Exeriel's Heart
Hindi nakalilimot ang puso ng isang taong wagas ang pagmamahal.
Napangiti na lamang si Erich nang mapansin niya ang mga salitang 'yon mula sa poster na nakadikit sa glass door ng isang bookstore na nakatakda niyang puntahan --- ang Jodin's Book Hub.
Nang makapasok sa loob ay agad siyang dumiretso sa Philippine Literature area upang hanapin ang isang librong na pinakaaasam niyang bilhin.
Muli siyang napangiti nang matagpuan na niya ang mga librong isinulat ng isang sikat na manunulat. Ang una niyang kinuha ay ang pinakabagong lathala nito, ang librong may pamagat na Everlasting Rainbow.
Tinitigan niya ang pabalat nito na isang rosas na may iba't ibang kulay ng mga talulot gaya ng sa bahaghari.
"Alam kong siya pa rin ang nilalaman ng puso mo," malungkot niyang sabi habang hinahaplos ang pabalat nito.
Mapait siyang napangiti nang maalala niya ang mga salitang nakasulat sa poster.
"Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakalimot ang puso ko," giit niya sa sarili habang pilit na pinipigilan ang pagbagsak ng kanyang mga luha.
Sa kabila ng ilang taon nilang pagkakalayo, buong-buo pa rin ang pagmamahal niya sa lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso. Ang lalaking naging dahilan kung bakit muli siyang bumalik sa Pilipinas.
Sa katunayan, mula nang malaman niya sa social media na isa nang ganap na manunulat ang kanyang pinakamamahal ay isa siya sa mga bumili ng una nitong libro, ang Our Memories. Sa eksaktong araw ng released date nito ay isang kaibigan ang hiningian niya ng pabor na ibili siya ng librong iyon. Nang araw ding iyon ay ipinadala ito ng kaibigan niya patungo sa Thailand kung saan siya nakatira sa loob ng mahabang panahon.
Sa loob ng tatlong taon ay labindalawang libro ang nailathala ng kanyang pinakamamahal. Ang mga librong iyon ay paulit-ulit niyang binasa upang kahit paano ay maramdaman niyang kasama niya ito.
Sa pagkakalathala ng pinakabago nitong libro, nagpasya siya na muling umuwi sa Pilipinas upang siya mismo ang bumili niyon.
"Ito ang ikalabindalawang libro na handog mo para sa kanya. Sana dumating ang panahong sa akin mo naman ihahandog ang iyong bagong libro," aniya habang unti-unting tumutulo ang kanyang mga luha.
Buong-buo na ang desisyon niyang ipaglaban ang pagmamahal niya rito. Lalo pa ngayong nararamdaman niya na kailangang-kailangan nito ang presensiya niya. Gagawin niya ang kanyang makakaya upang muling maibalik ang pagkatao nito na unti-unti nang nasisira mula nang mawala ang pinakamamahal nitong babae - si Erica Castillo.
"Gagawin ko 'yon hindi para kay Erica o para sa akin kundi para sa 'yo mismo," giit pa niya.
Marahan niyang hinawi ang kanyang mga luha nang mapansin niyang ang magkasintahang lumapit sa kinaroroonan niya. Napangiti pa siya nang marinig niyang ireregalo ng lalaki ang Everlasting Rainbow sa kasintahan nito.
"Thank you, Creamie," kinikilig na sabi ng babae habang yakap ang kasintahan nito.
Nang magkalas ang kanilang mga bisig ay marahang hinagkan ng lalaki ang noo nito.
"Sana magkaroon uli ng booksigning si Exeriel nang mapapirmahan ko rin 'to," malungkot na sabi ng babae habang yakap ang librong iyon.
"Kailan kaya siya magpapakita uli sa mga tao?"
"'Wag kang nang malungkot, Cookie. Alam kong babalik din siya dahil alam natin kung gaano niya kamahal ang pagsusulat," nakangiti pang paliwanag ng kasintahan nito.
"Tama ka. Sige, bayaran na natin 'to," sagot ng babae.
Naniniwala rin akong muli siyang makakapagsulat, aniya habang sinusundan ng tingin ang papalayong magkasintahan.
Ilang saglit pa ay naglakad na rin siya patungo sa cashier upang mabayaran ang librong kanyang binili.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------
RIEL, I love you for a lifetime. Hinding-hindi kita iiwan...
Unti-unting naglandas ang mga luha ni Exeriel nang maalala niya ang mga salitang laging sinasabi ng asawa niyang si Erica. Kasalukuyan siyang nakahiga sa kama kahit na kanina pa gising ang diwa niya. Wala na naman siyang ganang bumangon dahil unti-unti nang nauubos ang kagustuhan niyang magpatuloy sa kanyang buhay.
Paano pa ako mabubuhay kung wala na ang nagsisilbing buhay ko?
Halos magkakalahating taon na ang nakalilipas nang yumao ang kanyang asawang si Erica dahil sa aksidenteng kinasangkutan nilang mag-asawa. Nabangga ng isang ten-wheeler truck ang sinasakyan nilang kotse. Sa kasamaang-palad ay isang bakal ang tumusok sa katawan ni Erica na agad nitong ikinamatay. Siya naman ay nabulag dahil sa mga piraso ng bubog na tumusok sa kanyang mga mata.
Tila gumuho ang mundo niya dahil sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal. Halos isang taon pa lamang silang kasal pero bakit inadya ng Diyos na mawala si Erica? Marami pa silang gustong gawin nang magkasama. Gusto rin nilang magkaroon ng mga anak na bubuo sa kanilang pamilya.
"I love you for a lifetime, Ica. Hinding-hindi ko kakayanin nang wala ka sa buhay ko," malungkot niyang sabi habang yakap ang unan nito.
Kasabay ng pagkawala ni Erica, unti-unti na ring nawala ang gana niyang magsulat. Sa loob ng walong taon, ito ang naging inspirasyon niya upang lumikha ng iba't ibang kuwento ng pag-ibig. Kaya nang mailathala ang una niyang libro hanggang sa ikalabindalawa ay buong puso niyang ihinandog kay Erica.
Ngayon, paano pa siya makakapagsulat kung wala na ang kanyang inspirasyon?
Naantala ang kanyang pagbabalik-tanaw nang marinig niya ang pagkahol ng alaga niyang aso. Isa lamang ang ibig sabihin nito, may tao sa harapan ng kanyang apartment.
"Nymeria. Halika ka rito," tawag niya rito nang makabangon siya.
Kinapa niya ang kanyang folded stick sa ibabaw ng maliit na kabinet sa tabi ng kama niya bago tuluyang tumayo.
Dahan-dahan siyang naglakad palabas ng kanyang kuwarto patungo sa pintuan ng apartment niya.
Nang mabuksan niya ang pinto ay saka lamang tumigil sa pagtahol si Nymeria. Naramdaman pa niyang tumabi ito sa kanya.
"Okay na," aniya upang mapanatag ang loob nito.
Dahan-dahan siyang lumapit sa gate ng kanyang apartment upang harapin ang hindi niya inaasahang bisita.
"Ano'ng kailangan mo sa 'kin?" seryoso niyang tanong sa taong iyon.
"Exeriel," mahina nitong sagot. Hindi niya makilala ang boses nito kaya sigurado siyang hindi pa sila nagkakilala nito.
"Sino ka? Ano'ng kailangan mo sa 'kin?" tanong niyang muli at binigyang diin ang huli niyang sinabi.
"I'm Erich Castillo, your wife's sister."
Napakunot ang noo niya nang marinig niya ang sinabi nito. Hindi siya nakapagsalita agad dahil ang alam niya ay nag-iisang anak lamang ng mga magulang nito si Erica kaya sino ang babaeng kaharap niya?
"Hindi kita kilala kaya umalis ka na," giit niya at mabilis na tumalikod upang umalis na roon.
"Wait lang, Exeriel," pigil ni Erich sa kanya, "Please, pakinggan mo ang mga sasabihin ko," pakiusap pa nito.
"Umalis ka na," aniya nang hindi pa rin humaharap dito.
"Ipapaliwanag ko ang kung sino ba talaga ako kung papasukin mo 'ko sa loob ng apartment mo."
Napahinto siya sa paglalakad dahil sa kondisyon ni Erich. Sino ba talaga ito sa buhay ni Erica at nagpupumilit na pakialaman ang buhay niya?
"Please, Exeriel. Alam ko na unti-unti ka nang nauupos na gaya ng isang kanila mula nang mamatay si Erica. Sigurado ako na ayaw niyang mangyari 'to sa 'yo kaya nagdesisyon akong tulungan ka," paliwanag nito na nagpasiklab ng galit niya.
"Umalis ka na, Erich. Hindi ko kailangan ang tulong ng sino man. Kaya kong mabuhay nang maayos kasama si Nymeria," giit niya upang tuluyan na itong umalis.
Subalit ang totoo ay tinutulungan siya ng kanyang inang si Caroline upang maayos na mabuhay kahit mag-isa na lamang. Isang beses sa isang linggo ay dinadalaw siya nito upang ibili siya ng kanyang mga pangangailangan. Sa kabila ng isang kalahating taong hindi pagtatrabaho, natutustusan niya ang kanyang pangangailangan sa tulong ng ipon nilang mag-asawa.
Ilang beses na rin siyang pinakiusapan ng kanyang ina na bumalik na sa bahay ng kanyang mga magulang pero tumanggi siya. Gusto niyang patunayang kaya niyang mabuhay kahit na bulag na siya. Kasama naman niya ang alaga nilang mag-asawa na si Nymeria na alam niyang hinding-hindi siya pababayaan. Kaya wala nang nagawa ang kanyang mga magulang kundi pagbigyan siya.
"Exeriel, sorry kung nagpumilit akong tulungan ka," malungkot na sabi ni Erich na napansin niyang tila umiiyak na. "Aalis ako ngayon pero ano mang oras na kailangan mo 'ko, darating ako," paliwanag pa nito.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Mag-iiwan ako ng calling card sa gate. Kunin mo kung nararamdaman mong totoo ang mga sinabi ko sa 'yo," giit ni Erich bago niya narinig ang unti-unting paglalakad nito palayo habang patuloy na humihikbi.
Binalewala niya ang mga sinabi ni Erich at nagpatuloy sa paglalakad papasok sa kanyang apartment. Hindi niya kailangan ang tulong ng iba pang tao kahit pa totoo itong kapatid ni Erica.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------
"NYMERIA! Ano'ng nangyayari sa 'yo?!"
Hindi na nagdalawang isip pa si Erich at patakbong pumasok sa gate ng apartment ni Exeriel nang marinig niya ang pagsigaw nito. Mabuti na lamang hindi nakakandado ang pintuan nito kaya sa loob ng ilang minuto ay nasa harapan na niya ang umiiyak na lalaki habang yakap ang walang malay nitong alaga.
"Ano'ng nangyari sa kanya, Exeriel?"
Hindi na niya hinintay na makasagot pa ito dahil napansin niyang tila malubha ang kalagayan ni Nymeria. Inalalayan niyang tumayo si Exeriel habang karga pa rin nito ang aso.
"Kailangang magamot na agad siya," giit niya at hindi na sumagot pa si Exeriel. Mabilis din itong kumilos upang makalabas sila ng bahay.
Bago makalabas ng gate ay napansin niyang naroon pa rin ang calling card na inilagay niya roon. Binalewala na lamang niya iyon at mabilis na pinahinto ang dumaang tricycle. Agad silang sumakay roon at sinabihan niya ang drayber na dalhin sila sa pinakamalapit na beterinaryo.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------
NAKAHINGA siya nang maluwag nang sabihin ng beterinaryo na ligtas na si Nymeria. Nakakain diumano ito ng pagkaing mahigpit na ipinagbabawal sa mga aso kaya nawalan ito ng malay. Sa ngayon ay kailangan na lamang mapainom ito ng gamot upang tuluyang gumaling.
"'Wag ka nang mag-alala," aniya kay Exeriel nang mapansin niya ang pananahimik nito habang marahang hinihimas ang ulo ni Nymeria. "'Wag mong sisihin ang sarili mo dahil alam kong hindi mo sinasadya," paliwanag pa niya upang mapanatag ang loob nito.
"Maraming salamat sa tulong mo," mahina nitong sabi na nagpangiti sa kanya. Nararamdaman niyang iyon na ang simula ng pagiging malapit nilang dalawa.
"Your welcome. Nangako ako sa sarili ko at kay Erica na gagawin ko ang lahat para matulungan ka," paliwanag pa niya pero hindi na ito nagsalita pa.
Sa katunayan ay halos araw-araw siyang nasa labas ng apartment ni Exeriel upang bantayan ito. Sa loob ng halos dalawampung oras ay naghihintay siya sa pagtanggap nito.
Nagpasya siyang umupo sa upuang malapit sa pintuan ng clinic na iyon at hinayaan niya si Exeriel na ipagpatuloy ang paghimas nito kay Nymeria.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------
NANG muling magkamalay si Nymeria ay agad na itong iniuwi ni Exeriel sa kanilang apartment. Hinayaan niyang sumama si Erich dahil gusto na niyang malaman ang katotohanan sa pagkatao nito.
"Alam kong nagdududa ka pa rin kung totoong kapatid ko ba talaga si Erica kaya ipapaliwanag ko na ang lahat," paunang sabi ni Erich kaya hinayaan niya itong magsalita.
"Kakambal ko si Erica. Sanggol pa lamang kaming dalawa nang paghiwalayin kami ng mapaglarong tadhana. Halos dalawapu't limang taon pa ang lumipas bago ko nalaman ang katotohanang 'yon," malungkot na pagkukuwento ni Erich.
Ibig sabihin ay hindi na nalaman pa ni Erica na may kakambal siya, tanong niya sa sarili.
"Tama ka," sang-ayon ni Erich na tila ba nabasa nito ang iniisip niya, "Nang mabalitaan ng mga magulang ko na naaksidente si Erica ay agad nila akong tinawagan sa Thailand. Inamin nila sa akin ang buong katotohanan na halos limang taon nilang inilihim sa akin."
"Agad akong umuwi ng Pilipinas upang makita ang kakambal ko kahit sa huling sandali. Ipinakilala na rin ako ng mga kinilala kong mga magulang sa mga tunay kong mgs magulang kaya sa kabila ng kalungkutan ay naramdaman kong nabuo na ang pagkatao ko."
Naroon siya ng ilibing si Erica pero nakapagtatakang hindi siya ipinakilala ng mga magulang nito kay Erich.
"Nakiusap ako sa mga magulang ko na 'wag munang magpakilala sa 'yo dahil ayoko makadagdag lang ang katotohanang hatid ko sa kalungkutang bumabalot sa 'yo ng mga sandaling 'yon," paliwanag pa nito.
"Naiintindihan ko na," giit niya at bahagyang yumuko, "Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit mo gustong pumasok sa buhay ko? Ano ang totoo mong dahilan, Erich?"
Nararamdaman niya na hindi lang ang alaala ni Erica ang posible nilang kaugnayan ni Erich.
"Hindi mo na ba talaga ako naalala?"
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Naramdaman niya ang paghawak ni Erich sa kanan niyang kamay kaya agad niyang iniwas iyon.
Napansin niyang huminga nang malalim si Erich bago muling nagsalita. "Bago ko pa malaman ang katotohanan sa pagitan namin ni Erica ay matagal na tayong magkakakilala."
"Sino ka ba talaga, Erich?" inis niyang tanong dito.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------
MAS lalong sinakop ng kaba ang dibdib ni Erich nang mapansin niyang ang iritableng pagsasalita ni Exeriel. Pilit niyang ikinalma ang kanyang sarili upang tuluyang maipahayag ang katotohanan sa pagitan nilang dalawa, na matagal na niyang inililihim.
"Sixteen years old lamang ako nang makilala kita, Exeriel. Naging magkaibigan tayong dalawa sa loob ng isang taon pero unti-unti iyong nasira nang makilala mo ang totoong ako," paliwanag niya na nagpakunot sa noo ni Exeriel dahil sa pagtataka.
Saglit itong natahimik at malalim na nag-isip.
"'Wag mong sabihing ikaw si---"
"Oo. Ako si Erick Amorillo," putol niya sa sasabihin nito. "Nilayuan mo ako noon dahil nalaman mong bakla ako at mahal na mahal na kita," aniya sa kabila ng unti-unting paglalandas ng kanyang mga luha.
Mas lalo pang natahimik si Exeriel dahil sa rebelasyong ipinagtapat niya pero hindi nito maipagkakailang nabigla ito.
"Mas lalo akong nasaktan nang malaman kong girlfriend mo na si Erica. Nagalit ako sa kanya noon dahil pakiramdam ko ay inagaw ka niya sa 'kin. Pero sa huli, wala akong nagawa kundi tanggapin ang katotohanang hindi mo kayang mahalin ang katulad ko," paglalahad pa niya at tuluyan nang umiyak dahil sa sama ng loob.
Agad siyang lumipat ng eskuwelahan upang subukang kalimutan si Exeriel. Sa kabila nito, patuloy lamang pala niya itong mamahalin. Nang mga panahong iyon ay naisip niya na tuluyan nang baguhin ang kanyang sarili upang mahalin siya ng isang lalaki. Hindi man si Exeriel iyon, ang mahalaga ay may magmamahal na sa kanya.
Labing-walong taong gulang siya nang magsimulang uminom ng mga hormones upang maging isang ganap na babae.
Nang makapagtapos ng kolehiyo ay isang regalo ang ipinagkaloob ng isa niyang kaibigan, si Stellar. Isinama siya nito sa Thailand upang maoperahan na at magkaroon ng mga bahagi ng katawan ng isang babae.
Naging matagumpay ang operasyon at matapos ang ilang buwan ay isa na siyang ganap na transwoman. Patuloy siyang nanirahan sa Thailand sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang isang fashion designer sa boutique ni Madam Stellar.
Nanatili siya sa Thailand nang halos limang taon pero isang linggo bawat taon ay umuuwi siya upang makasama ang kanyang pamilya. Sa mga panahong 'yon ay nalaman niyang hindi pa rin nakakalimot ang puso niya sa pagmamahal kay Exeriel.
Sa katunayan, naroon siya sa mismong kasal nina Exeriel at Erica. Hindi niya alam kung bakit ginusto niyang saktan nang paulit-ulit ang sarili niya. Siguro nga, iyon ang paraan niya upang maging manhid at tuluyan na itong makalimutan.
"Ngayong transwoman na ako. Handa ka na bang tanggapin ako?"
"Tama na. Tumigil ka sa pag-iyak," maotoridad na sabi ni Exeriel at akma nang tatayo. "Narinig ko na ang buong katotohanan kaya puwede ka nang umalis---sa buhay ko," giit pa nito.
Hindi na siya nagsalita pa dahil sa sama ng loob. Masakit pa rin pala ang tanggihan ng taong mahal mo nang ilang beses pa. Inayos niya ang kanyang sarili at agad na tumayo.
"Salamat sa pagtulong mo kay Nymeria. Ako na ang bahala sa kanya," mahinahon nitong sabi bago pa siya nakalabas ng pintuan.
Aalis siya ngayon pero hinding-hindi siya lalayo sa piling ni Exeriel.
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
DAHAN-DAHANG lumuhod si Exeriel upang mailapag ang isang bouquet ng mga rosas sa puntod ng kanyang asawa. Sinamahan siya roon ng kanyang ina pero pansamantala itong umalis upang makausap niya si Erica.
"Ica, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na iniwan mo na ako. Ikaw pa rin ang laman ng puso't isipan ko."
Ngayong araw ang unang wedding anniversary nilang mag-asawa kaya gusto niya itong makasama kahit sandali lamang.
"Totoo nga ba 'yong sinabi mo sa 'kin kagabi?" malungkot niyang sabi nang maalala niya ang pakiusap nito sa kanyang panaginip. "Bakit mo hahayaang mahalin ko ang kakambal mo?"
Halos anim na buwan na ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay naaalala pa rin niya kung paano ipinagtapat ni Erich ang pagmamahal nito sa kanya sa loob nang mahabang panahon. Nang mga sandaling iyon ay inaamin niyang nakonsensiya siya dahil sa ginawa niyang paglayo noon kay Erick dahil lang sa pagiging bakla nito. Nainis din siya sa kanyang sarili dahil ilang beses pala niya itong nasaktan.
Inaamin niyang nilayuan niya noon si Erick dahil natakot siya sa sasabihin ng ibang tao sa kanilang pagkakaibigan. Subalit pinagsisisihan na niya ang ginawa niyang iyon dahil ngayon buo na ang pagtanggap niya sa mga bakla at iba pang l***q+. Alam niyang wala namang ginagawang masama ang mga ito kaya dapat lamang na tanggapin ng lipunan.
Sa kabila nito, hindi niya alam kung kaya rin ba niyang mahalin si Erich gaya ng pakiusap ng kanyang asawa.
Naantala ang kanyang pag-iisip nang maramdaman niyang unti-unting pumapatak ang ulan. Nanatili siyang nakaupo upang samahan si Erica sa pagtatampisaw sa ulan.
"Exeriel..."
Agad siyang napalingon nang marinig niya ang isang pamilyar na boses --- si Erich. Naramdaman niyang lumapit ito sa kanyang kinaroonan at pinayungan pa siya dahil napansin niyang hindi na siya nababasa ng ulan.
"Bakit ka nagpapaulan?"
Tumingala siya upang harapin ito. "Kanina ka pa ba rito? Bakit hindi ka lumapit para sa samahan ako?" sunod-sunod din niyang tanong dito.
"Kanina pa ako nagmamasid mula sa malayo," mahina nitong sagot.
"Thank you," aniya saka bahagyang ngumiti. "Sorry sa mga nagawa ko sa 'yo noon."
"Hindi mo kailangang mag-sorry. Mahirap mang tanggapin ang mga nangyari noon pero masaya ako na bahagi ka ng buhay ko."
"Salamat din sa pagiging bahagi ng buhay ko." Huminga muna siya nang malalim bago muling nagsalita, "Handa na akong papasukin kang muli sa buhay ko..."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Gusto kong maging magkaibigan uli tayong dalawa."
Ilang minutong natahimik si Erich hanggang sa narinig niyang umiiyak na pala ito. Nagpasya siyang tumayo upang yakapin ito.
"'Wag ka nang umiyak," aniya habang marahang hinahaplos ang likod nito, "Hindi ko pa alam kung paano tutumbasan ang pagmamahal mo sa 'kin pero puwede mo akong maging kaibigan."
Hindi na sumagot pa si Erich bagkus ay mas lalong humigpit ang yakap nito sa kanya.
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
HINDI makapaniwala si Erich na makakasama niyang muli si Exeriel kaya sa bawat araw na magkasama sila ay itinuturing niyang pinakaespesyal na alaala ng kanyang buhay. Halos araw-araw siyang nasa apartment nito upang makipagkuwentuhan at maalagaan ito kahit paano.
"Binabasa mo na naman ang mga libro ko?"
Napangiti siya nang marinig niya ang mga sinabi ni Exeriel. Hindi niya alam kung bulag ba talaga ito kaya nalalaman nito ang ginagawa niya.
Nang muli siyang bumalik sa apartment nito ay dinala niyang ang labindalawang libro ni Exeriel upang mapirmahan na nito.
"Sige nga, hulaan mo kung anong libro ang binabasa ko ngayon?" pang-aasar niya rito na tumabi pa sa upuang kinaroonan niya.
Kinapa nito ang librong hawak niya at ilang segundong hinaplos.
"Ito ang ikapito kong libro na isinulat ko, tatlong buwan bago kami ikasal ni Erica," detalyado nitong paliwanag sa kanya.
Muli siyang napangiti nang malaman niya ang kuwento sa librong All Of You. Isang kuwento ng walang hanggang pag-iibigan ng dalawang taong pinaglayo man nang mapaglarong tadhana ay muli pinagtagpo ng kanilang mga puso.
"Ito ang pinakapaborito ko," pag-amin pa niya na nagpangiti rin kay Exeriel.
"Maraming salamat pero hindi ko na kayang magsulat pa," dagdag pa nito na alam niyang may malalim na pinaghuhugutan.
"Ganoon mo na lang ba susukuan ang pagsusulat mo? Paano na ang taong sumusuporta sa mga kuwento mo?" sunod-sunod niyang tanong dahil naniniwala pa rin siyang mahal nito ang pagsusulat kaya makakaya nitong gawin iyon uli.
"Ayokong iwan pero paano ko pa gagawin 'yon kung bulag na ako?"
Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay ni Exeriel dahil isang ideya ang naisip niya.
"Ako ang magiging kamay at mga mata mo upang makapagsulat ka," seryoso niyang sabi habang nakatingin sa maamo nitong mukha, "Isusulat ko nang buong puso ang lahat ng kuwentong naglalaro sa isipan mo."
"Sigurado ka ba sa gusto mong gawin? Kakayanin mo bang gawin 'yon para sa akin?"
"Oo," matipid niyang sagot.
Hindi na nagsalita pa si Exeriel at mahigpit siyang niyakap.
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
ILANG linggo ang lumipas mula nang simulan ni Exeriel ang pagsusulat sa tulong ni Erich. Doon na rin ito natutulog upang maging tuloy-tuloy ang kanilang pagsusulat. Sa ngayon ay halos nasa walumpung porsyento na ang ikalabintatlo niyang kuwento na hindi pa niya binibigyan ng pamagat.
"Umiiyak ka ba?"
Ihininto niya ang paglalahad ng mga susunod na mga eksena sa kuwentong iyon nang marinig ang ilang paghikbi ni Erich.
Kasalukuyang itong nasa harap ng laptop niya at siya naman ay nakaupo sa upuang nasa tabi nito.
Hindi sumagot si Erich kaya kinapa niya ang balikat nito at niyakap niya ito mula sa likod upang mapanatag ang loob nito.
"Kung ako man ang nagpaiyak sa 'yo uli, patawarin mo 'ko..." bulong pa niya rito.
Inaamin niya sa sarili na mula nang makasama niya si Erich ay muli rin siyang napalapit dito. Unti-unti nitong naibalik ang inspirasyon niya sa pagsusulat gaya ng dulot ni Erica sa kanyang buhay.
"'Wala kang kasalanan sa 'kin," giit ni Erich. "Kanina, binasa ko uli ang buong kuwento na isinusulat natin at hindi ko naiwasang maramdaman ang kalungkutang nananaig sa bidang si Phoebe," paliwanag pa nito.
Naiintindihan na niya ang pinaghuhugutan ni Erich dahil ang totoo ay ito ang kumakatawan sa katauhan ni Phoebe. Sinadya niyang gawin iyon bilang pasasalamat sa pagiging bahagi nito sa buhay nilang mag-asawa.
"Pakiramdam ko... Ako si Phoebe," ani Erich at bumitaw sa kanyang mga bisig.
"Tama ka," nakangiti niyang sagot at marahang hinawakan ang pisngi nito, "Ituloy na natin ang pagsusulat dahil marami na ang naghihintay sa pagbabalik ko," dagdag pa niya.
"S-sige na nga," nauutal na sagot ni Erich bago muling umayos nang pagkakaupo.
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
HIS ONE AND ONLY. Ito ang pamagat ng ikalabintatlong libro ni Exeriel Castro na nakatakdang ilunsad sa mismong araw ng kaarawan nito.
"Handa ka na bang muling humarap sa kanila?" ani Erich nang mapansin niyang nananahimik si Exeriel mula nang dumating sila sa Jodin's Book Hub.
Huminga muna ito nang malalim bago nagsalita, "Hindi ako natatakot humarap sa kanila dahil alam kong kasama kita," nakangiti nitong sagot na biglang nagpakabog sa puso niya.
Ano bang ibig mong sabihin, Riel?
"Erich..." Mas lalo pang bumilis ang t***k ng puso niya nang bigla nitong hawakan ang kanan niyang kamay, "Maraming salamat sa pananatili sa tabi ko, sa buhay ko."
Ilang beses siyang lumunok upang labanan ang kanyang kaba.
"Pangako, hinding-hindi kita iiwan," sagot niya saka marahang hinalikan ang noo ni Exeriel.
Nasa ganoon silang tagpo nang dumating si Ms. Margaux at sinabing magsisimula na ang booksigning. Napangiti na lamang sila habang naglalakad patungo sa mismong stage ng mall na iyon.
Halos ilang libong tao ang naghihintay kay Exeriel kaya malalakas na sigaw ang sumalubong sa kanilang pagdating. Magkatabi silang naupo sa upuang naroon dahil siya ang tutulong dito sa pagpirma nng mga libro.
Habang pumipirma si Exeriel ay iba't ibang bulungan ang narinig niya mula sa mga tao. Bukod sa pagiging tagapagsulat nito, sino raw ba siya sa buhay ng paborito nilang manunulat?
"'Wag mo na silang pansinin," pasimpleng bulong sa kanya ni Exeriel nang marinig din nito ang mga bulungang iyon.
Mahigpit pa nitong hinawakan ang kanyang kamay kaya kahit paano ay gumaan ang loob niya.
Makalipas ang halos tatlong oras ay napirmahan na ni Exeriel ang mga kopya ng pinakabago nitong libro. Pinapunta ito sa harap ni Ms. Margaux upang magbigay ng huling mensahe sa mga tagasuporta nito.
"Maraming salamat sa patuloy n'yong pagsuporta sa aking mga kuwento. Hindi ko maisusulat ang aking bagong libro kung wala ang tulong ng isang babaeng mahalaga sa akin," ani Exeriel na mas lalong nagpahiyaw sa mga tao.
Muli siyang nakaramdam ng kaba dahil sa mga sinabi nito, lalo pa't nakaharap ito sa gawi niya.
"Siya ang nagsilbing inspirasyon upang bumalik ako sa pagsusulat. Higit sa lahat, siya ang nagparamdam sa akin na dapat akong magpatuloy sa buhay sa kabila ng mga trahedyang nangyari sa aming mag-asawa."
Unti-unti na siyang napaiyak dahil sa pasasalamat ni Exeriel kaya dahan-dahan na siyang lumapit dito.
"Maraming salamat sa 'yo, Erich," ani Exeriel nang maramdaman nitong hinawakan niya ang kaliwang kamay nito. "Hinding-hindi ko hahayaang mawala ka sa buhay ko," dagdag pa nito habang kinakapa ang kanyang pisngi.
Tama ba ang nararamdaman niyang mahal na nga rin siya nito?
"I live to love you for a lifetime, My One and Only, Erich," malambing na sabi nito bago siya mariing hinalikan sa mga labi.
Ilang minutong tumagal ang kanilang halik kaya mistula siyang lumulutang sa hangin dahil sa kaligayahan.
"I live to love you too, My One and Only, Exeriel," sagot niya na alam niyang narinig pa rin ni Exeriel sa kabila nang malakas ng palakpakan ng mga tao.
Mahigpit pa nitong hinawakan ang kanyang kamay habang nakaharap sila sa mga taong naroon. Muli siyang napaiyak nang mapagtanto niya ang buong pusong pagtanggap sa kanya ni Exeriel. Gayundin ang unti-unting pagtanggap ng mga tao sa kanilang relasyon.
Wakas.
Mysterious Eyes | Xerun Salmirro