Ilang minuto ang lumipas ay nanatili pa ring magkahinang ang aming mga mata, kapwa tulala at wala ni isa sa amin ang makapagsalita. Pilit hinahalungkat sa aking isipan kung saan ko ba nakita ang Ginang na nasa aking harapan dahil pamilyar ang mukha niya sa akin. Maya-maya ay biglang dumaloy ang masaganang luha nito mula sa kanyang mga mata. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla ang pagsikdô ng dibdib ko na wari mo ay kilala ng puso ko ang matandang babae. Nakikita ko mula sa kanyang mga mata ang samu’t saring emosyon na bumabalot sa kanyang pagkatao, lungkot, kasiyahan, pangungulila at matinding pananabik. Habang nakatitig sa kanyang mga mata ay biglang lumitaw sa aking isipan ang ilang malabong alaala na kung saan ay kalong ako ng isang babae. “A-Anak ko...” ani nito sa garalgal na tin

