Tumikhim ang lalaki, halatang natutuwa habang nakatitig sa kanya. Sumilay ang mapuputi at pantay-pantay nitong ngipin.
“Yes?” malamig niyang sagot.
Lumapit ito nang bahagya. “Malapit ka lang ba dito?”
Napakunot ang noo niya. Hindi niya gusto ang paraan ng pagtatanong nito, para bang matagal na silang magkakilala.
“Sorry, pero hindi ako nagbibigay ng information sa hindi ko kilala.”
“Ouch,” ani nito sabay hawak sa dibdib, na para bang nasaktan. “Hulaan ko, hindi mo ako nakikilala?”
“Hindi. At wala akong oras para manghula. Excuse me.”
Tinalikuran na niya ito at dumiretso sa counter, ngunit sinundan siya ng lalaki.
“Ako iyong isa sa isinumbong mo kay Ma’am Becca noon. Naalala mo na?”
Napalingon siya, bahagyang napataas ang kilay. “Sino ka sa tatlong unggoy na pinagpustahan ang kaibigan ko?”
Ngumiti ito, ngunit may bahid ng pait. “Kaya mo ba kami isinumbong? Alam mo bang muntik kaming hindi makagraduate dahil doon? Araw-araw kaming pinawalis sa campus. Ang sama mo.”
“Nararapat lang iyon sa inyo,” matigas niyang sagot.
Tumawa ang lalaki at inilahad ang kamay. “Dexter. Ako iyong nanalo sa pustahan namin ni Jap.”
Sandali siyang nag-atubili, ngunit tinanggap pa rin niya ang pakikipagkamay. “Malaki na ang pinagbago mo. Mukhang tao ka na ngayon.”
“Grabe ka naman,” natatawang sagot nito. “Kung may free time ka, baka pwede kitang yayain kumain sa labas. Matagal na rin iyon. Baka naman napatawad mo na ako.”
Pinandilatan niya ito. “Bahagi ba ito ng panibagong laro ninyo? Ako naman ang pustahan ngayon?”
“Hindi na,” mabilis nitong sagot. “Wala na akong balita kay Jap. Ako na lang ito. Gusto lang kitang makilala.”
“Nice to see you again, Dexter. Pero wala akong oras para magpaligaw.”
“May boyfriend ka na ba? O asawa?”
“Wala.”
Tumalikod na siya at nagbayad. Kinuha niya ang mga pinamili at lumabas ng tindahan.
“Let me help you,” alok ni Dexter sabay kuha sa isang plastic bag na may laman na softdrinks.
Huminto siya at agad itong binawi. “Salamat, pero kaya ko na.”
Napabuntong-hininga ang lalaki. “Bakit ba ang ilag mo sa lalaki? Tomboy ka ba?”
Napahinto siya at dahan-dahang humarap dito. May bahid na ng inis ang kanyang mga mata.
“Kung hindi ka tomboy, bakit ayaw mong magpaligaw? Bakit hanggang ngayon kayo pa rin ni Nica ang magkasama? May gusto ka ba sa best friend mo?”
Nanlaki ang kanyang mga mata. “Huwag kang gumawa ng kwento. Writer ka ba o tsismoso lang?”
Bahagyang natahimik ang lalaki.
“Huwag mo na akong sundan. Kung ayaw mong ipaharang kita sa guwardiya,” dagdag pa niya.
Nagtaas ng kamay si Dexter bilang pagsuko. “Fine. I’m sorry. Gusto lang kitang makilala. Hindi kita susukuan, Rabina.”
Masamang tingin ang isinukli niya bago tuluyang pumasok sa loob ng condominium.
Habang naglalakad siya, hindi niya maiwasang balikan ang sinabi nito. Paano kung iyon din ang iniisip ng ibang tao? Paano kung pati ang mga magulang nila ay ganoon ang iniisip?
Mariin siyang napailing.
“Imposible,” bulong niya sa sarili. “Kilala nila kami.”
Ngunit kahit anong pilit niyang iwaksi ang ideya, may bahagyang kirot na naiwan sa kanyang isipan.
“Buwisit na Dexter,” inis niyang sambit. “Sinira niya ang araw ko.”
***
Pagpasok ni Nica sa loob ng magarang hotel, agad siyang napansin ng mga staff. Ang lugar ay maliwanag at elegante, tila pinaghandaan para sa isang espesyal na okasyon. Hindi iyon mukhang karaniwang business meeting.
“Hi,” bati niya sa isang crew. “I am here to attend a meeting for XBC. Where is the venue?”
“Hello. You must be Miss Danica Valdez?”
“Yes.”
“This way, Miss.”
Pumasok sila sa isang malawak na bulwagan. Napatigil si Nica nang makita ang engrandeng ayos ng lugar. Maraming mesa ang nakaayos, may buffet sa gilid, at ang mga bisita ay pawang naka-eleganteng kasuotan.
Parang hindi ito meeting.
Parang isang selebrasyon.
Napatingin siya kay Mr. Zhun Xiao na abala sa pakikipag-usap sa mga kilalang personalidad. Nang mapansin siya nito, agad siyang sinenyasan na lumapit.
Bahagya siyang nailang sa suot niyang business attire. Kabaligtaran iyon ng mga babae sa paligid na nakasuot ng magagarang bestida.
“There you are,” nakangiting bati ni Mr. Xiao. “My amazing personal secretary.”
Isa-isa siyang ipinakilala nito sa mga bisita. Ngumiti siya at tinanggap ang bawat pakikipagkamay, sanay na sa ganitong sitwasyon.
“Sir, para saan po ito?” mahina niyang tanong nang makasingit siya.
Ngumiti ang matanda. “Birthday ng anak ko. Hindi ko sinabi dahil alam kong hindi ka pupunta kung hindi ito work-related. Don’t worry, wala kang pasok bukas.”
Napaluwag ang loob niya. “Thank you, Sir. It’s an honor to be here.”
“Request ito ng anak ko. Gusto ka niyang makilala.”
Napalingon siya nang ituro ni Mr. Xiao ang paparating na lalaki.
Matangkad, maputi, at may malinis na aura. Simple ang suot, ngunit may kakaibang dating.
Nagtagpo ang kanilang mga mata.
Hindi agad umiwas ang lalaki.
“Son, this is Danica.”
“Hi,” bati niya. “Happy birthday.”
“It’s JC,” sagot nito, nakangiti. “You can call me JC.”
Tinanggap niya ang kamay nito. Malambot ang palad nito, taliwas sa inaasahan niya.
Habang nag-uusap sila, ramdam niya ang masinsin nitong pagtingin.
“I want to know you more,” diretso nitong sabi.
Hindi siya sanay sa ganitong klase ng paglapit. Kaya agad siyang umiwas.
Ngunit hindi iyon naging hadlang.
“May boyfriend ka ba?” tanong nito.
Napatigil siya.
Sa kabila ng lahat, nanatiling kalmado ang kanyang puso.
Walang kakaibang t***k.
Walang pagbabago.
Nang alukin siya nitong sumayaw, sandali siyang nag-alinlangan. Ngunit dahil sa presensya ng kanyang boss, wala siyang nagawa kundi tanggapin ang kamay nito.
Habang sumasabay sila sa musika, maingat siyang inalalayan ni JC.
Ngunit kahit gaano kagaan ang galaw at kaganda ang sandali, nanatiling tahimik ang kanyang damdamin.
Walang nagbago.
Halos mag-alas-onse na ng gabi ngunit wala pa rin si Nica.
Paulit-ulit na sumulyap si Rhav sa orasan. Ilang beses na rin niyang sinubukang tawagan ito, ngunit walang sagot.
Napabuntong-hininga siya. “Nasaan na kaya iyon…”
Bigla siyang napatayo nang marinig ang tunog ng pagbukas ng pinto.
“Nica!”
Agad niya itong sinalubong.
“Kanina pa ako tumatawag. Akala ko may nangyari na sa’yo,” may halong tampo niyang sabi.
“Sorry… naka-silent ang phone ko,” mahina nitong sagot.
Lumapit siya at naamoy ang bahagyang amoy ng alak. “Uminom ka?”
“Kaunti lang… birthday pala ng anak ni boss…”
Dahan-dahan niya itong inalalayan papunta sa sofa. Tinanggal ang sapatos at blazer nito.
“Para akong tanga kanina…” bulong ni Nica habang nakapikit.
“Hindi ka tanga,” mahina niyang sagot. “Ikaw pa rin ang pinakamaganda.”
Hindi na sumagot si Nica. Ilang sandali pa, tuluyan na itong nakatulog.
Kumuha si Rhav ng cotton at marahang inalis ang makeup nito.
Tahimik ang gabi.
Tanging paghinga ni Nica ang maririnig.
Napatitig siya sa mukha nito.
Sa mahabang panahon, ngayon lang niya hinayaan ang sarili na tumingin nang ganito.
Walang halong biro.
Walang pag-iwas.
Dahan-dahan siyang yumuko.
At sa isang sandaling hindi niya na napigilan, marahan niyang idinampi ang kanyang labi sa labi ni Nica.