Hindi na napigilan ni Lander na aminin kay Liljin ang nararamdaman niya para dito. Wala naman sana siyang balak na sabihin sa dalaga dahil ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila. Sa isang banda ay gusto din niyang malaman kung may nararamdaman din ito sa kanya pero mukhang magkaiba sila. Siguro nga ay kaibigan lang ang tingin nito sa kanya. Bakit ba ang malas ko sa love? Naitanong na lang niya sa sarili. Madami siyang pinagdaanang hindi maganda noong nakaraang taon. Nagpakasal ang nag-iisang kapatid niya, ang ate niya, at naiwan siyang mag-isa sa condo na tinitirahan niya. Masaya naman siya dahil bumubuo na ito ng sarili niyang pamilya. Ang girlfriend niya na akala niya ay makakatuluyan niya at inakala niyang kanya ang dinadala nitong baby ay niloko lang pala siya. He was devastated, idagdag pa ang balitang natanggap niya mula sa daddy niyang nasa Australia na may malubhang sakit ang mama niya. Umalis siya ng Pilipinas at pinuntahan ang mama niya sa Australia, doon kasi nagtatrabaho ang mga ito. Awa ng Diyos naman ay naging maayos ang kanyang ina pagkatapos nitong operahan. Pagbalik niya ng Pilipinas ay nakilala niya si Liljin. Magaan ang loob niya dito. Lagi din siya nitong pinapatawa kaya naman nahulog kaagad ang loob niya sa dalaga. Nagpapasalamat na lang siya at hindi ito umiwas sa kanya nang aminin niyang in love na siya dito. So, what now? Gusto niya itong ligawan pero paano? Hindi pa nga siya nagsisimula ay wala na siyang pag-asa. Bumangon siya sa pagkakahiga sa kama niya at nagbihis. Gusto niyang lumabas at uminom. Nagpunta siya sa club na dati niyang pinupuntahan kasama ang ngayon ay ex na niya. Umorder siya ng alak at uminom ng mag-isa. Madaming tao sa club, maingay dahil sa lakas ng tugtog at dahil sa sigawan ng mga taong nagsasayaw. Naupo lang siya at uminom habang pinapanuod ang mga nagsasayaw. May mga lumalapit na babae sa kanya at niyaya siyang sumayaw o kaya ay sumama sa kanila sa table pero tinanggihan niyang lahat. Isang babae lang naman ang gusto niyang makasama, si Liljin.
Napadami na yata ang nainom niya at medyo nahihilo na siya. Nagbayad siya ng bill niya at lumabas na sa club. Papunta na siya sa kotse niya nang binangga siya ng isang lalaki. Magso-sorry sana siya dahil hindi siya sigurado kung siya ba ang bumangga dito.
“Sorry, hindi ko sinasadya,” sabi niyang pinagmasdan ang lalaki. Nakilala niya ito. “Oh, it’s you,” dinuro niya ito, “the bastard.” Ito ang lalaking bumuntis sa ex niya.
Tinabig nito ang kamay niya, “Pare, hindi ko kasalanan kung mahina ang tuhod mo.”
Nainsulto siya sa sinabi nito kaya agad niya itong sinuntok sa mukha. Nagulat ito pero agad na nakabawi at sinuntok din siya sa mukha. Na-out of balance siya at natumba sa sahig. Mabilis siyang tumayo at sinugod ito at pareho silang natumba. Pumaibabaw siya diti at inundayang muli ng suntok, bagay na dapat ay ginawa na niya dati pero hinayaan lang niya ito at ang ex niya. Inilabas niya ang lahat ng galit dito. Lumapit ang guard at ang iba pang nakakakita sa kanilang dalawa at inawat sila. Hinila na siya papalayo ng guard.
Inaayos na lang nina Liljin at Andy ang dining area at mag-a-out na sila nang tumunog ang cellphone niya. Sinagot niya ito, “Hello?”
“Hello, kayo po ba si Ms. Liljin?” tanong ng nasa kabilang linya.
“Opo, pero teka, number po ni Lander itong gamit ninyo? Nasaan po siya may nangyari po ba? Kinidnap ninyo po ba? Magkano po ang kailangan ninyo?” sunud-sunid na tanong niya. Bigla siyang kinabahan at nag-alala para sa kaibigan.
“Ahm, huminahon po kayo mam. Hindi po ako kidnapper. Security guard po ako. Nandito po kasi siya sa club mam. Lasing po at nakipag-away. Nakatulog na po siya dito sa parking area.”
“Ho?” hindi siya makapaniwala. Hindi naman ang tipo ni Lander ang makikipag-away. Hindi naman ito basagulero. “Sige po pupunta po ako diyan. Pakisend po sa akin ng address. Maraming salamat po.” Pumunta siya sa opisina ni Randolf, “Sir Randolf, pwede bang mauna na akong umalis?”
Tumingin si Randolf sa kanya, “Pinauwi ko na ang driver walang maghahatid sa iyo.”
“Magbu-book na lang ako,” sagot niya.
“Saan ka ba pupunta?”
“Si Lander kasi lasing daw nasa isang club tapos nakipag-away pa. Kailangan ko lang siyang puntahan.”
“Ano? Ano ba naman iyang boyfriend mo, napaka-irresponsible naman.”
“Hindi mo siya kailangang pagsalitaan ng ganyan. May problema lang iyon kaya ganoon,” pagtatanggol niya kay Lander. Tumalikod na siya at iniwan ito. Kinuha lang niya ang bag niya sa kusina at lumabas na ng restaurant. Magbu-book na sana siya ng masasakyan nang lumabas din si Randolf.
“Sasamahan na kita. Tayo na,” sabi nito.
“Huwag na, kaya ko naman mag-isa,” tutol niya.
“Huwag nang matigas ang ulo. Kukunin ko lang ang sasakyan. Hintayin mo ako dito.”
Wala na siyang nagawa kundi hayaan si Randolf na samahan siyang puntahan si Lander. Sumakay siya kaagad nang itigil nito ang sasakyan sa tapat niya. Naupo siya sa tabi nito sa unahan. Sinabi niya dito ang address na isinend ng tumawag sa kanya.
Pagdating nila doon ay lumapit kaagad siya sa guard. “Kuya guard, kayo po ba iyong tumawag kanina? Ako po si Liljin.”
“Ako nga po mam. Nandito po si sir,” sabi nito. Sumunod silang dalawa ni Randolf sa guard. Nakita niya si Lander na nakaupo sa monoblock chair at nakasandal sa pader. Tulog na ito. Patakbo siyang lumapit dito. Hinawakan niya kaagad ang mukha nito. May pasa ito sa sentido at sa pisngi, may bahid din ng dugo ang labi nito.
“Sino bang nakaaway niya kuya?” tanong niya sa guard.
“Hindi ko po alam mam, eh. Umawat lang po ako. Inilayo ko si sir sa nakaaway niya at pinaupo ko dito. Tapos ibinigay niya sa akin ang cellphone niya at tawagan daw kita mam,” paliwanag nito.
“Naku, salamat kuya guard ha,” sabi niya.
Sinubukan niya itong gisingin pero umungot lang ito. Mukhang marami nga itong nainom. Inilagay niya ang kamay nito sa balikat niya at inalalayang tumayo. Lumapit naman agad si Randolf na ngayon lang nagsalita.
“Ako na. Hindi mo siya kayang buhatin,” sabi nito. Kinuha nito ang kamay ni Lander ipinatong sa balikat niya. Tumulong din ang guard hanggang sa maisakay nila ito sa kotse ni Randolf. Tinabihan niya ito sa likod at isinandal ang ulo nito sa balikat niya.
Habang pinagmamasdan ni Randolf sina Liljin at Lander sa rear view mirror ng sasakyan ay hindi niya maiwasang mainis. Sa halip na nagpapahinga na siya ay heto siya at ipinagda-drive ang dalawang ito papunta sa condo unit ni Lander. Hindi rin niya alam kung ano ba ang naisipan niya at sinamahan niya si Liljin na sunduin ito sa club. Basta hindi niya gusto ang idea na magkasama ang dalawa at lasing pa si Lander. Baka kung anong gawin nito kay Liljin.
Pagdating nila doon ay nagtulong silang dalawa na ibaba si Lander sa kotse at inakay nila papunta sa elevator.
“Sixteenth floor,” sabi ni Liljin.
Pinindot naman niya ang number sixteen. Maya-maya pa ay bumukas na ang pinto ng elevator at lumabas na sila.
“Dito,” sabi nitong muli habang itinuro ang daan papunta sa unit ni Lander. Huminto sila nang tumapat sa isang pinto. “Sandali lang.” May hinugot ito sa bulsa ni Lander at bumukas ang pinto. Pagpasok nila ay binuksan ni Liljin ang ilaw. Malaki at malinis ang unit nito, dalawa ang kwarto. Ipinasok nila si Lander sa sa kwarto nito at ihiniga sa kama.
“Alam na alam mo ang pasikot-sikot dito sa unit niya ah, madalas ka ba dito?” tanong niya.
“Hindi naman,” matipid na sagot nito. Tumingin ito sa kanya at alam nitong nagdududa siya. “Huwag kang mag-isip ng masama. Nanonood lang kami ng movie kapag nandito ako. Iyon lang, okay?”
Tinanggal nito ang suot na sapatos at medyas ni Lander. Naupo ito sa kama at nagsimulang hubarin ang damit ni Lander.
“Hoy, anong ginagawa mo?” tanong niya.
“Papalitan ko siya ng damit. Hindi mo ba nakikita ang dumi ng damit niya may mantsa pa ng dugo.”
Lumapit siya, hinawakan ito sa braso at inilayo sa kama. “Ako na diyan!” sabi niya. Tumingin ito ng masama sa kanya. Nahulaan niya kung ano ang iniisip nito. “Sira, hindi ko pagnanasahan iyang boyfriend mo. Sayung-sayo na.”
“Weh, hindi nga?”
Itinulak niya ito palabas ng kwarto at isinara ang pinto. Binuksan niya ang mga kabinet at naghanap ng pwede niyang ipalit sa damit nito. “I can’t believe I’m doing this.” Kumuha siya ng sando at shorts at binihisan si Lander. Pagbukas niya ng pinto ay nakatayo si Liljin at may hawak itong palanggana at bimpo.
Nakasandal siya sa may pinto habang pinapanood si Liljin na pinupusan ang mukha ni Lander. Pinunasan din nito ang kamay at braso nito. Pagkatapos noon ay lumabas na sila pareho. Lumabas siya sa balcony at tiningnan ang view.
“Ang ganda ng view dito, di ba?” sabi ni Liljin na parang nabasa ang iniisip niya. Kitang-kita ang mga ilaw ng mga buildings sa baba, maraming bituin sa langit at maliwanag ang buwan.
“Hindi pa ba tayo uuwi?” tanong niya dito.
“Maraming salamat Randolf.”
Humarap siya dito. Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Ngumiti siya, “You’re welcome, Liljin.” Nakatitig ito sa kanya.
“Ang gwapo mo,” sabi nito na mas ikinagulat niya. “Sayang nga lang at bakla ka.”
Nawala tuloy ang ngiti niya dahil sa tinuran nito. Itinaas niya ang mga kamay niya at hinawakan ang magkabilang pisngi nito at inilapat ang labi niya sa labi nito.