Chapter 2

3170 Words
Naging mabilis ang mga pangyayari. Tinawagan agad ni Liljin ang mag-asawa at sinabing tinatanggap na niya ang alok ng mga ito. Nakipagkita ang mga ito sa kanya at ibinigay ang isang milyon. Bumili kaagad sila ng bahay at lupa sa Batangas. Tinulungan pa sila ng mag-asawa sa paglilipat. Ang natirang pera ay ginamit ng kanyang mga magulang para makapagtayo ng karinderya. Sapat na siguro ang kikitain nila doon para matustusan ang pag-aaral ng mga kapatid niya. Nang masiguro niyang maayos na ang kalagayan ng pamilya ay nagpaalam na siya sa mga ito. Nagka-iyakan pa sila at sandamakmak na habilin ng mga magulang ang ipinabaon sa kanya. Huwag matigas ang ulo niya, gawin ng maayos ang trabaho, huwag makikipag-away, maging magalang sa pagsagot, alagaan ang sarili, maligo araw-araw at marami pang iba. Nalulungkot man siya dahil kailangan niyang malayo sa mga ito ay kailangan niyang sumama sa mag-asawa sa Maynila. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya doon. Tinatagan na lamang niya ang loob at inisip na rumaraket lamang siya. Kapag nagawa niya ang dapat niyang gawin ay makukuha niya ang siyam na milyon pa. Sapat na dahilan na iyon para kahit papaano ay maibsan ang lungkot at kaba niya dahil ngayon lang siya malalayo sa pamilya at hindi niya alam kung kailan siya makakauwi muli. Hindi rin niya alam kung kailan mangyayari ang nais mangyari ng mag-asawa. Habang nasa biyahe sila ay inusisa niya ang mag-asawa kung ano ang una niyang gagawin pagdating nila sa bahay ng mga ito. “Ahm, Mrs. Teodoro, sabi n'yo po kailangan lagi kaming magkasama ng anak ninyo, eh, pagdating po ba natin sa bahay n'yo sasabihin n'yo rin sa kanya na ipinagkasundo kaming dalawa?" “Naku, hindi hija. Kasi nga ginawa na namin 'yon at hindi naman umubra kaya kailangan nating mag-isip ng ibang paraan." Nakamot na lang niya ang ulo. Ano ba naman 'tong napasukan ko? Wala pa silang plano, mukhang mahihirapan ako. Si Mr. Teodoro naman ang nagsalita, “Basta Jin, kailangan hindi niya mahalata ang mga plano natin at lalung-lalo na, hindi niya pwedeng malaman ang kasunduan natin. Kailangan tayo lang ng mga magulang mo ang makaalam non." Tumangu-tango naman ang asawa nito. “Alam ko po 'yon. Pero paano n'yo po ako ipakikilala sa kanya?" “Paano nga ba?" Inilagay pa nito ang mga daliri sa kanyang baba at nag-isip. “Hindi ka pwedeng maid kasi hindi ka niya papansinin, isa pa, palagi siyang wala sa bahay. Lagi kasi siyang sumasama sa mga barkada niya pagkatapos ng trabaho." Patay na. Wala palang konkretong plano ang mga 'to. “Alam ko na!" sabi ni Ambrosia na itinaas pa ang hintuturo. Sabay silang napatingin dito ni Henry. “Kailangan maging waitress ka sa restaurant na minamanage niya! Perfect idea, 'di ba?" Sumang-ayon naman ang asawa nito, “Oo nga, since kailangan lagi kayong magkasama. Mababantayan mo din siya kapag kasama niya nag mga kaibigan niya. Lagi kasi silang lumalabas at nag-iiinuman. Nag-aalala rin ako baka kasi kung ano na ang ginagawa nila kapag mga lasing na, alam mo na..." "Okay lang ba iyon sa'yo Liljin?" "Naku okay na okay po. Wala pong problema, sagot niyang kinakabahan pa rin. "Mas mabuti nang ganito, magkakalapit kayong dalawa, magagawa mo na ang kailangan mong gawin." Natuwa naman si Ambrosia sa sinabi ng asawa. “Naku sweetheart, excited na 'ko. Kaya Jin galingan mo para hindi tayo pumalpak. Tandaan mo, may siyam na milyon ka pa 'pag nagtagumpay ka. At siyempre ikaw na ang bahalang dumiskarte kapag magkasama na kayo ng anak ko." Bahala na nga. 'Yon na lang ang tanging nasabi niya sa sarili. Pagkatapos ng mahigit dalawang oras na biyahe nila, nakarating din sila sa bahay ng mga ito o mas tamang sabihin na mansyon. Meron itong garden na puno ng halamang may bulaklak at mga orchids. Humanga talaga siya sa ganda at laki ng bahay, mayaman nga ang mga ito. May katulong na nagbukas ng magara at mataas na gate, naka-uniporme pa ito. Nang mai-parada ang sasakyan ay bumaba na sila. Sumunod siya sa mag-asawa papasok ng mansyon. Malaki rin ang pintuan nito na gawa sa magandang klase ng kahoy. Napa-nganga siya pagpasok sa loob, para siyang nasa bulwagan ng isang hotel. Mamahalin ang mga muwebles gayon din ang mga ilaw na nakakabit sa bawat sulok niyon. Siguro ay kasya ang buong bahay na nabili nila sa loob ng mansyon ng mga ito. Tinawag ni Ambrosia ang isang katulong upang ituro sa kanya ang kanyang magiging kwarto. Sumunod siya sa babae na sa tingin niya ay mas matanda lamang ng ilang taon sa kanya. Naka-make-up pa ito at medyo maarteng kumilos. Hindi naman ito suplada dahil nang tumingin ito sa kanya ay ngumiti ito. “Ako nga pala si Nikki, taga-linis ako dito. Sa akin ipinalinis ang kwartong tutuluyan mo." Iginiya siya nito sa kwartong malapit sa kusina. “Guest room 'to pero usually kapag may guest 'yong nasa taas ang ipinapagamit. Ito laging bakante. Mukhang magtatagal ka dito. Kamag-anak ka ba nila?" “Ah, hindi. Anak ako ng kaibigan ni Mam Ambrosia nong high school pa siya. Kailangan ko lang ng trabaho kaya isinama nila 'ko dito. Ako nga pala si Liljin, tawagin mo na lang akong Jin." Iyon ang napagkasunduan nilang pakilala niya sa lahat. Pumasok sila sa kwarto. Para sa kanya ay malaki ang kwartong iyon. Malaki ang kama na nakalagay malapit sa bintana. Sa tingin niya ay kasya silang tatlong magkakapatid doon. May side table at lamp, meron ding flower vase na may sariwang bulaklak. Sa isang sulok ay mayroong cabinet na lalagyan ng mga damit niya, may maliit na mesa at dalawang upuan. Simple lang pero maganda ang buong kwarto. Hindi niya maiwasang malungkot dahil malaki nga ang kwarto pero tahimik dahil wala ang mga magulang at malilikot niyang mga kapatid. Bumuga siya ng hangin. “Bakit, hindi mo ba nagustuhan?" “Naku hindi 'yon, ibig kong sabihin...mami-miss ko ang bahay namin." Napapitlag siy anang yakapin siya nito. “Hayaan mo sa simula lang 'yan. Masasanay ka rin, kagaya ko, nong una ganyan din ako. Iniisip ko na lang para 'to sa pamilya ko, lalo na sa anak ko." “May anak ka na?" “Oo, single hot mama ako," sabi nitong nagpa-sexy pa. Natawa siya. Sa tingin niya ay magiging magkaibigan sila nito. “Gusto mo tulungan kitang mag-ayos ng mga gamit mo?" “Naku hindi na. Kaya ko na 'to." “O sige, basta 'pag may tanong ka o kaya may kailangan ka, puntahan mo lang ako, nand'yan lang ako sa tabi-tabi." “Okay, salamat ha." Napagod siya sa biyahe kaya magpapahinga na lang muna siya. Ipinatong niya sa kama ang bag at nahiga. Gabi na nang magising si Liljin. Hinanap niya ang switch ng ilaw at ini-on iyon. Nalungkot na naman siya ng maalala kung nasaan siya. Tapos na'ng maliligayang araw ko, naisip niya. Kinuha niya ang bag at isa-isang ini-ayos ang mga gamit niya sa kabinet. Kaunti lang naman ang dala niyang damit at personal na gamit, masyadong malaki ang kabinet para sa kanya. Nang matapos isalansan ang gamit ay pinagmasdan muli niya ang buong silid, may nakita siyang tray sa ibabaw ng mesa. Lumapit siya at ini-angat ang takip niyon, tumunog ang kanyang tiyan nang makita ang pagkain doon, isang platong kanin, isang mangkok ng adobo, may sabaw din ngunit malamig na at isang slice ng chocolate cake. Hindi pa siya naghahapunan dahil nakatulog siya at dahil malambot at komportable ang kama ay napahaba ang tulog niya. Naupo siya at nagsimula nang kumain. Halos maubos niyang lahat ngunit parang may kulang. Walang tubig, buti na lang hindi ako nabilaukan. Binuksan niya ang pinto at binalikan ang tray, hindi siya prinsesa kaya wala siyang planong iwanan doon ang pinagkainan niya at hintaying linisin ng katulong. Hinanap niya kung nasaan ang kusina. May nakita siyang bukas na ilaw at sa tingin niya'y iyon ang kusina, hindi siya nagkamali. Malaki ang kusina at napakalinis. Hinanap niya ang lababo at sinimulang hugasan ang mga pinagkainan niya. Nang matapos siya ay binuksan niya ang ref. Kinuha niya ang pitsel at nagsalin ng tubig sa baso. Nakaka-tatlong lagok pa lang siya nang maibuga niya ang tubig. “Who gave you the permission to drink my water?" sabi ng lalaking noon lamang niya napansin na nakasandal sa pader malapit sa ref. Kung gaano katagal na ito nakatayo doon ay hindi niya alam, nasamid tuloy siya ng makita ito. May hawak din itong baso at napansin niyang wala itong suot na pang-itaas. Ramdam niyang nag-init ang katawan niya nang bumaba ang tingin niya sa tiyan nito. Wow abs! Parang gusto ko ulet kumain. Gusto niyang pagalitan ang sarili sa naisip. Itinaas niya ang tingin sa mukha nito. Lumunok siya. “Sino ka ba? Para kang multo d'yan, nasamid tuloy ako." “Ikaw pa ang malakas ang loob na tanungin ako? Ikaw ang sino at anong ginagawa mo dito sa bahay ko?" “Bahay ko?" Tinitigan niya ang lalaki. Titig na titig din ito sa kanya. Ilang sandali silang parang estatwa na nagtititigan. Sigurado siyang nakita na niya ang lalaking ito hindi lang niya maalala kung saan. At biglang nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang sinabi ni Mrs. Teodoro na nakaaway daw niya ang anak nito. Mukhang nakilala din siya ng lalaki dahil sabay silang nagsabi ng, “Ikaw!" Lumapit ito sa kanya at marahas na hinawakan ang braso niya. Parang nag-aapoy ang mga mata nito sa galit sa kanya. “Anong ginagawa mo dito sa bahay ko ha? Magnanakaw ka 'no?" Matangkad ito kaya tiiningala niya ito at sinamaan ng tingin, “Hoy, hindi ako magnanakaw! Ikaw d'yan ang magnanakaw!" Ninakawan mo 'ko ng halik! Nagpumiglas siya at nabitiwan nito ang braso niya. Agad siyang lumayo dito ngunit nang makita niyang lalapit muli ito ay sumigaw siya. “Ah..!" Nagising ang lahat ng tao sa bahay at nagmamadaling silang pinuntahan. Nakita pa niyang may hawak na kawali si Nikki at nakahandang ipalo iyon, “Nasan ang magnanakaw?" sabi nitong hinahanap ang magnanakaw. Siya naman ay tumakbo sa likod nito. “Ano bang nangyayari dito?" tanong ni Henry. “Dad, 'yang babaeng 'yan ang magnanakaw," sabi nitong itinuro pa siya. “Huh? Hindi 6siya magnanakaw anak." “Oo nga anak. Siya si Jin, anak siya ng high school friend ko. Pinatuloy namin siya dito ng daddy mo." “Ano?" tumango ang daddy niya. Tinanong naman siya ni Nikki kung okay lang siya, nasa likod pa rin siya nito. Muling nagsalita si Henry, “Okay, this is just a misunderstanding. Jin, halika dito." Lumapit siya. “Anak, siya si Liljin, anak siya ng amiga ng mommy mo." Bumaling ito sa kanya. “Jin, siya naman ang anak ko, si Randolf. Okay, ngayon magkakilala na kayo." “O, mabuti pa magsibalik na kayong lahat sa mga kwarto ninyo. Matulog na ulit kayo," utos ni Ambrosia. Tumalima naman ang lahat. Binilisan din niya ang lakad. “Sandali lang, mom, dad..." habol nito. Tumigil sa paglalakad ang mag-asawa. “So, inampon n'yo siya? Dito na rin siya titira?" Napahinto rin siya sa paglalakad at nilingon ang mga ito. “Hindi namin siya inampon ng daddy mo. Magtatrabaho siya. She will be one of our waitresses." “What?!" Pinasadahan siya nito ng tingin. “I don't need a new waitress. I don't have time to train a new one." “Hijo, nagmagandang loob kami ng mommy mo sa kaibigan niya. Malaki ang naitulong sa mommy mo ng nanay ni Jin nung high school. Dinala namin siya dito kailangan kasi niya ng trabaho." “Gawin n'yo na lang siyang maid. Hindi ko po kailangan ng bagong waitress." “O sige, 'wag ka na ring makikipag-inuman sa mga kaibigan mo, you know what I mean. And you have to start working in our company and take your life seriously." “That's unfair! Dahil lang sa babaeng 'yan? Bigyan n'yo na lang siya ng pera at pauwiin n'yo na." “At anong akala mo sa 'kin, pulubi na kailangang limusan?" Hindi na niya napigilan ang sariling sagutin ito. Mahirap lang siya pero kahit minsan ay hindi siya nanlimos, kaya niyang magtrabaho. “Hindi ka kasali sa usapan, 'wag kang sumabat." “Aba...talagang bading ka, nang-aaway ka ng babae," natutop naman niya ang bibig. Hindi niya napigilan ang sarili dahil sa kabastusan nitong makipag-usap. Napikon naman ito at akmang susugudin siya ngunit pinigilan ng ama. “Tama na 'yan. It's late. I think we should all rest. My decision is final Randolf, kung ayaw mo siyang maging waitress then you have to live with my conditions." Naiinis itong tumalikod at umakyat ng hagdanan. Siya naman ay nagpaalam na babalik na sa kanyang kwarto. Kung hindi lang dahil sa naging sitwasyon nila sa inuupahang bahay ay malamang na hindi siya pumayag sa gusto ng mag-asawa. Siguro ay nagkamali rin siya dahil hindi niya itinanong kung sino ang anak ng mga ito. Malay ba naman niyang si Randolf pala iyon? Tandang-tanda pa niya ang pagkikita nila sa isang beach sa Batangas noong nakaraang summer. Nagkayayaan ang mga kaibigan niya noong high school na mag-bonding dahil matagal na silang hindi lumalabas. Napadpad sila sa beach. Gumawa sila ng bonfire, nag-ihaw, nagkwentuhan, nag-inuman at nagtawanan. Kahit hindi sila madalas magkita-kita ay laging ganoon kasaya, kaya hindi niya pinapalampas, kahit wala siyang pera ay sumasama siya. Ganoon lang naman ang buhay niya, paraket-raket, sasama sa barkada 'pag niyaya, bahala na kung bukas nganga. Na-eenjoy niya ng husto ang buhay niya, young and wild and free 'ika nga. Hindi naman siya pinipigilan ng mga magulang dahil nakakatulong naman siya sa kanila. Sa tuwing may magkaka-pera siya ay magtatabi lang siya ng kaunti para sa sarili at ibiigay na niya sa ina. Simple lang ang buhay para sa kanya, gawin ang nakapagpapasaya at iwasan ang mga hindi. Habang nagsasaya nga sila sa beach, may dumating na isang grupo, dalawang babae at apat na lalaki. Naka-inom na rin ang mga ito. Papunta sana sila sa banyo ng kaibigan niyang si Debbie nang hindi sinasadyang nabangga nito ang isang lalaki at natapakan pa niya ang paa nito. “Hoy, nanadya ka ba?" matigas na sabi nito. “Sorry, hindi ko sinasadya," sumusuray na sabi ng kaibigan niya. “Anong hindi sinasadya? Kita mo nang dadaan ako binangga mo pa rin. Pinagti-tripan mo ba 'ko ha?" Hindi naman niya nagustuhan ang mga sinabi ng lalaki kaya nakialam na siya. “Hoy, nag-sorry na nga siya, eh. Hindi niya sinasadya, bakit sumisigaw ka pa rin?" Nakita niya ang kaibigan na sumandal sa pader at unti-unting naupo sa sahig. “At sino ka, abogado niya?" “Kaibigan ko siya, bakit may reklamo ka?" “Aba, ang tapang mo ah! Kung magsalita ka akala mo ang laki mo ah..." “Talaga! Duwag! Ka-lalaki mong tao pumapatol ka sa babae. Bading ka ba?" Namula ang mukha nito sa galit. Humakbang ito palapit sa kanya at hinagip ang braso niya. “Anong sabi mo?" Hindi niya inaasahan ang sumunod nitong gagawin. Ipininid siya nito sa pader at hinalikan siya. Ramdam niya ang masuyong paggalaw ng labi nito. Siguro ay dala na rin ng alkohol kaya biglang gumapang ang init sa buong katawan niya. Nagustuhan niya ang kakaibang sensasyon na nararamdaman niya kaya natulala siya dito. Tinitigan siya nito at tumawa. “What now wild cat? Guess you liked my soft lips..." Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi nito. Bigla ay natauhan siya at mabilis na tinuhod ang pagitan ng hita nito. Ang lakas ng loob mong halikan ako...Eh, ano kung malambot ang labi mo? Bago pa sila tuluyang magkasakitan ay nagsi-lapit ang mga kaibigan nila at inawat sila. Naputol ang pagmumuni-muni niya nang pumasok si Ambrosia sa kwarto niya. Dahan-dahan nitong isinara ang pinto. “Jin, ano ba ang nangyari? Hindi kayo dapat nag-away. Pano na ang plano natin?" “Mam pasensiya na po kayo, pero baka naman po may iba pang paraan. Hindi talaga kami magkakasundo ng anak ninyo." “Tandaan mo, tinanggap mo na ang paunang bayad namin. Tsaka, hindi na tayo pumirma ng kontrata para walang ebidensiya, pabor sa 'yo 'yon hindi ba? Maayos na ang lagay ng pamilya mo dahil sa 'min kaya kailangan mong pagtrabahuhan ngayon ang ibinayad namin sa 'yo." “Alam ko naman po 'yon. Eh, kung tulungan ko na lang po kayong humanap ng magiging manugang?" “Hindi pwede Jin. May kasunduan na tayo. Ayoko ring takutin ka pa o sabihan ka ng hindi maganda." Lumapit ito at hinawakan ang kamay niya. “Hija, natutuwa ako na natulungan ko ang pamilya mo, set aside the one million, pero sana ngayon na maayos na ang pamilya mo, kami naman ang tulungan mo." Huminga siya ng malalim. Gusto rin niyang tulungan ang mag-asawa. At dahil nga tinanggap na niya ang paunang bayad, mukhang wala na siyang magagawa kundi tumupad sa usapan. Bakit kasi sa dinami-dami ng nakaaway niya ay si Randolf pa ang naging anak ng mga ito. “Sige po mam. Hayaan niyo, gagawin ko ang makakaya ko. Pero nagtataka lang po ako, bakit po hindi kayo kumuha ng sexy, maganda at matangkad na babae? Di ba po apo ang gusto ninyo? Mukha naman pong hindi siya maakit sa 'kin eh." Tumingin pa siya sa dibdib niya. “Ay...ano ka ba. Keri 'yan. Tsaka sinubukan na namin 'yon. Remember, ipinagkasundo namin siya kaya lang ayaw niya. Maganda at sexy si Amanda pero hindi naman pinansin ni Rand. Kahit pa nga malaki ang—" Dadako sana sa dibdib niya ang kamay nito ngunit huminto ito sa ere at tumingin sa dibdib niya. Binawi nito ang kamay at ngumiti, “Ibig kong sabihin, hindi naman 'yon importante. Basta gawin mong kailangan mong gawin. Kung kailangan mo ng tulong, kahit pa pera, basta tungkol sa plano, 'wag kang mahihiyang lumapit sa 'min ng sweetheart ko. Sige maiwan na kita." Tumingin pa ito sa dibdib niya bago tumalikod at lumabas ng pinto. Napahawak tuloy siya sa dibdib. Naupo siya at humarap sa salamin. Hindi siya pala-ayos. Hindi rin siya marunong magmake-up. Tinitigan niya ang sarili sa salamin. Paano kaya siya magugustuhan ng preskong lalaking 'yon, este, bading pala, mukha ngang kinasusuklaman siya nito. Isa pa, hindi naman talaga siya kagandahan. Mahaba ang itim niyang buhok na palagi lang naka-pony tail. Hindi rin makinis ang mukha niya dahil nong high school siya ay marami siyang pimples, lagi kasi siyang nagpupuyat sa kagagala. Nagpapasalamat lang siya dahil naimbento ang concealer at na-discover niya. Aminado naman siya na maliit ang dibdib niya. Isang bagay lang ang ipinagmamalaki niya, maganda siyang magdala ng damit, 'yon nga lang ang laging porma niya ay shorts o kaya pantalon. Hindi kasi siya sanay mag-palda at mag-dress. Mas lalong hindi siya sanay mag-suot ng high-heeled shoes, doll shoes o kahit na anong flat ang hilig niyang isuot. Mahirap na kasi, baka biglang magka-takbuhan, mahirap tumakbo ng naka-paa. Panay nga ang asar sa kanya ng mga kaibigan niya nong um-attend siya ng prom, bagay naman daw pala sa kanya ang maging babae paminsan-minsan. Mga sira ulong 'yon, babae naman talaga 'ko ah!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD