Chapter 22

2036 Words
BLAKE Isang linggo na ang lumipas, pero hindi na talaga tumawag o nagpadala ng text messages si Lara, kaya nag-aalala na ako sa kaniya. Para bang bigla na lang siyang naglaho, at kahit nagtanong-tanong na ako tungkol sa kaniya dito sa bayan, ay walang nakakitang bumalik siya para sa kaso ng kaniyang kliyente na si Agatha. Pumunta ako sa presinto at binalikan ko ang mga rekord ng kaso tungkol sa pagkamatay ng mga magulang ni Agatha. Nakuha ko ang address ng kliyente ni Lara sa Maynila dahil iniwan niya ito sa form para sa personal niyang impormasyon na puwede naming tawagan kapag gumalaw na ang imbestigasyon at may progreso na sa kaso ng pagkamatay ng mga magulang ni Agatha. Napailing ako nang makita at mabasa ang buong report dahil bilang pulis, alam kong hindi nabigyan ng pansin ang kaso ng pagkamatay ng mga magulang ni Agatha. Tamad ang pulis inspektor na humawak sa kaso at pinabayaan lamang ito dahil hindi naman nagpa-follow-up dito sa presinto sina Agatha at ang kapatid niyang si Crista Lumipas pa ang ilang araw, at sa tingin ko, hindi na babalik si Lara dito sa Zambales. Kaya ako na ang gagawa ng paraan para mahanap ko siya. Nakipag-coordinate ako sa mga kaibigan kong pulis at nakiusap sa kanila na mahanap ko si Lara. Si Agatha ang sinundan kong lead para mahanap ko siya, at maswerteng natagpuan ko naman siyang nag-aaral sa isang unibersidad sa Maynila. Nagpaalam ako sa aking opisyal na pupunta sa Maynila. Alam niyang naroon ang aking ina, kaya pumayag siya kahit kagagaling ko lang sa bakasyon. Alam niyang mahalaga ang pupuntahan ko dahil hindi ako kumukuha ng leave sa loob ng isang taon kahit sinasabi niya na magbakasyon muna ako, pero hindi ko ito ginagawa kasi wala naman akong gagawin sa bahay. Agad akong umalis sa probinsya matapos mapirmahan ng opisyal ko ang release paper sa hiningi kong bakasyon. Binigyan niya ako ng siyam na araw, kaya't mabilis akong umuwi kanina sa bahay para maghanda ng dadalhin kong damit sa pag-alis. May sapat naman akong ipon, kaya hindi ko problema ang perang gagamitin ko sa Maynila. Sumakay agad ako sa unang dumaang bus at ang sabi ng konduktor ay makararating daw kami sa Cubao ng madaling araw. Kahit malayo ang Maynila at ilang oras din ang biyahe, hindi ako nakaramdam ng antok. Maraming laman ang isipan ko, at kahit pulis ako, hindi nawawala ang kabang nararamdaman ko ngayon habang nasa isip ko kung ano ang maaaring mangyari kapag nagkaharap kaming dalawa ni Lara. Alam ko na ang address kung saan nakatira si Agatha. Siguradong pumupunta roon si Lara, kaya mahahanap ko siya. Dahil mabilis ang patakbo ng driver at maluwag ang kalsada pabalik sa Maynila, hindi kami naipit sa trapiko. Hatinggabi nang tumigil ang bus na sinasakyan ko dito sa Cubao, kaya nag-check-in muna ako sa nakita kong budget hotel na malapit sa terminal para magpahinga. Hindi alam ng aking ina na pumunta ako dito sa Maynila. Matagal na niya akong pinapupunta dito, pero komportable ako sa Zambales simula nang madestino ako doon, kaya paminsan-minsan lang akong pumupunta dito sa lungsod kapag may kailangan akong gawin o puntahan. Maliit na hotel room lang ang kinuha ko. Sapat para makapagpahinga at makaligo ako. Hindi na ako kumain sa labas dahil busog pa ako, kaya natulog na lamang ako. Alas-otso ng umaga nang magising ako. Malamig dito sa loob ng silid na tinutuluyan ko, kaya masarap sanang matulog at magbabad sa kama, pero bumangon na ako para maligo. Batay sa nakuha kong impormasyon, pumapasok sa umaga si Agatha at kasama niya si Lara, kaya hindi muna ako umalis dito sa hotel. Ang sabi ng kaibigan kong pulis, magkasama raw silang umuuwi sa hapon kapag natapos na ang klase ni Agatha, kaya siguradong makikita ko sila kapag pumunta ako doon. Dala ko ang backpack ko nang lumabas ako sa hotel. Kumain muna ako sa nadaanan kong fast food at nag-order ng tanghalian para may laman ang aking sikmura at hindi magutom habang naghihintay na makauwi ng bahay sina Lara at Agatha. May nadaanan akong hanay ng mga establisyemento habang naglalakad, pero natigilan ako nang natapat ako sa isang bookshop at nakita ko ang isang magasin. Pamilyar sa akin ang mukha sa pabalat nito. Siguradong si Lara iyon. Hindi ko nakalilimutan ang mukha niya kahit iba na ang ayos niya at may nakalagay na makeup sa kaniyang mukha. Inabot ko ang magasin at pinagmasdan ito kasabay ng malakas na kabog ng aking dibdib. Hindi ako maaaring magkamali. Siya nga ito, kaya mabilis akong pumasok sa tindahan ng mga libro at binayaran sa counter ang hawak kong magasin. Nanginig ang aking kamay nang umupo ako sa bangketa at binuksan ang nabili kong magasin. Isa pala itong katalogo ng mga damit, pero dahil wala akong interes sa fashion, kaya wala akong pakialam sa ibang pahina. Hinanap ko ang artikulo tungkol sa kaniya. Mabilis ko itong nakita dahil sa ilang pahina ay mukha niya ang nakalathala. Theresa Eugenio… Iyon ang nakita kong nakasulat sa magasin. Ibig sabihin, hindi Lara ang tunay niyang pangalan. Isa pala siyang sikat na modelo sa Paris, at dumalo rin siya sa katatapos lamang na fashion show doon noong nakaraang linggo. Hindi kaya ito rin ang dahilan kung bakit siya biglang umalis sa Zambales? Pero kung ganoon nga ang dahilan niya, bakit hindi siya nagpaalam sa akin at hindi rin niya ako tinawagan? Matagal akong nakatitig sa hawak kong magasin. Hindi agad naproseso ng isipan ko ang nabasa kong impormasyon dahil pakiramdam ko ay niloko ako ni Lara at nagsinungaling siya sa akin. Napamura ako dahil mukhang ayaw yata talaga niya sa akin. Magkaiba kami ng estado sa buhay ni Lara. Marahil ito nga ang dahilan, kaya hindi na siya bumalik sa Zambales at hindi man lang ako tinawagan. Tiningnan ko ang oras sa suot kong relo sa braso. Malapit na palang umuwi si Agatha, kaya dali-dali akong sumakay ng taxi at nagpahatid sa New Manila. Pakiramdam ko ay sasabog ang aking dibdib habang nasa biyahe at lulan ng taxi. Tinawagan ko rin ang kaibigan kong pulis at sinabing parating na ako. Naroon na rin pala siya at sinabi niyang naghihintay na raw siya sa labas ng subdivision kung saan nakatira sina Agatha dahil hindi ako makakapasok doon ng mag-isa. “Sir, nandito na po tayo,” sabi ng taxi driver sa akin. Tumigil siya sa tapat ng malaking gate. Nakita ko naman agad ang mobile patrol car, kaya napangiti ako nang makita kong bumababa siya sa sasakyan at nakangiting lumapit sa akin. “Welcome dito sa Maynila, Blake!” “Salamat, pare.” Nag-bro fist kaming dalawa nang nakalapit siya sa akin at nakangiting binati ako ng aking kaibigan. “Wala pa sa loob ang target,” sabi ni Ronnie. Kasamahan ko siya sa PMPA noong nagti-training pa kami doon at naging malapit sa isa't isa, kaya hindi niya tinanggihan ang pabor na hiningi ko sa kaniya. “Salamat, bro.” Tinanguan niya ako at tinapik sa balikat. “Good luck, pare. Sana makausap mo siya para naman sumaya ka na.” Ngingitian ko si Ronnie. “Seryoso na ako sa kaniya, pare.” “Alam ko,” agad niyang sagot. “Hindi ka pupunta dito sa Maynila para habulin ang isang babae kung hindi ka seryoso sa kaniya. Isa pa, kilala ka namin. Hindi ka mabilis magkagusto sa babae, kaya ngayong nagkagusto ka na, galingan mo agad kapag nagkita kayo para hindi na siya makawala pa.” Napangiti ako dahil ganyan nga ang gagawin ko kapag nagkita kami ni Lara. Theresa nga pala ang tunay niyang pangalan, kaya kailangan ko nang masanay na tawagin siya sa ganitong pangalan. Kinausap ni Ronnie ang guwardiya ng subdibisyon. Mukhang kilala siya dito, at dahil suot niya ang uniporme, mabilis na pumayag ang nakausap naming security guard na papasukin kami. “Tara na, Blake, at baka magbago pa ang isip niya,” yaya sa akin ni Ronnie. Mabilis akong humakbang para sumunod sa kaniya palapit sa patrol car. Sumakay ako sa backseat at naupo naman sa passenger seat ang kaibigan ko. Agad naman itong pinasibad ng kasama niyang pulis. Siya rin ang may hawak sa manibela at nagmaneho papasok sa loob ng subdibisyon. Huminto ang sasakyan sa tapat ng isang bahay, pero itinuro ni Ronnie ang katapat nitong bahay. "Diyan sila nakatira, Blake.” Sandali kong pinagmasdan ang bahay. Maganda ito at moderno. Hindi maikakaila na may magandang estado sa buhay ang nakatira dito, kaya nakaramdam ako ng panliliit sa aking sarili. “Kaninong bahay iyan, Pare?” tanong ko kay Ronnie habang pinagmamasdan ko ang bahay na itinuro niya sa akin. “Ang alam ko, inuupahan lang nila iyan, Blake,” sagot ng kaibigan ko. Tahimik naman ang kasama niyang pulis at nakatingin rin sa bahay na pinagmamasdan namin. “Siya nga pala, diyan nakatira si Agatha at ang kaibigan niya.” “Sige, salamat sa paghatid sa akin dito, pare,” sabi ko sa kaniya. “Okay na ako dito. Ako na ang bahalang makipag-usap sa kaniya.” “Sige, pare. Paano, e, ‘di good luck sa iyo,” nakangiting sabi ng kaibigan ko. Tinawanan ko lang siya. Nagpasalamat ako sa kasama niyang pulis at pagkatapos, lumabas na ako sa patrol car. Agad naman silang umalis, kaya naghahanap ako ng maaaring pagtaguan upang hindi agad ako makita ni Lara kapag dumating siya at baka takasan pa niya ako kapag alam niyang narito ako. May nakita akong malaking vase at may tanim na halaman ng kapitbahay nina Lara, kaya lumapit ako dito at mabilis na nagkubli. Tahimik akong umupo sa tabi nito at inilabas ang binili kong magasin. Muli kong binuklat ang pahina nito para hindi ako mabagot habang naghihintay na dumating sila at binasa ang lahat ng detalyeng may kinalaman kay Lara o Theresa. Hindi nagtagal, may nakita akong sasakyang dumaan sa harap ko, kaya dali-dali akong tumayo at sinundan ito nang makita kong bumukas ang gate ng bahay na minamanmanan ko. Mabilis akong sumunod sa likuran ng kotse, kaya hindi ako napansin ng driver at ng sakay nito nang sumara ang gate. Kumabog ng malakas ang aking dibdib nang makita kong lumabas ng sasakyan sina Lara at Agatha, kaya agad akong lumabas sa pinagtataguan ko at nilapitan ko sila. “Blake?!” Hindi inaasahan ni Lara ang biglang pagsulpot ko at paghawak sa kaniyang braso, kaya nagulat siya at napasigaw. “Anong ginagawa mo dito? Paano mo ako nahanap?” magkasunod niyang tanong. Nakita kong nakatingin sa amin si Agatha, pero wala na akong pakialam ngayon kahit ano pa ang sabihin niya sa akin dahil gusto kong makausap ang kaibigan niya. “Bakit hindi mo na ako tinawagan?” mariin at pormal ang ekspresyon na tanong ko kay Lara. “Bakit basta ka na lang umalis sa Zambales matapos ang nangyari sa atin at hindi ka na bumalik pa?” Nalukot ang mukha ni Lara at napasulyap kay Agatha. “Hinaan mo ang bibig mo, Blake.” Mukhang nahihiya siyang marinig nito ang usapan namin, pero dahil masama ang loob ko sa kaniya kasi basta na lang niya akong iniwan ng walang paalam, ay hindi ko napigilan ang emosyon ko at nasabi ko sa kaniya na hindi ako papayag na hindi kami magpakasal dahil siya ang unang babaeng timikim sa katawan ko. Natatawang umalis tuloy si Agatha at iniwan kaming dalawa dito sa garahe matapos marinig ang sinabi ko. Pulang-pula naman ang pisngi ni Lara, kaya hindi ko maalis ang mga mata ko sa kaniyang mukha dahil mas lalo siyang gumanda sa paningin ko. “Bitiwan mo nga ako, Blake.” Hinatak ni Lara ang kaniyang braso, pero hindi ko na siya binitiwan dahil gusto kong mag-usap kami ngayon. “Ano ba! Nasasaktan na ako, Blake.” “Bibitiwan lang kita kung mag-uusap tayo,” sabi ko sa kaniya. Seryoso ako. Ipinakita ko kay Lara na matigas rin ako at baka ipagtabuyan niya ako kapag nakita niyang nagmamakaawa ako sa kaniya. “Ano ba ang gusto mong mangyari, Blake—” Binitiwan ko ang kaniyang braso at mabilis na hinawakan sa pisngi si Lara. Hindi siya nakaiwas nang tawirin ng mukha ko ang kaunti naming pagitan at mapusok ko siyang siniil ng halik sa mga labi at niyakap ng mahigpit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD