GORA agad ako sa department store ng mall para bumili ng mga sexy na damit. Tatlong very sexy and revealing na dress ang agad kong kinuha at lumapit ako sa isang saleslady.
“Ah, miss, may iba pa ba kayong size nito?” tanong ko.
Kinuha ng saleslady ang tatlong dress at tiningnan. Nanlaki ang mata ko nang ako naman tingnan niya. Umiling pa siya. Aba! Bakit parang nakakainsulto naman kung makatingin ang saleslady na ito?
“Ma’am, meron naman po pero wala pong kasya sa inyo, e,” anito.
Kumulo ang dugo ko at umusok ang ilong pero pinigilan ko ang aking sarili na sapakin ang kaharap na babae. Ngumiti ako nang may kasamang gigil. “Miss, pakikuha nga ako ng pinaka maliit na size ng mga dress na iyan. Please!”
“Kayo po ba magsusuot, ma’am?”
“Baka naman gusto mong ikaw?” sarcastic na sagot ko.
“Ay, talaga, ma’am? This is for me?!”
Boba! Sigaw ng utak ko.
“Joke lang. Sige na, kumuha ka na ng pinaka maliit na size ng mga dress na iyan. And yes, that’s for me!” Taas-noo na sabi ko. “Pakisunod na lang sa fitting room.”
“I-fi-fit niyo pa po? Ma’am, paalala lang… Kapag nawasak ang mga damit dahil sa pagpipilit niyong magkasya sa inyo, declared na bibilhin niyo na po--”
“Alam ko! Alam ko! Pwede, sumunod ka na lang sa sinabi ko?!” My ghad! Nakakataas naman ng dugo ang saleslady na ito.
Masyadong intrimitida!
Medyo umirap siya sa akin. “Okay. Sabi mo, e. Isusunod ko na lang sa inyo sa fitting room,” aniya sabay alis.
Nakakaloka!
Naglakad na ako papunta sa fitting room. Doon muna ako sa labas para makita ako ng bruhang saleslady. Humanda siya. Tingnan ko lang kung hindi siya mapanganga sa pasabog ko. Bwahahaha!
Maya maya ay dumating na ang saleslady dala ang size ng mga dress na ni-request ko. “`Eto na po. Basta, bahala kayo kapag nasira ang mga iyan, ha!” sabi pa niya.
Isa na lang talaga ay mahe-headline bukas sa dyaryo na may isang intrimitidang saleslady ang itinumba dahil pakialamera!
Nginitian ko na lang siya sabay simangot. Kinuha ko na ang mga damit sa kanya at pumasok na ako sa fitting room.
Inilabas ko agad ang magic red lipstick at nag-apply niyon. Siyempre, hindi ko makakalimutan ang magic word!
“Ang dating majubis, ngayon ay ninipis. Sa aking alindog, ika'y mahuhulog!”
Pagkasabi ko no’n ay nagsimula na naman ang masakit sa bangs na transformation ko. Talon ng tatlo tapos ikot ng mabilis. Napangiti na lang ulit ako nang makita ko na sexy na ako.
Hinubad ko na ang aking damit at inilagay iyon sa bag na dala ko. Isa-isa ko nang sinukat ang tatlong dress at kasya naman sa akin lahat. Actually, perfect fit! Parang tinahi ang mga damit na iyon para talaga sa aking katawan.
At dahil hindi naman ako pwedeng lumabas ng fitting room na suot ang malaki kong damit ay isinuot ko na lang iyong red na dress na nagpalitaw sa aking perfect curves. Wala iyong manggas kaya naman litaw ang magandang hugis ng aking braso.
“Ang tagal niyo naman, ma’am!” Pakli ng saleslady.
“Palabas na ako!” Itinirik ko ang aking mga mata sabay hawi ng kurtina.
Paglabas ko ay napanganga ang intrimitidang saleslady nang makita ako.
“Bagay ba siya sa akin?” Kunwari ay inosenteng tanong ko. Nagpaikot-ikot pa ako sa harap niya.
“Ah… ah… Ah… Nasaan na iyong matabang babae?” Akala mo ay nabati ng duwende na tanong niya.
“Mataba? Wala naman akong nakikitang matabang babae, ah.”
Sumilip siya sa loob ng nilabasan kong fitting room sabay tingin sa akin. “M-may matabang babae diyan kanina, e…”
“Alam mo, kung anu-ano ang sinasabi mo. Ingat ka, baka ma-tokhang ka niyan! Anyways, nasaan nga pala ang cashier. Bibilhin ko na lahat ng ito including this dress na suot ko.”
“D-doon po, ma’am…” Nakanganga pa rin niyang sagot sabay turo ng cashier sa akin.
Sinabi ko naman na mapapanganga ang babaeitang ito sa akin, e!
I am so beautiful ang sexy naman kasi talaga!
AFTER kong mabayaran ang mga damit ay naglakad-lakad muna ako sa mall. Bumili na rin ako ng isang red shoes na may five inches na takong para naman bumagay sa red dress ko. Dati ay natatakot akong magsuot ng ganitong sapatos dahil baka hindi kayanin ang bigat ko. Maputol lang. Pero ngayon, nasusuot ko na siya. Dream come true talaga! Thanks to magic red lipstick and to Matandang Hukluban!
Ang lakas maka-sosyal ng hitsura ko ngayon. Ang haba pa ng hair ko. Kulay dark brown na medyo kulot-kulot. Feeling ko tuloy ay isa akong supermodel habang naglalakad. Parang may electric fan sa harapan ko at fini-feel ko nang bongga ang hangin na ibinubuga sa akin. I feel so beautiful dahil halos lahat ng nakakasalubong kong lalaki ay binibigyan ako ng second look. Iyong iba naman, talagang nililingon pa ako.
Before kapag naglalakad ako sa mall wala man lang tumitingin sa akin. Kung meron man, para punahin ang katabaan ko. Akala ba nila hindi ko naririnig ang mga bulong nila na sobrang taba ko? Na baka kapag sumakay ako sa elevator ay bumulusok iyon paibaba? Well, let’s see kung masabihan pa nila ako ng ganiyan ngayon. Bwahahaha!
Habang naglalakad ako ay may tumawag sa akin.
“Miss! Miss!” Ang akala ko ay hindi ako pero paglingon ko ay itinuro ako ng isang lalaki at sinabi na hintayin ko siya.
Tumigil naman ako para alamin kung bakit niya ako tinawag. Medyo matangkad siya at sa tantiya ko ay nasa 30’s na. Disente naman tingnan at mukhang matino.
“Bakit po?” I asked him.
“Alam mo, kanina pa kita nakikita. Ako nga pala si Samuel Versoza at isa akong talent manager. Baka gusto mong maging artista?” aniya.
Parang may mga anghel na nag-awitan nang tanungin niya ako kung gusto ko bang mag-artista. Bukod kasi sa pagiging writer ay pangarap ko na talaga noon pa ang maging artista.
“Talaga po ba? Qualified po ba akong maging artista?” Excited na tanong ko. Ito na marahil ang katuparan ng matagal ko nang pangarap!
“Oo naman. Ang ganda mo at sexy pa. Marunong ka naman sigurong um-acting, `di ba?”
Mabilis akong tumango. “Oo naman po! Marunog ako!” Sumeryoso ako at nag-isip ng magandang acting. “My brother is not a pig! I did not kill… anybody! Walang himalaaa!!!” Mala-Nora Aunor na acting ko. With iyak pa sa huli para pasikat talaga.
Pumalakpak si Samuel sa ginawa ko. “Ang galing mo! Ano nga palang pangalan mo?”
“Ella po. Ella Panti!”
“Ella Panti? Hmm… Nice pero weird name. Pero pwede naman nating palitan ang pangalan mo kapag nag-artista ka na.” May hinugot sa bulsa ng pantalon si Samuel. Isang calling card ang inabot nito. “`Eto ang calling card ko. Kapag interesado ka, tawagan mo ako.”
“Sige po. Salamat--”
Ganoon na lang ang gulat ko nang mula sa likuran ko ay may umakbay sa akin at kinuha ang calling card na ibinigay ni Samuel. Paglingon ko ay isang gwapong lalaki ang nakita ko. Isang gwapo, matangkad at mabangong lalaki! Sino naman ito?!
Teka nga… Who is this guy at bakit bigla-bigla na lang siyang umakbay sa akin nang walang sabi-sabi?
“Sorry, pero hindi ko pinapayagan na maging talent mo ang girlfriend ko.” At talagang pinunit pa ng lalaki ang calling card.
Napanganga na lang ako sa ginawa niya. Sa pagpunit niya sa calling card na iyon ay parang nasira na rin ang pangarap kong maging artista.
“Bakit mo ginawa iyon?!” Galit na sigaw ko sa kanya.
Kahit gwapo siya ay hindi ko pwedeng palampasin ang pagiging barubal niya. Lalapit siya dito kahit hindi ko naman siya kilala tapos ganito lang ang gagawin niya! How dare him! Sino ba siya?!
“Teka nga,” singit ni Samuel. “Boyfriend mo ba talaga iyan?”
“Hindi po--”
Kinabig ako ng lalaki at ipinagsiksikan sa kanya. “Yes! Medyo may hindi lang kami pagkakaunawaan kaya itinatanggi niya ako. Kaya kung ako sa iyo, Mr. Samuel Versoza, aalis na ako bago pa ako tumawag ng pulis. Lalo lang mapurnada `yang modus mo!”
Napansin ko na parang namutla si Samuel pagkasabi niyon ng lalaki. Tiningnan nito ng masama ang lalaki at walang sabi na umalis. Hahabulin ko sana siya ng tawag pero nawala na agad siya sa paningin ko. Wala na akong nagawa kundi ang manghinayang at malungkot sa pinakawalan kong opportunity.
“You should thank me, miss…”
Doon ko lang napansin ulit na nakaakbay pa rin pala sa akin ang lalaki. Nanggigigil na inalis ko sa balikat ko ang braso niya sabay tulak sa kanya. “Anong thank you?! Alam mo ba ang ginawa mo, ha?! Nawala ang pag-asa ko na maging artista! Hayop ka! Sino ka bang pakialamero ka?!” Hindi pa ako nakuntento at hinampas ko pa siya ng bag sa tiyan.
Natatawang umiwas lang siya. “Ang war freak mo naman, miss. Iniligtas lang kita sa manlolokong iyon. I know him…”
“Manloloko?” Natigilan ako.
“Yes. That Samuel Versoza is a fake talent scout. Nabiktima na niya ang isa sa mga kaibigan kong babae. Dadalhin ka niya sa bahay niya para manyakin. Magpasalamat ka dahil nakita kita. If not, baka kung ano na ang nangyari sa’yo.”
Medyo nakonsensiya ako sa ginawa kong pananakit sa kanya. Paano kung nagsasabi siya ng totoo? Saka ano naman ang reason niya para magsinungaling, `di ba?
Napasulyap ako sa mukha ng lalaki. Teka… parang pamilyar sa akin ang mukha ng lalaking ito. Parang nakita ko na siya somewhere…
Ang bilugan niyang mukha, ang singkit na mga mata, matangos na ilong, mapula at medyo makapal na labi. Ang perfect niyang katawan at mauting balat. Medyo balbon. May facial hair na bagay naman sa kanya. Ang buhok niyang itim na medyo alon-alon.
Isang mukha ang biglang pumitik sa utak ko.
Arkin! Gimbal na sigaw ko sa aking sarili.
I can never b wrong. Si Arkin Andres ang lalaking ito! Nakita ko sa f*******: niya ang hitsura niya ngayon. s**t! Kung gwapo siya sa picture, mas lalo naman sa personal. Ang hot niya! Wait nga, ang akala ko ba ay nasa California ang mokong na ito? Anong ginagawa niya dito?
At bakit ganito na lang ang effect niya sa akin? Bakit parang bumalik iyong feelings ko sa kanya noong high school pa lang kami? Hindi ba dapat ay galit ako sa kanya?
I collected my self at tumindig nang ayos sa harapan niya. “Well, I don’t think na kailangan kong magpasalamat sa iyo, Ar-- mister! Hindi naman kita inutusan na gawin iyon. It’s your own will! Excuse me!” Mataray na sabi ko sabay talikod sa kanya.
Dire-diretso ako sa paglalakad hanggang sa makalayo na ako sa kanya. Pumasok ako sa restroom upang doon ko pakalmahin ang pagririgodon ng t***k ng puso ko. Pagkapasok ko sa isang cubicle ay napapahawak sa dibdib na napaupo ako sa toilet bowl. Talagang nawindang ako sa unexpected na pagkikita namin ni Arkin kanina. Though, mukhang hindi naman niya ako nakilala pero kahit na. The mere fact na nakaharap ko siya after so many years ay talagang sapat na para maloka ako at makaramdam ng ganito.
At ano naman itong nararamdaman ko?
Pagka-miss?
Of course not!
Galit ako sa kanya!
Hindi lang talaga ako ready dahil ini-expect ko na sa reunion pa kami magkikita.
Pero ayokong magpaka-ipokrita. Gwapo talaga ang mokong. Kaya naman kailangan kong magpaganda nang husto sa reunion namin. Doon ko siya susupalpalin. Sisingilin ko siya sa panggagamit at pamamahiyang ginawa niya noon sa akin. Bwahahaha!
AFTER kong gumala sa mall ay nagdesisyon na rin ako na umuwi. Bumili na rin ako ng susuotin ko sa reunion namin. Isang jade green na gown na napaka eleganteng tingnan. Haay… Naubos yata ang savings ko sa damit pa lang. Nakakapulubi pala ang maging maganda at sexy. Nakakaloka!
Inalis ko muna sa isip ko si Arkin dahil baka ma-bad vibes lang ako. Kailangang puro good vibes lang ang ma-absorb ko para iwas stress. Ayokong ma-stress pagdating ng reunion. Isang linggo na lang pala iyon mula ngayon. I need to be ready for that event!
MULA sa mall ay nag-taxi na lang ako pauwi. Inabot pa ako ng traffic tapos eksaktong huminto iyong taxi sa tapat ng office ng publishing company kung saan ako nagsusulat. Halos isang taon na rin pala akong hindi nakakapasok doon. Sa bahay lang naman kasi ako nagsusulat tapos kapag okay na ay ipapasa ko sa kanila thru email. Ang bayad naman ay dini-deposit na lang nila sa bank account ko kaya wala talagang reason para pumunta ako doon.
Kapag may booksigning naman, hindi rin ako pumupunta dahil ang akala naman ng tao ay si Jenna Rolling ang talagang nagsusulat ng mga sinusulat ko. Ilang taon na akong nagsilbing anino niya. Nasa likuran ng isang magandang mukha ang talento ko.
Napatingin ako sa salamin na nasa ulunan ng taxi driver at nakita ko doon ang aking sarili. Maganda, kaakit-akit at hindi na malaki ang mukha.
Hanggang sa may naisip ako…
“Ah, kuya, dito na lang po ako,” sabi ko sa taxi driver. Binayaran ko na siya at bumaba. Dire-diretso akong pumasok sa office namin.
Ngayong maganda at sexy na ako, wala nang dahilan para ipahiram ko ang aking talento sa ibang tao. Hinanap ko ang office ng presidente ng Love Publishing Company na si Miss Beverly. Hinarang ako ng secretary niya pero nang sabihin ko na ako si Ella Panti ay pinapasok din naman agad ako.
“Good afternoon, Miss Beverly…” Hindi ko na hinintay na paupuin niya ako dahil umupo na agad ako pagkapasok ko.
Napakunot-noo siya nang makita ako. “Where’s Ella? Akala ko ba si Ella ang gustong kumausap sa akin?” aniya. Nasa early 50’s na si Miss Beverly pero single pa rin. Masyado yata itong subsob sa publishing company na ito ang mismong nagtatag.
“Kaya nga po. I am here.” Taas-noo kong sagot.
Lumaglag ang panga niya sa sinabi ko. “No way.”
“Ako na ito, Miss Beverly. Ako si Ella Panti.”
“For real?”
“For real…”
“Pero Ella is fat and you are… sexy. Very sexy! Paanong…”
“Miss Beverly naman… Isang taon tayong hindi nagkita. Lahat nagbabago,” pagsisinungaling ko.
Napahawak siya sa ulo niya sabay ngiti. “Mukhang nagdiet ka nang husto, Ella. Good for you. I never expected na ganiyan ka pala kaganda `pag pumayat ka. So, bakit ka nga pala nandito?”
“`Andito po ako para mag-resign, Miss Beverly. Ayoko nang maging ghost writer ni Jenna.” Matapang na turan ko na nagpa-shock sa kanya.