Nilapitan niya ang kaniyang boss. "Sir, coffee?" sambit niya. Tanghali na naman, nakatutok pa rin ito sa pagtatrabaho.
"Hindi ako magkakape," cold na tugon nito sa kaniya.
"Uhm. Okay po, Sir," sambit niya. Gutom na siya at gusto niya ng kumain pero hindi niya alam kung paano magpapaalam. Humugot muna siya ng hininga at dahan-dahang ibinuga iyo. "Sir, mag-lu-lunch na po ako," paalam niya kahit ilang siya rito.
"Next time, 'wag ka na ring magpaalam dahil naiistorbo ako," pakli nito sa kaniya.
Tumango na lamang siya rito bilang tugon. Hindi niya alam kung saang planeta galing ang kaniyang boss dahil napaka-sensitive nito. Tumalikod na lamang siya at dumiretso siya pantry upang mananghalian.
Lagi siyang mag-isang kumain sa pantry. Ni wala man lang ibang tao sa twenty-fifth floor, maliban sa kaniya at sa kaniyang boss.
Pagkatapos niyang kumain ay binuksan niya ang bintana sa pantry, napangiti siya dahil tanaw niya ang ganda ng kalangitan.
Napalingon siya nang may biglang kumatok sa pinto. "Hi, Yoona!" bati sa kaniya nito.
"Hi, Rose! Mabuti naman at napunta ka rito," masayang bati niya rito.
"Ibigay ko raw ito sa 'yo sabi ni Sir. Siya nga pala, bukas, lilipat na kami sa kaharap ng opisina ni Sir. Inayos lang kasi 'yong loob no'n tapos now, okay na," anunsyo nito sa kaniya.
"Ano ba 'yan? Naku, mabuti naman para may kasama na akong kumain dito sa pantry tuwing tanghali," sambit niya.
"Ibibigay ko sana sa kaniya pero sabi niya, sa 'yo ko raw ibigay," sabi nito.
"Ahh, oo," sambit niya at kinuha ang papel. "Ako naman talaga ang gumagawa nito," sabi niya.
"Sige, balik na ako sa baba. 'Wag ka ng malungkot dahil bukas, may kasama ka na rito," sabi pa nito.
"Sige. Oo nga, eh. Salamat," sambit niya rito. Nginitian siya nito at tumalikod na ito palabas ng pantry.
Umiling-iling siya at napakunot-noo. Hay naku! Loko talaga si Sir. Puwede rin namang ipaiwan sa table ko ang papel na ito, hindi 'yong pinapunta niya pa talaga rito si Rose.
Pagkatapos niyang magligpit ng kaniyang baunan ay bumalik na siya sa opisina. Naroon pa rin ang kaniyang boss. Habang nakaupo siya ay tinupok niya ito ng tingin, nakaramdam siya ng awa rito dahil tanghali na naman pero parang wala itong balak mananghalian. Ganito ba talaga ang mayayamang mayroong company? Talagang iginugugol nila ang kanilang sarili sa trabaho. Ni wala na silang oras mag-lunch.
Tumayo siya at nilapitan niya ito. "Sir, baka gusto ninyo pong magkape o kaya kumain?" tanong niya rito. Wala siyang pakialam kong mapagalitan siya dahil tinanong niya na ito kanina.
"'Hin..." tatanggi sana ito pero rinig na rinig ang kalam ng tiyan nito.
"Sigurado ka po? Mag-lunch ka na po muna, Sir. Alam mo, kung ipagpapatuloy mo ang ginagawa mong ganito, napakalaking epekto nito sa kalusugan n'yo. Kapag inabuso mo po ang sarili mo baka sa susunod, hindi mo na magagawa itong muli, kaya kung ako po sa inyo mananghalian ka na muna para hindi ka magkasakit," sabi niya rito.
Napakamot ito at napabuntong-hininga. "Ano ba ki..."
"Wala po, isang hamak na sekretarya mo lang po ako. Sinasabi ko lang 'yan sa inyo, dahil boss ko kayo. Paano kung isang araw, bigla kang magkasakit? Maaapektuhan po lahat," pahayag niya. Tiningnan lang siya nito at nginitian niya ito. Tumalikod na rin siya at bumalik sa table niya.
Biglang napatigil sa ginagawa si Lune Bleue, tinupok niya ng tingin ang dalaga. Ngayon lang ulit siya nakarinig mula sa isang taong concern sa kalusugan niya, maliban sa kaniyang lola sa France. Ang mga magulang niya kasi ay hindi niya marinig na pagsabihan siya nito. Kompanya ang mahalaga sa mga ito, at wala ring ibang nasa isip ang mga ito kung hindi ang kapatid niyang namatay.
Nakaramdam siya ng hiya sa dalaga dahil kahit binulyawan niya na ito ng ilang ulit ay parang hindi man lang ito nayanig.
Tiningnan niya ang kaniyang wrist watch, one o'clock na pero hindi pa rin siya nanananghalian. Tumayo na siya mula sa pagkakaupo upang lumabas ng office para mananghalian. Napahawak din siya sa kaniyang tiyan. Sa totoo'y hindi rin siya nag-aagahan kaya talagang gutom na gutom na siya.
"Sir, babalik ka po?" tanong ni Yoona, nang makita siyang palabas ng pinto.
"Yes," maikli niyang tugon rito. Tumango lang ang dalaga sa kaniya.
Masunurin din naman pala ang lalaking ito, eh. Naku, sayang ng kagwapuhan niya kung pababayaan niya lang ang sarili niya. Pero kawawa naman siya, wala ba siyang mga magulang na mag-re-remind sa kaniya na kumain na siya at 'wag pababayaan ang sarili niya? O baka, busy rin ang parents niya. Kapag mayayaman talaga, sobrang dami nga ng pera pero kulang naman ng time sa isa't isa. Ang mga mahihirap namang katulad namin, maraming time pero walang pera. Wala talagang perpektong tao at sitwasyon. Aniya sa kaniyang sarili.
"Criiiiiiiiing!"
"Ay, kabayong badat!" bulalas niya nang biglang tumunog ang telepono.
"Good Afternoon. Mr. Lune Bleue's office— Miss Yoona speaking," bati niya sa kabilang linya.
"Good Afternoon. Can I talk to Lune Bleue?" tanong ng nasa kabilang linya.
“I’m sorry, but Mr. Lune Bleue is not available at the moment. Would you mind calling back?” tanong niya rito.
"Okay, I'll call again later," tugon nito sa kaniya.
"May I have your name, please," muling pakli niya rito.
"I'm Mr. Stanley. Thank you," sagot nito sa kaniya.
"Okay, Sir. Thank you so much!" tugon niya at binaba na ng nasa kabilang linya ang tawag.
Kumuha siya ng papel at ballpen upang isulat ang pangalan ng tumawag. Bahagyang napangiti siya dahil natututo na siya sa kaniyang trabaho. Tinatandaan niya lang lahat ng sinabi ng kaniyang boss.
Biglang pumasok ng opisina ang kaniyang boss. Pagkaupo nito ay nilapitan niya ito. "Sir, excuse me. Tumawag po sa inyo si Mr. Stanley, hinahanap ka po niya. Wala naman po siyang ibang sinabi, basta tatawag na lang daw po siya uli," pahayag niya rito.
"Okay, sige. Siya nga pala, here are the books na kailangan mong pag-aralan," sambit sa kaniya, habang inilalapag ang mga libro sa ibabaw ng mesa. Libro iyon para sa basic languages na kailangan niyang pag-aralan.
"Okay po, Sir. Salamat," tugon niya rito at kinuha niya ang mga libro.
Madami iyon kaya napakunot-noo siya. Diyos ko! Parusa ba ito ni Sir, dahil sa mga pagkakamali ko? Paano ko kaya ito pag-aaralan? Sabagay, puwede rin tuwing gabi. Sana matuto ako kaagad. Mabuti na lang wala pang intsik na tumatawag, kung hindi, lagot talaga ako! Bakit kasi hindi na lang sila mag-English? Aniya sa kaniyang isip. Itinabi niya muna ang mga libro at sinimulan ang kaniyang trabaho.
Sinulyapan niya ang kaniyang boss. Ang gwapo talaga niya! Amoy na amoy ko pa ang kaniyang pabango. Hay naku, kung maganda lang talaga ang ugali niya, talagang napaka-perfect niya na, pero hindi talaga, eh. Parang demonyo talaga siya minsan. Aniya at tinitigan niya ito.
"Yoona?" tawag sa kaniya nito. First time siya nitong tawagin sa kaniyang pangalan.
"Why po, Sir?" tanong niya rito. Lumapit siya rito.
"Don't you ever stare at me like that," sambit nito sa kaniya at napahawak naman siya sa kaniyang mukha. Feeling niya ay namula siya, kaya bumalik siya kaagad sa kaniyang puwesto.
Lagot! Nahuli niya akong tinititigan ko siya! Mesa, lamunin mo ako!
"Hahaha! Hindi po kita tinitigan, Sir. Baka po namalik-mata ka lang po," dahilan niya rito.
"Look at me," pakli nito, kaya bigla niya namang tinupok ito ng kaniyang mga mata.
"Ba... bakit po, Sir?" kandautal niyang tanong.
Tiningnan siya nito sa kaniyang mga mata, "Nothing. Okay, go back to your work!"
Dali-dali siyang tumalikod pabalik sa puwesto niya. Naupo siya kaagad at tarantang kinuha ang ballpen na nasa ibabaw ng mesa at kunwari ay nagsulat siya.