Mapait akong napangiti habang pinapanood ang pagsalansan sa mga maleta ko sa loob ng sasakyan nina Travis at Trevor. Sa kanila ako sasabay ngayon papuntang airport dahil hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob ko, lalo kay Kuya Leo. Pagkatapos ng nangyari kanina sa tanghalian ay hindi na ako umimik pa, na kahit nga siguro magwala ako ay buo na ang desisyon nila. Sasama at sasama ako sa Australia sa ayaw ko man o sa gusto. Sa huli ay sila pa rin ang masusunod. Sila ang nagdedesisyon para sa akin. Kaya ano pa palang saysay ng kaninang galit ko? Wala. Napunta sa wala ang paglalabas ko ng sama ng loob. Walang kumampi sa akin. Walang gustong pumanig sa akin, o kahit ang makinig lang sa mga hinanakit ko. Walang gustong yumakap sa akin at sabihing magiging okay din ang lahat, na mali o tama

