Chapter 20

1899 Words
THERESA Malamig na ihip ng hangin ang sinalubong sa akin nang lumabas ako sa eroplano at sumakay sa itim na kotseng maghahatid sa akin sa apartment ko. Dahil na rin sa sipag ko, nakabili ako ng apartment dito sa London. Hindi naman ako nahirapan dahil in-demand ako at namamayagpag ang modeling career ko dito sa European country. Gamit ang koneksyon ng aming dating pinuno at ama ng organisasyon na si Lord Sebastian Mondego, naging sikat ako dito. Nagtayo siya ng modeling agency at kasama ako sa mga babaeng ipinasok niya dito upang pagtakpan ang tunay kong katauhan, pati na rin ang koneksyon ko sa organisasyong kinabibilangan ko. Matalino si Lord Sebastian. Nagplano siya nang mabuti, kaya walang naghihinala sa amin. Everything seems normal, pero ang hindi nila alam ay sa likod ng maamo at maganda kong mukha ay ang panganib na hatid ko sa mga taong nasa paligid ko, lalo na sa target na ibinibigay sa akin ng organisasyon. Isa ako sa mga top assassin na hawak ni Lord Sebastian. Dumaan ako sa kamay niya, at hindi naging madali ang lahat ng mga pagsasanay na pinagdaanan ko bago naabot ang posisyon kong ito. Tahimik, at amoy ng nakulob na bahay ang nanuot sa ilong ko nang buksan ko ang pintuan ng apartment ko. Wala itong pinagbago simula nang iwan ko ito tatlong buwan na ang nakalipas dahil sa sunod-sunod na trabahong ibinigay ni Draven sa akin. Kahit pagod ako sa mahabang biyahe, agad akong nagbihis ng damit pambahay at sinimulan ang paglinis sa apartment ko. Binuksan ko ang mga salaming bintana at inabala ang aking sarili para mapagod ako ng husto at maging abala nang wala na akong oras para isipin pa si Blake. Dati, hindi ko ito ginagawa. Nagbo-book na lang ako ng cleaner online para makapagpahinga ako, pero ngayon, hindi ko ito ginawa dahil gusto kong may gawin ako. Napapikit ako nang muling lumitaw sa alaala ko ang guwapong mukha ni Blake. Kahit narito ako sa London, ramdam ko pa rin ang bawat haplos ng palad niya sa balat ko, pati na rin ang pagdampi ng mga labi niya sa aking noo. Siya lang ang bukod-tanging gumagawa sa akin ng ganoon. Kahit sandali ko pa lang siyang nakilala at nakasama, naramdaman ko ang pagpapahalaga niya at pag-aalala sa akin. Hindi lang iyon basta pagnanasa. Ipinaramdam niya sa akin na may halaga ako at normal akong babae, malayo sa tunay na ako kapag mag-isa na lang ako. Bumalik na ako sa totoong ako at sa mundong ginagalawan ko. Hindi ko namalayan na may luha palang tumulo sa aking mga mata habang nakatanaw ako sa nagkikislapang mga ilaw sa ibaba ng mataas na gusaling kinaroroonan ko. Naalala ko na naman si Blake kahit na pinipigilan ko ang sarili kong gawin ito. Nakararamdam ako ng labis na panghihinayang dahil natagpuan ko siya sa panahong nagkukunwari ako at nagpapanggap na ibang tao. Sa unang pagkakataon, tumulo ang luhang matagal kong pinigilan. Hindi ko akalain na matapos ang malagim na trahedya sa pamilya ko, iiyak pala akong muli. Simula ng gabing iyon, sinabi ko sa sarili ko na magiging matatag ako para, kapag dumating ang araw, mabigyan ko ng hustisya ang nangyari sa mga magulang at kapatid ko. Pinahid ko ang pumatak na luha sa aking pisngi at pagkatapos, nagtaas ako ng aking mukha at pinatigas ang aking ekspresyon. Hindi ko puwedeng kalimutan kung bakit ganito ang buhay na mayroon ako, kaya dapat kong labanan ang emosyon ko dahil hindi ako dapat maging mahina. Si Blake ang unti-unting nagiging kahinaan ko, kaya kailangan ko siyang kalimutan. Magiging mahina ako kapag pinili ko siya, at patunay doon ang nararamdaman ko ngayon. Kaya ngayon pa lang, kailangan ko nang sikilin ang damdamin na nararamdaman ko para sa kaniya. *** Naging abala ako sa mga sumunod na araw. Sunod-sunod ang mga rehearsal na dinaluhan ko hanggang dumating ang gabi na hinihintay naming lahat. Magarbo ang buong lugar. Maganda at larawan ng yaman at mataas na estado ng mga bisitang dumalo sa fashion week ang bumungad sa mga mata ko nang lumabas ako mula sa backstage. Huli akong lumabas para rumampa dahil ako ang star ng show ngayong gabi, suot ang limited edition at bagong labas na damit na hindi pa available sa kahit anong branch at boutique ng brand na kumuha sa akin. Malakas na palakpakan ang narinig ko habang maraming mga mata ang nakatingin sa akin. Lahat ng bisitang dumalo sa fashion week ay pinapanood ako sa entablado ng may paghanga habang naglalakad ako sa runway. Para akong dyosang naglalakad na taas-noo at gumagalaw ang mga binti at balakang, suot ang mataas na sapatos at magandang kasuotan na hinahangaan ng lahat. “Good job, ang galing mo, Theresa,” nakangiting bati at masayang sabi sa akin ng handler ko nang matapos ang show at bumalik ako sa dressing room ko. “Siguradong bukas na bukas, nasa front page na naman ng mga magasin at dyaryo ang magandang mukha mo dito sa buong Europa.” Ngumiti ako sa kaniya. “Hindi na bago iyan.” Hinaplos ako ni Mommy Emma sa buhok at nakangiting inulit ito. “I know, and I'm so proud of you, my dear. Napakalayo na ng narating mo at hanggang ngayon, walang nakakatalo sa iyo sa runway. In demand ka pa rin.” Isang tipid na ngiti ang sinukli ko sa kaniya. Tama siya, namamayagpag ang modeling career ko dito sa Europe, pero lahat ng ito ay walang halaga dahil hindi na ito nakita ng mga magulang ko. Wala na ang aking pamilya, kaya't wala akong mapag-alayan ng tagumpay na nakamit ko ngayon. Maganda lang ako at matagumpay sa mata ng lahat ng nakakakilala sa akin, pero pakiramdam ko ay wala akong halaga kapag mag-isa na lang ako. “Naalala mo na naman ba sila, Theresa?” Napatingin ako kay Mommy Emma. Bukod kay Lord Sebastian, siya lamang ang tanging nakakaalam tungkol sa tunay kong pagkatao. Siya ang nakakakilala sa akin at gumabay nang itapon ako ng pinuno namin dito sa London. “Hanggang ngayon, hindi ko pa sila nabibigyan ng katarungan, Mommy Emma.” “Darating din tayo d'yan, Theresa,” malumanay niyang bulong sa akin. “Huwag kang magmadali. Makakamit mo rin ang hustisya para sa pamilya mo.” Iyon din ang gusto kong mangyari, pero kahit naging bihasa akong agent at assassin, bigo akong mabigyan sila ng hustisya dahil lahat ng sangkot sa pagpatay sa pamilya ko ay pinatay na rin. “Tara na, ihahatid na kita sa apartment mo para makapagpahinga ka na,” yaya sa akin ni Mommy Emma. “Sige po.” Alas-tres na pala ng madaling araw at ngayon lang natapos ang show. Ramdam ko ang pagod, pero hindi ako nakakaramdam ng antok. Kinuha ko ang aking bag at kasabay na lumabas ng dressing room si Mommy Emma para umuwi sa apartment ko, pero nagulat ako nang pagbukas namin ng pintuan ay nakita kong naghihintay sa labas ang direktor ng show at may hawak na punpon ng pulang rosas. “For you, Miss Martinez,” nakangiti niyang sabi sa akin. “Thank you, Mr. Detroit,” tipid kong sagot. Tinanggap ko ang bulaklak na binigay niya dahil ayaw kong maging bastos. Bakas naman ang tuwa sa kaniyang ekspresyon at hindi nawala ang ngiti sa mga labi. “Would you mind if I send you home?” Tumaas ang kilay ko nang marinig ko ang tanong ng foreigner na kaharap ko. Si Mommy Emma naman ay napangiti sa tabi ko at mukhang kinikilig na naman. “I'm sorry, but I have to decline your offer, Mr. Detroit,” pormal ang ekspresyon na sabi ko sa kaniya. “How about dinner? Yeah, we can have dinner in a fine dining restaurant in—” “I can't,” mabilis kong putol sa sinasabi niya. “I appreciate your invitation, but I can't accept that. I already have a date tonight, and my fiancé won't appreciate it if I suddenly cancel it.” Biglang nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi at napatitig sa akin. “You're engaged?” “Yes,” matamis ang ngiti na sagot ko. “I didn't know that.” Kitang-kita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata, pero hindi na ito bago sa akin. Ganito ang sinasabi ko sa mga lalaking lumalapit sa akin at nagtatangkang ligawan ako. Hinatak ko na palayo si Mommy Emma at naglakad kami palapit sa elevator. Naiwan namang nakasunod ang tingin sa amin ng binatang director, pero hindi na ako lumingon sa kaniya. “Kawawa naman si pogi, Theresa,” sabi sa akin ni Mommy Emma nang makapasok kami sa elevator. “Ginamit mo na naman ang imaginary fiancé mo para hindi ka maligawan. Sayang ang isang iyon. Napaka-guwapo, mayaman, at may magandang trabaho at negosyo dito sa London, pero binasted mo agad. Hindi mo ba alam na maraming sikat na celebrity ang may gusto sa kaniya?” “Hindi ako interesado sa kaniya, Mommy,” agad kong sagot. “You're not getting any younger, Theresa. Lahat ng manliligaw mo, inaayawan mo. Wala ka bang balak magkaroon ng sarili mong pamilya?” Napabuntonghininga ako. “I don't think I'm ready for that.” “Sige, hindi na kita kukulitin tungkol diyan dahil alam kong pagod ka, Theresa, pero sana pag-isipan mo ang mga sinasabi ko sa iyo noon pa. Huwag mong isara ang puso mo dahil masarap pa rin ang mabuhay na may matatawag kang pamilya. Sayang naman ang lahat ng napundar at pinaghirapan mo kung mapupunta lang sa iba kapag namatay kang walang anak na magmamana ng lahat ng mayroon ka.” Tanging tipid na ngiti lamang ang sinukli ko nang buksan ko ang pintuan ng kaniyang sasakyan. Para ko nang ina si Mommy Emma, at alam kong para sa kabutihan ko ang iniisip niya, kaya nanahimik na lamang ako at hindi na sumagot pa. Katulad ko, ganyan rin ang payo niya kay Trixie. Kasama ko siya sa training at halos sabay kaming lumaki, kaya silang dalawa ni Mommy Emma ang itinuturing kong pamilya. Maliban sa kanila, naging magaan ang pakiramdam ko kay Agatha. May kung anong kakaiba sa babaeng iyon na hindi ko maipaliwanag. Bigla akong naging malapit sa kaniya, kaya hindi ko tinanggihan ang utos ni Draven na samahan siya nang bumalik siya sa isang liblib na baryo sa Zambales, kung saan ko nakilala si Blake. “Ang lalim yata ng iniisip mo, Theresa.” Napatingin ako kay Mommy Emma habang nagmamaneho siya. “Alam mo, simula nang bumalik ka dito sa London, parang may nagbago sa iyo, Theresa.” “Ano po ang ibig mong sabihin?” Bahagya siyang sumulyap sa akin, pero hindi tumigil sa pagmamaneho. “Para bang may kakaibang lungkot sa iyong mga mata,” sagot niya. “Dati, wala kang emosyon at seryoso palagi, pero ngayon…” Napalunok ako at hindi nagtanong kahit pinutol niya ang kaniyang sasabihin dahil kinakabahan ako at pakiramdam ko ay nabasa niya ang laman ng aking isipan. “May gusto ka bang sabihin sa akin, Theresa?” Nag-iwas ako ng tingin at ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. “Wala po.” Nagsinungaling ako dahil hindi pa ako handang sabihin kahit kanino ang tungkol kay Blake. Sa akin na lang muna iyon, at gusto kong maging pribado at sikreto ang tungkol sa kaniya dahil mahalaga siya sa akin. Ganoon rin ang magandang alaalang nabuo namin noong mga panahong kasama ko siya sa probinsya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD