“Pero bakit naman siya nagpakamatay?” hindi ko napigilang usisain. Lalong dumilim ang mukha ni Romano at tumiim pa lalo ang bagang niya at sumungaw ang galit sa mga mata niya. “Walang nakakaalam nito dahil hindi ko sinabi kahit kanino. Kahit gano’n ang ginawa niya sa akin, ginusto ko pa ring protektahan ang pagkatao niya dahil wala na siya para depensahan ang sarili niya. Kung sasabihin ko ang totoong dahilan ng pinag-awayan namin noon, sasabihin lang nilang sinisiraan ko lang si Josephine,” hirap ang kaloobang sagot pa niya. Napalunok naman ako at hindi agad makahuma sa sinabi niya. Nag-away sila tapos nagpakamatay na si Josephine? Ano’ng pinag-awayan nila at gano’n kalala ang kinahinatnan? Tumindi ang curiosity ko at hindi na ako makapaghintay na malaman pa ang iba at totoong nangyari

