"ENJOY your foods Ma'am, Sir," magiliw niyang wika. Isa-isang nginitian ni Abella ang dalawang nakaukupa sa table na 'yon.
"Table 3," bungad ni Andu–ang isa sa nga chef sa restaurant, nang bumalik siya sa kitchen. Ngumiti siya rito at kinuha ang mga pagkaing amoy pa lang alam na niyang masarap.
Habang naglalakad siya patungo sa table 3, bahagya siyang natigilan ng maaninag ang nakaukupa roon. Isang pamilyar na bulto. Bulto ng nakaraan.
Nagsimulang sumalakay ang samu't-saring emosyon sa damdamin niya. Parang tinatakasan na siya ng lakas. Gusto niyang umatras at ibigay sa iba ang order nito. Hindi pa siya handang harapin ang babaeng nasa table na iyon.
Nang akmang tatalikod na siya, sakto namang pagtama ng mga paningin nilang dalawa. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa tray.
Wala na siyang magagawa kung 'di harapin si Irene. Hindi siya pwedeng maging apektado sa harap nito.
Huminga siya ng malalim, saka naglakad palapit dito.
"G-good afternoon Ma'am, here's your order." Pilit niyang kinakalma ang sarili.
"Look who's there? So, this is your job now, Abella?" nangingiting anito.
"Enjoy your foods, Ma'am," sabi niya imbis na sagutin ang sinabi nito. Wala siyang balak patulan ang ginang.
"Hindi mo man lang ba ako kakamustahin, hija?" malumanay na tanong nito ng akma aalis na siya. "I know you've already met my son, Am I right?"
"Sorry, Ma'am nasa trabaho po ako at hindi ako pwedeng makipag-usap sa mga customers," pagtanggi niya na siya namang totoo.
"I'll pay your time, Abella."
Gusto niyang matawa sa sinabi nito. Hindi pa rin pala nagbabago si Irene, mahilig pa rin itong bumili ng mga bagay-bagay. Hindi na nga ata mababago ang perspective nito sa pera. Akala nito'y lahat kayang bilhin ng pera nito.
"Sorry, Ma'am ang oras ko po ay para sa mga may kwentang bagay lamang," pasaring niya rito.
Kita niya ang halos pagpantay ng kilay ni Irene dahil sa sinabi niya. Pero halatang kinakalma ang sarili.
"Look, Abella. Hindi na dapat kayo magkita ni Nathan, you two are in a good situation now," diretso nito.
"Sa anak niyo po sabihin ang bagay na 'yan. Kayo ang lumayo sa buhay ko," aniya. Malumanay pero puno ng hinanakit at galit.
"Thank you for choosing our restaurant, enjoy your foods, Ma'am." Hindi na niya hinintay na sumagot ito, dire-diretso siyang nag-martsa palayo rito.
Nang makalayo si Abella kay Irene, sunod-sunod na tumulo ang luha niya. Pakiramdam niya nanliliit siya sa harap ni Irene na kahit ano'ng sandali kayang-kaya siya nitong tapakan.
Gusto na sana niyang kalimutan ang mapait na nakaraan. Ang lahat ng pang-iinsulto at pagpapahirap nito sa kaniya, pero mukhang malabong mangyari iyon dahil bumabalik na lahat ng naging parte niyon.
Okay na siya. Utay-utay na siyang nakakalimot. Handa na niyang itapon lahat, bakit kailangan pa nilang bumalik sa buhay niya?
"Okay ka lang?"
Napahinto siya. Agad niyang pinahid ang luha at inayos ang sarili. Nag-angat siya ng ulo. "Okay lang po, Sir," aniya at pinilit ang sarili na maging okay.
"May okay bang, ganiyan?" ani Neith na hindi kumbinsido sa sinabi niya.
"Nakita ko ang nangyari, Abella. Kilala ko rin ang babaeng 'yon. Siya si Irene Madera, ang Mommy ni Nathan." Bakas sa boses ni Neith ang pag-aalala sa kaniya.
Naikwento nga rin pala niya rito ang pagpapahirap ni Irene sa kaniya at sa relasyon nila noon ni Nathan.
Natahimik siya at bahagyang yumuko. Hindi na siya makakapagsinungalin pa kay Neith.
"Huwag ka na munang magtrabaho," pigil nito sa kaniya.
"Okay lang po ako Sir, kaya ko po," protesta niya at pinahid ang natitirang luha sa kaniyang mata.
"Hindi. Magpahinga ka muna, mamaya ka na lang magtrabaho kapag okay ka na," masuyo at puno ng pag-aalalang pilit nito.
Wala nang nagawa si Abella kung 'di ang pumayag sa binata. Iginiya siya ni Neith sa opisina nito.
"Salamat po, Sir," seryosong saad niya at umiwas din ng tingin sa binata na nakaupo sa swivel chair nito.
Tumayo si Neith sa upuan at lumapit sa kaniya. "Basta huwag ka munang magtrabaho hanggat hindi ka okay. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa kanila." Tinapik pa nito ang balikat niya at lumabas ng silid.
Naiwan siyang malungkot at tulala. Ito na nga ba ang kinatatakot niya, ang bumalik ang lahat ng taong naging parte ng masaklap niyang nakaraan.
Bumuntong hininga siya na sana sa paglabas ng hangin, kasama na ang bigat at sakit na nararamdaman niya.
–
NATAGPUAN ni Nathan ang sarili na nakatingin kay Abella 'di kalayuan sa kinaroroona nito. Nakasakay siya sa nakaparadang kotse at tahimik na pinagmamasdan ang dalaga. Kita niya mula roon si Abella habang kasabay sa paglabas ng restaurant si Neith.
Napaismid na lang siya. Naiinis siya kay Neith dahil masyado nitong binabakuran si Abella. Gusto niya makausap ang dalaga pero hindi niya magawa dahil sa lalaking iyon na kung umasta akala mo'y kasintahan ni Abella.
You're acting like a jealous stalker, sabat ng isip niya.
No, I'm not. Gusto ko lang siyang makausap, agad niyang kontra.
Lalo siyang nainis nang makita kung paano alalayan ni Neith si Abella pagpasok sa kotse nito. Nakuyom pa niya ang kamao dahil sa nararamdaman. Parang gusto niyang manuntok.
Nagpasiya siyang umalis na lang doon bago pa tuluyang sumabog ang inis niya. Pinaharurot niya ang kotse patungo sa bahay ng mga magulang niya. Siguro, ito na ang tamang panahon para alamin niya mismo kay Ireme ang totoo.
"I'm glad you here, Nathan," masayang salubong sa kaniya ng ina.
"I have something to ask, Ma," diretsong sabi niya.
"What is it?"
"Tinanggap ba ni Abella ang perang binigay mo sa kaniya?"
Natigilan si Irene sa narinig. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagkagulat nito. Hindi rin ito makatingin ng diretso sa kaniya.
"Tell me the truth, Ma," pasigaw niyang pakli.
Napapiksi ang ina niya. Para itong tupang takot-takot sa 'di niya malamang dahilan.
"O-oo! Tinanggap niya. N-nakita mo naman na kinuha niya 'yong pera, 'di ba?" mabilis na sagot ni Irene na hindi pa rin magawang tumingin sa kaniya.
"Irene, hanggang kailan ka magsisinungalin sa anak mo?"
Kapwa sila napalingon kay Manny na kalalabas lang sa silid nito. Hindi niya alam ang magiging reaction. Nag-uumpisa na siyang maguluhan.
Bumaling ito sa kaniya. "Hindi tinanggap ni Abella ang perang ibinigay ng Mama mo noon. Isinauli niya 'yon," pagtatapat pa nito.
Natigilan siya sa narinig mula sa ama. Samu't saring emosyon ang dumagsa sa kaniya. Nagagalit siya. Naiinis. Nagi-guilty. Disappointed
Hindi makapaniwalang bumaling siya sa pinagkakatiwalaang ina. Sa loob ng isang taon, kasinungalingan lang pala ang lahat ng pinaniwalaan niya.
Puno ng disappointment na tiningnan niya si Irene. Hindi siya makapaniwalang nagawa nito ang ganoong mga bagay.
"A-nak, s-sorry! Ginawa ko 'yon para sayo–"
Hindi na niya tinapos ang paliwanag ni Irene, tinalikuran niya ito at tuloy-tuloy na lumabas ng bahay. Sumakay siya ng kotse at pinaharurot iyon pauwi.
Gusto niyang sumigaw. Dagsang pagsisisi ang bumalot sa kaniya. Pinaniwalaan niya ang kasinungalingan ng sariling ina. Nagagalit siya rito dahil pinaniwala siya nitong gold digger si Abella. Nagagalit siya sa sarili dahil siya mismo ang humusga kay Abella.
Hinubad ni Nathan ang jacket na suot at tinapon 'yon sa sofa nang marating niya ang condo. Tumungo siya sa kusina at uminom ng tubig roon para kalmahin ang sarili.
All this time, pinaniwalaan niya ang kaniyang ina sa kasinungalingan nito at pinili niyang husgahan at saktan ang babaeng pinakamamahal niya.