Chapter 17

1089 Words
THERESA Dahil naiwan ko sa kotse ko ang aking bag at wala na akong bihisan na damit, ay hindi agad ako nakapagbihis dahil ayaw ko namang buksan ang kabinet at kumuha ng damit na isusuot ko sa damitan ni Blake. Hindi rin natuyo ang damit na nilabhan ko kanina, kaya kailangan kong humiram sa kaniya para may maisuot ako ngayong gabi. Nakaupo ako sa gilid ng kama at nakatapis ng tuwalya nang pumasok si Blake. Basa pa ang kaniyang buhok at may ilang patak ng tubig na tumulo sa kaniyang leeg at balikat, pero agad akong nagbawi ng tingin nang makita ko siyang nakatingin rin sa akin at nagtama ang aming mga mata. “I'm sorry, hindi pala ako nakapaghanda ng damit na isusuot mo,” sabi ni Blake nang makalapit siya sa akin. Hindi ako sumagot. Lumapit siya sa kaniyang kabinet at kumuha ng T-shirt at boxer. “Magbihis ka na, Lara.” “Salamat.” Tipid ang naging sagot ko. Mukhang nakikiramdam sa akin si Blake at napansin kong sinusundan ng kaniyang mga mata ang bawat kilos ko at para bang naghahanap siya ng pagkakataon para magbukas ng usapan, pero hindi niya ito nagawa dahil nakita niyang tahimik ako at malamig ang naging pakikitungo ko sa kaniya. Tahimik kaming nagbihis hanggang sa natapos kami. Walang nagbukas ng usapan at tila ba bigla ay naubusan kami ng sasabihin sa isa't isa. “Lara,” tawag sa akin ni Blake. “Tungkol sa sinabi ko kanina… seryoso ako doon. Handa akong pakasalan ka kahit anong oras na gusto mo, basta pumayag ka lang.” Muli akong nakaramdam ng kirot sa aking puso. Ramdam ko ang kakaibang damdamin na binuhay ni Blake sa puso ko, kaya hindi ako agad makasagot dahil alam kong masasaktan ko lang siya. “Pasensya ka na, Blake, pero ayaw kong pag-usapan natin ngayon ang tungkol diyan.” Nakita ko ang pagkibot ng mga labi ni Blake. Alam kong may gusto siyang sabihin, pero hindi siya nagsalita. Ilang sandaling namagitan sa amin ang katahimikan hanggang sa nagpakawala siya ng malalim na buntonghininga para marahil magkaroon ng lakas ng loob para magtanong sa akin. “Bakit? Committed ka na ba sa iba, Lara, kaya ayaw mong panagutan kita?” “Hindi, pero hindi rin ako handang pumasok sa seryosong relasyon, Blake.” “Paano tayo?” tanong niya sa akin. “Anong tayo?” tanong ko rin sa kaniya. “Walang tayo, Blake.” Dumaan ang kakaibang emosyon sa kaniyang mga mata. Kitang-kita ko kung paano siya naguluhan at nalungkot matapos niyang marinig ang naging sagot ko. “So, pampalipas mo lang ako ng oras, ganoon ba, Lara?” Napalunok ako, pero sinalubong ko ang seryosong mga titig ni Blake. Hindi ako nag-iwas ng tingin kahit nagwawala ang aking puso at gustong sumabog nito. “Kung iyan ang tingin mo, then, so be it, Blake.” Tuluyang bumagsak ang kaniyang balikat. Nag-iwas siya ng tingin para marahil hindi ko makita ang lungkot na kaniyang nararamdaman at ang paghina ng kaniyang depensa dahil unti-unti ko itong sinisira dahil nasasaktan ko siya. “Ang akala ko, dahil nakikita kong masaya ka sa akin, ay may patutunguhan ang lahat ng nangyari sa atin, Lara,” mahina niyang sabi habang nakayuko. “Seryoso ako sa iyo. Gusto kita, Lara, at gusto rin kitang pakasalan dahil may pananagutan ako sa iyo.” Lihim akong nagpakawala ng malalim na buntonghininga dahil ramdam ko ang pagsikip ng aking paghinga dulot ng napakabilis na pintig ng aking puso. “Sige, pag-iisipan ko ang tungkol diyan, Blake.” Tanging ito ang nasabi ko para matapos na ang usapan dahil hangga't maaari ay ayaw ko nang magsinungaling sa kaniya. “Talaga, Lara?” Marahan akong tumango. “Oo.” Sumilay ang masayang ngiti sa mga labi ni Blake. Hindi maitago ang saya na kaniyang naramdaman matapos marinig ang sinabi ko. “Aasahan ko iyan, ha?” Mas lalong bumigat ang aking pakiramdam. Humakbang ako at lumapit sa kaniya. Hindi inaasahan ni Blake ang biglang pagpulupot ng mga braso ko sa kaniyang bewang, pati na rin ang mahigpit na pagyakap ko sa kaniyang katawan. Alam kong nagulat siya sa ginawa ko, pero natuwa siya na niyakap ko siya. Naramdaman kong hinalikan niya ako sa ulo, kasabay ng pagganti niya ng yakap sa katawan ko at marahang paghaplos ng kamay sa mahabang buhok ko. Hindi ko napigilan ang pamamasa ng aking mga mata. Bigla akong naluha, kaya ibinaon ko ang aking mukha sa kaniyang leeg para hindi niya ito makita. “Puwede bang ganito na lang muna tayo, Blake?” “Oo naman, Lara. Kahit anong oras mo akong gustong yakapin ay puwede mong gawin iyan,” mahinahon niyang sagot. Kinagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang ingay na maaaring kumawala sa aking lalamunan kapag napaiyak ako. Hindi ko inaasahan na magiging emosyonal ako ng ganito dahil kahit minsan, hindi ko ito naramdaman sa ibang tao, pero bakit ganito ang nararamdaman ko kay Blake ngayon? Ang bigat ng pakiramdam ko. Para bang may kung anong nakadagan sa aking balikat, pero unti-unti itong nawala habang yakap ako ni Blake at nakakulong ako sa kaniyang mga braso. Hindi ko alam kung gaano katagal kaming ganito, hanggang sa pinutol ni Blake ang katahimikang namagitan sa aming dalawa. “Kumain muna tayo ng hapunan, Lara.” “Ikaw na lang.” “Bakit?” tanong niya sa akin. “Hindi ako nagugutom,” mahina kong sagot. “Pero gabi na at hindi pa tayo naghahapunan, Lara.” “Busog pa ako, Blake,” sagot ko. “Marami akong nakain na buko at bayabas kanina, kaya ikaw na lang ang kumain.” “Sigurado ka ba?” “Oo, gusto ko lang munang magpahiga dahil napagod ako kanina.” “Sige, kung iyan ang gusto mo, hindi na kita pipilitin,” bulong sa akin ni Blake. “Pero kung gusto mong kumain mamaya, gisingin mo lang ako para ipaghanda kita ng pagkain.” “Salamat.” Ito ang isang bagay na nagustuhan ko sa kaniya. Hindi siya demanding at hindi rin niya ako pinipilit na gawin ang mga bagay na ayaw ko. Kung sana sa ibang pagkakataon ko lang nakilala si Blake, baka maaari pang magkaroon kami ng tsansa na ituloy ang magandang relasyong nasimulan namin ngayon. Pero sa estado ng buhay at trabaho ko, alam kong imposible ito dahil kahit ang pangalang sinabi ko sa kaniya ay peke. At kung meron mang totoo sa akin ngayon, iyon ay ang nararamdaman ko para sa kaniya, pero hindi na niya kailangang malaman pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD