Bumili si Randolf ng bagong cellphone para kay Liljin. Pagkatapos ng lunch break nito ay ipinatawag niya ito sa office niya habang wala pang customers.
“Heto,” iniabot niya ang cellphone, “kasalanan ko kung bakit nahulog ang cellphone mo sa pool kaya hayan, pinapalitan ko na.”
“Mumurahin lang naman iyong cellphone ko, eh, mamahalin itong binili mo sir,” sagot nito habang iniaabot sa kanya pabalik ang cellphone. “Tsaka hindi ko ‘to kayang bayaran.”
“Hindi ko naman sinabing bayaran mo.”
“Hindi na sir. Mag-iipon na lang ako,” sabi ni Liljin at lumabas na ito ng office niya.
“Ano ba naman iyong babaeng iyon? Nagalit sa akin dahil nahulog sa pool ang cellphone niya, binilhan ko ng bago kahit hindi ko naman talaga kasalanan pero ayaw namang tanggapin,” nasabi na lang niya sa sarili. Itinago na lang niya sa drower ng table niya ang cellphone.
Lumabas siya ng office niya para i-check kung may customers na. Nakita niya kaagad si Liljin na kausap ang isang customer na lalaki. “Oh, Rodylyn, anong problema mo?” tanong niya kay Rodylyn. Nakita niya itong nakatingin kina Liljin at sa customer at nakasimangot ito.
“Iyan kasing baklang iyan,” sabi nitong itinuro si Liljin, “inagaw si Lander my love.”
So, siya pala si Lander. Nasabi niya sa sarili. Nakita niyang may iniabot itong maliit na kahon kay Liljin. Kinuha naman ito ni Liljin habang abot tenga ang ngiti. Ngalakad ito papuntang kusina at nakita niyang box ng cellphone ang hawak nito. Sinundan niya ito sa kusina.
“Ayaw mong tanggapin iyong ibinibigay kong cellphone sa iyo pero iyong sa kanya tinanggap mo?” galit na sabi niya dito.
“Bakit ka ba nagagalit? Huhulugan ko ito sa kanya kaya ko tinanggap,” kunot noong sagot nito. “Tsaka hindi naman kita pinabili ng cellphone.”
“Eh di sana, kung ayaw mong tanggapin ng libre, sinabi mo na lang na huhulugan mo. Mamahalin din naman iyang binili niya ah.”
“Eh, bakit ka ba nagagalit diyan? Di ba sinabi ko na nga sa iyo na huwag ka ng bumili?”
“You’re unbelievable, Liljin.” Nag-walk out siya at bumalik na sa loob ng office niya. Hindi niya ito maintindihan. Kailangan siyang paibigin nito pero bakit parang iniiwasan naman siya nito. At bakit ba siya nagagalit? Hindi na rin niya maintindihan ang sarili niya.
Hindi na siya muling lumabas ng office niya. Nagpaka-busy na lang siya sa trabaho. Tinapos niya lahat ng paperworks na kailangan niyang ibigay sa accountant.
“Sir magko-close na po kami,” sabi ni Andy na nasa pintuan.
Tumingin siya sa relo niya at hindi niya napansin ang oras. “Okay. Lalabas na rin ako. Pakisabi kay Liljin sumabay na sa akin pauwi.”
“Ahm, nakaalis na po sir. Isinabay ni sir Lander.”
“What?” napatingin siya dito. “Ah, okay sige,” nasabi na lang niya. Hindi na nagugustuhan ni Randolf ang madalas na paglabas ni Liljin kasama si Lander. Bakit parang ibang lalaki naman ang pinapaibig nito? Naisip niyang gumawa ng paraan para ipaalala dito kung bakit siya isinama ng mga magulang sa bahay nila.
Hindi inaasahan ni Liljin na bibilhan nga siya ni Randolf ng bagong cellphone. Hindi niya ito tinanggap dahil wala naman siyang ibabayad dito, kahit pa sinabi ni Randolf na huwag na niyang bayaran. Tinanggap niya ang cellphone na ibinigay ni Lander dahil nag-promise ito na tatanggapin ang bayad niya kahit hulugan. Nag-offer si Lander na ihatid siya pag-uwi. Sumabay siya dito dahil ayaw niyang sumabay kay Randolf. Alam kasi niyang galit ito. Bago umuwi ay tumambay muna sila sa paborito nilang milktea shop at naupo sa labas ng shop.
“Oy, thank you ulit sa cellphone ha. Sobrang saya ko nakausap ko na ulit sina tatay at nanay,” sabi niya dito.
“Kanina ka pa nagte-thank you sa akin. Okay na iyon. Kahit nga hindi mo na bayaran iyan eh. And besides, paano kita mako-contact kung wala kang cellphone,” sabi nito.
“Ang swerte ko talaga kasi nagkaroon ako ng kaibigan na katulad mo. Basta huhulugan ko ito sa iyo.”
“Ikaw ang bahala.”
“Naisip ko lang, siguro sundalo ako noong nakaraang buhay ko.”
“Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Lander.
“Kasi binigyan ako ni Lord ng kaibigan na katulad mo.”
Tumawa ito sa sinabi niya. “Binigyan lang kita ng cellphone ganyan na ang iniisip mo?”
“Totoo naman eh, tsaka lagi mo akong nililibre ng milktea. Nakatikim lang ako nito kasi nililibre mo ako. Ayoko ring abusuhin ang pagkakaibigan natin.”
Napatawa naman ito ng malakas sa sinabi niya, “Ang simple lang talaga ng kaligayahan mo. Nakaka-inggit ka.”
“Oh, may hugot ka na naman?” biro niya dito. Sumeryoso naman ito at tumingin sa kanya.
“Lil, masaya talaga ako kapag kasama kita. Iyong mga stress ko sa trabaho and iyong lungkot na malayo ako sa family ko, lahat iyon nakakalimutan ko kapag magkasama tayo. Alam mo sa iyo ko natutunan na i-appreciate ang mga maliit na bagay. Mas simple ang buhay, mas masaya.”
“Ano ka ba? Nasabi mo na iyan sa akin dati. Huwag mo nang ulit-ulitin baka isipin ko in love ka na sa akin, sige ka,” pabirong sabi niya. Seryoso pa rin ang reaksyon nito at ginagap ang kamay niya.
“What if oo…What if I’m in love with you?” tanong nitong nakatitig sa kanya.
Parang gusto niyang matunaw sa titig nito. Umiwas siya ng tingin. Hindi niya alam kung anong isasagot dito. Hindi naman siya sanay na may lalaking nagsasabi na in love na sa kanya. Kung nasa ordinaryong sitwasyon lang sana sila, na wala silang deal ng mga magulang ni Randolf ay siguradong bibigyan niya ito ng chance. Pero alam niyang hindi pwede. Hindi rin niya pwedeng aminin dito ang tungkol sa deal pero ayaw din niyang magsinungaling dito. Simula pa lang ay naging mabuti na ito sa kanya.
“What if lang naman ‘to di ba? Hindi ko naman intensyon na ganyan ang maramdaman mo. Ayaw ko rin kasing masira iyong pagkakaibigan natin. Sana ganito tayo lagi.”
Binitawan nito ang kamay niya. Malungkot ang reaksyon ng mukha nito pero pinilit nitong ngumiti, “Oo naman.”
Pagkatapos ng usapan nila ay ihinatid na siya ni Lander sa mansyon. Pinagbuksan siya nito ng pinto ng kotse at inalalayang bumaba.
“Salamat Lander,” sabi niya.
“You’re always welcome,” sabi nito.
“Oy, seryoso ka pa rin?”
Ngumiti ito, “Hindi na po. Huwag ka sanang maiilang sa akin dahil sa mga sinabi ko kanina.”
“Hindi ‘no, baliw,” biro niya.
Nagpaalam na siya kay Lander at pumasok na sa loob ng mansyon. Naabutan niya sa sala ang mag-asawang Teodoro at si Randolf. Ibinaba ni Ambrosia ang magazine na binabasa nito nang makita siya.
“Jin,” bungad nito sa kanya, “bakit ngayon ka lang? Saan ka nanggaling?”
“Saan pa ba, eh di nakipag-date sa boyfriend niya,” si Randolf ang sumagot na hindi inalis ang tingin sa cellphone na hawak nito.
“May boyfriend ka na Jin?” tanong ni Henry.
“Naku, manliligaw pa lang ni Jin iyon, di ba hija?” sabi ni Ambrosia na hindi siya ng pagkakataong sumagot. Tumango na lamang siya. Gusto na sana niyang pumasok sa kwarto niya pero hinila siya pa-upo ng madam. “Sweetheart, ano kaya kung ipag-shopping natin si Jin ng mga bagong damit tapos ipaayos natin ang buhok niya.”
“That’s a good idea, sweetheart,” sagot naman ni Henry.
“Huwag ka na lang pumasok bukas Jin. Mag-mall tayo tsaka magpa-spa,” sabi ng madam.
“Ahm, pwede po bang sa day off ko na lang?”
“Napakasipag mo talagang bata ka,” komento ni Ambrosia.
“Sumama ka na Jin at mag-enjoy ka naman. Huwag ding puro trabaho, mag-enjoy ka din, bata ka pa,” paalala naman ni Henry.
“Ayaw niya lang ma-miss iyong boyfriend niya,” singit ni Randolf sa usapan nila ni Ambrosia.
“Naku, Rand huwag ka namang masyadong seloso anak. Hindi naman boyfriend ni Jin si Lander.”
Tumayo si Randolf nang marinig ang pangalan ni Lander. “Quit with the idea na nagseselos ako, mom,” sabi nito habang naglalakad paakyat ng hagdan.
Nang wala na si Randolf sa sala ay bumaling sa kanya si Ambrosia at hinawakan pa ang baba niya. “Very good, Jin,” sabi nitong malaki ang ngiti.
“Bakit po?” naguguluhang tanong niya.
“Unti-unti nang natutupad ang mga plano natin.”
Nakahiga na si Liljin sa kama niya pero hindi naman siya makatulog. Iniisip pa rin niya ang sinabi ni Ambrosia na nagseselos si Randolf kay Lander. Paano kung totoo nga? Ibig sabihin ba nagawa na niyang gawin itong totoong lalaki? At kung nagawa na nga niya, sasabihin na ba niya dito na may nararamdaman din siya para dito? Kaya ba niyang sabihin gayong titingin pa lang ito ay kinakabahan na siya.