Chapter 1
Maang na napatitig ako kay Brandon, nasa utak ko pa rin iyong kaisipan kung tama bang siya nga iyong lalaking humalik sa akin noon. Sa totoo lang ay hindi ko na rin kasi talaga matandaan.
That was six years ago, eighteen pa lang ako no'n at nasa first year college. Pauwi na kami ng mga kaibigan ko noon galing school pero dahil gusto pa nilang gumala sa malapit na mall kaya napahiwalay ako.
May curfew kasi ako sa bahay na hindi sina Mommy at Daddy ang nagpapautos kung 'di ang magaling kong Kuya Leo. Kaya madalas ay hindi na ako napapasama sa mga lakad ng mga kaibigan at kaklase.
Gustuhin ko man din ay hindi ko na ginagawang magpasaway kay Kuya. Kahit papaano naman ay aware ako kung paano siya magalit. Nakakatakot siya at ayoko nang subukang galitin siya.
Habang naglalakad noon sa gilid ng kalsada ay bigla akong nahagip ng ilang kalalakihan na mabilis nagtatakbuhan na animo'y may tinatakasan. Dinig ko ang mga mabibigat nilang yabag sa nasabing lugar.
Sa panghuling danggi sa akin ay halos mapasubsob ako. Bago pa man din mangyari iyon ay sapilitan akong itinulak papasok ng isang lalaki sa isang maliit na eskinita, kapagkuwan ay isinandal ako sa pader.
Sa gulat sa mga nangyari ay nanlaki ang mga mata ko. Kaagad din naman akong napapikit nang matantong ilang dangkal na lang ang layo ng mga mukha namin sa isa't-isa. Nalalanghap ko ang mabangong hininga niya.
Dama ko ang malakas na pagtibok ng puso ko para sa pinagsamang gulat at pagkatakot. Hindi ko naman magawang makawala dahil sa isang braso niyang naroon sa bandang ulunan ko at nakatukod sa kagustuhang pagtakpan ang mga mukha namin.
Samantala ay ramdam ko ang higpit nang pagkakahawak niya sa siko ko. Ayaw niya akong bitawan, gaano ko man din kagustong magdilat ay ayokong gawin dahil baka magkamali ako at mahalikan ko siya.
Nasa ganoong ayos lang kami, hindi naglaon nang may ilan pang mga yabag akong narinig sa gilid kaya mas lumapit sa akin iyong lalaki. Wala nang natirang espasyo sa gitna namin at ramdam ko na ang dibdib niya sa akin.
Napasinghap ako lalo pa nang mabilis niyang pinalapat ang basang labi niya sa labi ko. Gulat na gulat ako na nagmukha akong rebulto roon at hindi man lang siya magawang itulak o sipain.
Umawang ang labi ko nang humiwalay siya. Tangkang didilat din ako nang mabilis pa sa kidlat na iniharang niya ang palad sa parehong mata ko. Rason para purong dilim ang nakikita ko. Muli ay napasinghap ako.
"Don't move." Ang seryoso at baritonong boses niyang iyon ang namutawi sa pandinig ko kaya naibaba ko ang mga kamay ko.
"Si—sino ka ba? I—ikaw ba ang hi—hinahabol nila?" utal kong tanong.
Sa katotohanang isa siyang masamang tao ay doon lang yata ako tinablan ng takot. Wala pa mang sagot galing sa kaniya ay kinabahan na ako kaya walang paatubiling itinulak ko ang dibdib niya.
Nabitawan niya ako, sa pagdilat ko ay siya ring galaw niya. Nakita ko ang mukha niya pero saglit lang dahil mabilis din siyang tumalikod sa gawi ko at matulin na kumaripas ng takbo patungo sa kabilang kalsada. Natulala ako habang pilit na tinatanaw ang papalayong pigura niya.
Huli ko nang ma-realize na may iilan siyang tattoo sa kamay at braso niya. Gusto ko siyang habulin at tanungin kung bakit niya iyon ginawa sa akin. Sino siya? Ba—bakit niya ako hinalikan?
Sa pagdaan ng alaala na iyon sa isipan ko ay wala sa sariling nahawakan ko ang labi ko. It's my first kiss. Siya iyong kauna-unahang lalaki na humalik sa akin. At hindi ko alam kung si Brandon nga ba iyon.
Gusto kong makumpirma pero nahihiya ako na magtanong at baka lumabas pang pinararatangan ko siya. Kahit papaano naman ay may kahihiyan pa ako sa katawan kaya nananatili akong naguguluhan.
"Pasabi kay Leo na sa bahay na lang nina Venice ako maghihintay," aniya at saka pa ako tinapunan ng tingin. "Mukhang tulog pa sila..."
Nasa kusina kami mula sa bahay ni Kuya na binili niya sa Villa El Amor. Ang bahay na magiging bahay nila ni Ate Venice. Napakurap-kurap naman ako, hindi makatingin nang maayos kay Brandon.
Simula kahapon nang dumating siya kasama si Ate Venice ay hindi na nawala ang malaking question mark sa ulo ko. Hindi ko nga alam kung aware ba siya na titig na titig ako sa kaniya mula pa kahapon.
"Ikaw si Shantal 'di ba?" muli ay sambit niya.
"Oo..." maliit ang boses na sagot ko. "Pa—paano mo nalaman ang pangalan ko?"
Puno ng pag-asa ang kalooban ko sa reyalisasyon na baka roon masasagot ang mga katanungan na nanggaling pa sa nakaraan. Hindi ko naman pinipilit pero mas maganda na rin kung makakahinga ako nang maluwang kapag nasagot iyon.
Natawa naman ito. "Kapatid ka ni Leo."
Gusto ko ring matawa ngunit nananatali akong walang imik. Nakatingin lang ako sa kaniya habang hawak-hawak sa kamay ang isang baso ng gatas na iniinom ko kanina. Natigil lang dahil sa pagdating niya.
"Bakit?" Kumibot ang labi niya, tila nang-uuyam.
"Wa—wala naman. Si—sige, sasabihin ko kina Kuya na napadaan ka rito."
Kaagad akong tumalikod at inisang lagukan ang natirang gatas sa baso ko. Narinig ko rin ang mabilis niyang paglabas ng kusina, saka lang ako napahinga nang malalim at maagap na nasapo ang dibdib.
Saglit akong napapikit, mahina ko ring tinatapik ang dibdib ko upang pakalmahin ang sarili. Partikular ang puso ko sa malakas niyang pagtibok. Marahil sa pagkatakot na malaman ko ang totoo.
Ngayon ay hindi ko na alam kung gusto ko pa bang malaman ang totoo. Like, ano naman ngayon kung siya nga iyon 'di ba? May mangyayari ba? May mababago ba?
Kasi kung titingnan naman ay parang wala lang sa kaniya iyon. Hindi niya alam na first kiss ko iyon, kaya nga hanggang ngayon ay bumabagabag pa rin iyon sa akin at laman ng bangungot ko sa loob ng anim na taon.
"Hindi kaya ay nagkamali lang ako?" palatak ko sa sarili, kapagkuwan ay nagmulat ng mata upang bumuga ulit ng hangin. "Baka kamukha lang niya, o 'di kaya ay masyado lang akong obsess sa lalaking iyon?"
Pero bakit naman ako magiging obsess?
"Mahabaging Diyos! Wala pa akong tulog at hanggang ngayon ay ginugulo pa rin niya ang utak ko!" sigaw ko nang hindi ko na matiis ang kabaliwan, nagawa ko pang sabunutan ang sariling buhok. "Pero sigurado talaga ako, siya iyon, siya 'yon..."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi at saka hinarap ang kaninang pwesto ni Brandon.
"Siya iyon— ay, kabayo!"
Totoong wala na roon si Brandon ngunit nagulat ako nang makita si Kuya Leo roon sa hamba ng pintuan. Sa lagay niya ay parang kanina pa siya naroon at pinapanood ang pagkawala ko sa katinuan.
"Kuya!" sigaw ko rito upang iwala kung ano man ang namumuo sa isipan niya.
"Sino ba 'yang tinutukoy mo? Bakit sinasabi mong hindi ka nakatulog?" Puno man ng pag-aalala ang mukha niya ay matigas pa rin ang boses niya sa paraang tinatakot ako.
Gusto kong yumuko upang pagtakpan ang sarili, lalo ang mga mata kong alam kong madilim at nangingitim dahil sa eyebags. Katibayan sa sinabi niya. Literal na hindi ako nakatulog kagabi sa kaiisip.
"Huh?" Kumunot ang noo ko. "May sinabi ba akong ganoon? Wala naman, ah? Kulang ka lang siguro sa tulog, Kuya."
Lumikot ang mga mata ko, mayamaya nang makakuha ng pagkakataon ay kumaripas ako ng takbo palabas ng kusina. Sa pagmamadali at kalutangan pa ay hawak ko pa rin iyong walang lamang baso.
Kalaunan nang matawa ako at ipinilig na lang ang ulo. Sa umagang iyon ay buhay na buhay ang diwa ko, sa tanghali naman ay dumating sina Travis at Trevor kasama si Brandon kaya nakita ko na naman siya.
Wala na yatang puwang ang pahinga sa puso ko dahil umulit na naman ito sa kaniyang pagtatambol. Napalunok ako, nakaupo kami ngayon sa pahabang sofa at katabi ko si Kuya na panay ang baling sa akin.
Marahil ay nakikita niyang panay ang lingon ko kay Brandon na siya ngayong nakikipagtawanan kina Travis at Trevor. Ang malakas nilang pagtawa ang pumupuno sa sulok ng sala.
"Na-miss mo ba ang mga babae mo rito sa Pilipinas, Brandon?" pang-aasar ni Travis.
Babae? Mga babae? Ilan? Bakit ang dami yata? Babaero ba siya? Tinitigan ko si Brandon. Well, halata naman sa kaniya iyon at sa tikas ng katawan niya ay hindi hamak na habulin nga siya ng mga babae.
Pero bakit? I mean, bakit niya ako hinalikan noon? Kung madami naman pala siyang babae noon, bakit kailangan pa niyang nakawin ang first kiss ko? Ano 'yon, palabas lang ba dahil tumatakas ito sa mga lalaking humahabol sa kaniya noon?
"Hindi naman. Mas marami at mas maganda naman ang mga chicks sa States," tumatawang turan ni Brandon dahilan para manlaki ang mga mata ko.
So, totoo nga? Bumilog ang bibig ko sa gulat, para pa akong nanlamig sa hindi ko malamang rason. Mayamaya pa nang maramdaman ko ang marahas na pagbuntong hininga ni Kuya.
Kaagad ko siyang nilingon, 'di rin nagtagal nang salubungin niya ang mata ko. Peke akong ngumiti, para akong nahuli sa akto at kailangan ko ngayong magpanggap sa harapan niya.
Huminga ako nang malalim. Oras ulit ang lumipas nang tuluyan silang tumayo para makagayak na sa kanilang papupuntahan. Nakatayo rin ako at tahimik lang na pinagmamasdan sila.
"Bantayan mo si Mommy," wika ni Leo kay Leon na anak nila ni Ate Venice.
Kami lang kasi ang maiiwan sa bahay, ang sabi ay boys only lang daw. At ano ba naman ako para sumama sa kanila? Isa pa, ayaw na ayaw din ni Kuya na nae-expose ako sa kung ano ang nasa paligid niya.
Alam ko rin naman na babaero si Kuya, noon. Nagbago siya dahil sa pagdating ni Ate Venice kaya ngayon ay happy family na sila at tamang panahon na lang ang hinihintay para sa kanilang kasal.
Natutuwa nga ako dahil maganda ang kinalabasan ng relasyon nilang dalawa kahit pa ang dami nilang pinagdaanan noon. Kahit pa ilang taon ang lumipas ay sila pa rin hanggang sa huli.
Isa ako sa nakakita na totoong mahal na mahal ni Kuya si Ate Venice, ngayon nga ay hindi maitatangging si Kuya ang standards ko pagdating sa lalaki. Gusto ko iyong kagaya niya na kayang maghintay gaano man katagal. Eight years plus six years.
Sino kayang lalaki ang makakatagal no'n para lang hintayin ang babaeng mahal nila? Sana all 'di ba? Ang swerte nila sa isa't-isa. Kasi kahit na babaero naman si Kuya ay bukal sa puso na tinanggap siya ni Ate Venice. Pareho nilang tinanggap ang pangit nilang nakaraan.
How I wish na makahanap din ako ng lalaki na handa akong ipaglaban— lalo kay Kuya. I'm already twenty four, sa edad kong ito ay kakaunti pa lang iyong mga na-explore ko sa mga bagay-bagay dahil kay Kuya.
Though, hindi ko naman siya sinisisi. Sa pagkakataong ito kasi ay gusto ko na lang magkaroon ng kalayaan. Gusto ko na ako mismo iyong nasusunod. Hindi sila o hindi si Kuya dahil hindi ko naman obligado na sundin siya sa puntong ito.
"Tita Shanang!" Dinig kong sigaw ni Leon, rason para mabalik ako sa reyalidad.
Sha—Shanang? Kailan pa naging Shanang ang pangalan ko?
Napapitlag ako. Huli ko nang natanto na nagkakagulo sila at naghahabulan sa sala dahil sa kung anong kalokohan ni Leon. Dagli kong nilingon si Brandon at halos maghumerantado ang puso ko sa pagwawala.
Nakatitig siya sa akin. Hindi ko alam kung kailan pa siya nakatingin, tanaw ko kasi sa labi nito ang multo ng isang ngisi na hindi ko mawari kung bakit at para saan. Gusto kong i-recall iyong nangyari at bakit ganiyan niya ako titigan ngayon.
Madali lang din naman siyang nag-iwas ng tingin at minabuting kulitin si Leon. Mga ilang minuto ko pa siyang pinagmamasdan, tila ba nadikit na ang atensyon ko sa kaniya. Samantala ay malakas na napatikhim si Kuya kung kaya ay napalingon ako sa kaniya.
Matalas ang mga mata niyang nakatanaw sa akin na para bang may mali akong nagawa. Umimpis ang labi ko bago nagbaba ng tingin at nagpakawala ng buntong hininga. Kumurap-kurap ako at isinawalang bahala na lang ang pagririgodon ng puso ko.
Sa araw na iyon ay para akong nakalutang, gabi na ngunit heto at gising na gising pa rin ang kaluluwa ko. Hindi ko magawang antukin dahil sa pag-iisip. Sa tuwing ipipikit ko naman ang mga mata ay mukha ni Brandon ang nakikita ko.
Impit akong napasigaw sa kawalan at padarag na pinagpapadyak-padyak ang dalawang paa sa kamang kinahihigaan ko. Alas dos na ng umaga pero parang ayaw akong dalawin ng antok.
Mukhang kailangan ko na yatang bumili at magtabi ng sleeping pills. Hindi ko alam kung hanggang kailan ito, o kung may katapusan pa ba ito. Natatakot ako na baka tuluyan akong mabaliw... kay Brandon.