Hindi makapaniwala si Randolf sa narinig niya. Sinundan kasi niya ang ina nang makita itong pumasok sa kwarto ni Liljin. Alam na niyang may mali nang makita niya ito sa bahay nila. At base sa narinig niya ay binayaran ng mga magulang niya si Liljin. Upang akitin siya? Eh, kahit katiting ay wala siyang nakikitang kaakit-akit sa dalaga. Hindi niya maintindihan kung bakit. Narinig lang niyang binanggit ng kanyang mommy si Amanda.
“That's it," sabi niya sarili habang palakad-lakad sa loob ng kwarto niya.
Si Amanda ang anak ng business partner ng mga magulang niya. Ipinagkasundo sila ng mga ito pero hindi niya ito gusto. Nagtalo pa sila ng mga magulang niya nang malaman niya na ikakasal na siya at sa babaeng noon lamang niya nakilala. Nagwalk-out siya sa dinner na inihanda ng mga ito para daw pag-usapan ang kasal.
“Rand...sandali lang. Makinig ka muna, hijo," hinabol siya ng kanyang ama. Sumunod din ang kanyang mommy na nangingilid ang luha.
“Anak pakinggan mo muna kami ng daddy mo."
“Ayoko, Mom. Ngayon ko lang nakita ang babaeng 'yan tapos gusto niyo pakasalan ko siya? Para saan, sa negosyo? Ano ba'ng tingin niyo sa 'kin, business proposal?" galit na sabi niya. Hindi siya mapipilit ng mga ito na magpakasal sa Amandang iyon. Ni hindi niya ito kilala at wala siyang balak na kilalanin. Ang ayaw niya sa lahat ay 'yong pinakikialaman ang mga desisyon niya sa buhay, lalo na ang mapapangasawa dahil habangbuhay niya itong makakasama.
“Bakit ba ayaw mo sa kanya, mabuting babae siya, pwede mong ipagmalaki at iharap sa kahit na kanino," sabi ng daddy niya.
“Mabuti? Pumayag siya sa kasunduan dahil sa negosyo. Pano siya naging mabuti?"
“Anak sige na. Bumalik tayo sa loob. Nakakahiya sa kanila. Kilalanin mo siya, pinalaki siyang maayos ng mga magulang niya. Isa pa anak, lahat ng gusto mo ibinibigay namin sa 'yo, kaya hijo, pagbigyan mo kami ng mommy mo ngayon. Gusto na naming magka-apo."
Tumangu-tango ang kanyang ina. Gusto rin niyang mag-asawa, pero hindi si Amanda ang nakikita niyang magiging asawa niya. Hindi naman kasi niya mahal ito. Nilapitan niya ang ina at ginagap ang mga kamay nito.
“Mom, I'm so sorry but I can't. Hindi ko siya magugustuhan kahit kelan..."
“Honey, why don't you give it a try? Give her a chance. I'm sure you'll like her."
“No mom."
“Bakit, may girlfriend ka na ba?" Umiling siya. “Then why?"
“Cause I'm gay..."
Natatawa pa rin siya nang mag-flashback sa kanya nang mahimatay ang mommy niya at dagli namang sinalo ng kanyang daddy. Siya naman ay nagmamadaling umalis. Iyon kasi ang unang pumasok sa isip niya para hindi na siya pilitin ng mga magulang na magpakasal. Sinabi niyang bading siya kahit hindi naman totoo. Ang huling balita niya ay nasa California na si Amanda.
Hindi man niya narinig ng malinaw ang usapan ng dalawa ay alam na niya na binayaran ng mga magulang niya si Liljin para na naman ipagkasundo sa kanya. Iba nga lang ang sitwasyon ngayon, kailangang mapa-ibig siya nito. Kasalanan din siguro niya dahil sinabi niyang bakla siya. Naging desperado ang mga ito sa pag-aakalang wala siyang planong mag-asawa at magka-anak.
Ngayong alam na niya ang plano ng mga ito ay pilyo siyang ngumiti. Hindi niya kokomprontahin ang mga magulang sa ginawa ng mga ito bagkos ay sasakyan niya ang palabas nila. Maaari siguro niyang paglaruan ang babaeng iyon.
Kinabukasan ay hinanap niya kaagad si Liljin. Kung may plano ang mga magulang niya ay meron din siya. At ngayon ang unang araw niyon. Nakita niya ito sa kusina at nag-aalmusal kasabay ng tatlo pang mga katulong. Nagtayuan sila nang makita siya, nag-good morning pa sa kanya ang mga ito maliban kay Liljin na nakatungo. Pinagmasdan pa niya ang hitsura nito, naka-polo shirt na navy blue, naka-maong pants at rubber shoes. There's no way I'll fall in love with this creature.
“Hoy, bilisan mo d'yan. Maaga tayong pupunta sa resto." Nagulat ito at tinitigan pa siya na para siyang multo.
“A-ah...s-sige po Sir."
Hinintay niya ito sa tapat ng kotse niya. Hindi naman nagtagal ay sumunod na ito sa kanya.
"Ang bagal mong kumilos. Hindi pwede ang ganyan sa restaurant ko," sita niya.
"Pasensiya na sir," sagot ni Jin.
Sasakay na sana ito nang sitahin niyang muli.
“Hoy, hindi mo ba 'ko pagbubuksan?" Hindi ito tumingin sa kanya at walang reklamong pinagbuksan siya ng pinto. “Sa susunod pasakayin mo muna 'ko bago ka sumakay, ako’ng amo di ba?" Tumungo ito at muling humingi ng pasensiya. Pareho na silang nakasakay ng kotse, sa unahan ito naupo katabi ng driver. Hindi niya gagawing madali ang trabaho nito gayundin ang pananatili nito sa kanila. Sisiguraduhin niyang susuko ito at kusang aalis.
“Salamat nga po pala kasi isinabay ninyo ako."
"Just so you know, tinakot pa ko nila mommy at daddy para lang isabay ka," inis na inis na sabi niya kay Jin.
Nagtataka siya na hindi ito pumapalag ngayon. Tahimik lang ito sa buong byahe hanggang makarating sila sa restaurant.
Pagdating nila sa restaurant ay ipinakilala agad ni Randolf sa mga staff si Liljin at inutusan ang captain waiter na si Andy na i-train ito. Hihintayin na lamang niya na magkamali ito para magkaroon siya ng dahilan para paalisin ito. Hindi talaga niya gusto si Liljin. Ngunit hanggang sa matapos ang shift nito at ng captain waiter ay wala naman siyang narinig na reklamo dito, maging si Andy ay maganda ang evaluation kay Liljin.
“Kamusta iyong bagong waitress?” tanong niya dito.
“Okay naman po Sir. Madaling matuto tsaka advantage din po na may background na sa pagiging waitress,” sagot nito.
“Ganun ba? Sige, mabuti,” nasabi na lamang niya. Naiinis siya dahil sa unang araw pa lamang ay maganda na ang ipinakita ni Liljin. Kailangan tuloy niyang umisip ng paraan para pahirapan ito at bumalik kung saan man ito napulot ng mga magulang niya.
Kinaumagahan ay maagang gumising si Randolf at naghanda sa pagpasok sa trabaho. Hindi niya hinintay si Liljin, dali-dali siyang sumakay ng kotse. “Tara na po,” sabi niya sa driver.
“Hindi po ba natin isasabay si Jin?” tanong nito sa kanya.
“Hindi na.”
Paggising ni Liljin ay naligo siya agad at nagbihis. Ayaw niyang sabihan na naman siya ni Randolf ng makupad. Ipinagpasalamat na lamang niya na kahapon ay naging busy ito at hindi siya masyadong inintindi.
Malaki ang restaurant ni Randolf, may dalawang long tables na kasya ang labindalawang katao at limang tables na pang-apatan. Casual dining ito at Filipino food ang isine-serve, may ilang halaman sa loob ng dining area at may mga paintings ng Filipino traditions.
Sa totoo lang ay nag-enjoy siya sa unang araw niya sa trabaho. Mabait naman si Andy, ang captain waiter, na nag-train sa kanya. Kailangan lang niyang sauluhin pa ang menu dahil hindi pa niya ito masyadong gamay. Ngayong araw ay plano niyang mag-hands on na dahil naiinip siyang mag-observe lang. Masipag naman siya at gusto niya ang trabaho kaya madali siyang natuto.
Lumabas na siya ng kwarto at pumunta sa kusina para magkape. Nasalubong niya si Nikki na may dalang walis tambo. “Good morning Niks,” bati niya.
Kumunot naman ang noo nito, “Bakit nandito ka pa, akala ko nakaalis na kayo kanina pa ni Sir Randolf?”
“Ha, eh maaga pa naman ah?”
“Eh, kasi nakita ko umalis na sila ni kuya Roldan.”
Nanlaki ang mga mata niya, “Ano? Pero maaga pa. Tska…tska pano ko pupunta sa resto kung iniwan nila ko?” Dali-dali siyang tumakbo palabas ng bahay at nagpunta sa garahe. Wala na nga duon ang sasakyan nito at malamang na iniwan na nga siya.
Pumikit siya nang mariin at mariin ding kinuyom ang mga kamay saka malakas na nagbuga ng hangin. Buwisit kang bading ka. “May araw ka ring bading ka!” sigaw niya.
“Jin, anong problema?”
Nagulat siya nang may magsalita sa likuran niya, si Ambrosia. Nanduon pala ito sa garahe at saktong paalis din.
“Madam, kasi iniwan ako ni Sir Randolf.”
“oh, eh di sumabay ka na lang sakin. Idadaan ka na lang namin doon.”
“Sige po, salamat.”
Sumakay na din siya sa sasakyan nito. Mabuti na lamang at tiyempong aalis din ito, kung hindi ay hindi na niya alam kung pano siya makakarating sa resto. Hindi naman siya marunong magbiyahe at hindi siya sanay sa lugar na iyon.
“Jin, kamusta naman kayo ni Rand?” pa-uusisa nito sa kanya.
“Kagaya pa rin po ng dati. Mukha po kasing ayaw talaga sakin ng anak ninyo,” sagot niya.
“Hayaan mo, hindi naman tayo masyadong nagmamadali, pero, siyempre kailangan pa rin ng progress. Dapat siguro gumawa ka ng paraan para lagi ka niyang mapansin.”
Ngiti at tango na lamang ang isinagot niya dito. Hindi niya masabi na mas mabuti na nga na hindi siya pinapansin nito dahil nasisira lamang ang mood niya. Wala na kasi itong ginawa kundi pagalitan at sitahin siya. Ni hindi nga niya makuha ang loob nito, mapa-ibig pa kaya?