THERESA
Maaga kaming pumasok ni Agatha sa unibersidad, pero hindi ako makapagpokus sa paligid ko dahil distracted ako sa sunod-sunod na mga text messages na natatanggap ko mula kay Blake.
Ayaw ko sanang sagutin ang mga ito, pero dahil nakikita kong makulit na siya, hindi ko na siya puwedeng balewalain dahil baka kapag pinatagal ko pa ay bigla siyang sumugod dito sa unibersidad.
Nag-compose ako ng text message at sinabi ko kay Blake na abala ako ngayon sa trabaho, kaya huwag na siyang makulit dahil tatawagan ko na lang siya kapag natapos na ako.
Sumagot siya sa text message ko at sinabing mag-ingat ako at hihintayin raw niya ako mamaya sa labas kapag natapos na ang trabaho ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na matatakasan si Blake, maliban na lang kung aalis ako ng Pilipinas, pero hindi ko ito puwedeng gawin ngayon dahil may trabahong binigay sa akin si Draven. Kaya hindi ko puwedeng iwan si Agatha, lalo na ngayong alam kong may banta sa buhay niya.
Napabuga ako ng hangin at tahimik na nakaupo sa upuan ko, pero malayo ang takbo ng isipan ko. Kanina pa ako nag-aalala. Ngayong nahanap na ako ni Blake, panganib sa aming dalawa ang hatid ng paglapit niya sa akin, lalo na ngayong alam na niya ang tunay kong pangalan.
Kahit hindi siya nagtanong sa akin kung bakit ako nagsinungaling, alam kong may alam na siya na hindi ako tunay na abogado. Siguradong lalabas ang koneksyon ko sa nangyari kay Mayor Rosales kapag nagkaroon siya ng hinala kung bakit ako bumalik sa Zambales at napagtagpi-tagpi niya ang mga time frame ng mga nangyaring kaguluhan sa bayan nila habang naroon ako.
Nahilot ko ang aking sentido dahil sumasakit ang aking ulo dulot ng labis na pag-iisip. Nang matapos ang klase ni Agatha, hinatid ko siya sa bahay dahil dito siya susunduin ng kanang kamay ni Draven mamayang gabi.
“Aalis ka?” tanong ni Agatha nang makita niya akong bumaba sa hagdan at nakabihis na.
Ngumiti ako sa kaniya at sinagot ko ang tanong niya. “Oo. Ikaw na ang bahala dito sa bahay, ha?”
“Sige, ila-lock ko na lang ang gate pag-alis ko mamaya,” sagot ni Agatha.
Kumaway ako sa kaniya at lumabas na ng bahay. Agad kong tinungo ang kotse ko at sumakay. Gamit ang remote, binuksan ko ang gate at mabilis na pinasibad ang sasakyan paalis para makipagkita kay Blake.
Habang nasa daan ako at nagmamaneho, tinawagan ko siya para sabihin na papunta na ako sa lugar kung saan kami magkikita. Ang sabi niya, may kinuha siyang hotel room malapit dito sa subdibisyon, kaya doon na lang daw kami magkikita.
Pumayag naman ako para mayroon kaming privacy na makapag-usap dahil hindi ko alam kung ano ang magiging kahihinatnan ng pag-uusap namin mamaya.
Agad ko namang nahanap ang budget hotel na ibinigay ni Blake sa akin, kaya matapos iparada ang kotse ko, ay lumabas na ako.
Nadatnan ko siyang naghihintay sa lobby. Agad napangiti si Blake nang makita niya akong pumasok sa entrance at nagtama ang aming mga mata. Mabilis siyang humakbang palapit sa akin at niyakap ako nang tumigil siya sa harap ko.
“Mabuti naman, dumating ka, Lara,” bulong niya sa akin.
“Nangako ako sa iyo, at may usapan tayo, kaya dumating ako, Blake.”
Lumuwag ang mga braso niya sa katawan ko at malambing na pinatakan ako ng halik sa noo.
“Dapat pala, habang nasa Zambales ka, ay pinag-usapan natin ang tungkol dito para alam ko kung kailan ka babalik doon,” nakangiti niyang sabi sa akin.
Tipid na ngiti ang sinukli ko sa kaniya. Hindi ko na kinontra ang sinabi niya para hindi na humaba pa ang usapan. Inabot naman ni Blake ang aking kamay at pinagsalikop ang aming mga palad.
“Kumain muna tayo,” yaya niya sa akin, pero umiling agad ako.
“Pagod ako, Blake, kaya wala akong ganang kumain.”
Nangunot ang kaniyang noo, pero hindi na siya nangulit sa akin. “Kung ganoon, magpahinga ka muna at mamaya na lang tayo kakain ng hapunan.”
“Sige.”
Niyaya akong pumunta ni Blake sa silid na kaniyang tinutuluyan. Nakita ko ang mapanuring mga tingin sa amin ng ilang staff ng hotel sa counter, pero wala siyang pakialam dito.
Hindi niya binitiwan ang aking kamay hanggang nakarating kami sa hotel room na kaniyang tinutuluyan. Maliit lang ito, tama lang para sa dalawang tao upang makapagpahinga sandali. Malinis naman ang silid, at maayos ang arrangement, kaya mukhang komportableng manatili si Blake dito.
“Pasensya ka na kung ganitong silid ang nakuha ko. Ito na raw ang pinakamalaking silid nila dito, kaya hindi na tayo puwedeng mag-upgrade,” paliwanag ni Blake sa akin nang makapasok kami.
“It's okay,” maikli kong sagot.
Umupo ako sa gilid ng kama at inilapag sa tabi ko ang designer bag na gamit ko, pati na rin ang susi ng kotse ko.
Simpleng T-shirt at maong na pantalon ang suot ko, pero kitang-kita naman ang hubog ng aking katawan. Kaya nakita ko kung paano kami pinagtinginan ng mga staff ng hotel kanina dahil palagi namang agaw-pansin ang mukha at itsura ko kapag nasa labas.
“Lara, gusto mo bang magbihis para komportable ka habang nagpapahinga ka?”
“Huwag na,” sagot ko. “Naligo na ako sa bahay kanina bago umalis.”
“Okay, palitan mo na lang ang pantalon mo para makapagpahinga kang mabuti”
“Sige.”
Masakit ang aking ulo, kaya pumayag ako sa gustong mangyari ni Blake. Napangiti naman siya at agad kumuha ng T-shirt niya at shorts sa loob ng cabinet at mabilis itong inabot sa akin.
Dali-dali akong nagbihis. Parang mabait na asawa si Blake. Kinuha niya ang dala kong bag, pati na rin ang susi ng kotse ko, at inilagay ito sa loob ng kabinet, kasama na rin ang hinubad kong damit matapos niya itong maingat na ilagay sa hanger.
“Magpahinga ka na, Lara.”
Napasulyap ako sa kama. Parang may malambot na kamay ang humaplos sa aking puso habang nakikita ko kung paano ako alagaan ni Blake, kaya tumayo ako at lumapit sa kaniya.
Umikot sa bewang niya ang aking mga braso at bumaon sa kaniyang leeg ang aking mukha at mga labi dahil matagal ko na itong gustong gawin. Naramdaman kong natigilan si Blake, pero sandali lang ito, at nang makabawi, hinaplos niya ang mahabang buhok ko.
“Sige na, mahiga ka na at imasahe ko ang ulo mo para bumuti ang pakiramdam mo,” bulong niya sa akin.
Hinalikan niya ako sa ulo at marahang hinagod ng palad ang aking likod. Ngayon ako nakaramdam ng pagod. Hindi ko napansin na matagal na pala akong nagkukunwaring matatag, pero lumalabas ang totoong emosyon ko kapag si Blake ang kasama ko.
Humiga ako sa kama. Tumabi naman sa akin si Blake at pinaunan niya ang aking ulo sa kaniyang braso. Na-miss ko ang ganitong ginagawa namin, kaya niyakap ko ulit siya ng mahigpit.
“Bakit umalis ka ng Zambales ng walang paalam, Lara?” tanong ni Blake sa akin. “Papayag naman akong umalis ka, basta may maayos tayong usapan.”
Napalunok ako ng sarili kong laway dahil pakiramdam ko ay bumara ito sa lalamunan ko.
“Pasensya ka na, naguguluhan kasi ako, Blake.”
“Saan?” muli niyang tanong. “Alam ko naman na na-miss mo rin ako. Hindi mo iyan maikakaila sa akin dahil nakikita ko iyan sa mga mata mo at sa mga kinikilos mo.”
Tama si Blake. Hindi ko rin ito maikakaila dahil alam kong nabasa niya ang nararamdaman ko. Sa kaniya lang naman ako nagiging mahina at lumalabas ang totoong laman ng puso at isipan ko, lalo na kapag natatalo ako ng aking emosyon at hindi ko na kayang pigilan ang aking sarili.
“Hindi pa kasi ako handang pumasok sa isang relasyon, Blake,” mahina kong sagot.
“Handa naman akong maghintay. Nauunawaan ko rin kung bakit nagsinungaling ka at ibang pangalan ang ginamit mo sa Zambales. Kung anuman ang dahilan mo, nirerespeto ko iyon, basta huwag mo lang akong iwasan at pagtaguan, Lara.”
“Hindi ako nagsinungaling sa iyo, Blake,” sagot ko. “Pangalan ko talaga ang Lara. Karugtong ng Theresa.”
“Ano ba ang buong pangalan mo, Lara?”
“Lara Theresa Eugenio,” sagot ko. “Ginagamit ko lang ang pangalang Theresa sa trabaho.”
“Okay, sige, hindi na ako magagalit na ibang pangalan ang sinabi mo sa akin,” bulong ni Blake.
Hinalikan niya ako sa sentido, at pagkatapos, marahan niyang hinaplos ang aking noo at maingat na minasahe, kaya napapikit ako nang naramdaman ko ang init na nagmula sa kaniyang mga daliri nang dumampi ito sa balat ko.
Malamig ang silid niya at nakakulong ako sa kaniyang mga braso, kaya nakaramdam ako ng antok. Hindi ko tuloy namalayan na nakatulog na pala ako habang patuloy na minamasahe ni Blake ang aking noo at ulo.
Narelax kasi ang aking pakiramdam, kaya naging mahimbing ang tulog ko. Hindi ko tuloy namalayan na bumangon pala si Blake at umalis sa tabi ko.
Naging mahimbing ang tulog ko, kaya hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatulog. Nakita kong nakaupo sa upuan si Blake at pinagmamasdan niya ako habang nakahiga sa kama, na para bang gusto niyang makasiguro na hindi ako mawawala sa kaniyang paningin.
“Kumusta ang pakiramdam mo, Lara?” agad na tanong sa akin ni Blake.
Hindi siya nag-iwas ng tingin nang magtama ang aming mga mata, at nahuli ko siyang nakatitig sa akin.
“Okay naman,” sagot ko. “Mas mabuti na ngayon ang pakiramdam ko, Blake.”
“Mabuti kung ganoon,” tipid niyang sabi sa akin.
“Nag-order na ako ng pagkain natin, at ihahatid nila dito sa silid natin kapag nagising ka.”
“Sige.”
Tipid ang naging sagot ko dahil humikab ako. Inaantok pa ako, pero ramdam ko na rin ang pagkalam ng aking sikmura, kaya pumayag akong kumain.
Inangat ni Blake ang telepono at tumawag sa receptionist. Narinig kong sinabi niya sa kausap na ihatid na raw dito ang inorder niyang pagkain para sa amin. Matapos ito, lumapit siya sa kama, umupo sa aking tabi, at malambing na humalik sa aking pisngi.
“Masakit pa ba ang ulo mo, Lara?”
“Hindi na,” mabilis kong sagot. “Wala kasi akong sapat na tulog kagabi, kaya sumakit ang ulo ko kanina.”
Ngumiti si Blake at sinabing puwede raw akong matulog dito sa hotel room niya hangga't gusto ko, pero inikutan ko lang siya ng mga mata dahil alam kong gusto lang niya akong makita at makasama.
“Ngayon lang ‘to,” natawang sabi ko sa kaniya.
“Lara, pakasal na tayo, please,” bulong ni Blake sa akin.
Inirapan ko siya. “Bago mo ako yayain na magpakasal, pakainin mo muna ako dahil gutom na gutom na ako.”
“Oo nga pala!” natatawang sagot ni Blake. “Pero sandali lang, parating na ang pagkain natin, kaya puwede naman tayong mag-usap muna habang naghihintay.”
“Basta huwag mo muna akong pilitin at i-pressure tungkol diyan dahil wala ka pa namang hawak na singsing.”
Nanlaki ang mga mata ni Blake at napakamot siya sa batok.
“Oo nga pala!” bulalas niya. “Huwag kang mag-alala, bukas na bukas, bibili ako ng engagement ring natin, Lara.”