Emotions

2175 Words
MALIGAYANG KAARAWAN. Magkakasama rin tayong muli. Sino nga ba talaga si K sa buhay ko? Bakit ganito ang nararamdaman ko sa kaniya? Simula nang mabasa ko ang liham na iyon at natuklasang iyon pala ang tunay na araw ng aking kapanganakan, hindi ko maiwasang isipin na magkamag-anak kami. Nakaramdam ako sa kaniya ng lukso ng dugo. Nakaramdam ako ng masakit sa aking dibdib at nanumbalik ang sama ng loob ko sa aking totoong mga magulang na hinayaan na lang akong lumaki na malayo sa kanila. Sa halip na magdiwang ay umiyak na lamang ako nang umiyak. Hindi ko maiwasang gustuhing hanapin na ang aking nakaraan. Hindi ko maiwasan ang kasabikan na makitang muli ang babaeng iyon. “Pa’no kung tama ang hinala mo?” urirat sa akin ni Kuya Symon. Pilit niya mang ikubli ay nakikita ko sa maluha-luha niyang mga mata ang lungkot. “Pa’no kung may pamilya ka pa palang naghahanap sa `yo, iiwan mo ba ako?” Malapunyal na tumarak ang mga tanong na iyon sa aking puso. Magkahalong lungkot at awa ang naramdaman ko para kay kuya. Lungkot dahil buong buhay ko, sila ang aking naging pamilya tapos sa isang iglap lang ay malalaman kung sa iba pala ako nabibilang. Awa dahil muli na naman siyang mag-iisa, lalo na’t wala na sina mama at paa. Gustuhin ko mang makasama ang tunay kong pamilya kung mayroon pa nga, tiyak na hindi ko maiiwasang mag-alala para sa kaniya. Isa pa, sanay na akong siya ang palagi kong kasama. Hindi ko makakayang malayo sa kaniya. Napaluha ako, “Hindi kita iiwan,” tugon ko. “Hindi na ako babalik sa kanila dahil minsan na nila akong pinabayaan. Kung mahal talaga nila ako, bakit hindi nila ako hinanap kaagad at kinuha?” Hinawakan ko ang mga kamay ni kuya. Nanginginig ito at pansin kong tila ba nagpipigil siya sa pag-iyak. “Pa’no kung may malalim palang dahilan kaya tiniis nilang mawalay ka sa kanila dahil sa pagmamahal nila sa `yo?” Ibinaling niya sa akin ang mga matang tila hindi magtatagal ay tuluyan nang luluha. “Maiintindihan ko. Hindi ko ipagkakait sa `yo ang panahong makasama sila. Binibigyan ka ng pagkakataon ng kapalaran na balikan ang mga nawala sa `yo.” Napailing ako. “Walang magbabago. Dito lang ako sa kinikilala kong tunay na pamilya.” Bumuntong-hininga ako upang pagaanin man lang kahit konti ang nabibigatan kong dibdib. “Haharapin ko sila at patatawarin, pero ito na ang buhay ko kaya hindi na ako babalik pa sa kanila.” “Mira—” “Tama na kuya!” sabat ko sa kaniya. “Masyado na akong maraming dalahin na pinapasan mo sa iyong balikat. Tama na! H’wag mong pahihirapan ang loob mo nang dahil lang sa `kin. Wala pa mang dumarating para bawiin ako, ngayon pa lang sasabihin ko na sa `yo na dito lang ako sa totoong naging pamilya ko. Dito na lang ako sa `yo, please?” Hindi ko na napigilang mapahagulhol dahil sa nararamdaman kong masakit sa aking dibdib. Bakit ngayon pa bumabalik ang nakaraan kung kailan naisip kong hindi ko na sila kailangan. Oo, gusto ko silang hanapin para masagot ang mga tanong ko, pero hindi para bumalik sa kanila at iwan ang taong noon pa man ay tinanggap na ako, minahal at itinuring na pamilya. Hindi katulad nila na pinabayaan akong mawala. Niyakap ako ni Kuya Symon. Pilit niya mang ikubli ang kaniyang pagiging emosyunal ay dinig ko ang impit niyang mga hikbi. Alam kong nasasaktan siya at natatakot dahil ayaw niyang mag-isa. “Salamat, Mira,” aniya. “Ano’ng sinabi niya sa `yo? Sino ba siya?” urirat ko sa kaniya nang maalala ko si K. Marahang humiwalay si kuya sa pagkakayakap sa akin at iiniwas ang kaniyang tingin. Ihinakbang niya ang kaniyang mga paa patalikod sa akin. Tumanaw siya sa kalawakan ng garden mula sa terrace ng kwarto ko. Madilim ang katanghalian dahil sa pagbuhos ng ulan na tila muling nakikiramay sa aming kalungkutan. “Hindi ko siya naabutan,” sagot niya. “Mabilis siyang kumilos. Mahusay magtago. Mahusay ring mag-disguise dahil maaaring matagal na pala siyang nakikihalubilo sa atin. Maaaring hindi lang siya nakatiis noong birthday mo raw. Kung sino man si K, mahal ka niya.” Lumingon siya sa akin. “Ako kaya, matatanggap niya?” makahulugan niyang tanong na nagbigay ng palaisipan sa akin. “Bakit?” naibulalas ko. “Siya pa ba ang hindi tatanggap sa `yo gayung kung tutuusin ay malaki ang kanilang utang na loob sa pamilya mo? Magagalit pa ba siya kung sino man siya gayung wala naman sila sa tabi ko noong kailangan ko ng pamilya?” Muling pumatak ang aking mga luha. “Kalimutan mo na ang mga sinabi ko.” Humakbang na siya paalis upang iwanan ako. Ang duda ko ay papasok lamang siya sa kaniyang kwarto at doon maglalabas ng kaniyang sama ng loob. “H’wag ka nang mag-alala.” “Kuya, aalis ako mamaya. Okay lang ba?” paalam ko kay kuya bago siya tuluyang makalabas ng aking kwarto. “Kasama ko naman sina Alvin at Lizbeth.” Muli siyang lumingon sa akin. “Saan kayo pupunta?” untag niya. “Sa pinsan ni Lizbeth na isang psychologist, gusto ko sanang sa kaniya muna lumapit at siya na rin ang mag-refer sa akin sa isang mahusay na psychiatrist kung kailangan ko man,” paliwanag ko sa kaniya. “Sige, mag-iingat kayo.” Muli niyang iiniwas ang kaniyang tingin sa akin. “Tawagan mo na lang ako kapag may problema o kaya naman ay kapag kailangan mo ng tulong.” Tuluyan niya na akong iniwanan. Ayaw niya mang ipahalata, alam kong sobrang bigat ng kaniyang dinaramdam at sana ay mayroon akong magawa upang mapawi iyon at muli siyang makitang masaya. Ngumiting walang halong sama ng loob at pangamba. Ngumiting walang bahid ng pagbabalatkayo.   *** NAGTUNGO KAMI sa isang commercial building na malapit sa isang malaking ospital. Ang sabi ni Lizbeth, doon ang opisina ng pinsan niya at may space rin doon na malimit ganapan ng mga counseling sessions. Dapat sana ay pupuntahan na lamang ako ni Mr. Asuncion sa coffee shop ngunit mayroon daw itong kailangang asikasuhin kaya hiniling niya sa sadyain na lamang siya at nag-invite na rin kay Lizbeth na makasabay kaming mag-dinner. Habang paakyat kami ng third floor ay pabilis naman nang pabilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko mawari kung kinakabahan lamang ba ako, kung mayroong masamang mangyayari o kung anuman. Napuna ko ang maya’t mayang pagtitinginan nina Alvin at Lizbeth na para bang nagtataka sa ikinikilos ko. Sa daan pa lamang kasi ay tahimik na talaga ako, hindi lang dahil sa naging dibdibang pag-uusap namin ni Kuya Symon kung hindi maging sa kabang ito na gumugulo sa isip ko. Huminto si Lizbeth sa tapat ng room 303. Saka ko lamang napansin ang pangalang nakadikit doon, dahil marahil kanina pa malalim ang aking iniisip. Nilingon ako ni Lizbeth na para bang nagtatanong. Tumango lamang ako. Umalingawngaw sa tahimik na pasilyo ang mga katok ni Lizbeth sa pinto at hindi naman nagtagal ay naulinigan ko ang boses ng isang lalaki na nagsalita mula sa loob. Binuksan niya ang pinto at nakangiting bumati sa taong naghihintay sa loob. “Hi, kuya!” bati niya. “Come in, Liz. Tapusin ko lang `to.” Mula sa labas ay nakita ko siyang nakatalikod at abala sa pakikipag-usap sa telepono. Pamilyar ang kaniyang boses, hindi ko lang matandaan kung saan ko narinig. Hanggang sa aming pag-upo ay nanatili akong tahimik at sa pagkakataong ito ay binabayo na ng kaba ang aking dibdib. Malamig ang bakal na hawakan ng silya sapagkat doon nakaharap ang aircon. Nanunuot ang lamig sa loob ng kuwarto hanggang sa ang mga buto na nagdulot sa akin ng bahagyang panginginig. Ang liwanag sa loob ng kaniyang opisina, nakasabit sa dingding ang mga naka-frame niyang achievements sa loob ng maikling panahon niya pa lamang sa kaniyang propesyon. Nakaaagaw rin ng pansin ang maliit na book shelf sa sulok na puno ng mga libro na hindi lahat ay tungkol sa psychology at science. Magkatulad yata sila ni Lizbeth na mahilig ding magbasa ng libro. Napako naman ang aking paningin sa tatlong uri ng succulent sa center table. Bahagya akong lumapit doon at marahan kong sinipat ng aking daliri ang maliliit na dahon ng jade. Hindi ko namalayang nakangiti pala ako. “Mahilig ka rin ba sa succulents, Ma’am Mirasol?” sita sa akin ni Mr. Asuncion na ikinagulat ko. Dagling nabaling sa kaniya ang aking tingin at nagulat ako sa nakangiting mukha na bumungad sa akin. Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig nang makilala ko siya. “Ikaw?” naibulalas ko. “May iba ka bang inaasahan?” Napakunot ang noo niya. “Hindi ba sinabi ni Liz na ako ang pinsan niya?” Makahulugan niyang tinitigan si Lizbeth na nag-peace sign sa kaniya.” “Sorry, need ko palang sabihin?” pabirong tugon sa kaniya ni Lizbeth. “Sige na nga, hindi na,” tumatawa niyang tinuran. “Can we talk for a while? P’wede kayong mag-stay sa lobby habang naghihintay.” Kaagad namang tumalima sina Lizbeth at Alvin sa kaniya. Pinagmasdan ko lang sila habang papalabas sa kuwartong iyon hanggang sa kaming dalawa na lamang ang maiwan. Sinenyasan naman niya akong maupo sa silyang nasa harap ng table niya. Hindi ko maunawaan kung bakit dumoble ang panginginig ng aking katawan at para bang nanghihina ang aking mga tuhod habang inihahakbang ang aking mga paa palapit sa kaniya. Hanggang sa paglapat ng puwet ko sa silya ay hindi pa rin ako makatingin ng diretso. Hindi ako takot sa doktor o kung anuman. Ang sabi ko nga noon ay wala akong kinatatakutan, ngunit nagkamali ako. Hindi ko lang talaga maunawaan kung bakit ganito na lamang ang reaksyon ng puso ko tuwing makikita ko siya. “Ngayon, makapagpapakilala na ako ng pormal sa `yo. Hindi ko kasi `yon nagawa noong una tayong mag-meet sa coffee shop mo, Ma’am Mirasol.” Iinabot niya sa akin ang kaniyang kanang kamay upang makipagkamay sa akin. “I’m Zachary Asuncion, an acting psychologist.” Ilang segundo rin akong napatitig sa kaniyang nakalahad na kamay, nagdadalawang isip man ay nakipagkamay ako sa kaniya upang hindi siya makahalata at hindi ako mapahiya. “Mirasol Villaverde po.” “I know,” dagli niyang tinuran habang hawak pa rin ang aking kamay. “At matagal ko na talagang gustong makilala ang Mirasol na nasa harapan ko ngayon.” Ngumiti siya. Sa kabila ng confident at pagka-pormal na ipinakikita niya sa akin ay nadama ko rin ang panginginig ng kaniyang kamay bago niya man lang ako tuluyang bitiwan. Noon ko lang napansin na hindi rin mapakali ang kaniyang balintataw na tila ba hindi pa makapagdecide kung titig sa akin o sa kung saan. Ilang sandali kaming natigilan hanggang sa magkasabay kaming natawa. Hindi ko alam kung bakit nang magtama ang aming paningin ay para bang bigla kaming nagkaunawaan. Para bang unti-unting nalulusaw ang hiya, ang pag-aalala at takot na nasa puso ko. Ngunit ganoon pa man, nanatili ang kakaibang kaba na dulot niya at ginatungan pa iyon ng kaniyang makahulugang mga titig sa akin. “So, how are you? Masaya akong nakita kitang ngumiti,” saad niya. Inilapat niya ang kaniyang likod sa kaniyang kinauupuan. “Huli kitang nakita sa art exhibit, umiiyak ka. Takot na takot ka at parang hiyang-hiya habang hinahabol ng mga tingin ng mga tao ro’n. Gusto sana kitang tulungan at agawin sa tinatakasan mo, pero hindi mo ako hinayaan.” Kung hindi ako nagkakamali, may nakita akong lungkot sa kaniyang mga mata. Ganoon pa man, bigla akong natigilan nang may maalala ako dahil sa kaniyang mga tinuran. …magiging mapalad ka sa araw na ito sapagkat makakabangga mo si the one sa isang mataong lugar. “Ikaw `yon?” nauutal kong tanong sa kaniya. Ngunit ang totoo, alam ko. I’m just trying to deny it kasi nahihiya ako na nakita niya ako sa sitwasyong iyon. Noong mga panahong pinagtatawanan ako at nagmukhang baliw sa mga mata ng mga taong hinusgahan ako sa halip na unawain at malasakitan. Nagawa pa nilang pagtawanan ako na para bang hindi sila nagkakamali at nakaranas na mapahiya. Tumango siya. “Mula noon, palagi na kitang tinatanong sa pinsan ko kaya lang, tingin ko nagsisinungaling siya sa `kin at mayro’n siyang hindi sinasabi.” “Dahil ako dapat ang magsabi no’n,” sabat ko. “Mabuting tao ang kaibigan ko kaya nagtitiwala akong kahit kailan ay hindi niya ipagsasabi ang lihim ko.” Nang mga sandaling iyon ay napatitig ako sa kaniya habang ganoon din siya sa akin. Tila pareho kaming naghihintay sa sasabihin ng bawat isa hanggang sa mapansin ko ang pag-awang ng kaniyang mapupulang labi. “Your secret is safe with me.” Huminga siya ng malalim. “Ikaw, gusto mo rin bang malaman ang lihim ko?”   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD