CHAPTER 1

1681 Words
Muntik na akong mapatalon sa gulat nang makarinig ako ng malakas na kalabog sa pinto ng aking kwarto, mabigat na pagkatok ang aking naririnig at tuloy tuloy na para bang nagmamadali. Kinusot ko ang aking mata sabay tingin sa orasan sa gilid ng aking kama, 6:40 na ng hapon wala pa akong isang oras na nakatulog. Ramdam na ramdam ko pa rin ang pagod, maghapon akong naglinis at nag-ayos dito sa bahay dahil may mga bisita raw ang kuya ko kinabukasan. “VIRGO! BUBUKSAN MO ‘TO O WAWASAKIN KO ANG PINTO?” Napapitlag ako sa sigaw ni Mama sa labas, daglian kong tinungo ang pinto sabay bukas nito. “S-Sorry, Ma, nakatulog kase a–“ “Aba’y wala akong pakiealam! Ikaw na bata ka, pagod na pagod kami galing sa pagtitinda ng mga gulay sa palengke tapos dadatnan naming wala pang pagkain?” galit na galit na sigaw ni Mama sa akin. Napatungo ako. “Ma, katatapos ko lang ho kase maglinis ng bahay, asan po ba sila Ate Lyra?” Pinandilatan niya ako ng mata at dinuro-duro sa noo. “Aba’t sumasagot ka pang bata ka, ha? Ano ka dito, prinsesa? Busy ang Ate mo do’n sa pinag a-apply-an niyang trabaho at ang Kuya mo ay nasa galaan pa, sinong gusto mong magluto? Si Enzo?” nanggigigil na bulyaw ni Mama. Si Enzo ang bunso at spoiled kong kapatid, kung tutuusin sa edad no’n na 16 years old e kaya nang magluto, kaso naalala ko hindi nga pala ‘yon mautusan dahil buhay prinsipe sila ng Kuya ko dito sa bahay. Isama mo pa ang tiyuhin kong manyakis na ewan ko ba kung anong nagustuhan ng Mama ko ro’n. “Sige, Ma, bababa na po ako para makapag-luto,” mahinahon kong sambit. “Aba, dapat lang, Virgo! Kung ayaw mong mapalayas ay kumilos kilos ka, ha?” sabay martsa pababa sa hagdan naming kahoy. Nag-ayos na ako ng sarili at pinalitan ang maikling short na suot ko bago matulog ng isang jogging pants, mahirap na at binahay pa naman na ni Mama ang manyakis na “boyfriend niya kuno” at wagas kung makatingin sa katawan ko. Hindi ako tanga para magsuot pa ng maiiksi kapag nandiyan siya. Bumaba ako sa hagdan at naabutang nanonood sa bagong biling laptop ang aking bunsong kapatid, bago nanaman. Hindi ko alam kung saan kumukuha ng pera sila Mama samantalang pagbebenta lamang ng gulay ang aming pinagkaka-kitaan. Nagkibit balikat na lamang ako at dumiretso na sa kusina upang simulan ang pagluluto. Walang stock sa ref kaya kinuha ko nalang ang dalawang lata ng meatloaf sa kabinet at ‘yun ang sinimulang lutuin. May pambili ng laptop pero walang pambili ng stocks. “Balita ko’y nag-enroll ka raw sa isang unibersidad?” Napalingon ako sa nagtanong at nakita ang matalim na tingin sa akin ni Mama habang pinupunasan pa ang kanyang basang buhok na mukhang kagagaling lang sa pag-ligo. “Opo, Ma. Mag aaral po ako ng kolehiyo,” ani ko sabay iwas ng tingin. “Anong sinabe ko sayo, Virgo? Hindi ba’t sinabi kong hindi na kita pag aaralin sa kolehiyo? Ang kitid talaga ng kokote mo, hindi ko kayang bayaran ang matrikula ni Enzo sa eskwelahan kung sasabay ka pa sa gastusin!” “Ma, sa public po ako nag-enroll at libre naman po ang matrikula, uniporme at ilang libro lang ang babayaran.” “Wala akong pake! Kung gusto mong mag aral e ikaw ang magbayad ng mga kakailanganin mo dahil wala kang aasahan ni singkong duling mula sa akin at sa tiyo mo, masiyadong mataas ang pangarap mo wala ka namang kwenta,” bulyaw nito sabay talikod at umakyat sa kanilang kwarto. Nangilid ang luha ko ngunit hindi ko hinayaang tumulo ni isang patak ng luha. Sanay na ako, musmos pa lang ako ay ganito na ang turing nila sa akin. Lumaki ako sa hindi ko tunay na ina, oo hindi ko siya tunay na ina. Nangaliwa si Papa noon at ako ang naging bunga, kinuha niya ako sa totoo kong ina dahil nagkasakit daw ito at namatay. Noong una ay hindi ako matanggap dito sa loob ng pamamahay nila pero dahil si Papa ang nagpumilit ay wala silang magawa. Grade 7 ako nang nagsimulang magkasakit si Papa, ako ang itinuturing na malas dito sa pamilya kaya naman nang tumuntong ako ng grade 8 at namatay si Papa, mas lalo nila akong pinakitaan ng masamang pag-uugali. “Jena, nadinig kong pinapagalitan mo ulit ‘tong si Virgo, ano ka ba naman?” tanong ng manyakis na kinakasama ni Mama habang nasa harap kami ng hapag. “Ano ka ba, Pael, dapat lang sakanya 'yan! Akala mo kung sinong mayaman at may balak pang mag kolehiyo imbis na magtrabaho na’t magkaroon man lang ng kwenta rito." Narinig kong natawa ang aking bunsong kapatid sabay tingin sa’kin. Walang galang. Bastos. 'Yan ang nasa isip ko nang sinulyapan ko siya, gusto kong samaan ng tingin ang pesteng ‘to pero ako lang ang mapapasama kaya malamig ko lang siyang tinignan. “Magpa-part time po ako sa karinderya nila Aling Susan, nakiusap po ako na kung pwede kahit taga hugas ng pinggan, ako na po ang bahala sa gagastusin ko,” singit ko sakanila. Para wala ng dada, ako na ang gagawa ng paraan para mapag-aral ang sarili. Alam ko naman talagang hindi nila ako susuportahan sa pagkokolehiyo. “Pwede namang ako na ang magbayad kung hindi mo kaya, mainit sa karinderya nila Susan, hindi ka bagay roon at masisira ang kutis mong pang amerikana.” Umiling ako. No thanks! Mas gugustuhin ko pang mamalimos kesa tumanggap ng pera galing sa'yo! Lintanya ko sa aking isipan. “Pael, huwag mo ngang ginagatungan ang mga kapritso niyan, wala ngang iniwan ni piso ang nanay niyan bago namatay at kung hindi lang dahil kay Ramon e nasa kalsada na ‘yan at palaboy laboy.” Umikot sa pagtatalo nilang dalawa ang buong oras ng pagkain namin, tahimik akong umakyat papuntang kwarto nang tapos na akong maghugas ng mga pinagkainan. Alam kong mamaya pa uuwi si Ate Lyra at Kuya Frederick kaya bababa nalang uli ako mamaya para hugasan ang kanila. Hindi kalakihan ang bahay na pinatayo ni Papa, meron lamang itong limang maliliit na kwarto, tatlo sa taas at dalawa sa baba. Magkasama sa iisang kwarto si Mama at ang aking tiyuhin, tag iisa naman kami ng kwarto nang iba ko pang mga kapatid. Madaling masabi na hindi ko nga sila kapatid dahil kung sila ay kayumanggi ang kulay ako naman ay parang pinaliguan ng sandamakmak na kojik dahil sa kinis at puti ng balat ko. Ang sabi kase ni Papa ay maputi raw ang aking totoong ina at may lahi. Nawala ako sa pagmumuni-muni nang makasalubong ko ang aking tiyuhin na may ngisi sa labi, nakahubad pa at nakabalandra ang bilog na bilog niyang tiyan na akala mo e buntis. Lumihis ako ng daan dahil talagang pasalubong siya sa’kin ngunit dagli niya rin akong hinarangan. “Ke-ganda mo nga naman talagang bata oo, dalagang dalaga ka na at mukhang hinog na hinog,” utas nito. Napangiwi ako sa kamanyakan niya. “Wala po akong panahon para makipag biruan, magpapahinga na po ako,” saad ko sabay lihis ulit ng daan at nilagpasan siya. Natawa lang siya sa lamig ng aking pagkakasabi. “Kaya mo siguro gustong magkolehiyo para makabingwit ng lalake, ano?” aniya. “Sabagay, madali lang sayo ‘yon! Isang sulyap lang sa'yo makakahatak kana ng atensyon,” pahabol pa nito ngunit hindi ko na pinansin. Wala akong pake sa mga hinuha nila, ang gusto ko lang ay makapag-aral at makapag-tapos. Gusto kong may marating sa buhay para makaalis at makabukod na ako sakanila. Nang makapasok sa aking kwarto ay dumiretso nalang ako sa aking kama sabay upo. Ramdam ko pa rin ang pagod pero hindi muna ako natulog, binuksan ko lang ang bintana sa tabi ng aking kama at nilanghap ang simoy ng sariwang hangin. Virgo…naalala ko ang sinabi ni Papa about sa pangalan ko. Tunog pang lalake pero ito raw ang gusto ng totoo kong Mama. Virgo–something about perfection, hindi ko alam bakit 'yan ang naisip niya. Minsan tuloy ako napagkakamalang transgender. Tumingala ako sa langit at nakita ang maraming bituwin. Kung hindi kaya namatay ang tunay kong ina, sila pa kaya ni Papa? Maganda kaya ang magiging buhay ko? Ano ang kinamatay niya? Kung buhay siya, papayag kaya siyang kunin ako ni Papa? Ang daming tanong sa isip ko na hindi ko makuhanan ng sagot. Nangilid sa luha ang aking mga mata, matagal na akong nangungulila sa pagmamahal ng isang ina, ng magulang. Hindi ko naramdaman ‘yon simula pagkabata, ni kahit kaibigan sa eskwelahan ay wala ako dahil sa paninira ng aking mga kapatid. Dahil sa pandidiri nila sa akin dahil anak daw ako sa labas, wala akong magawa kung 'di sanayin ang sarili na mag isa. I feel so helpless. Napagdesisyunan kong bukas na bukas din ay papasok na ako sa karinderya nila Aling Susan. Sabi niya ay pwede na akong magsimula anytime. Mabait si Aling Susan, hindi siya gaya ng iba na mapanghusga. Halos siya na ang tumayong ina sa akin, kapag nakakasalubong niya ‘ko ay pinapapunta niya ‘ko lagi sa kaniyang karinderya at pinapakain. Binibigyan niya rin ako minsan ng mga bagong damit, patago nga lang dahil baka pagalitan ako ni Mama. Mahirap ang mag isa, sobrang hirap. Iniisip ko nalang na magpakatatag at tiisin na muna ang pang aalipusta nila. Kapag natupad lahat ng plano ko, hinding hindi na muli ako magpapa-alipin kahit kanino. Sa ngayon ay kailangan ko munang magtiis at pagbutihin ang pag-aaral hanggang makatapos. Nasulyapan ko ang orasan sa gilid ng aking kama, alas nuebe na pala at wala pa rin akong naririnig na dumating ni isa kila Ate Ly at Kuya Fred. Sa mga ganitong pagkakataon at oras, alam kong hindi na uuwi ang mga ‘yon at mag i-sleep over nanaman, kaya hinanda ko na lamang ang sarili sa pagtulog. Pumikit na ako at nagdasal. Humiling ako sakanya ng panibagong lakas para bukas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD