"Pauwi ka na, Sha?" ani Migs nang makalabas ako ng elevator.
Tumango naman ako bilang sagot. "Oo, e."
Tumawa siya sa likuran ko at pilit akong hinahabol sa paglalakad ko. Mahigpit ko ngayong hawak ang sling ng bag ko, wala akong makakasabay na umuwi dahil nagko-commute lang naman ako palagi.
"Sabay na tayo," anyaya pa ni Migs.
"Hindi na. Baka makita pa tayo ni Kuya."
Tuluyan ko siyang nilingon nang makalampas kami sa lobby. Alas singko na at dapat before six ay naroon na ako sa bahay. Though, wala naman si Kuya sa bahay namin at naroon siya sa Villa El Amor ay inire-report naman ako ng mga guard at katulong namin sa kaniya.
Wala rin sina Mommy at Daddy at naroon ulit sila sa Maldives. Next week pa ang balik nila rito sa Pilipinas. Mayamaya pa nang mapabuntong hininga ako nang makita ang pamimilit ni Migs sa akin.
"Sige na, ihahatid lang kita sa kanto ninyo," pangungulit niya.
Matagal nang nanliligaw sa akin si Migs. Kung manliligaw pa rin nga ba itong maituturing dahil ilang beses ko naman na siyang tinanggihan noon pero heto siya at panay pa rin ang suyo sa akin.
Ayoko, hindi lang dahil sa natatakot ako sa magiging reaskyon ni Kuya kung 'di pati sa mararamdaman ko. Takot ako sa sarili kong pakiramdam dahil bago lang naman ito sa akin, never pa akong nagmahal.
Kailan man ay hindi pa ako nakapasok sa isang relasyon at tingin ko rin ay hindi pa ako handa. Mas madali rin sigurong sabihin na hindi si Migs ang pinangarap kong maging first boyfriend ko.
Mabait naman siya simula nang makapasok ako sa trabaho mula rito sa Global Tower ngunit sadyang ayoko lang talaga. Isa akong telecommunication operators dito, parang call center agent. We're managing calls, answer questions and take messages.
Actually, graduate ako ng mass communication pero kumukuha lang ako ng ilang experience sa mga katulad nitong company. Gusto kong hasain ang sarili ko pagdating sa pananalita lalo ang communication service.
Maganda rin naman dito na hindi ko namalayang inabot na ako ng dalawang taon sa kumpanya. Ito ang unang work ko after kong maka-graduate, kapag nagsawa na siguro ako ay saka ako sasabak sa gusto kong maging journalism o public relation.
"Huwag na talaga, Migs. Isa pa ay maggagabi na, maabutan ka ng dilim sa daan," untag ko na sana ay maintindihan ni Migs na ayaw kong may napapahamak dahil sa akin.
Malupit si Kuya, lahat yata ng lalaking nakakasama ko noon ay pinagbabantaan niya at tinatakot. Bantay-sarado niya ako kaya natatakot ako na kabalikat ko ay kapahamakan dahil sa kasama ko sila.
Napanguso si Migs. Ayaw niya, ayaw niyang magkahiwalay kami ng ganoon lang nang hindi niya ako nahahatid. Bumuntong hininga ako. Wala na siyang naging imik at tingin kong wala na rin siyang pag-asa pa.
Bumaling ako sa harap, kasabay naman nito ay ang pagkakatigil ng paa ko na tangkang hahakbang na upang makaalis ngunit mabilis akong napatigil. Pareho pa kaming napasinghap ni Migs nang makita ang isang lalaki na nasa harapan namin.
"B—Brandon..." maliit na boses na banggit ko sa pangalan niya.
Nakakrus ang dalawang kamay niya sa taas ng kaniyang dibdib. Nakatagilid ang ulo. Matalim ang mga mata niya at matigas ang pagkakatikom ng bibig niya. Isang beses niya akong tiningnan bago bumalik ang atensyon niya kay Migs.
"Kilala mo siya, Shantal?" maang na pagtatanong ni Migs sa tabi ko, napahakbang pa ako paatras nang hilain niya ang siko ko.
Kumurap-kurap ako. Ang totoo ay hindi ko alam kung bakit siya nandito. Huling kita ko sa kaniya ay iyong naroon kami sa bahay nina Kuya. Isang linggo yata mahigit ang nagdaan at simula noon ay hindi ko na siya ulit nakita pa.
Ayaw ko rin naman nang sadyain pa dahil mababaliw na naman ulit ang puso ko. Kagaya na lang ngayon na nag-umpisa na naman ito sa malakas nitong pagtibok. Kulang na lang ay kumawala ang puso ko sa dibdib ko.
Nawalan ako ng salita, hindi ko mawari kung paano ko sasagutin si Migs. Natulala na lang ako sa mukha ni Brandon na galit pa rin ang expression ng kaniyang mukha. Nakaigting ang panga niya na parang nangingitngit siya sa galit.
"Oo, kilala niya ako. Bakit?" malamig niyang sabi kay Migs.
Umawang ang labi ko. "A—anong ginagawa mo rito?"
Doon lang din niya yata napansin na nandoon ako sa pagitan nila ni Migs. Nilingon niya ako at mas lalo lang nairita ang reaksyon niya. Huminga siya nang malalim bago ako inabot kay Migs upang ilayo rito.
"Pinapasundo ka ng Kuya mo," maikling paliwanag niya.
Mas bumagsak ang panga ko sa sahig. Kailan pa ako pinasundo ni Kuya? Mula noon ay wala namang naghahatid-sundo sa akin. Siguro nga ay kahit papaano, may tiwala siya sa akin kaya binibigyan niya lang ako ng curfew.
Pero ano ito? Totoo ba ito? Bakit ganoon? Imbes na mainis kay Kuya ay para pa akong uod na kinikiliti. Napanguso ako upang pigilan ang sarili na huwag mapangiti at baka mapansin iyon ni Brandon, o ni Migs.
"Kilala mo ba siya, Shantal?" pag-uulit ni Migs na para bang ayaw niya akong ipagkatiwala kay Brandon.
Muli ay marahas na huminga nang malalim si Brandon. "Siya si Shantal Ortiz, twenty four years old. Nickname niya ay Shanang."
"Brandon!" kaagad kong pukaw sa kaniya dahil sa huling sinabi nito.
Nagbaba siya ng tingin sa akin. "May mali ba? Iyon naman ang tawag sa 'yo sa bahay."
"Pe—pero hindi mo na dapat na sinabi iyon kay Migs... nakakahiya..." lalo pang lumiit ang boses ko, rason naman para mangunot ang noo ni Brandon.
"Okay, sabihin mo na lang sa kaniya na kilala mo ako," utos niya at mas inilayo ako kay Migs. "Bingi ba siya? Hindi ba niya narinig na tinawag mo ako sa pangalan ko?"
"Hindi ako bingi—" Bago pa man makapagpatuloy si Migs ay inunahan ko na siya.
"Pasensya na, Migs... siya si Brandon. Kaibigan siya ng Kuya ko."
Nagtagis ang bagang ni Migs at maangas na inismiran si Brandon. Mayamaya pa nang magpatalo rin siya at nauna na kaming nilampasan. Napahinga naman ako nang maluwang sa kawalan.
Hinila na ako nang tuluyan ni Brandon paalis sa building. Hindi na ako nakapagsalita dahil sa abalang pagpapantay ko ng mga yapak niya sa akin. Sa tangkad niya at sa haba ng binti niya ay nahihirapan akong habulin ang paglalakad niya.
"Sa—sandali lang..." pukaw ko.
Kinagat ko ang dila ko dahil sa ilang ulit na panginginig ng labi ko. Hindi ko ba alam kung bakit nagkaproblema ako bigla sa pagsasalita. Samantalang na-master ko na lahat ng klase ng communication service.
Bakit ngayon pa ako nauutal? Sa harap pa talaga ni Brandon? Gusto kong sapakin ang sarili. Hindi nagtagal nang pagbuksan ako ng pinto ni Brandon sa kotse niyang nakaabang lang sa tapat ng Global Tower.
Naguguluhan man ay pabagsak akong naupo sa passenger's seat ng kotse. Mabango sa loob at malamig kaya dagli kong inayos ang suot kong blouse at mini skirt. Malakas din akong tumikhim upang alisin ang kung ano mang nagbabara sa lalamunan ko.
Sumunod si Brandon sa loob at naupo sa driver's seat. Wala rin siyang imik. Madali lang niyang pinausad ang kotse, samantala ay panay ang lingon ko rito dahil nalilito talaga ako sa biglaang presensya niya.
"Totoo ba... na pinapasundo ako ni Kuya?" alanganing basag ko sa katahimikan.
Sa paninitig sa kaniya ay naalala ko na naman iyong eksena ng first kiss ko. Gusto kong isipin na sana nga ay siya na lang iyon, wala naman sigurong problema sa akin. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa akin at bakit ganito?
Tila nabaligtad ang mundo. Galit dapat ako sa kaniya sa pagnanakaw niya ng halik ko ngunit ang tanong— siya nga ba talaga iyon? Gustung-gusto ko iyong itanong pero natatakot ako sa magiging reaksyon niya.
Sa pananatili niyang tahimik ay nagbaba ako ng tingin sa kamay niyang nakahawak sa steering wheel. Sa suot niyang white button down shirt ay kitang-kita ko ang itim na itim niyang tattoo sa braso.
Dumagdag sa nakakatakot niyang awra ang tattoo na iyon na halos sakupin no'n ang kabuuan ng kaniyang braso. Nanginig ang labi ko at suminghap ng hangin dahil masyado akong naliliyo.
"Magsasayang ba ako ng oras na sunduin ka kung hindi?" kalaunan ay palatak niya.
Nagpang-abot ang tingin naming dalawa kaya mabilis pa sa kidlat na nag-iwas ako ng tingin. Bakit ko ba ito nararamdaman? Ano bang mali? Una ay ayos lang sa akin na siya ang first kiss ko, ngayon ay halos magwala ang nananahimik kong puso noon.
"Kung ganoon, bakit... ikaw?" segunda ko. "Bakit ikaw ang sumundo?"
"Sino ba ang ini-expect mong magsusundo sa 'yo?" Malamig ang boses niya, ‘sing lamig ng pakikitungo niya sa akin.
"I mean, wala namang sumusundo sa akin. May curfew lang ako pero hindi ako pinapasundo kahit sa family driver namin."
"Tanong mo kay Leo kung bakit nga ba? Kasi hindi ko rin alam."
"Ba—bakit ang sungit mo?" biglang tanong ko dahilan para matutop ko ang sariling bibig.
Bahagya siyang natigilan. Mabilis niya akong nilingon nang saktong maabutan kami ng red light sa kalsada. Naningkit ang mga mata niya kaya lalo lang akong natuliro.
"Sino ang lalaking 'yon? Boyfriend mo?" Pinagtaasan niya ako ng kilay.
Kamuntikan na akong matawa kung hindi lang pakiramdam ko ay nanganganib ang buhay ko dahil sa katotohanang nasa iisang kotse kami. Ako na katabi siya.
Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi. Sa nangyari pa ay natanaw ko ang pagsunod ng tingin niya sa labi ko kaya madali akong nag-iwas ng tingin. Mahina akong tumikhim.
"So, boyfriend mo?" pang-aakusa ni Brandon. "Hindi ba ay bawal ka pang mag-boyfriend?"
"T—twenty four na ako." Hindi ko alam kung bakit nasabi ko iyon at ano ang gusto kong palabasin.
"Alam ko, nabanggit ko kanina. Pero sagutin mo ang tanong ko, boyfriend mo ba iyon? Kung oo ay isusumbong kita kay Leo—"
Hindi ko na siya hinayaang matapos pa. "Hindi ko siya boyfriend! Wala akong boyfriend!"
Naiinis na nilingon ko siya. Magkadikit ang mga kilay ko, busangot din ang mukha ko at pakiwari ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig nang mapanood ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa labi ni Brandon.
What was that for? Bakit siya ngumingiti?
Ilang beses akong napakurap. Ilang beses ko ring tinangkang mag-iwas ng tingin pero napako sa kaniya ang atensyon ko. Titig na titig siya sa akin na para bang tinatantya pa niya ang emosyon ko.
Napansin ko rin ang mahigpit niyang pagkakakapit sa manibela. So, paano na ito? Paano ko ba matatakasan ang pagkabaliw ng puso ko gayong tila nangyari na? Ilang minuto kaming magkatitigan.
Hindi pa sana iyon matatapos kung hindi lang bumusina ang ilang sasakyan na nasa likuran ng kotse niya. Mahina siyang natawa at kaagad na pinaandar. Sa sumunod na mga segundo ay naputulan na ako ng dila.
Pareho kaming tahimik. Hindi pa nagtagal nang pumasok ang kotse sa loob ng Villa El Amor, deretso iyong nagtungo sa bahay nina Kuya at Ate Venice. Magkasabay naman kaming lumabas ni Brandon.
Nauna siyang maglakad papasok doon at sinundan ko naman siya. Sa pagpasok ko ay mabilis akong nakita ni Leon na naroon sa pahabang sofa. Tumayo siya at natutuwang sinalubong ako ng yakap.
"Tita Shanang!" masigla niyang banggit habang niyayakap ang leeg ko.
Gusto ko sana siyang buhatin ngunit nang tinangka ko ay kamuntikan na akong mapadapa kasama si Leon. Mabuti at kaagad na umalalay si Brandon, kinuha niya sa akin si Leonel at ibinaba.
"Baka mas mabigat pa iyong bata kaysa sa 'yo. Kumain ka rin nang magkalaman ka naman," patutsada niya na naging mitsa para uminit ang pisngi ko.
Saglit pa niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. Nawala na rin ang kaninang pagkakangiti niya, animo'y balik na naman siya sa pagiging seryoso at masungit. Kalaunan ay nauna rin siyang tumalikod.
"Tita Shanang, kumain ka po ng gulay para maging malakas ka," saad ni Leon kaya pinili ko na lang ang tumawa.
Paano ba ako naging Shanang? Saan ba iyon nakuha ni Leon? Ang pangit pakinggan, nakakahiya kung marinig iyon ng mga kakilala ko at baka pagtripan pa ako.
Sumunod ako sa kusina kung saan ay naroon na sina Kuya, Ate Venice, ang kambal na sina Trevor at Travis, si Brandon at Leon. Marami ang nakahaing pagkain kaya natanto ko na mukhang importante ang dinner na iyon.
"Gusto lang namin na ibalitang sa susunod na buwan na ang kasal namin ni Venice," panimula ni Kuya.
Tumango naman kami. Bilang pagsasaya at pagdiriwang ay binuksan nila ang isang champagne matapos kumain. Pinagsaluhan nila iyon ngunit wala naman akong natanggap kung 'di ang isang basong gatas.
"Ano 'to?" asik ko at sinamaan ng tingin si Kuya dahil siya ang may pakana nito.
"Para sa 'yo. Bawal ka pa sa ganito—"
"Kuya?" histerya ko at hindi makapaniwalang tiningnan siya.
Samantala ay pare-pareho naman kaming nagulat nang agawin sa akin ni Brandon iyong baso ko na may lamang gatas. Inabot niya sa akin ang hawak niyang wine glass kaya napamaang ako sa kaniya.
"Hindi mamumulat ang kapatid mo, Leo, kung patuloy mo siyang ini-spoil sa pagiging bata. She's not a baby anymore, she's twenty four years old for Christ's sake."