Nawala ang antok ko ng dahil sa sinabi ni Josh. Nakatunganga akong nakatingin sa kanya habang siya naman ay seryosong nakatingin sa'kin. "How about it, Nao?" Ulit niyang tanong.
"A-akala ko ba ayaw mong kumuha ng secretary." Nauutal kong tanong. Inayos ko ang pagkakaupo sa harapan niya.
Nagtataka na talaga ako sa mga ikinikilos ni Josh lately. Wala siyang kinukuhang secretary noon pa man. Para kay Josh napaka annoying ng mga babae, tama na daw na ako lang. Ayaw din naman niyang kumuha ng lalakeng sekretarya kasi napapangitan siyang tingnan.
Kunsabagay, nakayanan niyang itaguyod ang negosyong naiwan ng mag-asawang Boaz ng mag-isa. Palagi namang ganun. Gusto niyang siya lahat ang gumagawa, ang umaasikaso. Kaya naman lumaki akong nakasanayan na nandyan siya palagi. Lumaki akong sa kanya palagi nakasandal. Kasi ganun niya ako pinalaki.
Minsan naiisip ko na hindi na maganda ang pagiging dependent ko sa kanya, dahil ganun din siya sa'kin. Minsan din may mga bagay na hindi ko nagagawa para kay Lord, kasi mas inuuna ko ang kung ano man meron kami ni Josh. Lagi akong naiipit sa pagmamahal ko sa kanya at sa pagmamahal ko sa Diyos.
"Kailangan ko na ng secretary ngayon. Simula next week sa Marc Pole na ako mag-oopisina." Sabi niya na may halong buntong-hininga na para bang napipilitan lang siya sa kanyang gagawin. Wait. Sa Marc Pole ba kamo ang sabi niya?
Alam kong late reaction na pero nagulat talaga ako.
"Bakit dun? Kaya ba nagpupuyat ka dahil sa Marc Pole?"
Isa siya sa board members ng hotel na yun pero hindi naman nangingialam si Josh sa pagpapatakbo nito. May sarili naman siyang kompanya, isang advertising company na ngayon ay may limang branches na nationwide. Ang pagiging board niya sa Marc Pole ay sinunod niya lang sa yapak ni tita Miriam. Wala naman siyang magagawa kung ibinoto siya ng karamihan.
Pinisil-pisil ni Josh ang kanyang sintido, mas lalo ata siyang naistress dahil sa tanong ko. Kaya naman tumayo ako at hinawi ang kanyang kamay, ako na mismo ang nagpresentang humilot sa kanyang ulo. Hindi ko naman ginustong maistress siya lalo. Napapikit siya sa ginawa kong panghihilot, senyales na ginaganahan siya.
"Kung ayaw mo dun, maari mo namang irefuse ang offer ng tito mo. Hindi naman natin kailangan ng malaking pera. Sapat na yun kung anong meron ka sa kompanya."
"Binantaan ako ng matandang yon na ipu-pull out niya ang shares nila sa Marc Pole pag hindi ako ang tumayong President." Naiirita niyang sabi. Napatigil ako sa panghihilot.
"He would go that far?"
Tumango siya. Imbes na ipagpatuloy ko pa ang pagmamasahe ay hindi ko na nagawa, inabot na kasi ni Josh ang mga kamay ko at hinila ng palapit sa kanya, dahilan para mayakap ko siya sa likuran. Nakakawerla talaga ang lalakeng to, ang hilig humila! Kung alam niya lang kung gaano na ako naapektuhan sa pinaggagawa niya!
Inihilig niya ang kanyang mainit na pisngi sa kaliwa kong braso, lumalakas na rin ang pintig ng puso ko. Ano ba to. Parang hindi pa ako nasasanay, eh lagi naman siyang ganito!
"Ang Doromal ang may pinakamalaking shares sa Marc Pole. Malaking kawalan sa hotel pag kumalas si tito Lucas. Maari itong malugi at alam mong ayokong mangyari yun. Mahalaga kay Mama ang Marc Pole." Malungkot niyang sabi.
"Ba't hindi na lang ang tito mo ang mag-manage, siya naman pala ang may malaking share." Komento ko naman. Inhale. Exhale. Ramdam ko sa braso ang init ng kanyang hininga. Gosh naman!
"Isa lang ang ibig sabihin nun, Nao. Matanda na siya at kailangan niya ng mapagkakatiwalaan sa kayamanan niya. Babae ang anak ni tito Lucas at naturingang hindi magaling sa negosyo."
Napasinghap ako.
"Ganun naman pala, eh di tanggapin mo na lang ang alok niya. Sa tingin ko wala namang masama dun, unless kung ayaw mo talaga." Sabi ko naman sabay higpit ng pagyakap ko sa kanya. Sorry Josh, bulong ko sa sarili, pero hanggang yakap lang talaga ang mabibigay ko sayo hanggat hindi pa tayo kasal.
Napakurap na lang ako ng kumalas si Josh sa mga braso ko, saka niya ako hinarap. Parang may hindi siya nagugustuhan sa sinabi ko. Ano na naman bang mali dun?
"Don't you get it, Nao? Pag tinanggap ko ang posisyon mas lalo akong magiging busy. May mga panahong kailangan kong umalis at maiiwan ka. Tatlong araw nga lang akong nawala, pagbalik ko ang payat-payat mo na." Deretsahang sabi ni Josh na ikinagulat ko. Oo nga naman!
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya, nakakatunaw na kasi ang malapitan niyang titig. Binaling ko na lang sa sahig ang mga mata ko. Hayys. Buhay nobya na parang hindi naman. Lord, kailan ba kasi ako yayayain ni Josh ng kasalan? Yon na lang talaga ang kulang sa amin, eh. Kung ikakasal na ba ako sa kanya ay may posibilidad na tatanggapin Ka niya? Pero kaya ko pa namang maghintay...maghihintay ako.
"K-kung magiging secretary mo ba ako ay maaari akong sumama sayo kahit saan at kailan?" Nahihiya kong tanong. Like duh. Feeling teenager lang kahit hindi naman.
"Wherever I go. Pero Nao..." Sambit niya habang hinawakan ang baba ko para tingnan siya. "Would you like it? If you become my secretary, you might have to sacrifice your church activities. What will you choose then?"
Pakiramdam ko ay tumigil bigla ang ikot ng mundo ko. Hindi agad ako nakapagsalita.
You might have to sacrifice your church activities.
Might have to sacrifice your church activities.
Sacrifice your church activities.
Yun ang mga salitang nagpabalik-balik sa aking utak. Ayokong nahihiwalay kay Josh ng matagal. Hindi ko kakayanin na lagi siyang wala dahil nasanay akong magkasama kami palagi simula noong bata pa. Ngunit kung tatanggapin ni Josh ang posisyon sa Marc Pole, magiging busy na siya palagi. Ngunit ayoko rin namang masakripisyo ang ministry ko.
Maiipit na naman ba ako sa isang desisyon na kailangan kung harapin? Bakit kailangan kong mamili ng isa? Hindi ba pwedeng dalawa? Hindi ba pwedeng mamili ng isa na walang nakokomprimisa?
Lord, what should I do?
_______
Usap-usapan ako sa iilang staffs sa Marc Pole simula nang naging Presidente si Josh sa hotel. Minsan nga may mga hotel crews na nagbubulungan sa tuwing dumadaan ako, at kahit di nila sabihin alam kong ako ang favorite topic nila.
Nakapasok kasi ako sa Marc Pole kahit wala naman akong background sa HRM o sa pagiging sekretarya. Syempre, appointed ako personally ni Josh as his secretary. Umalis ako sa pagiging graphics designer sa advertising company ni Josh.
Opo, sa kompanya din naman niya ako nagtatrabaho. Pero dahil sa kanya na nakasalalay ang Marc Pole, ipinaubaya na muna niya ang advertising company sa kanyang mga katiwala, total matagal na itong established.
Alam ng mga staffs na ako ang girlfriend ni Josh dahil pumupunta naman ako dito kung minsan, kaya nga mas naging isyu sa kanila na ako ang naging sekretarya ng kanilang bagong Presidente. Kesyo daw ganito, ganyan. Kasalanan ko bang ako talaga ang gusto ni Josh? Di naman ah.
Nasa ground floor naman ang executive office ni Josh, sa bandang dulo. Masyado ngang malaki para sa isang tao eh. Sa labas naman ng opisina niya ay may sarili akong office desk, pero kitang-kita naman ako ni Josh mula sa loob dahil pinalagyan niya ng CCTV ang area ko. Sa katunayan, wala naman ako sa desk all the time kasi lagi niya akong pinapatawag sa loob. Wala lang, papaupuin niya lang ako sa gilid niya habang nagtatrabaho siya.
Hindi naman ako nabo-bore kapag si Josh ang kasama ko. As I said, nakasanayan ko talagang lagi kaming magkasama. Kaya nga pumayag akong maging sekretarya niya, di ba? Kahit alam kong may posibilidad na masasakripisyo ko ang ilang church activities. Naloloka na nga ata ako.
Dalawang linggo na rin akong sumasama sa business trip ni Josh. Kung saan siya dalhin ng meeting at appointments, nandun din ako. Kaya naman dalawang linggo ko na ring hindi nami-meet sina Marta, ang cell group ko. Naiintindihan naman ng mga bata ang tungkol sa trabaho, kaya lang umabot din to sa tenga ni Pastor Edgar at pinatawag ako one Sunday para makausap.
"Naomi, balita ko nagtatrabaho ka na as secretary ni Josh." Paunang sabi ni Pastor Edgar, one Sunday afternoon. Tumango naman ako.
Kilala ni Pastor Edgar si Josh, minsan na kasi niyang nakasama sa mission field ang mga magulang namin noon. Noong namatay sina Papa, si Pastor Benjie ang pumalit as pastor ng simbahan, pero masyado na itong matanda at hindi naman nagtagal. Kaya si Pastor Edgar na ang pumalit. Galing sa ibang lugar si Pastor Edgar kaya hindi niya talaga masyadong kilala ang parents namin, slight lang.
"Dalawang Linggo na kitang hindi nakikita sa service. Sabi din ni Peter na napapabayaan mo na rin ang cell group mo because of your work."
Hala, ensalada pala ang Peter na yon. Showbiz na, sumbungero pa.
"Nagkakataon po kasi na Sundays ang mga lakad ko sa work, Pastor." Nahihiya kong sagot.
"Naomi, kilala kita noon pa man. Alam nating pareho na kaya mo kinuha ang trabahong yan ay para may rason kang makasama si Josh all the time." Alam din niya kung gaano kami ka attach sa isa't isa dahil sa kanya ako humihingi ng payo. Minsan na din niya akong pinagsabihan na dumistansya muna kay Josh. Pero hanggang ngayon hindi ko pa rin magawa. Pano mo naman ididistansya ang sarili mo sa taong halos kabiyak na ng iyong buhay? Ang hirap ata nun.
"Ayokong manghimasok, Naomi, pero napapansin kong unti-unting naapektuhan ang ministry at relasyon mo kay Lord dahil sa Josh na yon. Noong una okay lang pero habang tumatagal ay mas lumalala ang relasyon niyong dalawa, okay sana kung kasal kayo eh hindi naman. Hanggang ngayon you are still so dependant on Josh, natatakot ako na baka sa kanya na lang umiikot ang buhay mo. Isa pa, hanggat hindi siya naniniwala sa Diyos sa bandang huli ikaw pa rin ang mas masasaktan."
Hindi ako kumibo. May katotohanan lahat ng sinabi ni Pastor Edgar. Alam ko yun. At alam ko ring hindi ko kakayanin ang dumistansya kay Josh, gaya ng payo niya. Kailan man hindi ko magagawa yun. Wala namang masama, di ba Lord?
"Salamat po sa payo, Pastor Edgar. Pero naniniwala po akong magbabago rin si Josh in God's time. Hanggat hindi siya nagbabalik-loob sa Panginoon, the more I can't leave him alone."
"Then, Naomi, try to invite him again. And always keep him in your prayer."
"Palagi naman po." Mapakla kong ngiti saka sabay na kaming tumayo.
"By the way, Naomi, miss ka na ng mga bata. Don't leave them unattended."
Ngumiti ako at yumuko. "Opo."
Mahal ko si Lord. Ngunit mahal na mahal ko rin si Josh. At dahil dyan, lagi akong naiipit, lagi akong namimili. At lagi akong nasasaktan...dahil ako ang mas nakakaalam. Hihintayin ko ang araw na bigyan ako ng milagro ni Lord. Ang araw na bigyan niya si Josh ng milagro.
Ngunit hanggang saan ako maghihintay? At paano ko ba malalaman na tama na? Lagi kong tanong.