CHAPTER 2

1859 Words
"Isang order nga ng kaldereta tsaka itong kilawin na kambing, Miss," ani ng isang construction worker na nagt-trabaho lang malapit dito sa karinderya. Malapit lang kasi ang pwesto nitong maliit na karinderya ni Aling Susan sa construction site, kaya halos ang customer namin ay mga trabahador doon. "Yun lang ba?" tanong ko, naghihintay kung may idadagdag pa ba siya sa in-order niya. Sinulyapan muna nito ang iba pang putahe sa menu namin ngayong araw. Isa isa nitong binuksan ang takip ng mga ulam bago nagsalita. "Ah, padagdag na rin ako ng isang order nitong igado, babe!" Narinig ko ang tawanan at pagsipol ng mga kasamahan niya na nakaupo sa mesang malapit lang sa counter kung nasaan ako. "Whoo! Baldog, lakas mo pre!" sigaw pa ng isa. Hindi ko na pinansin ang mapanuyang tingin niya matapos akong tawagin na gano'n, pati na rin ang kantiyawan ng mga kasama niya. Dumiretso ako sa lalagyan ng mga mangkok sa tabi lang ng water dispenser upang kumuha ng lalagyan ko para sa kanyang in-order. Sanay na ako sakanila, hindi lang naman siya ang tumatawag sa akin ng gano'n, halos lahat ata ng umo-order at customer dito sa karinderya e kung ano ano ang tinatawag sa akin. "Virgo, iha, dito ka nga muna sa likod, palitan mo si Joanna sa paghuhugas at masama raw ang pakiramdam," tawag sa akin ni Aling Susan. Tumango ako at agad na binitawan ang hawak na mangkok. "Pauwiin niyo na po at ako na ang papalit, baka ho lumala pa." "Oo nga't sinabihan ko na, ako na muna riyan at malapit na rin naman tayo magsara." "Sige po," sambit ko at dumiretso na sa loob para simulan ang paghuhugas. Paniguradong kaunti lang ang huhugasan dahil hindi naman madami ang customer na kumakain ngayon. Madali na rin lang ang paghuhugas dahil balot naman sa plastic ang mga mangkok na ginagamit namin kapag may order, kahit plato ay gano'n. Isa 'yon sa teknik ng mga karinderya dito sa amin, para hindi sayang sa panghugas na sabon at hindi rin kami mapagod sa paghuhugas. Halos kutsara, tinidor at sandok lang ang hinuhugasan namin dito, idagdag mo na rin ang mga baso. Naabutan ko si Joanna na nag aayos na ng sarili para makauwi na. Mukha ngang masama talaga ang pakiramdam dahil halata ang pamumula ng kanyang mata at ang matamlay na kilos. Naglakad ako palapit sakanya sabay tapik sa kanyang balikat. "Ako na rito, sabi ni Aling Susan umuwi kana muna raw at magpahinga." Binigyan naman niya ako ng isang matamlay na ngiti. "S-Sige, salamat, ha? Ilang gabi na kase akong puyat kakabantay sa nanay ko, nasa hospital kase, inatake nanaman." Tumango naman ako at hindi na siya kinausap dahil nahalata ko ang paos niyang boses. Sakitin talaga ang nanay niya, laman 'yon lagi ng hospital. Matigas din kase ang ulo, wala atang araw na hindi 'yon uminom ng alak. Isang linggo na mula nung nagsimula ako sa pagtatrabaho dito kay Aling Susan, noong una ay taga hugas lamang ako ng pinggan ngunit kalaunan ay tumutulong na rin ako sa pagkuha at pagserve ng mga ino-order ng mga customer. Ako at si Aling Susan lang ang gumagawa no'n at si Joanna ay nasa loob lang at nag aantay ng mga huhugasan, sa pinaka likod naman ang dalawang pamangkin ni Aling Susan na siyang nagluluto ng mga putahe. Sabado ngayon kaya't maaga kaming magsasara, tuwing linggo naman ay wala kaming pasok. 250 kada araw ko dito at libre na rin ang pagkain namin. Mabait si Aling Susan bilang amo kaya wala namang problema. Sa lunes ang simula ng pasukan kaya naman ang naipon ko sa loob ng isang linggo ang siyang ipambibili ko ng mga gamit at ng bagong bag. Hindi pa kami required mag uniform kaya naman may oras pa ako para mag ipon sa ipambabayad ko sa magtatahi. Napag usapan na namin ni Aling Susan ang magiging trabaho ko sakanyang karinderya kapag pasukan na. Gigising ako ng mga alas kwatro ng umaga at tutulong sa karinderya hanggang sa mag alas otso dahil alas nuebe ang simula ng aking klase at uuwi pa ako ng bahay para maligo at mag ayos. Sa tanghali ay doon din ako kakain sakanila at pagkatapos ay tutulong din sa pag serve, sa hapon naman uwian ay didiretso rin ako sakanila at maghuhugas ng mga matitirang hugasin pagtapos nang shift ni Joanna. Ayokong bitawan ang pinasukan kong trabaho kahit alam kong mahirap isingit sa magiging schedule ko sa college, wala akong choice dahil wala namang magsusustento sa akin sa pag aaral. Hindi na baleng mahirapan basta makapag tapos. Pawis galing sa mahabang paglalakad mula sa karinderya pauwi sa bahay, natigil ako sa pagpasok sa nang makita si Ate Lyra na nakaharang doon. "Anong ulam?" napangiwi ako sa pagsalubong niya sa akin. Itinukod ang dalawang kamay sa magkabilang kanto ng pinto at ngumunguya nguyang tinitigan ako. Gabi na at natagalan ako sa pag uwi dahil nakipag kwentuhan pa ako saglit kay Aling Susan at sinabi ang mga plano ko para sa pasukan. "Ate, wala po ba riyan? Magluluto po ak–" "Bobo ka ba? Kaya nga nagtatanong ako kasi wala 'di ba?" angil niya. Nakapamewang pa siya sa harap ko at kita kong suot nanaman niya ang damit ko, pumasok nanaman siguro 'to sa kwarto ko. Wala man lang akong privacy sa bahay na 'to, hindi rin uso sakanila ang magpaalam basta nalang kuha nang kung ano doon. Kaya ang iniipon kong pera ay lagi kong bitbit dahil makakati ang kamay nila, lalo na si Enzo. "Kagagaling ko lang sa karinderya, Ate. H-Hindi.. uhm, hindi ko alam kung may stocks ba tayo o wala." "Galing ka na pala sa karinderya hindi mo man lang ba maisip mag uwi ng makakain?" singit naman ni Kuya Fred. Maangas siyang naglakad papunta sa akin, ibinalandra niya ang payat at halos kita na ang buto ng dibdib niya sa harapan ko. Maangas na nakayuko upang tignan ako, mas matangkad kasi siya sa akin. Nakasabit pa sa balikat niya ang gutay gutay na damit na lagi niyang suot. Pinaningkitan niya ako ng mata. "Wala akong pera pambili, K-Kuya," bulalas ko. "Anong wala?" sigaw niya sa akin. "Huwag mo sabihing libre ang pagtatrabaho mo sa karinderya nila Aling Susan?" Umiling ako at yumuko, mukhang alam ko na kung saan 'to patungo... hindi pwede. Kagat labing pinigilan ko ang pagsagot uli. Kapag sagot ka kase ng sagot, mas lalo lang 'tong hahaba. Hindi pa naman sila marunong magpatalo. "Hindi ka magsasalita? Ano, pipi kana ngayon, ha?" Galit na utas nito sabay lapit sa akin. Napalunok ako at napatayo ng maayos nang makitang aambahan na niya ako ng suntok. "K-Kuya, ipon ko p-po kase 'yon, pambili ng mga gamit ko sa p-pasukan," nauutal at napipilitan kong sagot. Mas priority ko ang pag-aaral ko, hindi ko naman sila responsibilidad kaya ba't ko sila bibilhan? Ako ba ang magulang nila? Himuktol ko sa utak ko. "Ah, so uunahin mo 'yang pansarili mong kahibangan kesa sa amin dito? Ang selfish mo naman yata, Virgo? Pinapakain ka at pinapatuloy rito ni Mama, tapos wala ka man lang utang na loob?" Napapitlag ako sa lakas ng boses ni Ate Lyra. Kahibangan ba ang pag-aaral? Kung para sakanila, oo, sa akin hindi. Iyon pa nga ang nakikita kong paraan para tuluyang makaalis dito sakanila. "Amin na 'yang bag mo," galit na utos sa akin ni Kuya. Umiling ako at hinawakan ng mahigpit ang bag ko. "Kuya, bibil–" "Amin na sabi!" sigaw niya sabay hablot at bukas sa aking shoulder bag. Mabilis ko siyang hinabol nang naglakad siya papasok ng bahay. "Kuya! Pambili ko nga 'yan ng gamit!" habol ko sakanya nang makitang nabuksan na niya ang bag ko. "Wag kang madamot, p*ta ka! Kanina pa kami nagugutom at wala sila Mama nasa palengke pa!" Nakita kong kinuha niya ang buong isang libo sa wallet ko at agad na inutusan si Enzo na bumili ng pagkain sa labas. Tatawa-tawang lumabas si Enzo habang inaamoy-amoy pa ang pera ko sa mismong harap ko na tila nang-aasar pa. Nangilid ang luha ko kasabay ng pagbato niya ng bag at wallet ko sa sahig, walang patawad na kinuha pa ni Ate Lyra ang 500 na natitira sa aking wallet. "Akin na 'to, ha? Kelangan ko ng bagong damit dahil natanggap ako sa trabaho, kung sana nagbigay ka na lang agad ng pambili at wala nang maraming satsat," aniya at inirapan pa ako bago umalis. Humikbi at tuloy tuloy na nagsi-tuluan ang mga luha ko habang pinupulot ang mga gamit kong nakakalat sa sahig. Mga walang awa! Walang puso! Ang pinaghirapan ko para sa pambili ng gamit ay kukunin lang ng mga mapang alipustang magkakapatid. Nakakasawa, lahat nalang... Wala akong maapuhap na salita, hindi ako makatanggi sakanila at mas lalong hindi ako pwedeng manlaban. Sa oras na sumagot ako sakanila, paniguradong pagbubuhatan ako ng kamay ni Kuya o mas masama pa do'n e pagtulungan nila akong magkapatid. Idagdag mo pa na baka palayasin ako ni Mama dahil kahit sila ang may kasalanan, ako pa rin lagi ang mali at masisisi sa huli. Umakyat ako sa hagdan at humahagulgol na tinungo ang aking kwarto. Nilapag ko ang mga gamit ko sa aking kama at umiiyak akong nagbihis ng isang simpleng jogging pants at ang nag iisa kong hoodie. Regalo pa sa akin 'to ni papa. Pupunta ako kay Aling Susan at manghihiram ng pera, bukas lang ako makakalabas papuntang bayan para makapamili at hinding hindi ko isusuko ang pag-aaral. Alam kong papahiramin ako no'n at siya lang naman ang pwede kong lapitan ngayon. Malayo ang bayan dito sa amin at may schedule ang mga jeep na pwedeng sakyan. May mga tricycle naman pero doble ang pamasahe, kailangan kong magtipid para sana hindi ako makulangan sa pambili ng mga gamit, ang kaso lang... wala na akong pera ni piso ngayon dahil sakanila. Magbabaka-sakali ako. Ito ang unang beses na uutang ako sakanya, kakapalan ko na ang mukha ko. "Saan ka pupunta, aber?" tanong ni Mama na kakarating lang at nakita akong pababa ng hagdan. Hindi ko siya sinagot dahil sa sama ng loob at pakiramdam ko'y paos na ako sa kakahikbi kanina pa sa aking kwarto. "HOY, VIRGO! HINDI KA SASAG–" Tuloy tuloy akong naglakad palabas at hindi pinansin ang isa pang tawag sa akin ni Mama, bahala na kung pagalitan niya ako mamaya, basta ang gusto ko lang ay makalayo muna saglit sa bahay na 'yon. Mabilis akong naglakad sa madilim na kalsada na wala halos kailaw ilaw at tanging huni ng mga insekto ang maririnig. Ang maliit at munting ilaw lang ng flashlight mula sa aking de keypad na cellphone ang nagsilbing gabay ko sa paglalakad. Napahinga ako ng malalim nang makita na ang dalawang palapag na bahay nila Aling Susan. Hindi naman kalayuan ang kanilang bahay mula sa amin kaya mabilis lang akong nakarating. Maganda ang kanilang bahay at makikitaan mo nang pagka-marangya, walang anak si Aling Susan at puro pamangkin lang ang kasama sa bahay. Wala rin siyang asawa. Huminga muna ako ng malalim at kinalma ang sarili, ayoko namang humarap sakanya na mukhang pinagsakluban ng lupa. Ayokong kinakaawaan ako, hindi ko kailangan ng awa, ang kailangan ko ay tulong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD