Larson “Multo” Geonad POV
Mabigat pa rin ang dibdib ni Multo habang nakaupo sa loob ng SUV ni Elen. Tahimik. Pareho nilang alam na bawal ito. Mali. Mapanganib. Pero sa pagitan ng mga bitak ng mundong puno ng dugo at kasinungalingan, may liit na liwanag—isang saglit ng koneksyon.
Pero hindi nagtagal.
Sa biglang tunog ng maraming sasakyan sa labas, nagkatinginan sila. Tatlong itim na van ang sabay-sabay na huminto malapit sa kanila. Ilang kalalakihang naka-itim at may mga earpiece ang bumaba, may baril sa loob ng mga coat.
Elen (pabulong, kinakabahan):
“s**t… sila ‘yan. Mga tao ni papa.”
Agad binuksan ni Elen ang pinto.
Elen:
“Gumilid ka. Gagawan ko ng paraan. Wag kang magsalita.”
Sumunod si Multo, pero mabilis siyang sumilip sa rearview mirror. Kabisado niya ang ganitong kilos, ito ang estilo ng mga tauhan na nagta-track ng high-value target. Hindi niya alam kung siya ang pakay o si Elen. Pero wala siyang balak maghintay ng kasagutan.
Lumapit ang isang lalaki sa bintana ng passenger side.
Tauhan ni Emilio:
“Ma’am Elen, sino po ‘yung kasama ninyo?”
Elen (ngumingiti, pilit):
“Boyfriend ko.”
Tauhan (nagulat):
“Ah… boyfriend?”
Elen:
“Oo, problem ba?”
Habang nagkakagulo sa labas, mabilis na lumusot si Multo sa kabilang pinto. Tahimik. Mabilis. Parang multo talaga.
Sa isang igla, wala na siya.
GABI, APARTMENT SA SAN JUAN
Pag-uwi ni Larson, basang-basa na siya ng ulan. Tinanggal niya ang coat niya, ibinato sa sahig, at humiga sa sofa. Ang utak niya, puno pa rin ng ingay, pero ang katawan niya, pagod na pagod.
Pero kahit sa pagod, hindi siya mapakali.
Habang binabasa niya ang intel niya noong nasa bar pa, may kinuha siyang maliit na device. May nakuha siyang number, ang cellphone ni Elen. Isa ‘to sa mga nakuhang info habang nasa parking sila, sa pamamagitan ng silent data sniffing device na nakabit sa relo niya.
Dinial niya agad.
Isang ring. Dalawa. Wala.
Larson (mahina):
“C’mon, sumagot ka…”
Walang sumagot. Dead air.
Tumitig siya sa kisame. Huminga nang malalim.
Pinikit niya ang mga mata.
SA PANAGINIP
Madilim. Basang-basa ang daan. Parang isang abandonadong eskinita. Wala ni isang kaluluwa.
Naglalakad si Multo, nakasuot ng pangkaraniwang hoodie. Sa bawat hakbang, lumalalim ang putik. Masama ang kutob niya.
Tumingin siya sa paligid.
Walang ingay.
Hanggang sa marinig niya ang yabag ng bota. Mabigat. Mabagal.
Mula sa dulo ng kalsada, may isang lalaking naka-itim. Puti ang mata. Walang mukha. Ang katawan ay parang usok na may hugis.
Lalaki (malalim, halos parang demonyo):
“Hindi ka makakatakas.”
Larson:
“Sino ka?!”
Lalaki:
“Ako ang multo ng lahat ng pinatay mo.”
Sa isang iglap, dumilim ang paligid. Napuno ng boses ang tenga ni Multo, sigaw, iyak, at huling hininga ng mga taong binura niya sa mundo.
Lalaki:
“Bawat pinatay mo, may kaluluwang humihila sa’yo pababa.”
Sa paligid niya, nagsilitawan ang mga kamay mula sa lupa, dugoan, namimilipit, humihila sa kanya pababa.
Sumisigaw siya. Kumakawala. Pero wala siyang takas.
Lalaki:
“Walang ligtas sa sarili mong kasalanan. Kahit ikaw, Multo.”
Lumapit ang lalaki, hawak ang baril na itim na parang wala nang liwanag.
Lalaki:
“Panahon mo na.”
Pumutok ang baril.
REALIDAD
Nagising si Larson. Pawis na pawis, parang bagong ahon sa tubig. Malalim ang hininga, malakas ang t***k ng puso.
Umupo siya. Kinuha ang baril sa ilalim ng unan.
Wala na si Elen. Patay na si Nica. Lahat ng pinatay niya, tila bumabalik.
At may paparating.
Hindi lang mga kalaban. Kundi ang sarili niyang multo.
UMAGA. SAN JUAN.
Nagising si Larson “Multo” Geonad sa mabigat pa ring pakiramdam. Nasa gilid pa rin ng isipan niya ang panaginip kagabi. Ang mga boses. Ang mukha ng lalaking walang mukha. Ang baril.
Walang almusal, walang toothbrush. Tumayo agad siya. Binuksan ang drawer, kumuha ng black turtleneck, itim na pantalon, combat boots, at sinabayan pa ng leather jacket. Ray-Ban shades para sa huling ugnay ng kanyang "don’t-mess-with-me" outfit.
Isang titig sa salamin, saka siya ngumiti.
Larson:
"Parang vigilante sa pelikula. Pero hindi ito pelikula. Buhay 'to."
GYM, MAKATI.
Eksklusibong gym. Pang mayaman. Pang politiko. Pang taong may pangalang sinisikap itago.
Pagpasok ni Multo, dumiretso siya sa second floor kung saan may glass walls at kita ang buong area ng cardio at weights.
Doon niya nakita si Elen.
Naka tight black gym set. Nakapusod ang buhok. Pawis, pero parang mas lalo lang siyang naging nakakatuliro sa paningin. Tumutulo ang pawis sa collarbone niya, at sa bawat galaw ng katawan, parang ballet ng isang babaeng hindi man lang aware kung gaano siya ka-mapanganib sa puso ng isang killer.
Pero hindi iyon ang pakay ni Multo.
Lumapit siya sa may juice bar. Tumitig sa kanya ang receptionist, parang nabigla sa itsura niyang mukhang lalaban o lalandi, di mo talaga masabi.
Receptionist:
“Sir, member po kayo dito?”
Hindi siya sumagot. Tumango lang. At pumasok.
Sa gilid ng gym floor, hawak ni Elen ang water bottle nang mapansin niya ang repleksyon sa salamin. Si Multo. Nakatayo lang, tahimik, pero klaro: siya ang pinapanood.
Lumapit siya, hawak pa ang tuwalya.
Elen:
“Ano ‘to, stalker arc mo?”
Larson:
“Hindi kita ini-stalk. Sinusundan lang.”
Elen:
“Ang tawag don ay stalking.”
Huminga si Multo. Tinanggal ang shades. Tumambad ang medyo puyat niyang mata. Pero kahit pagod, may ningning pa rin na parang nananabik.
Larson:
“Kailangan lang kitang makausap. Tungkol kagabi.”
Elen:
“Akala ko ba tapos na ‘yon?”
Larson:
“Hindi ako sanay na may nagtatanggol sa akin. Lalo na kung anak ng target ko.”
Tumigil si Elen. Biglang natahimik. Hindi siya sumagot agad. Tumayo lang siya sa harap ni Multo, at saka naglakad papunta sa bench area.
Sumunod si Multo.
Sa medyo tagong bench, umupo si Elen. Tinanggal ang glove niya at uminom ng tubig. Pinagmasdan niya si Multo, mula ulo hanggang paa.
Elen:
“Alam mo bang halatang-halata kang attracted sa akin?”
Larson (umirap):
“Hindi ko naman tinatanggi.”
Elen (nakangiti):
“Good. Kasi gagamitin ko ‘yon sa pabor ko.”
Larson:
“Anong ibig mong sabihin?”
Elen:
“Kapag gusto kong umalis, gusto kong may kasama. Hindi bodyguard. Hindi tagasunod. Gusto ko ng someone na marunong mag-isip. Someone na kayang lumaban kung kailangan.”
Tumingin siya kay Multo.
Elen:
“Alam kong hindi mo ako bibiguin.”
Larson:
“Hindi pa nga ako pumapayag.”
Elen (seryoso):
“Gusto ko munang lumayo sa Metro Manila. Sawa na ako sa mga pangako, politika, at kasinungalingan. Gusto kong magpahinga.”
Larson:
“Akala ko ba hindi ka umiiwas?”
Elen:
“Hindi ako umiiwas. Pinipili ko lang kung kailan ako lalaban.”
Natigilan si Multo. Kasi sa mga sinabi ni Elen, para bang siya rin ‘yon. Isang taong sawa na. Sa laban. Sa dugo. Sa mga gabing hindi alam kung makakauwi pa.
Larson:
“Akala ko kaya ko nang tumigil. Pero habang lumalapit ako sa’yo, mas lalo akong napapalapit sa gulo.”
Elen:
“Baka hindi ako ang gulo. Baka ako ‘yung rason mo para umayos.”
Tumingin si Multo kay Elen. Sa loob ng gym na may mga dumadaing sa dumbbell at mga tumatakbong walang katapusan sa treadmill, para bang sila lang ang naroon.
Larson:
“Anong gagawin natin?”
Elen:
“Umalis. Sandali lang. Ako ang bahala sa pera. Ikaw bahala sa ligtas na ruta.”
Larson (nakangisi):
“Ganyan ka ba mag-honeymoon?”
Elen (tumawa):
“Hindi. Ganyan ako maghanda sa giyera.”
Biglang naramdaman ni Multo ang presensya sa paligid. Hindi kagaya ng gym-goers. Iba. Mga taong alam niyang nakatingin kahit hindi mo kita. Reflex na ‘to.
Bumulong siya.
Larson:
“May nakamasid. Hindi ko lang alam kung para sa’yo o para sa’kin.”
Elen:
“Anong gagawin natin?”
Larson:
“Pareho tayong target. Pareho tayong may dahilan para tumakbo. Pero kung aalis tayo…”
Tumingin siya kay Elen. Hindi na ito ‘yung babae lang na nakita niya sa bar. Isa na itong kasama sa digmaan.
Larson:
“…siguraduhin mong kaya mong bitawan lahat. Kasi sa mundong ‘to, walang pwedeng hatiin. Buhay o patay. Kasama ka o kalaban.”
Ngumiti si Elen.