Chapter 26: Tensyon
"SINO?"
Naramdaman ko na gumalaw si Markiana at nagising na yata siya kaya marahan na hinila niya ang coat sa likuran niya at hindi sinasadya na nabitawan iyon ni Markin.
Mabilis na pinulot naman niya iyon at hindi na ibinalik pa sa ulo ko dahil hindi na umaambon. Hinanda ko ang sarili ko at sinalubong ko ng matamis na ngiti sina Lola.
"Magandang hapon po, Lola Areah, Lolo Henriko at sa aking Nanay at Tatay. Dumating na po ang magaganda niyong apo," sabi ko at pilit na pinapasigla ko ang boses ko.
Ilang saglit silang natulala sa amin at hindi na matanggal-tanggal ang tingin nila sa kasama ko kaya nagiging uneasy na rin ang engineer sa tabi ko.
"M-May kasama po kami..." sabi ko at sinulyapan ko si Markin. Nabigla pa ako nang makita ko ang hitsura niya.
"Bakit namumutla ka?" tanong ko at may nakita rin ako na iilan na butil na pawis sa noo at leeg niya. Nakaputing longsleeve na lamang siya na nakabukas ang tatlong butones kaya kitang-kita pa rin ang makisig at malapad niyang dibdib.
Pareho pa kaming umatras nang lumapit sa gawin namin sina Lolo at Tatay.
"Sino ang kasama mo, Rea? Bakit nagsama ka ng kamukha ng anak mo, Rea? Welcome ba siya sa bahay natin. Sino'ng kasama mo?" seryosong tanong sa akin ni Tatay. Bayolente akong napalunok. Bakit kaya hindi na muna ibaba ni Tatay ang hawak niyang kapa, 'no? Bakit kaya may dalang itak si Lolo?
Si Nanay ay alam kong nagluluto na siya bago pa man kami dumating at si Lola naman ay baka 'sakto na naglilinis din siya?
Pero sana huwag nila kaming tingnan ng ganyan at kausapin na para ba'ng may ginawa kaming kalokohan dahil kinakabahan kami sa ipinakita nila sa amin na reaksyon, ah.
"Dada! Dada!" Sa kabila ng tensyon at para kaming bibitayin ay gumaan ulit ang atmosphere nang magsalita si Markiana.
Na para bang siya ang sumagot sa tanong ng kanyang Lolo, na Tatay ko.
"Sino?" pag-uulit na tanong naman ni Lolo.
Inabot ng baby ko ang Daddy niya at parang itinuturo pa niya ito.
"Dada!" masayang sabi niya at pumalakpak pa.
PAGKATAPOS nang pagtatagpong iyon ay hinayaan na nila kami na makapasok sa loob. Pero hindi umalis sa tabi ko si Markin dahil sa takot sa pamilya ko. Hindi pa rin nagkukulay ang mga labi niya at ako ang nag-aalala sa kanya. Parang any moment ay hihimatayin na siya.
Akala ko ay tatanungin nila kami o kauusapin nang masinsinan at maayos pero nagulat ako nang makita ko ang aktong pagpalo sa akin ni Lola Areah. Alam kong tama iyon sa puwit ko, katulad ng ginagawa niya sa akin noon.
Pipikit na sana ako pero mabilis na humarang sa akin si Markin at siya ang sumalo no'n. Halos maiyak ako sa ginawa ng abuela ko dahil walis tingting ang ginamit niyang pamalo. Kahit naka-pants pa si Markin ay alam kong nasaktan pa rin siya dahil mabilis na ngumiwi siya at napahaplos sa puwit niya.
"L-Lola!" suway ko. Tama nga na sasaluhin niya ang akmang pagpalo sa akin ng Lola ko. Hindi nga talaga siya nagbibiro, 'no?
"Lumuhod kang lalaki ka at mag-uusap tayo!" sigaw ni Lola Areah sa engineer. Natatarantang tumango-tango siya at walang pagdadalawang isip na lumuhod sa tapat ng luma naming sofa.
Hala, hindi pa naman 'yan sanay na lumuhod nang matagal! Lola naman!
"Lola, m-makakapag-usap naman po tayo n-nang hindi na lumuluhod ang kasama ko," pagdadahilan ko pero pinandilatan niya lang ako ng mga mata niya. May banta iyon.
"Tumahimik ka, Rea!" sigaw nito sa akin.
"Lola Areah naman... T-Tumayo ka na riyan. Tumayo ka na, M-Markin..." sabi ko kay Markin pero umiling lang siya sa akin.
"Ayos lang ako," sabi niya at tipid na ngumiti.
Umupo sa tapat niya sina Lolo at Tatay. Nasa gilid naman si Lola at nakapamaywang pa siya. Si Nanay na nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya.
"Magpakilala ka," malamig na sabi ni Tatay sa kanya at tinutukan pa talaga ito ng kapa. Ako ang natatakot na baka mabitawan niya iyon. Maliit lang naman iyon, eh.
"Tatay naman, 'yong kapa niyo po," nanunuway ko. Ang baby ko ay nanahimik din pero hindi na naputol ang pagtitig niya sa Daddy niya na nakaluhod na. Sasakit ang binti at hita nito mamaya.
"M-Markin S. Brilliantes po ang pangalan ko..." pagpapakilala niya. Kahit nauutal siya ay nagawa pa rin niyang magsalita ng diretso.
"Brilliantes? Ilang taon ka na?" tanong ni Lolo.
"28 po..."
"Ang tanda mo na para sa apo ko!"
"Lolo Henriko!" parang maiiyak na tawag ko sa abuelo ko.
"Bukod sa magara at maganda mong sasakyan sa labas na pinagkakaguluhan ng mga kapitbahay namin. Ano ang trabaho mo ngayon? Kaya mo bang buhayin ang anak at apo ko?" tanong naman ng aking ama, ang lamig ng boses niya.
"Isa po akong...engineer," sagot niya at hindi na siya nauutal pa. Parang proud din siya sa trabaho niya.
"Engineer? O baka... Nagsisinungaling ka lang? Kahit hindi na kami nagtanong pa ay alam namin na ikaw ang nakabuntis sa aking apo noon. Hitsura mo pa lang ay kuhang-kuha na ni Markiana Reyan!" sigaw ni Lola Areah at hayan na naman siya sa pagtutok niya.
Ako na ang nahihiya sa mga pinaggagawa nila sa bisita namin. For Pete's sake! Engineer po 'yan! At isa pong Brilliantes 'yan!
"Baka hindi iyon ang tunay mong trabaho. Tinakbuhan mo noon ang anak ko. Baka hiniram mo lang ang sasakyan mo at niloloko mo na naman ang aking anak, ah! Ikaw na bata ka..." Pinagtutulungan na nila si Engineer Markin!
"H-Hindi ko po t-tinakbuhan ang anak at apo niyo... H-Hindi ko po alam noon na may anak kami..." kinakabahan pa rin na sagot niya. Naaawa na ako sa kalagayan niya.
Kung bakit ba kasi sumama pa siya sa amin?! Eh, 'yan ang napapala niya sa pamilya ko.
"Huwag mo kaming lokohin na bata ka..."
Tiningnan ko si Nanay. Hihingi sana ako ng tulong sa kanya na makaalis sa puwesto nito ngayon si Markin. Pagod siya sa pagmamaneho kanina tapos heto siya, paluluhurin lang nila?
"Ano ba ang pumasok sa kokote mo, Rea at isinama mo rito ang lalaking 'yan?! Nagpapaloko ka na naman ba sa kanya?!" Napaigtad pa ako sa gulat nang ako na naman ang hinarap ni Lola Areah at kung wala lang siguro si Markiana sa bisig ko ay baka hahampasin na naman niya ako.
Gumagalaw pa ang kamay niya at nakita ko ang pagsunod nang tingin ng engineer na para bang binabantayan niya rin iyon at handa na naman siyang humarang sa akin para saluhin iyon.
"Tatay naman... Pagod po kami sa biyahe namin kanina, eh... Pagpahingahin niyo ho muna kami. Lalo na po siya..." ani ko at ininguso ko si Markin. Nakita ko ang pasimpleng paghaplos niya sa binti niya.
Kawawa naman ang Daddy ni Markiana. Kaya lumapit ako sa kanya at lumuhod din sa tabi niya. Nagulat sila sa ginawa ko.
"Sige, tutal naman po pinapaluhod niyo ang tao, eh 'di isasama ko na si Markiana! Daddy naman po niya ito kaya luluhod na rin siya!" ani ko.
"Rea!" Umalingawngaw sa loob ng antique naming bahay ang boses ni Tatay.
"N-Naririnig po kayo ng apo niyo..." natatakot na sabi ko at wala sa sariling napatingin siya sa baby namin.
Hindi pa siya nakauupo kaya ibinaba ko siya sa gitna namin pero kinandong siya ni Markin. Humilig ito sa bandang tiyan niya at nakalaylay ang magkabilang braso niya. Parang namamahinga lang siya at tutok na tutok ang mga mata niya sa harap.
"Maganda po ang intensyon niya na pagpunta rito, Nanay, Tatay... Bisita po natin siya at k-kasalanan ko po, Lola at Lolo kung bakit hindi niya alam ang tungkol sa anak niya. Hindi ko po kasi sinabi sa kanya... Pero po..."
"Seryoso po ako kay Rea, Sir, Ma'am. Pananagutan ko po ang ginawa ko sa kanya noon," seryosong sabat ni Markin at inabot ang kanang kamay ko. Pinagsiklop niya ang mga daliri namin at namahinga iyon sa kaliwang hita niya. Doon napako ang atensyon ng lahat.
Sobrang init ng palad niya kahit sinakop na nito ang aking kamay dahil sa laki rin ng kanyang kamay. Mahaba rin ang daliri niya. Nag-init agad ang magkabilang pisngi ko.
Mas lalo silang nagulat at halos malaglag na ang panga nang ipatong din ni Markiana ang maliit niyang kamay sa likod ng palad ng Daddy niya.
"Dada? Mama... Dada?" sabi nito at tumango-tango. Inabot pa niya ang coat at dinala iyon sa paa niya. Tumingala siya sa kanyang ama at ngumuso. Inayos naman nito ang malaking coat sa katawan niya na wari ba naintindihan nito ang gusto niyang iparating. Parang ganoon na nga. Humilig siya ulit at pumikit.
Lihim akong napangiti dahil sa ginawa ng baby namin. Sinusubukan niya na iligtas mula sa mga Lolo't Lola namin ang Daddy niya. Hindi niya na rin inalis pa ang kamay niya.
"Kahit seryoso ka pa rin sa anak at apo namin. Hinding-hindi ka namin tatanggapin ng ganoon lang kadali. Pagtatrabahuhan mo pa," sabi ni Tatay at tumango naman si Lolo Henriko.
"Dahil paano kami makakasiguro na kaya mong buhayin silang dalawa? Na hindi mo sila sasaktan at paiiyakin lang?" usal ni Lolo.
"Ano ba ang trabaho ng mga magugulang mo? Huwag mong sabihin na umaasa ka pa rin sa mga pera nila para sa luho mo? Mukha ka pa namang manloloko."
"L-Lola Areah..."
"Tahimik, Rea. Oo na, may hitsura ang batang ito. Mala-artista ang pagmumukha niya pero mukha talaga siyang manloloko," dagdag pa niya. Mariin na napapikit ako. Sobra-sobra ng kahihiyan ang dinanas ko at nahihiya na talaga ako kay Markin.
Baka isipin niya na matapobre at mapanghusga ang pamilya ko!
Napatingin naman ako sa kanya nang maramdaman ko ang pagpisil niya sa kamay ko at nginitian ako na tila sinasabi niya na ayos lang. Na magiging maayos lang kahit heto, ang dami ng sinabi sa kanya at hindi pa kaaya-aya!
Hindi kaya siya umaasa sa pera ng parents niya. Engineer po siya... May sarili po siyang kompanya. Mayaman po siya.
"Patingin ako ng ID mo," malamig na sabi ni Tatay at inilahad pa niya ang palad niya. Binitawan niya rin ang kamay ko at gamit ang isang kamay lang ay hinablot niya ang black wallet niya sa likod. Hawak pa rin niya ang tiyan ng anak namin na pinandidigan talaga na matutulog siya. Dahil nakapikit ang mga mata niya pero gumagalaw ang talukap no'n.
Dahil sa panginginig ng mga kamay niya ay hindi sinasadyang nabitawan niya ang mga papel sa loob ng wallet niya. Maski ako ay nagulat nang makita ko rin na halos magkalat na ang mga pera niya at puro 1k iyon. Wala akong nakita na dilaw na papel bukod doon.
Napaupo si Lola Areah at napahawak sa dibdib niya. Lumapit naman sa kanya si Nanay at hinagod ang likod niya.
"I-I'm sorry..." hinging paumanhin niya at mukhang nahihiya pa siya. Tinulungan ko siya sa pagpulot ng mga pera niya.
"Ilan ba ang laman ng pera mo? Parang buong bangko ay dinala mo," bulong ko sa kanya. Inilapit niya rin ang mukha sa akin kung hindi lang tumikhim ang mga nakatatanda.
Partida wala pa rito si Tito!
"E-Ewan ko. H-Hindi ko naman 'yan binibilang..." Pa-humble pa siya.
"H-Heto po ang ID ko." Inabot niya ang ID... Pero nang tingnan ko iyon ay calling card iyon, eh. Hindi ko na siya sinuway pa dahil nakuha na ni Tatay iyon.
Ilang segundo kaming kinain ng katahimikan hanggang sa ipasa iyon ni Tatay kay Lolo at ito naman ang sumuri sa calling card.
"God... T-That's my calling card..." narinig kong utas niya.
"T-Totoong engineer ka?" iyon na lamang ang nasabi nila at pinatayo nila agad si Markin.
Pinaupo na nila kami sa sofa at magkatabi na kami ni Markin. Nakakandong pa rin sa kanya si Markiana na naglalaro na naman sa suot niya. Hindi na siya nagtulug-tulugan pa.
"Paano mo nalaman na may anak ka kung ganoon?" pagsisimula na naman nila.
"Aksidente ko lang po siya nakita sa mall noon. Kilala ko po siya...nakilala ko po siya sa party rito na ginanap..."
"Iyon ang gabi na may nangyari sa inyo ng aking anak?" Napakamot ako sa kilay ko dahil sa tanong ni Nanay.
"That's... P-Pareho po kaming nakainom ng alak...na may halong drugs po..."
"Baka ikaw ang may gawa niyan, ha? Baka intensyon mo 'yan. Dahil pinagnanasaan mo na ang aking apo," sabat na naman ni Lola pero mahinahon na siya ngayon. Hindi na niya kami sinisigawan pa. Pero ang pagnanasaan?
"Hindi po totoo 'yan, Ma'am..." agap ni Markin na sinabayan pa nang pag-iling.
"Eh, ano'ng balak mo sa anak ko?" Si Tatay na naman ang nagtanong.
"Just like what I have said... I mean, sinabi ko po kanina na seryoso ako sa kanya. L-Liligawan ko po siya... K-Kung pagbibigyan po niyo kami..."
"Makakasiguro ba kami na maaalagaan mo sila? Na hindi mo sila sasaktan? Mamahalin at poprotektahan?" Teka lang, bakit tunog tanong ng pari iyon? Lolo naman...eh.
"Wala po sa pamilya ko ang nananakit... K-Kaya asahan niyo pong aalagaan at mamahalin ko ang mag-ina ko." Napapaypay ako sa sarili ko dahil sa sinabi niya.
Tangna! Ang galing magpakilig, ah!