Chapter 21

1659 Words
BLAKE Wala na si Lara sa tabi ko nang magising ako. Naamoy ko pa rin sa unan ang naiwang mabangong amoy nang ginamit niyang shampoo sa pagligo, kaya napangiti ako dahil naalala ko ang mainit na tagpong aming pinagsaluhan kagabi. Tinanghali tuloy ako ng gising. Naka-leave naman ako sa presinto, kaya walang problema kung hindi ako papasok dahil may tatlong araw akong hiningi sa aking opisyal para makasama si Lara. Tinutukso ako ng mga kasamahan kong pulis dahil alam nilang dito sa bahay ko tumutuloy si Lara. Alam nilang gustong-gusto ko siya, at sa dami ng babaeng nakita ko dito sa Zambales ay tanging siya ang nakakuha ng atensyon ko. Niyakap ko ang unan at nanuot sa aking ilong ang naiwang mabangong amoy ni Lara. Mukhang kanina pa siya bumangon dahil tahimik dito sa silid, kaya hinawi ko ang kumot at agad inabot ang aking boxer at mabilis itong isinuot. Hindi na ako nag-abalang magsuot ng T-shirt bago lumabas ng silid dahil tanghali na at maliligo na rin ako. Katahimikan ang sumalubong sa akin nang lumabas ako sa silid ko. Agad kong sinuyod ng aking mga mata ang sala hanggang kusina, pero hindi ko nakita si Lara. Tahimik ang buong kabahayan. Wala akong narinig kahit mahinang kaluskos, kaya pakiramdam ko ay mag-isa lang ako. Napakatahimik ng paligid. Normal lang ito sa akin, pero nagbago ito simula nang makasama ko si Lara dito sa bahay. Baka nasa banyo lang siya at naliligo na, kaya naglakad ako papunta sa direksyon nito, pero hindi ko nakita si Lara nang buksan ko ang pintuan at tiningnan ang loob nito. Tuyo rin ang sahig, katunayan na walang gumamit nito dahil hindi nabawasan ang inigib kong tubig sa timba. Lumabas ako ng banyo at sinuri ng aking mga mata ang kusina. Hindi nagbago ang mga gamit dito. Katulad pa rin ito ng kung paano ko iniwan kagabi, kaya bumundol ang malakas na kaba sa aking dibdib. Ilang segundo akong nakatayo sa gitna ng kusina, hanggang gumalaw ang aking mga paa at naglakad papunta sa pintuan. Nangunot ang aking noo nang hindi ko nakita ang nakaparadang kotse ni Lara sa labas ng bahay ko. Umalis pala siya, pero hindi ko alam kung saan siya nagpunta dahil hindi naman siya nagpaalam sa akin. Napabuntonghininga ako at nahilamos ang aking palad sa mukha ko. Inisip ko na baka may pinuntahan lang si Lara, at mamaya ay babalik rin, kaya pilit kong binalewala ang malakas na pintig ng aking puso, pati na rin ang kabang nararamdaman ko. Wala akong nakitang text message mula kay Lara sa aking cellphone. Hindi ko na rin nakita ang kaniyang bag, kaya nanlulumo akong napaupo sa gilid ng magulong kama. Okay naman kaming dalawa kagabi, kaya wala akong nakikitang dahilan para umalis si Lara ng walang paalam sa akin. Baka may pinuntahan lang siya at babalik rin agad gaya ng ginawa niya noong isang gabi, kaya naghanda na lang ako ng almusal. Pero lumamig na ang pagkain sa hapag at hindi pa siya bumabalik. Sinubukan ko siyang tawagan, pero nakapatay ang kaniyang cellphone, kaya hindi ko siya matawagan. Wala akong ideya kung saan siya pumunta, kaya tumawag ako kay PO1 Cadag at tinanong ko siya kung nakita niya si Lara sa bayan. “Naku, hindi po dumaan dito sa presinto si Attorney, sir,” agad na sagot ni PO1 Cadag. “Hindi mo ba nakita diyan sa bayan ang kotse ni Lara, Cadag?” “Hindi po, sir,” mabilis na sagot ng tauhan ko. “Bakit, sir, nag-away ba kayong dalawa, kaya naglayas ang girlfriend mo?” “Itikom mo ang bibig ko, Cadag,” matigas ang ekspresyon na utos ko sa kaniya. “Copy, sir,” narinig kong sagot niya. “Track mo sa mga CCTV footage na malapit dito sa bahay kung saan dumaan ang kotse ni Lara,” utos ko kay P01 Cadag. “Sige, sir. Balitaan agad kita—” “Ngayon na,” agad kong putol sa sinasabi niya. “Huwag mong patayin ang tawag.” “Sige po, sir.” Narinig kong kinausap ni PO1 Cadag ang kasama niyang pulis sa control room at sinabi dito kung anong inutos kong gawin sa kanila. “Sir, madaling araw po umalis ang kotse ni Attorney,” narinig kong sabi ni PO1 Cadag mula sa kabilang linya. “Saan ang rutang tinahak ng kotse niya, Cadag?” “Papuntang Maynila, sir.” Napapikit ako at humigpit ang pagkakahawak ko sa hawak kong cellphone habang nakatapat ito sa kaliwang tainga ko at nakikinig kay PO1 Cadag. “Sigurado ka sa impormasyon na iyan?” “Oo, sir,” mabilis na sagot ng tauhan ko. “Walang katulad ang sasakyan ni Attorney Lara dito sa Iba dahil siya lang ang may ganyang magara at mamahaling kotse.” Tama si Cadag dahil wala pa akong nakitang katulad ng kotse ni Lara dito sa buong Zambales. Hindi ito pangkaraniwan na ginagamit ng ilang mayamang tao dito sa probinsya, kaya agaw-pansin sa mga mata ng mga tao dito sa bayan kapag lumalabas siya. “Sige, salamat, Cadag.” “Walang anuman, sir,” mabilis na sagot ng tauhan ko. “Sana bumalik agad si attorney para hindi ka malungkot.” “Gago!” Tinawanan ko lang siya dahil tinutukso na naman niya ako. Alam niyang gustong-gusto ko si Lara dahil siya ang kasama ko nang una kong nakita ang babaeng nagugustuhan ko sa baryo kung saan kami unang nagkita. Nagpaalam na ako sa kaniya at pinutol ang tawag. Napabuntonghininga na lang ako nang igala ko ang aking mga mata sa buong kabahayan dahil hindi ko inaasahan na aalis si Lara nang hindi nagpaalam sa akin. Okay naman kami kagabi. Natuwa pa nga ako dahil sa unang pagkakataon, siya ang naunang maglambing sa akin. Napagod tuloy ako at napuyat, kaya hindi ko namalayan na umalis siya, tapos tinanghali pa ako ng gising ngayon. Lumipas ang maghapon na hindi tumawag si Lara. Walang text message at hindi ko rin alam kung kailan siya babalik. Nanlumo ako, pero wala naman akong magawa kundi ang maghintay dahil hindi ko rin siya matawagan. *** Dalawang araw pa ang lumipas. Natapos ang hiningi kong bakasyon ng wala akong balita tungkol kay Lara, kaya kahit nag-aalala ako sa kaniya at nami-miss ko siya, ay bumalik na ako sa trabaho. “Sir, mukhang sinulit mo ang bakasyon mo,” bati sa akin ng isa sa mga kasamahan kong pulis nang makita niya akong pumasok dito sa presinto. “Oo nga, sir, kailan ang kasal?” tanong din ng isa ko pang tauhan. Ngumiti lang ako sa kanila at naglakad palapit sa mesa ko. Ilang araw rin akong hindi pumasok, kaya marami akong gagawing trabaho ngayon. “Sir, kape,” agad na sabi sa akin ni P01 Cadag nang lumapit siya sa mesa ko. “Anong balita dito habang wala ako, Cadag?” “Wala namang bago, sir,” sagot ng tauhan ko. “Mainit pa rin ang isyu tungkol kay Mayor Rosales.” Binuksan ko ang file ng kaso at report tungkol kay Mayor Rosales dahil nagtataka ako kung bakit hindi siya nakakulong dito sa presinto, gayong kami ang dapat na may hawak sa kaniyang kaso. Dapat nandito siya habang hindi pa umuusad ang kaniyang kaso, pero nagulat ako dahil nalaman kong hindi na pala siya dito nakakulong. “Nasaan siya?” “Sir, kinuha siya ng mataas nating opisyal,” sagot ni Cadag. “High-profile inmate raw si Mayor Rosales, kaya hindi siya puwedeng ikulong dito sa presinto dahil siguradong matatakasan niya tayo, lalo na at maimplueensya siya at siya pa rin ang mayor dito sa bayan natin.” "Alam mo, sir, sa tingin ko, ginagamit na naman ni Mayor Rosales ang kaniyang impluwensya kaya kinuha siya ng opisyal natin. Baka malalaman na lang natin na natakasan na naman niya tayo at nakabalik na siya sa puwesto." Tama ang sinabi ni PO1 Cadag, pero kami ang may jurisdiction sa kaso ni Mayor Rosales, kaya dito siya dapat nakakulong dahil dito sa bayang ito siya gumawa ng kasalanan. Wala naman kaming magawa dahil kinuha siya ng nakatataas sa amin. Bahala na ang batas sa kaniya. Maraming nagawang kasalanan sa bayang ito si Mayor Rosales, at natuwa ako nang lumabas sa midya at publiko ang tungkol sa kalokohan niya dahil matagal na rin kaming walang magawa sa mga ginagawa niyang ilegal. “Sino kaya ang nagbunyag ng mga kalokohan ni Mayor Rosales, sir?” tanong sa akin ng isa pa naming kasamahan. “Wala akong ideya. Maaaring kalaban niya sa pulitika at gusto siyang mapabagsak,” sagot ko. Tumango-tango naman ang isa pa naming kasamahang pulis at sumang-ayon sa sinabi ko. “Oo nga, sir. Marumi talaga ang pulitika, ano?” “Alam naman kasi natin na yumayaman ang mga pulitiko kapag hawak nila ang posisyon,” sagot ng kasamahan naming pulis. “Sila ang may hawak ng pondo at may kontrol sa lahat, kaya nag-aagawan sila sa puwesto.” Sumang-ayon ako sa sinabi ni P02 Javier. Dati, hawak ni Mayor Rosales ang batas dito sa Iba. Siya ang nasusunod, at para kaming mga asong sumusunod sa kaniya dahil kapag hindi namin ginawa iyon, siguradong matatagpuan na lang kami kinabukasan na malamig na ang bangkay at inuod pa ng mga kasamahan naming pulis. May prinsipyo ako, pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay pinapairal ko ito, lalo na kung buhay ko at ng aking ina ang nakataya. Kaya kahit labag man sa kalooban ko, nagbulag-bulagan ako sa mga masamang gawain ni Mayor Rosales sa bayang ito. Pero tama nga ang kasabihan na hindi habang-buhay ay maghahari siya, dahil ngayon, dumating na ang karma niya at nabunyag na ang masama at mga iligal na gawain ni Mayor Rosales. Sana lang, hindi kinuha ng mga opisyal namin si Mayor Rosales para protektahan, dahil ito na ang pagkakataon para pagbayaran niya ang mga kasalanan niya sa bayang ito at sa mga taong naging biktima niya sa loob ng mahabang panahon na naging mayor siya dito sa Iba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD