"Ano ang ginawa niyo sa halimaw na nakita niyo sa lawa?" tanong kaagad ni Palong kay Purol nang maikwento ng huli kina Palong, Abiya, at Handiwa ang mga naganap doon sa lawa. Nakabalik na kasi sina Purol at Arowana sa inuupahan nilang bahay na ilang lakad lamang mula sa baybayin ng lawa. "Hindi niyo ba talaga pinaslang ang halimaw na iyon? Hinayaan niyo lamang ba talaga na buhay pa iyon doon?" Natatawa na lamang si Purol sa sunod-sunod na mga tanong ni Palong. Nag-aalala yata ang batang paslit na baka balikan sila ng kakaibang halimaw na nakasalamuha nina Purol at ng Mahal na Dian. "Palong, hindi lahat ng nilalang na nakakasalamuha mo ay kailangan mong paslangin. Hindi naman kami nasaktan ng Mahal na Dian, kaya't hinayaan na lamang namin siya roon." "Sa aking palagay ang nakita niyo ay i

