Duguan at hinahabol ni Hasilum ang kaniyang hininga. Nasa loob pa rin siya ng kakahuyan, habang mabagal siyang naglalakad patungo sa dulo nito. Ang tanging nasa isip niya lamang ngayon ay kailangan niyang makalayo mula rito, dahil masyado nang maraming dugo ang kanyang nasayang, at ang dugo ng tao ang isa sa pinakahilig ng mga halimaw na kung tawagin ay Ayu. "H-Hindi ako makapaniwala na naisahan ako ng babaeng iyon," bulalas niya naman habang naglalakad pa rin siya nang mabagal. Napalingon siya sa kanyang likuran kaya muli niyang natanaw ang nakahandusay na katawan ng halimaw na Ayu. Wala na itong buhay, at iyon ang hindi niya inaasahan. Kanina pa siya isip nang isip sa mga naganap. Paanong may ganoon uri ng sumpa ang babaeng yun? Kahit ang Ayu ay walang nagawa sa kanyang kapangyarihan.

