Chapter 3

2239 Words
Ang boses na iyon ni Brandon ang umalingawngaw sa kabuuan ng kusina. Napatingin kami lahat sa kaniya. Nangunot naman ang noo ko habang tinititigan ang seryosong mukha niya. Hindi ko akalain na siya ang magsasabi no'n para sa akin. Ipinagtatanggol ba niya ako? O dahil katulad ko rin siyang naiinis sa paghihigpit ni Kuya? Alam naman ng lahat sa kaibigan ni Kuya kung gaano niya ako pahalagahan. Kung gaano niya ako pinoprotektahan kahit hindi na dapat. May sarili na akong pag-iisip. Kahit papaano naman ay alam ko na ang tama sa mali. Siguro nga ay natatakot lang siya na magaya ako sa mga naging babae niya noon— iyong mga na-hit and run niya. Pero seriously, hindi ko naman iyon gagayahin. Hindi naman ako iyong tipo ng babae na ganoon. Wala pa akong karanasan pero kahit papaano naman ay ayoko ngang maranasan ang ganoon. Malakas akong napabuntong hininga, kapagkuwan ay ibinaba ang wine glass na ibinigay ni Brandon. Hindi ko kayang inumin iyon sa harapan nila. Oo at gusto ko ng kalayaan pero nahihirapan pa rin ako. "Tama naman si Brandon, Leo," segunda ni Ate Venice na siyang katabi ko sa hapag. "Kailangan niya rin ng experience sa mga bagay-bagay sa paligid niya." "I know, but just look at us. Alam naman natin kung ano ang mga naging experience natin sa buhay. Ayoko lang na ganoon, she's my baby for God damn sake." Frustrated na nilingon ako ni Kuya, tahimik naman ako dahil ayaw nang gatungan iyon. May point naman din siya. Tiningnan ko siya maging si Travis na may pagkakapareho ng kalakaran noon kay Kuya. Sunod kong nilingon si Brandon. Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi. Naalala ko ang nakaraang usapan nila noong isang linggo. Ang sabi ay marami rin siyang naging babae. Hindi lang iyon. Baka nga hanggang ngayon ay kabi-kabilaan pa rin ang mga babae niya. Hindi ko alam pero sa tuwing nai-imagine ko iyong mga babae niya na nakalingkis sa braso niya, o 'di kaya ay kahalikan niya ay sumisikdo ang puso ko. Nananakit iyon sa hindi ko masabing rason. "Iba naman siguro ang environment mo sa mga nakapaligid kay Shantal 'di ba?" sabat din ni Travis matapos niyang lasahan ang hawak na wine glass. Right. Kahit papaano naman ay alam kong mabubuti ang mga nasa paligid ko dahil takot na lang nila kay Kuya. Isa pa, ano bang malay ko? Never pa naman ako nakapasok sa isang bar, o kahit ang dumalo sa isang wild party. Wala pa sa kalahati iyong mga na-explore ko kumpara sa kanila. Ang kauna-unahang first experience ko lang ay ang first kiss. Umawang ang labi ko sa naisip at sa paninitig kay Brandon kaya dali-dali akong nagbaba ng tingin sa plato kong wala ng laman. "Daddy, baby mo rin si Tita Shantal? What does that mean po? Kapatid ko rin siya?" maang na tanong ni Leon dahilan para manahimik ang lahat. Si Ate Venice lang ang nagtangkang tumawa para sa kaniyang anak. "Hindi iyon ganoon, anak. But don't worry, gagawan ka ni Daddy at Mommy ng kapatid..." "Yay! Excited na ako!" si Leon. Tuluyan nang natawa ang lahat. Maski si Kuya na kanina lang ay seryoso, ngayon ay nangingisi na siya banda kay Ate Venice. Iba na rin ang pinag-uusapan nila. Hindi ako maka-relate kaya dahan-dahan na akong tumayo sa kinauupuan ko. Napansin ko ang pagbaling sa akin ni Brandon. Mataman niya akong pinagmamasdan ngunit hindi ko na siya nilingon at nagpaalam na lang na aakyat na sa taas para makatulog na. Kapag nandito ako ay hindi na ako pinapauwi ni Kuya. Mayroon naman ding guest room dito kaya roon na ako pinapatulog. Sa gabing iyon ay pinilit ko ang matulog kahit sobrang hirap. Nang magising ay kaagad din akong naligo at nag-ayos para makapasok sa trabaho. May ilan na akong damit dito na naiwan noon dahil sa palagian kong pagpunta rito noong nasa States pa si Ate Venice. Nagsuot lang ako ng usual formal attire. Isang kulay beige na longsleeve blouse at checkered trouser pants. Nakapaa pa ako nang makalabas ako ng kwarto. Sa isang kamay ko ay hawak ko ang sling bag ko, sa kabila naman ay sinusuklay ko ang buhok ko gamit ang mga daliri ko. Alas siete na ng umaga. Expected ko nang walang tao sa sala dahil mga eight pa sila nagigising. Naka-leave kasi si Kuya sa trabaho marahil para asikasuhin ang nalalapit nilang kasal ni Ate Venice. Kaya nagulat ako ngayon na naroon siya sa kusina, mag-isang sumisimsim ng kape sa counter table top. May ilan na ring nalutong almusal sa lamesa. Nangunot ang noo ko at saka sandaling ibinaba ang bag sa upuan. "Ang aga mong nagising? Hang over?" Ibinaba niya ang hawak na tasa. "Kumain ka na muna. Sinobrahan ko iyan para sa 'yo," aniya na inginunguso ang mga pagkain kaya naupo na rin ako upang simulang kumain. Kaunti na lang ang oras na natitira para sa akin dahil madalas naman ay sa mismong cubicle sa work na ako kumakain. Nagpupuslit lang ako ng biscuit para sa almusal ko at pasikretong ngumunguya habang walang calls. Sa tanghali na ang sunod kong kain. Samantalang ang coffee break ko naman sa hapon ay iyon na ang ginagawa kong dinner. Nangyari lang na may ganap kahapon kaya ako napakain nang wala sa oras. Una kong ginalaw ang toast bread at iyon ang nilalantakan ko ngayon. Hindi naman ako totally nagda-diet. Iyon lang kasi ang nakasanayan ko at bihira lang akong magkakain ng kanin. "Ang payat mo na. Bakit iyan lang ang kinakain mo?" anas ni Kuya nang mapansin iyon. "Bakit ka pa nagda-diet?" Nangunot ang noo ko at saka siya sinimangutan. Taliwas ang pwesto namin sa isa't-isa kaya naman ay kitang-kita ko ang pagtataas niya ng kilay. "May pumoporma na ba sa 'yo?" "Kuya naman!" angil ko, siya namang pagtawa niya pero saglit lang iyon. Bumalik din siya sa pagkakaseryoso niya. "Ang aga-aga. Iyan talaga ang gusto mong topic?" "Curious lang ako. Nabanggit kasi ni Brandon na may pumuporma raw sa 'yong lalaki sa trabaho mo. Mayroon ba talaga?" Napahinga ako nang malalim. Wala sa sarili nang humigpit ang pagkakahawak ko sa baso. Nanghihina na ibinalik ko ang atensyon kay Kuya. Brandon? Really? Bakit pati iyon ay kailangan niyang sabihin? "Oo, pumuporma pero binasted ko na. Magkaibigan na lang kami." Kahit labag sa loob na sumagot ay nagawa ko na. Hindi ako titigilan ni Kuya hangga't hindi niya nakukuha ang gustong sagot sa akin. Mayamaya pa nang tumayo ito sa pagkakaupo niya. Lumipat siya ng pwesto sa katapat kong upuan at dinungaw ako. "Look, Shantal, hindi kita pinaghihigpitan—" "Ano lang pala, Kuya?" Nag-angat ako ng tingin dito. "Kung hindi, ano pala itong ginagawa mo? Hindi ko kasi maintindihan bakit hanggang ngayon na twenty four na ako ay kailangan mo pa ring pasundan ang bawat galaw ko. Hindi ko makuha kung bakit naku-curious ka sa mga bagay na patungkol sa akin, which is hindi naman na dapat. Mag-aasawa ka na, Kuya, darating din iyong araw na makakaligtaan mo na ako..." "Kaya nga pinakiusapan ko sina Travis at Trevor," madali niyang banggit, rason para mapatigalgal ako sa harapan niya. "A—ano?" "Hindi kita pagbabawalan pero dapat nakabantay sila sa 'yo. Nandito na sina Venice at Leon, hindi ko na magagawa iyong pagpoprotekta sa 'yo twenty four seven. Kaya nakiusap lang ako sa kanila na sila na muna ang tumingin sa 'yo." "Hindi mo naman kailangang gawin 'yon," mahinang sabi ko, tuluyan nang nawalan ng isasagot pa. Huminga nang malalim si Kuya, kasunod nang paghawak niya sa kamay kong namamahinga sa lamesa. "Wala sina Mama at Papa kaya responsibilidad kita. Pagpasensyahan mo na rin si Kuya, I care for you a lot, Shantal. At mahal din kita." Nginiwian ko ito. Hindi ko gusto ang sinabi niya kanina, but knowing him, siya at siya pa rin ang masusunod ano man din ang pagtanggi ko. Kaya ko naman din sigurong pakiusapan sina Travis at Trevor. Hindi nagtagal nang makalabas ako ng bahay, naglakad lang ako palabas ng villa at sa bus stop na ako sumasakay. Sa paglalakad pa ay nadaanan ko iyong bahay nina Ate Venice na 'di kalayuan sa guard house. Sakto nang bumukas ang pintuan doon at iniluwa nito si Brandon. Nagulat ako, saglit pa akong napahinto sa paghakbang at mataman siyang tinitingnang palabas ng bahay nina ate Venice. Malamang na roon na siya nakatulog kagabi kasama ng kambal. Katulad ko rin na may trabaho siya kaya sa ganitong oras din ang alis niya. Gusto ko sanang paunahin siya dahil ayokong magtagpo ang landas namin. Hindi ko rin alam kung bakit o anong dahilan ko. May iniiwasan lang ako ngayon sa nararamdaman ko. Hindi pa ako sigurado pero kailangan ko na rin iyong iwasan. Gusto ko sanang tumalikod o 'di kaya ay magtago pero paano ko pa iyon gagawin kung nasa tapat ako mismo ng bahay nila. Tuluyan na ring nahanap ni Brandon ang mga mata ko. Like the usual na napapansin ko sa kaniya, seryoso siya at ang cold niyang tingnan. I feel like he's hiding something. Something na patungkol sa pagkatao niya kaya hindi niya ganoon ipinapakita ang expression niya. Or baka ako lang din itong nagko-conclude? Mahirap siyang basahin. Sa tuwing tumatawa siya sa kalokohan nina Kuya ay mahirap pa ring sabihin na masaya nga siya. Ewan ko, overthink malala naman ako nito. Napahinga ako nang malalim pero kaagad ko ring nahigit ang hininga ko nang maglakad siya palapit sa akin. Umawang ang labi ko habang pinapanood ang paglalakad niya. Hanggang sa huminto siya sa isang kotse na nasa gilid lang sa tapat ng bahay. "Papasok ka na?" aniya matapos buksan ang pintuan sa driver's seat. Nagawa pa niya akong dungawin sa bubong ng kotse nito. Ang isang kamay niya ay nakapatong doon at nakapangalumbaba siya sa gawi ko. Napalunok ako at umiling. Siya namang mahinang pagtawa niya. "Sure ka?" tila nang-aasar na sambit niya habang nakangising pinapasadahan ng tingin ang katawan ko. "Hindi naman kita ihahatid. Wala akong oras sa umaga lalo at magkaiba ang way natin papasok." "Ah..." Bahagya akong natawa upang pagtakpan ang kahihiyang natamo. Maliit na ngiti ang sumilay sa labi niya bago siya pumasok sa loob ng kotse. Hindi ko siya masyadong matanaw doon lalo pa dahil nauna na nitong pinausad iyon. Doon lang din yata ako tinablan ng aldrenaline rush ko sa reyalisasyong male-late ako sa trabaho. Mabilis akong tumakbo. Paglabas ng villa ay hindi ko na rin nakita pa si Brandon. Wala naman akong balak na sumakay o magpahatid sa kaniya. Tinakbo ko ang 'di kalayuang bus stop at doon sumakay sa nakaabang na bus. Naghuhumerantado ang puso ko kaya dagli ko iyong hinapo. Madali lang din naman nalamigan ang nag-iinit kong pakiramdam dahil sa aircon ng bus. Kalaunan ay umusad din iyon. Nakarating ako sa building ng eksaktong alas otso. Wala naman din masyadong ganap. Katulad pa rin ng nakasanayan na trabaho, tatanggap ng calls, magla-lunch break, tatanggap ulit ng calls, magre-report sa TL, coffee break at tatakbo patungo sa biometric para mag-out. "Sha!" Tawag sa akin ng isang boses, nang malingunan ito ay nakita ko si Diana na palapit sa gawi ko. Kasama niya sina Francine at Hazel. Close ko sila sa trabaho dahil magkakadikit lang ang cubicle namin pero hindi ko masabi na loyal sila sa akin. Minsan ay ayos lang sa kanila na hindi ako kasama. Kaya nakakapagtaka na mukhang may pakay sila sa akin ngayon. Napansin kong kumapal ang make up nila, ganoon pa rin naman ang attire nila pero mas naging fresh sila ngayon kung kailan pa-out na sa trabaho. "Bakit?" maang kong tanong nang yakapin ni Diana ang braso ko. Nakasabay ko sila sa loob ng elevator. Marami ang tao roon pero ang ingay nila ang pumupuno sa apat na sulok ng elevator. "Sumama ka sa amin, hindi pwedeng hindi dahil ilang beses mo na kaming tinanggihan!" matinis na sambit ni Francine. "Saan naman?" "Saan pa ba? Eh, 'di sa bar! Boys hunting hanggang umaga!" dagdag ni Hazel. "Huh? Hi—hindi ako pwede—" "Basta ay sumama ka! Kami na ang bahala sa Kuya mo!" tumatawang banggit ni Diana. "Alam mo bang napag-alaman ko na naging ex pala ng Kuya mo ang Ate ko?" "Really?" sabay na bigkas ng dalawa. Napanganga naman ako. Sa dami ng babae ni Kuya noon, sino roon? "Ex... fling?" alanganing saad ko, kasabay nang pagtatama ko. Si Ate Venice lang ang naging girlfriend ni Kuya. Siya lang ang sineryoso ni Kuya. Wala ng iba kaya alam ko na lahat ng babae na dumaan sa buhay ni Kuya ay puro nakalandian lang at naka-one night stand. "Oo! Parang ganoon na nga!" Humalakhak si Diana, hindi nagtagal nang makababa kami sa lobby. Sa paglabas pa namin ng building ay pare-pareho rin kaming napahinto. Katulad nila ay bumagsak ang panga ko sa sahig. "OMG! Sino 'yan? Ang gwapo!" tili ni Hazel at animo'y uod na binudburan ng asin. "God! Sinong sinusundo niya?" segunda ni Francine. "Boyfriend mo ba, Diana?" "How come?" Tumutulo ang laway ni Diana sa pagkakanganga niya. "How I wish... pero tara! Tanungin natin!" Gusto ko mang hilain si Diana nang magpatiuna siya sa pwesto ni Brandon, patakbo na siyang lumabas. Kasunod niya sina Francine at Hazel ngunit nananatili akong naroon sa hamba ng building. "Hello, pogi! May hinihintay ka? Sinong sinusundo mo?" maarte at maharot na pananalita ni Francine. Ngumuso si Brandon sa gawi ko. "Siya. Pasabi sa kaniya na dalian niya dahil may lalakarin pa ako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD